CHAPTER 4 - Palabas ni Madam

1592 Words
TUWANG-TUWA si Teresita matapos bilangin ang kinita para sa araw na iyon. "Kung palaging ganito ang kita ay napakasarap magtrabaho. Konting balasa ng baraha, konting basa ng guhit sa palad, konting akting at konting payo, BOOM! Pera na!" siyang-siya nitong sabi. Nailing naman si Virginia pagkarinig sa sinabi ng ina. Kahit paano ay nag-aalala siyang mabuko ito ng mga nagpapahula. Nag-aalala siyang dumating ang araw na mahantad sa mga tao ang katotohanan, na ito ay isang peke. "Hindi mangyayari ang ganoon, Virginia. Bago pa ako gumawa ng isang pagsisinungaling ay pinag-aaralan ko na agad kung paano sasagutin. Bago ko pasukin ang isang gusot ay inaalam ko muna kung paano ang paglusot. Iba ako. Ako si Madam Tereece!" Nagmamalaki at puno ng kumpyansa nitong sagot nang paalalahanan niya. Hindi na niya muli pang binanggit ang bagay na iyon dahil nagliliparang kung ano-ano ang tumama sa kanya pagkatapos. "Mas marunong ka pa sa akin! Kasalanan ko ba kung nagpapaloko sila? Sinabi ko bang puntahan nila ako dito at magpauto sa akin? Hindi! Sila ang may gusto ng gano'n. Gusto nilang may pinaniniwalan kahit mga bagay na imposible. Walang manloloko kung walang nagpapaloko. Huwag na huwag mong pinakikialaman ang diskarte ko! Ano’ng sinasabi mong parehas? Sa panahon ngayon kapag parehas ang diskarte ng isang tao, gutom ang aabutin niya. Baka ultimo karayom na pang suwero ay hindi niya kayang bilhin para sa sarili. Aber, anong parehas na hanapbuhay ang nalalaman mo? Ano'ng trabaho ang ganito kadali pero malaki ang kita? Ano'ng hanapbuhay ang nanloloko ka na lang ay nirerespeto pa ng maraming tao? Hindi mo ba alam na ultimo mga kurakot na politiko ay nagpupunta sa akin upang humingi ng payo? Sinusuyo pa ako upang ikampanya ko lamang sa mga parukyano ko? Sige, kapag may malilipatan tayong gano'n ay titigil na ako. Mabilis pa sa alas kwatro sasama agad ako sa'yo!" Ngunit ano nga ba ang maisasagot niya? Wala. Kaya nanahimik na lang siya at sinikap magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa maling gawaing tutulan man ay wala siyang lakas ng loob na pigilan. Baluktot man ang katwirang pinaniniwalaan nito ay wala naman sa kanya ang kakayanang ituwid iyon. Bilang anak, nanatili lang siya sa tabi ng ina kahit pa nga alam niyang mali ang ginagawa nito. Masasanay din siya, iyon ang ipinasok niya sa kanyang utak. Pilit niyang binigyan ng tamang pangangatwiran ang maling gawain ng ina. Mabigat man sa kanyang kalooban, hinayaan na lamang niyang gawin nito ang alam at gustong hanapbuhay. LINGGO. Gahol na gahol sila ni Taweng sa pagseset-up ng mga props na kakailanganin ng ina bilang Madam Tereece. Naglagay na siya ng paskil sa labas ng pinto. ON GOING SESSION ang isinabit niya sa doorknob at saka ini-lock. Eksaktong alas dose ng tanghali ay nagsara na sila para wala nang pumasok para magpahula. Nakaiskedyul kay Mrs. Corpuz ang alas-tres ng hapon. Kakausapin ng ginang ang kaluluwa ng asawa sa pamamagitan ng kanyang inay. Natutulog pa ito sa tanggapan ng mga kliyente at nagpapagising ng alas dos y medya. Matapos masigurong kasado na ang lahat, nagpalipas pa sila ni Taweng ng ilang sandali. Nang sumapit na ang oras na ibinilin ng ina ay saka pa lang niya ito ginising. Wala pang alas tres ay dumating na ang kanilang kliyente. Suki nila ito, isa sa naniniwalang may kakayanan nga ang kanyang inay. Nahuli nito ang asawa at ang kulasisi dahil sa hula ng inay niya. Nang makaiwas ito sa aksidente, naniwala itong dahil din sa inay niya. Magalang nilang inasikaso ang mayamang ginang pagdating. "Nandiyan na ba si Madam Tereece?" tanong nito. "Opo, Mrs. Corpuz. Halina po kayo sa loob." Wala namang kakibo-kibo si Taweng. Naaakit ito sa naglalakihan at nagkikintabang alahas ng biyuda kung kaya siyang-siyang pinagmamasdan ang mga iyon. Pasimple niya itong binato ng hawak na basahan kung kaya natauhan, "Makatingin ka naman wagas. Baka mapagkamalan kang isnatser o kaya ay holdaper niyang si Misis, sige ka." "Over 'yon, ha!" Reklamo nito. "Inisip ko lang kung kailan kaya ako makakapagsuot ng ganyan. Gaganda kaya ako? Dudumugin kaya ako ng mga boys?" Tila nangangarap nitong sabi. Nakatapat ang magkasalikop na palad sa dibdib at bahagyang nakatingala. "Sigurado 'yon, girl," sagot niya. "Talaga?" "Oo naman. Mga HOLDAPER na boys. Tapos kapag nanlaban ka, lalagyan ka ng gripo sa tagiliran!" Umikot ang itim sa mga mata nito at umirap, "Basag trip ka talaga. Very supportive kang friend, no? Pangarap na lang, Bella Flores ka pa rin." Seryoso niya itong tinignan, "Alam mo girl, kahit walang kumikintab na alahas sa katawan mo, maganda ka pa rin. Kung ang paglapit ng mga boys ay dahil lang sa suot mo, huwag na lang. Mas magiging happy ka kung magugustuhan ka nila kahit walang gano'n. Iyong mamahalin ka ng ikaw ay ikaw. Kasi mabait ka, sincere, maalaga, loyal at napakasarap magmahal," matapat niyang sabi. "Aaaaaa..." naglalambing nitong sabi kasunod nang pagyakap sa kanya."Totoo ba 'yan, girl? Hindi echos lang?" nakangiting at nagpapa-cute nitong tanong. ''Naman! Trulalu at walang halong eklabu!" Pakenkoy niyang sagot. "Ehermn!" boses ni Teresita na nakapagpalingon sa kanila. Tila nagbabagang palaso ang tinging ipinukol sa kanila. Kumilos na sila. Siya papasok sa kinaroroonan ni Mrs. Corpuz at si Taweng naman ay sa bahaging tagiliran na natatakpan ng dibisyong natitiklop. Siya ang mag-assist sa ina at si Taweng naman ang bahala sa effects. Madalas na nilang ginagawa ang bagay na iyon kaya kabisado na nila kung paano. Maning-mani na ika nga. At nag-umpisa na ang palabas ng pekeng medium. Umusal ito ng mga kataga, mga katagang ito mismo'y hindi alam ang ibig sabihin. Pagkatapos ay bumitaw na ito sa kamay ng hawak-hawak na ginang at bahagyang pinaikot ang ulo habang nakapikit ang mga mata. Nang banggitin nito ang salita na siyang senyas upang magpalabas ng malamig na simoy ng hangin, agad na nga iyong nangyari. Nayakap pa ni Mrs. Corpuz ang sarili nang ginawin gano'ng isang malaking bentilador lang na nakatapat sa isang palangganang puno ng tube ice ang pinagmumulan ng lamig. Patay ang maliwag na ilaw. Tanging ang kulay pula at dilaw na bombilya ang nakabukas sa gawing sulok ng kwadradong silid na pinagdarausan ng pagtawag KUNO sa kaluluwa. Dahilan upang magkaroon ng makapanindig balahibong kapaligiran. Paniwalang-paniwala na si Mrs. Corpuz kaya isinagawa na ni Teresita ang susunod na hakbang. "Rodoooolfo... ikaw na ba ang kasama namin? Magparamdam kaaaaa." Ang tinig nito ay kapani-paniwalang nakakatawag nga ng kaluluwa. Iyon ang isa pang senyas kung kaya pumisik-pisik na ang bombilya. Pakatapos ay namatay ang sindi ng mga kandilang nakapalibot sa dalawa. Dahil sa malamig na hangin, hindi na napansin ni Mrs. Corpuz na mula lang din sa bentilador kung bakit namatay ang sindi ng mga kandila. Sandali pa at nanginig na si Teresita. Agad namang nahintakutan ang mayamang babae at napasiksik sa kinauupuan. Nang huminto na ito sa gawa-gawang pangingisay, sandali nitong itinirik ang mga mata. Ilang sandali pa ay nagsalita na ito, sa tinig ng isang lalaki. "Nitaaa, palangga ko." Ang pagkagitla sa mukha ng ginang ay napalitan ng pakasabik. Paniwalang-paniwala na ang asawa nga ang nagsasalita’t naririnig. Gamit ang makabagong kagamitan, ang tinig ni Teresita ay nagagawang maging boses lalake, matandang babae, matandang lalake, batang lalake o babae depende sa timplang ginagawa ni Taweng. Ang kawad na nasa gilid ng bibig ng kanyang inay ay hindi pansinin. Aakalaing bahagi iyon ng suot na head dress na may nakalawit, at dahil patay ang ilaw, lalo iyong naitago sa dilim. "Rodolfo, palangga ko!" naiiyak na sabi ni Mrs. Corpuz. "Ano at malungkot ka? Ako ba ang dahilan ng ipinagkakaganyan mo?" Napahagulgol ang babae, "Hindi ako matahimik, palagi kitang naiisip. Marami akong nagawang pagkakamali sa iyo. Nawala ka na hindi man lang nakahingi ng tawad sa aking mga nagawa." "Wala kang nagawang mali, palangga. Ako ang maraming kasalanan sa iyo. Ako ang dapat humingi ng tawad. Patawarin mo ako. Kung maaari ko nga lang hilingin sa Maykapal na ako ay bigyan pa ng pagkakataong mabuhay, babalik ako sa piling mo upang makabawi sa lahat ng pagkukulang ko." Lihim na natawa si Taweng dahil sa narinig, "Hanep talaga dumiga itong si Motherhood, pang-acting award! Pasok sa banga ang mga linya." Si Virginia man ay nangiti rin, "Ang inay talaga, sinong kayang artista ang ginayahan niya ng ganoong dialogue?” "Pinatawad na kita, Ga. Mahal na mahal kita alam mo naman, 'di ba? Kahit palagi kitang binubungangaan ay mahal na mahal pa rin kita. Miss na miss na nga kita." Humahagulgol na sabi ng ginang. "Alam ko, Ga. Kaya sising-sisi ako sa mga pasakit na ibinigay sa iyo. Mahal na mahal kita. Ipanatag mo na ang iyong loob. Tahimik na sa kinaroroonan ko. Ang hiling ko ngayon ay magpatuloy ka na sa iyong buhay. Ang gusto ko'y maging masaya ka. Hindi mo man ako nakikita, mananatili akong nakabantay mula sa malayo. Ipagpatuloy mo ang buhay, Ga. Darating ang araw na magkakasama uli tayo. Mahal kitaaaaaaaa." "Salamat Rodolfo, salamat.” Muling nangisay si Teresita at tumirik uli ang mga mata. Pagkatapos ay kunwaring hinimatay. Saglit lang at nagkamalay na ito, animo pagod na pagod. Lumapit agad si Virginia at nag-abot inumin. Tuwang-tuwa si Mrs. Corpuz nang magpalam. Nakabalik na si Taweng sa dating pwesto nang samahan ito ng dalaga palabas. Isang sobre ang iniabot ng ginang bago nakangiting lumabas ng shop nila. Nagmamadaling lumapit si Teresita at tinignan ang laman ng sobreng hawak ni Taweng. Malapad na ngiti ang gumuhit sa mukha nito. Humuhuni pa nang muling pumasok sa loob ng silid. Nagkatinginan na lamang sina ni Taweng at Virginia. Masaya sila dahil walang aberyang nangyari at malungkot din dahil isang tao na naman ang naloko nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD