CHAPTER 5 - Kalabang Psychic

1500 Words
NGUNIT gaya ng lahat ng negosyo, dumating ang panahon ng tag-hina. Madalang ang pumapasok sa kanilang shop upang magpahula. Mahina rin ang benta ng mga lucky charm at iba't ibang kontra balis na paninda nila. Madalas ay dalawa o isa lang ang dumarating at kapag talagang minamalas, wala pa. Bokya! "Bwiset! Hindi maaari ang ganito. Mag-iisang linggo na tayong walang parukyano. Talo pa tayo sa kuryente at sa napakamahal na upa sa kakapirasong shop na ito!" Nanggagalaiting sabi ni Teresita, ''Kailangang makaisip tayo ng magandang gimik.'' "Ano kaya kung magbigay tayo ng promo? 'Yong kapag nagpahula ay may libreng lucky charm. O kaya naman ay may libreng masahe," mungkahi ni Taweng. "Maganda ang idea mo, girl!" pagsang-ayon agad ni Virginia. Ngunit hindi si Teresita. Dismayado ang mukha nito nang tumingin sa kanila. "Cheap, amateur na amateur ang ideya. Para sa mga pipitsugin ang ganyang pautot. Ako si Madam Tereece, at hindi bagay sa isang tulad ko ang ganyan. Ano ko, pang bargain sale na lang? No way! Mag-isip kayo ng iba." Mataray nitong sabi habang palakad-lakad. Pasarado na sila ay wala pa rin silang suhestiyong inaprubahan ng ginang. Wala pang alas sais ng hapon, maaga pa kumpara sa regular na oras ay nag-utos na itong isarado ang shop at mamili na lang ng mga gagamitin sa bahay. Gaya nang dating ginagawa, nauna na itong umalis. Sumakay sa tricycle na diretsong maghahatid pauwi. Siniguro nilang maayos at nakalapat ang mga lock bago umalis. Naglakad lamang sila. Sayang ang ipapamasahe kung sasakay pa gano'ng ilang hakbang lang naman ay palengke na. Bibili rin sila ng malulutong ulam para sa hapunan at maluluto na rin para sa babaunin sa shop kinabukasan. Laman pa rin ng usapan nila ang gimik na gagawin nang may pumukaw sa kanilang pansin. "Ano kayang meron doon?" Naitanong ni Virginia. Tila kasi iisa ang direksyong pinupuntahan ng mga taong nagmamadali sa paglalakad. Natabig pa nga siya ng isa. "Halika, usyosohin natin!" Aya ni Taweng kasunod nang paghila sa braso ng dalaga. Napasama sila sa mga taong papunta sa isang makulay na tent. "Ano'ng meron dito mga friendship?" Nakangiting tanong ni Taweng sa kapwa baklang nadatnan. "Ay friendship, may magaling na manghuhula diyan sa loob." Sagot ng lalaking babae pumorma. "Talaga? Magaling ba?" tanong uli ni Taweng. Katabi nito si Virginia na nakikinig lang. "Oo naman. Nagpahula na ako sa kanya kanina at lahat ng sinabi niya ay puro totoo! Alam mo ba, ang sabi niya may malaking surpresa raw na darating sa akin. Pupunta raw ako sa malayo. Nagkatotoo nga! Tinawagan na ako ng agency ko kanina lang din at pinaghahanda na para sa pagpunta sa Australia! Ang galing 'di ba? Bumalik ako dito para manghingi naman ng advice sa mga dapat at hindi ko dapat gawin, at saka kung ano ang mga dapat iwasan. Higit sa lahat, para magpasalamat at ibigay sa kanya ang mga fruits na ito," anito sabay angat sa plastik na hawak. "Hay naku friendship, ang galing-galing niya talaga, promise! Yung friend kong kasama kaninang nagpahula, sinabihan niyang umuwi agad dahil may aksidente raw magaganap sa loob ng bahay nila. Sinunod agad ng friend ko. Mabuti na lang, dahil kung nagkataon daratnan sana niyang malamig na bangkay ang nanay niya. Naiihi na raw ang inay niya kaya lang kumakatok siya kaya pinagbuksan muna siya ng pinto. Dahil paika-ika, inalalayan daw niya ang inay niya papunta sa toilet. Nakita raw niya ang nagkalat na powder soap sa sahig at ang umaapaw na tubig sa timba. Kung nagkataong hindi siya nakauwi, at pumasok ang inay niya sa loob, malamang nadulas ang matanda at nabagok. Pinagsabihan daw niya ang kasambahay nilang mag-ingat naman. Kaya talagang napakagaling ni Madam Flordeliza. Nagawa niyang iligtas sa kapahamakan ang mother ng friend ko!" Nakanganga pa si Taweng habang tumatango. Kung ang pagbabasehan ay ang haba ng pila papunta sa loob ng tent ng sinasabing manghuhula, nagsasabi nga ng totoo ang kausap niya. "Magpapahula ba kayo? Kaya lang friendship doon na kayo sa dulo, bawal ang singit dahil tiyak mag-aamok ang madlang people na nasa likuran." Sabi pa nito sabay ngiti rin kay Virginia. "Baka bukas na lang friendship, ang haba na ng pila, e." "Oo nga, agahan niyo na lang bukas para mauna kayo." Payo nito. "Ingat ka na lang sa byahe, friendship. Goodluck!" sabi uli ni Taweng na tila ba dating kakilala ang kausap. "Salamat friendship!" Kumaway pa sa isa't isa ang dalawa. Hawak na ni Taweng si Virginia nang maglakad palayo, "Kaya pala walang nagpapahula sa atin. Si Madam Flordeliza pala ang reason. Magaling nga siguro ang manghuhula na iyon. Nakita mo naman ang pila ng mga tao. Kahit tent lang at pawisan ang mga lumalabas mula sa loob, bakas sa mukha nila ang satisfaction. Mahihirapan nga tayong makakuha ng kostumer kapag ganyan." "Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa inay ang tungkol dito. Tiyak na maghuhurumentado iyon kapag nalamang may kakumpetensya na siya. Na may mas magaling sa kanya. Na hindi na siya ang pinakasikat. Tiyak na hindi iyon makakapayag." Agad namang nakadama ng awa si Taweng para sa kaibigan, "Girl, alam naman nating pwede talagang mangyari ang ganito 'di ba? Pana-panahon lang. May mga permanenteng kliyente naman si motherhood. At saka, siya pa rin ang pinakasikat dito sa linya ng mga manghuhula. Siya pa rin ang reyna. Bago pa lang ang Madam Flordeliza na 'yon kaya dinudumog pa. Siyempre tinetesting pa siya ng mga tao. Gano'n naman talaga." "Pero kung talagang mahusay at totoo ang psychic ability ni Madam Flordeliza, natitiyak kong mauubusan na ng kostumer ang inay. Iyon ang inaalala ko. Masasaktan siya." "Malay naman natin kung jafeyk lang din ang Madam na iyon. Tiyak na hindi siya uubra kay motherhood, no. Pang-award winning ang madir, at may dalawa pa siyang magaganda at super supporting role na julalays. Kaya 'wag ka na muna mag-alala. Take everything as a challenge, maganda na rin iyong may kalaban ang motherhood para maging aware siya at mas mapaghusay ang trabaho. Nandito naman tayong mga loyalist niya, e!'' Sabi pa rin ni Taweng, pagkatapos ay tila nasa rally na nagmartsa, "Makibaka, huwag matakot! Kay Madam Tereece nakasisiguro, ang hula laging bago!" Malakas nitong sabi. "Heh! Para kang may tililing. Ang sagwa!" Nagkakatawanan na silang naglakad. Nakarating sa palengke nang hindi namamalayan. ANG HINDI pagbanggit nina Virginia at Taweng tungkol sa bagong manghuhula ay hindi naging sapat upang mailihim sa kaalaman ni Teresita. Pagdating pa lang nito sa shop kinabukasan ay galit na galit na, "Alam n’yo na pala, hindi n’yo pa sinabi sa akin. Mukha akong tanga sa kaiisip kung bakit wala tayong kostumer, e alam n’yo pala ang dahilan!" Hindi na sila nangahas mangatwiran o magpaliwanag. Pareho na lamang napatungo. Kabisado nila ang ugali ni Teresita. Nagtatanong nga ito ngunit ito rin naman ang sasagot. "Magaling, neknek niya. Hindi niya 'ko maloloko! Titignan ko kung hanggang saan ang kakayanan niya. Ipapahiya ko siya sa karamihan ng mga taong pumpila sa kanya. Ako ang Reyna ng mga manghuhula sa lugar na ito. Ako lang at walang iba. Isa lang ang dapat nakaupo sa trono, AKO!" nanggagalaiti at inggit na inggit nitong sabi. Pagkaraa'y binalingan si Virginia, "Magpapahula tayo sa Madam Flordeliza na 'yan. Ipapatawag ko sa kanya ang kaluluwa ng Inang. Tignan ko kung magawa niya. Kapag pumalpak siya ay ibubuko ko agad sa mga naroon para mawala na siya sa lugar na ito. Tignan ko ang galing niya!" Nagkatinginan ang magkaibigan. Parehong nag-alala, lalo na si Virginia. Malaking gulo ang gustong gawin ng kanyang inay. Daig pa nito ang isang batang inagawan ng kendi at isang misis na susugod sa kerida ng mister. Kinakabahan siya sa ibubunga ng desisyon nito. Ngunit hindi niya kayang salungatin ang gusto nitong gawin. GAYA ng nais ng ina, nakipila sila sa tent ni Madam Flordeliza. Inayusan muna sila ni Taweng upang mag-iba ang itsura at hindi makilala ng mga tao. Wala ngang nakapansin sa kanila. Walang naghinala at walang nakakilala. "Ang tagal-tagal naman! Malapit na tayong ugatin dito sa pagtayo hindi pa rin umuusad!" Reklamo ni Teresita. Nag-umpisa na ito sa plano. Napangiti ito nang may magreklamo rin sa gawing unahan ng hanay. Ang inumpisahang salita ay kumalat na sa iba pa. Nainip na rin ang ilan at nagdadabog nang nag-alisan sa pila. Lalo itong nasiyahan, nagawang bawasan ang may nais magpahula sa itinuturing na karibal, at ilang sandali pa ay nasa unahan na sila. "Malalaman natin ngayon ang diskarte ng Madam na nasa loob. Kailangang gawin na niya ang pinakamahusay niyang pagganap kung hindi, yari siya sa akin. Ikaw naman Virginia, talasan mo ang mga mata mo. Galugarin mong mabuti kung saan nakatago ang mga props niya at ang effects na ginagamit ng mga alalay niya. Huwag kang tatanga-tanga, naiintindihan mo ba?" "Oo nay. Kaya lang, kailangan pa ba nating gawin 'to?" "Tse! Ang hina mo talaga. Basta gawin mo ang inuutos ko sayo, letse!" Muli siyang natahimik. Hindi na nga papipigil ang kanyang ina.Hindi na niya masasabing kinakabahan siya. Na ang nararamdaman niya'y hindi nito magugustuhan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD