CHAPTER 3 - Sino ang kumuha?

1528 Words
IPINAGWALANG bahala na lang ni Virginia ang nangyari at hindi na uli binanggit ang tungkol kay Mang Bining. Alam niyang lalo lamang matatakot si Taweng at hindi na makakatulog mag-isa. Mangungulit na naman itong sumiksik sa higaan niya o kaya ay magpapabaling-baling ng higa. Mayuyugyog ang double deck na hinihigaan nila at hindi rin siya makakatulog nang maayos kapag nagkataon. Nang makapanghalian... "Ayusin n’yo na ni bakla ang parlor bago ako pumunta roon," utos ni Teresita habang nagpapahid ng cream sa mukha. Mula sa salamin ay natatanaw ang dalagang naghahanda ng damit na isusuot. "Sige nay," pagkasabi ay lumabas na si Virginia. Magkasama na silang naglakad ni Taweng papunta sa labasan, bitbit ang mga gagamitin ng ina sa panghuhula at pagkausap DAW sa mga kaluluwa ng mga yumao. Sumakay sila sa traysikel at nagpahatid sa kabilang kanto kung saan matatagpuan ang hanay ng mga parlor ng manghuhula. Huminto ang traysikel sa tapat ng isang maliit ngunit maayos na pwesto. Sa gawing itaas ng pintuan ay nakalagay ang karatulang, MADAM TEREECE, the Psychic'. Kung pagmamasdan mula sa labas, aakalaing mahusay at tunay na manghuhula ang matatagpuan sa loob ng parlor na iyon. Nang makababa sa traysikel ay kinuha ni Virginia ang susi at binuksan ang padlock. Inangat naman ni Taweng ang shutter door at saka sila magkasunod na pumasok. Mabilis ang pagkilos ng dalawa, palibhasa'y kabisado na ang mga dapat gawin. Naghati sila sa mga gawain. Habang inaayos niya ang mga gamit ng ina, nagsimula namang magwalis si Taweng. Pagkatapos ay isinunod nito ang paglalampaso ng sahig. Nagsisindi na siya ng mga scented candle nang dumating ang ina. Muli na naman siyang humanga sa itsura nito. Bagay na bagay ang damit na tinahi niya. Maging ang mga accessories na suot nito ay maganda sa paningin. Ang make-up na ipinahid nito sa mukha ay nakadagdag ng malakas na appeal. "Kung hindi ko kilala ang motherhood mo tiyak na isa ako sa maniniwalang magaling nga siyang manghuhula at nagagawa nga niyang kumausap ng mga kaluluwa," bulong ni Taweng. Agad naman niyang ipinagtanggol ang ina, "Marunong naman talagang manghula ang inay ano ka ba? Marunong siyang bumasa ng guhit ng palad at marunong din siyang magbasa ng tarot cards. Ang hindi lang totoo sa kanya ay ang paggamit ng crystal ball, at ang pagtawag sa kaluluwa ng mga patay na gustong kausapin ng kostumer niya. Sila ang nagre-request sa inay kaya pinagbibigyan sila. Mali nga, kasi niloloko lang sila. Pero 'yong iba ay nagkakaroon na ng katahimikan pagkatapos makahingi ng tawad at mapatawad naman ng mga mahal nila sa buhay kahit kunyari lang." "O, Zhazha Padilla. Wala na akong sinabi. Ikaw na ang dakilang anak na palaging may pangangatwirang tama para sa motherhood!" Hindi pa nagtatagal nang may tatlong babaeng pumasok sa parlor nila. Inasikaso niya agad ang mga ito. "Magpapahula kami, ate. Nandiyan na ba si Madam Tereece?" tanong ng isang nakapusod ang buhok. "Nandiyan na siya sa loob, nagme-meditate pa nga lang. Maupo muna kayo," nakangiti niyang sabi pagkatapos ay pumasok na sa kinaroroonan ng ina. Parang isang clinic at mga pasyente naman ang tatlong babaeng kapapasok lang. Binigyan ni Taweng ang mga ito ng numero. Sandali pa ay may pumasok uli at gaya ng nauna, binigyan din ang mga ito ng numero. Walong katao agad ang magkakasunod na pumasok. Lima sa mga ito ang magpapahula at ang tatlo naman ay kasama lang. "Lima na ang may hawak na numero, .ay, magtatawag na ba ako?" "Teka lang, hayaan mo pa silang maghintay sandali. Mas maganda kung hindi tayo nauubusan ng kostumer sa loob. Malaking propaganda iyan para mas makahatak tayo ng magpapahula. Mas maraming nakikitang tao dito sa loob, mas marami tayong maeengganyong dito na magpahula dahil magaling ako." Hindi naman siya kumontra sa sinabi ng ina. Marami namang nagkatotoo sa mga hula nito kaya naman marami ang dumadayo sa kanila. May mga regular silang kostumer; mga negosyanteng bago gumawa ng pasya tungkol sa negosyo ay kumukunsulta muna. May ginagawa rin silang accessories na kunwaring lucky charm, o kaya ay pangontra sa kung ano-anong gawa daw ng itim na mahika. Nabibili naman ang mga ito sa halagang limang ulit sa naging puhunan nila. Ultimo mga simpleng batong pinintahan nila ng ibang kulay at inilagay sa retasong inayos lang sa pagkakatahi ay nabibili rin, pangontra na sa balis at usog. Pinaniniwalaan ng mga bumibili kaya siguro nagpapatotoo ang mga ito na epektibo raw. Alam niyang may mali sa ginagawa ng ina, at ang hindi pagtutol at pagtulong pa ay pakikipagsabwatan na ring matatawag. Palagi na lamang niyang iniisip na positibo naman ang nagiging resulta sa nakakarami kaya nababawasan na ang kurot sa kanyang kunsensya. Isa pa, dito sila kumukuha ng ikinabubuhay. Saglit pa ay sumenyas na ang inay niya sa kanya. Mag-uumpisa na ito sa panghuhula. "Number one," tawag niya matapos iumang ang katawan sa tapat ng pintuan at hawiin ang kurtinang yari sa mga shells na may iba't ibang kulay. Tumayo agad ang tatlong babaeng unang pumasok kanina. Kung hindi siya nagkakamali, kasing edad niya ang mga ito. Iginiya niya ang tatlo papasok. Matapos maghubad ng sandalyas at tsinelas, lumapit na ang mga ito sa mesa ng inay niya. Nakahanda na ang malalapad na throw pillow sa sahig na nasasapnan ng makapal at malambot na pulang carpet. Katapat iyon ng mababang mesa ni Teresita na nakaupo naman sa kabila at paharap sa mga magpapahula. Naka indian seat ito at animo isang napakahusay na psychic. Madalang kung magsalita at matiim kung tumingin. Tila binabasa ang saloobin at iniisip ng mga babaeng kaharap. "May nawawala po akong gadget at malaking halaga. Gusto ko pong malaman kung sino sa mga kasama ko nang gabing iyon ang kumuha."Malungkot na sabi ng babaeng may brace ang ngipin matapos tanungin ni Teresita kung ano ang sadya. "Ano ang nais mong gamitin natin upang matukoy kung sino ang taong hinahanap mo, at gumawa sa iyo ng ganoon?" seryoso nitong tanong. "Cards po, Madam Tereece." Nakamasid lang si Virginia sa ina at pagkatapos ay inilipat naman ang tingin sa tatlong nakaupo sa harapan. HABANG nagbabalasa ng mga baraha si Teresita ay palihim nito pinakikiramdam ng dalawang kasama ng nagpapahula. Lihim itong napangiti. Pinagkikiskis ng babaeng nasa gawing kanan ang hinlalaki ng paa sa katabing daliri. Bahagya ring inuuga ang tuhod na parang hindi mapakali. Ang nasa gawing kaliwa naman ay pinupulupot ang dulo ng panyong hawak matapos ipahid sa pawisang mukha. Muling sumeryoso ang mukha ng manghuhula nang iangat ang mukha. "Tatlong beses mong i-cut." Utos nito na ang baraha ang tinutukoy. Sinunod naman ito ng babae sa gitna. "Ngayon, pumili ka ng tatlo at pataob mong ibaba sa mesa." Sumunod uli ang babae. Ilang baraha ang patihayang ibinaba ni Teresita sa mesa, katabi ng tatlong nakataob nang simulang basahin ang nakikita sa mga baraha. Mabilis ang bawat pagtango ng babae sa gitna. Palatandaang tama ang mga naririnig. Lalo namang hindi napakali ang dalawang katabi nito. "Babae. Babae ang kumuha ng mga nawawala sa iyo. Malapit lang siya sa iyo. Napakalapit!" "Malapit sa akin? Babae? Sino po siya, Madam? Masasabi n’yo po ba kung sino sa mga babaeng malapit sa akin ang gumawa no'n?" "Dinaramdam ko, ang mga nakita ko lamang sa baraha ang maaari kong sabihin sa iyo. Ang malinaw na itsura ay malabo rin sa mga barahang napili mo. Ang tanging maipapayo ko lamang ay huwag kang masyadong magtitiwala. Hindi lahat ng kaibigan ay maari mong pagkatiwalaan. Maging mapagmasid ka, at talasan ang pakiramdam. Hindi mo nasisiguro ang totoong motibo nang paglapit nila sa iyo." May patama para sa dalawang kasama ng babaeng nagpapahula ang sinabi ni Teresita. Hindi totoong nahulaan kung sino, ang naging kilos lang ng mga ito ang pinagbasehan. Nagpasalamat ang babae at saka tumayo. Kasunod nito ang dalawang kasama. Palabas na ang tatlo nang mapatid ang isa. Maagap naman itong nahawakan ni Virginia. Nakita ng dalaga ang pagkislap ng munting liwanag. Isang malabong senaryo na unti-unting luminaw sa paningin niya pagkaraan ng ilang segundo. "Tawagin mo na ang susunod, Virginia." Maotoridad na tinig ni Teresita ang nakaawat sa tila panonood niya sa eksenang may kinalaman sa tatlong babaeng palabas na. Agad siyang sumunod sa ina at tinawag ang susunod na magpapahula. Nakasunod siya nang tingin sa babaeng natisod. Sa babaeng nakapusod at nakaupo sa gawing kaliwa ng nagpapahula kanina. "Siya ang kumuha ng hinahanap ng kaibigan niya. Ibinalot niya sa supot na papel at ipinasok sa plastic bag. Lumapit siya sa basurahan at isiniksik iyon sa loob. Nang matapos ang kasiyahan nila ay tumulong siya sa paglilinis. Siya ang nagkusang magdala ng mga basura palabas nang magpaalam na uuwi. Kinalkal niya ang mga iyon sa malayo at nang makuha na ang itinago ay nagmamdali siyang umalis. Ang galing ng inay, nalaman niya ang totoo! Kaya pala tinitignan niya 'yong babae kanina. Hindi niya lang sinabi sa nagpahula at pinaringgan lang iyong kumuha. Siguro ay matututo na sila pareho. Sana ay magsisi sa nagawa niya 'yong kumuha at 'yong isa naman, sana ay maging maingat na sa susunod," bulong niya sa sarili. Muling binalewala ang kakaibang naganap sa kanya. Hindi na naman binigyang pansin ang kakayanang nakita ang nangyari matapos mahawakan ang babaeng hindi naman natukoy ng kanyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD