CHAPTER 6- Sa loob ng tent

1536 Words
"SUSUNOD," malambing na tawag ng boses babae matapos makalabas ang huling nagpahula. "Tawag na tayo, nay," bulong ni Virginia. "Narinig ko, hindi ako bingi!" angil ni Teresita. Ipinagkibit balikat na lang ng dalaga ang pagsusungit ng ina. Mainit ang ulo nito dahil sa natapakang pride at nasapawang ego. Bagama't animo matapang na tigreng pumasok sa lungga ng kalaban, alam niyang kinakabahan din ito. Alam niyang kaya siya isinama, takot ito kung mag-isa. Kabisado niya ang ugali ng ina at siya lang ang matiyagang nakakaintindi rito at nakapagpapasensya. Gano'n talaga ang inay niya. Mataray, ayaw natatalbugan at hindi nagpapadaig. Gusto ay palaging nakakaangat sa iba, palaging nakakahanap ng maipipintas sa lahat ng nakikita habang ang tingin naman sa sarili ay magaling at mataas. Marami sa kapitbahay nila ang naiinis sa kanyang inay. Hindi nga lang maipakita ng harapan dahil mga takot sa inaakalang taglay nitong kapangyarihan. Nang sumikat ang palabas na 'Jumong', punong babaylan ang naging tawag ng ilan sa nanay niya, na ikinatuwa naman nito. Gano'n ang gusto nito. Sikat at bukambibig; ang hangaan ng mga tao. "O, ano pa ang itinatayo-tayo mo diyan?!" Nakahalukipkip at nakaarko ang kilay nitong sabi. Napakislot siya sa mataray na boses ng ina, "'Lika na nay." Sabi na lang niya, sabay alalay sa siko nito papasok sa loob ng tent. "Hmp! Cheap." Maarte nitong bulong pagkakita sa nag-aagawang liwanag at dilim ng maliit na tanggapan. "'Yong bilin ko, ha. Baka pairalin mo na naman ang katangahan mo." Muli nitong paalala na ang tinutukoy ay ang paghahanap ng effects at gimik na gamit ng manghuhula upang maibuko ito sa mga taong nakapila sa labas. Tumango siya bilang sagot kahit ang kalooba'y hindi sumasang-ayon. Ipinagpatuloy nila ang paglapit sa babaeng naka-indian seat sa lapag. Tulad sa isang gypsy ang pananamit nito. May suot na mahahabang kwintas na may palawit na batong iba't iba ang kulay at hugis. Gano'n din ang braso nitong maraming pulseras. Lumilikha iyon ng magandang tunog sa tuwing igagalaw ang kamay. Sa harapan nito'y may mababa at pahabang mesa. Nasa ibabaw ang crystal ball na kasing laki ng bolang pang-basketball. Sa tabi naman ay nakalapag ang mga tarot cards. Mayroong malukong na tasang kristal sa gawing unahan na naglalaman ng iba't ibang kulay at hugis ng mga batong makintab. Animo'y kending pagkasarap-sarap. Ang amoy ng paligid ay nakapagpapagaan sa pakiramdam. Ganoon din ang dapyo ng lamig na tila ibinubuga ng aircon ... na wala naman. "Maupo kayo," malamyos ang tinig nitong paanyaya. Nakaismid na naupo si Teresita habang siya naman ay nanatiling nakatayo lamang sa gawing likuran. Nakadama siya ng pagkailang nang titigan ng manghuhula. Pakiramdam niya'y naglalagos sa katawan niya ang mga mata nito. "Maupo ka binibini." Nakangiting paanyaya ni Madam Flordeliza. Pagkasabi ay kinuha nito ang isang malapad na throw pillow at iniaabot sa kanya. Bahagya siyang napanganga. Nakaangat naman ang kilay ni Teresita habang pinanonood ang kilos ng kapwa manghuhula sa harapan. Iritado ito at inis na inis sa isiping pinaghihintay ng karibal. Nilingon nito si Virginia, napatingin naman ang dalaga sa ina. Magkasalubong ang kilay na tinanguan nito ang anak. Ipinahihiwatig ng pagtangong iyon na pagbigyan ang alok ng manghuhulang sa tingin nito'y nagpapa-importante pa. Ilang hakbang ang ginawa ng dalaga at saka kinuha ang iniaabot ng manghuhula sa kanya. Patalikod siyang humakbang pabalik sa kinatatayuan at kiming naupo sa malapad na unan. Malakas na nagpakawala ng malalim na buntung-hininga si Teresita. Ipinararating sa babaeng kaagaw ang pagkainip na nararamdaman. Lumipat ang itim ng mga mata ni Madam Flordeliza patungo sa kaharap, "Paumanhin, Madam. Napukaw ng iyong kasama ang aking paningin at pandama." Sinundan iyon ng ngiting makahulugan. "A, e .., ayos lang." Mapagkunwaring sagot ni Teresita. Ngumiti din ito sa kaharap. Ngiting ang nasa likuran ay pagkasuklam. Bahagyang nagtaas-baba ang ulo ng manghuhula. Gumuhit sa labi nito ang ngiting lalong ikinainis ng pekeng manghuhula. "Alin ang uunahin natin sa mga nais mong ipagawa sa akin?" Makahulugan nitong tanong. Umangat ang isang kilay ni Teresita, "Hmp! Chamba! Nagagawa ko rin 'yan no!" "Gusto ko sanang malaman kung ano ang kapalarang naghihintay sa akin." "Tanging Diyos lamang ang nakaaalam ng ating tadhana, Madam. Ang malinaw na makita ang magaganap sa hinaharap ay wala sa kakayanan ninuman," sagot nito. "Hahaha! Inaasahan kong ganyan din ang sasabihin mo sa akin para safe. Style mo bulok!" nagdiriwang na sigaw ng utak ni Teresita. Patuloy sa paniniwalang peke lang din ang manghuhulang kaharap. "Ngunit kung nakahanda ang loob mo sa maaaring maganap, susubukan ko." "Humirit pa!" "Nakahanda ako! Mas gusto ko 'yong may ideya ako para mapaghandaan ang dapat gawin at kung kailangang iwasan ay maii-iwas ko agad ang aking sarili!" Nakaangat pa ang baba at mabilis nitong pagsagot, "Aber! Tignan ko nga kung ano'ng mga pang-ookray ang sasabihin mo. Gusto kong malaman kung paano mo napapaniwala ang mga pumapasok dito sa putchu-putchu mong lugar!" Inilahad ng manghuhula ang kamay. Ang mamula-mula at pinong palad na may mahahaba at malalantik na daliri ay inilapat sa ibabaw ng mesa. Napangiti si Teresita. Ang gagamiting paraan ng karibal ay madalas rin nitong gamitin sa tuwing may nagpapahula. Kumpyansa nitong inilahad ang palad. TAHIMIK namang nakamasid si Virginia. Iginagala ang paningin sa paligid, gaya ng utos ng ina. Wala isa man lang harang o mga bagay na maaring pinaglagyan ng mga ginagamit na effects sa loob ng tent na iyon. Ni kurtina na pantabing ay wala rin. Matingkad ang kulay pulang carpet na sapin sa sahig, malalapad ang mga unan na ginagamit upuan, iba't iba ang kulay ng mga kandilang may sindi at isang bumbilyang mapusyaw ang kulay asul na liwanag ang tanging nakikita niya. Ang naroroon lang sa loob ay ang mesa ng manghuhula, at ang mga gamit nito sa panghuhula. Maliban do'n ay wala na. Hindi kagaya ng tanggapan nila, may dibisyon na siyang pinagtataguan ng mga gamit ni Taweng at pinupwestuhan nito kapag may kaluluwang gustong kausapin ang kostumer nila. Sa kanila’y marami ang palamuting nakasabit sa paligid at mga bumbilyang may iba't ibang kulay sa bawat sulok. May antayan sa labas para sa magpapahula at may pribadong silid para sa hinuhulaan. Kung ikukumpara ang shop nila sa tent na pinasok, hamak na mas presentable at mukhang genuine ang sa kanila. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman. Hindi pa sila nagtatagal mula nang makapasok sa loob ay bumilis na ang pagtibok ng kanyang puso. Kinakabahan siya. Pakiramdam niya'y parang may mga balahibong dumidikit sa kanyang balat. Nangangalisag din ang mga balahibo niya. Nanunuot sa kanyang katawan ang hangin na hindi niya alam kung saan nagmumula. Nanginginig ang mga panga niya hindi lang dahil sa lamig. May ibang dahilan, alam niya. Ngunit hindi naman niya maintindihan. Yakap na niya ang sarili dahil giniginaw samantalang ang kanyang inay... panay ang pagpaypay! Napaunat siya nang sumulyap sa kanya ang manghuhula at matiim uli siyang tinitigan. Muli na naman niyang naramdaman ang mabilis na t***k ng kanyang puso. Muli na naman siyang kinabahan. Matinding kaba ang hatid sa kanya ng mga mata nito. Tila may nais ipahiwatig ang kislap na nagmumula sa malalaking itim no'n. Natatakot na siya! Nakaramdam siya ng pagkaliyo. Tila gumagalaw ang sahig na kinauupuan niya. Tumingala siya sa pagbabakasakaling mawala ang nararamdaman. Ngunit dahil sa ginawa, mas tumindi ang liyo niya. Tulad ng may mataas na lagnat, nagdedeliryo na ang kanyang pakiramdam. May nakikita siyang usok na hugis mukha. Isa... dalawa... tatlo... apat... Hindi na niya mabilang. Lumalapit ang mga ito sa mukha niya tapos ay lalayo. Muling lalapit at muling lalayo. KUNG titignan ang dalaga mula sa malayo, makikitang magkadikit ang dalawang itim mga mata nito. Nagduduling ang mga iyon. Napangiti si Madam Flordeliza habang pinagmamasdan ang dalaga, "Malakas siya! Nagagawa niyang isara ang kanyang ikatlong mata at buksan kung kailan niya gusto. Ngayon lang ako nakatagpo ng isang tulad niya!" Manghang-manghang sigaw ng utak nito. Muling pumihit ang itim sa mata nito nang pumiksi ang may-ari ng kamay na hawak, muli itong pumikit. "Sandali na lang Madam. Hihintayin lang nating malampasan ng binibining kasama mo ang nangyayari sa kanya. Makakatulong sa kanya ang pakikinig sa gagawin kong pagbasa sa guhit ng iyong palad. Hindi sapat ang mga salitang sasabihin ko upang paniwalaan niya. Kailangan niyang maramdaman at matanggap na may taglay siyang kakayanan na wala sa ibang kahalintulad niya. Likas ang kanyang angking galing na wala rin sa akin. Lalung-lalo na sa isang impostor at mandarayang tulad mo!" MALUWANG na maluwang naman ang pagkakangiti ni Teresita habang tila nakakalokong pinagmamasdan ang mukha ng manghuhulang nakapikit, "Hanep ka din sa pautot ha. May pabitin epek ka pa. Akala mo siguro, mapapasakay ako sa gimik mo. Hoy, bruha, bago mo pa 'yan natutunan, kabisadong-kabisado ko na. Maka-acting ka, wagas. Nagawa ko na 'yan! Pagkatapos ng pagme- meditate kuno na 'yan ay tititigan mo ako sa mga mata. Kunwaring sinasalamin ang future ko. At pagkatapos ay hahaplusin mo ang palad ko ng tatlong ulit at saka mo kunwaring babasahin! Hahaha!" Aliw na aliw niyang kausap sa kaharap ngunit walang tinig. Nang magdilat ng mga mata ang manghuhula ay tumitig nga ito sa kanyang mga mata. Gaya nang sinabi, hinaplos nga nito ng tatlong ulit pababa ang kanyang palad at saka tinitigan. "O kitams! Tama ako 'di ba? Alam ko na 'yan!" nagtatawa nitong bulong sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD