CHAPTER 7 - Ikatlong mata ni Virginia

1546 Words
IPINILIG ni Virginia ang ulo at mariing ipinikit-dilat ang mga mata. Bahagyang guminhawa ang kanyang pakiramdam. Ang pagkaliyong nararamdaman ay unti-unti nang nawawala. Nang luminaw na uli sa paningin niya ang paligid at ang mga usok na hugis mukha ay wala na, nakahinga na siya nang maluwag. Tila walang nangyaring nagbalik sa normal ang posisyon ng itim sa kanyang mga mata. "Nalipasan na naman kasi ako ng gutom kaya ako nahilo. Buti na lang at hindi ako nang-agaw eksena dito. Kung bumagsak pa ako ay tiyak na award na naman ako ng inay. Nakakahiya kay Madam Flordeliza," kausap niya sa sarili. Muling inakalang sinamaan lamang ng katawan kaya naranasan ang kakaibang pakiramdam. Umayos siya sa pagkakaupo at itinutok na ang mga mata sa manghuhulang nakahawak sa kamay ng kanyang ina. "Sa tingin ko, hindi siya fake. May malakas na aura akong nararamdaman sa kanya. Hindi ko lang alam kung ano at kung bakit may nararamdaman ako. Hindi ko naman maitanong sa inay. Tiyak na pagtatawanan lang niya 'ko kapag sinabi ko sa kanya. Baka isipin pa niyang nagdudunung-dunungan na naman ako at umaastang maraming alam. Kaya tamang manahimik na lang ako para hindi siya magalit," bulong niya sa sarili habang tinitignan ang manghuhulang nakapikit. NARAMDAMAN ni Madam Flordeliza ang malakas na enerhiya mula sa mga matang nakatingin sa kanya. "Payapa na siya. Isinara na naman niya ang ikatlo niyang mata. Tsk! Tsk! Nasasayang ang kanyang kaalaman. Ngunit kahanga-hangang nagagawa niya ang gano'ng bagay. Hindi siya pangkaraniwan. Natitiyak kong marami pa siyang makakayang gawin kung malalaman niya at gagamitin ang kakayanang taglay niya. Kailangan niyang magsanay. Kailangang matutunan niyang gamitin ang kanyang ikatlong mata. Tuturuan ko siya!" Dahan-dahan siyang dumilat at tumitig sa mga mata ng babaeng hawak niya ang palad. "Nakatingin sa akin ang binibini mong kasama, Madam. Sisimulan ko nang ipaalam sa kanya na mayroon siyang malinaw at napakalakas na ikatlong mata." Matapos haplusin ng tatlong ulit ang palad ni Teresita ay nagmistula iyong librong tahimik na binasa. Nag-angat ng mukha si Madam Flordeliza at muling tinignan ang mukha ng kaharap. "Ano ang nabasa mo sa guhit ng palad ko, Madam?" naiinip na tanong ni Teresita. "Maaari ko bang sabihin sa harapang ito ang lahat ng nabasa ko?" "Syempre naman. 'Yan nga ang dahilan kaya ako nagpunta sa iyo," maagap na sagot ni Teresita. "Gumaganyan ka pa! Akala mo siguro matatakot mo ako sa kunwaring nabasa mo sa palad ko! Ano ka sinuswerte? Palusot ka pa, ha!" bulong ng isip nito. Pagkatapos ay isang mapang-uyam na ngiti ang sumilay sa mga labi. "Maganda man o pangit?" "Natural! Ke maganda, ke pangit dapat mong sabihin sa akin. Ang haba ng pinila ko sa labas para makarating sa iyo. Wala kang dapat alalahanin, wala akong sakit sa puso," naghahamong sabi ni Teresita na sinundan ng nakakalokong ngiti. "Hahaha! Akala mo uubra ang mga paechos mo sa akin, ha. Sige nga, ano ang nabasa mo? Dami mo pang paeklat, bruhang 'to!" "Nabigo ka sa iyong nag-iisang pag-ibig. Ang hinanakit ay nariyan pa rin sa iyong puso kahit pa lumipas na ang maraming taon." Napakapit si Teresita nang mahigpit sa abanikong hawak ng kabilang kamay dahil sa narinig. Nailipat naman ni Virginia ang tingin sa nakatalikod na ina. Wala itong nababanggit na gano'ng kwento sa kanya. "Puno ng pait ang iyong pusong nais makaganti. Mahusay kang magpanggap at napapaniwala mo ang marami. Nakangingiti ka kahit ang kalooban mo ay nagngingitngit sa galit," pagpapatuloy ni Madam Flordeliza. Ngumiti lang si Teresita. Taas noo at kalmadong nakipagtitigan sa manghuhulang nakatingin. "Nakikita ko ang madilim na umagang kahaharapin mo kung hindi mo magagawang tanggapin ang katotohanan. Ang malabis na inggit at paninibugho ay alisin mo sa iyong puso sapagkat ito ang magdadala ng lason sa buo mong pagkatao." Kuminig ang katawan ni Teresita sa pagpipigil na makita ng kausap ang tunay na saloobin. Wala sa plano ang bigyan ito ng kasiyahan. Muling yumuko ang manghuhula at tinitigan ang mga guhit sa palad na hawak. "Nakikita kong magkakaroon ka ng maraming salapi. Magiging bukambibig ang iyong pangalan. Sisikat ka at tatanggap ng mga papuri.” Napangiti si Teresita. Lumuwag ang kapit sa abanikong nasira na dahil sa mahigpit na pagkakahawak kani-kanina lang. "Biglang kambyo, ha. Bumabawi ka naman ngayon. Maganda ang style mo. Epektibo! Kung ako ang gagamit niyan ay mas magiging maganda. Higit akong mahusay kumpara sa iyo. Magaling ka nga lang chumamba!'' "Pag-ingatan mong huwag malunod sa isang basong tubig, Madam. Sapagkat kung magkakagano'n madilim na bukas ang iyong mapupuntahan.” "Hmp, bwisit na 'to. Wala ka nang pakialam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko. Sino kang magsasabi at pangungunahan ako sa dapat kong gawin? Itsura nito!" inis na sigaw sa isipan ni Teresita ngunit ang ipinapakitang reaksyon sa mukha ay kabaligtaran. Nakapagkit sa labi nito ang kalmadong ngiti at masayang kislap ng mga mata. "Mag-isa ka lang. Walang kasama. At mananatiling nag-iisa kung hindi mo magagawang kontrolin ang lahat. Walang makagagapi sa iyo, maliban sa iyong sariling gawa," pagwawakas na sabi ni Madam Flordeliza. Mula sa malukong na tasang kristal ay kumuha ito ng isang batong kulay dilaw ang manghuhula at ipinatong sa palad at pagkatapos ay isinara at tatlong beses na marahang tinapik. "Hanep sa finale, ha. Iba ang gimik ng bruhang ito. Nilagyan pa ng bato ang palad ko. Ano'ng gagawin ko dito? Isusubo at pagkatapos lunukin ay sisigaw ng DARNA? 'Di bale sana kung ''bato'' na favorite ng mga adik na kapitbahay ko ang inilagay niya. Eh, ni panghilod sa nangingitim na tuhod ni Virginia ay 'di ‘to uubra. Huwag na huwag niyang pababayaran sa akin ang bato niya. Hindi ko kailangan ang pangontra sa usog, no!" punung-puno ng pamimintas na hiyaw ng utak ni Teresita upang itaboy ang natitirang sindak na nararamdaman. "Ipatatawag mo pa ba ang kaluluwa ng iyong ina, Madam?" nakangiting tanong ng manghuhula. Saglit ang pagkagulat ni Teresita sa narinig. "Sino kaya sa mga nakarinig sa pag-uusap namin ni Virginia ang naringgan ng bruhang ito? May nakarinig siguro sa amin kaya nagpasalin-salin iyon sa mga taong nakapila hanggang sa makarating sa kanya. O kaya naman ay may CCTV sa labas ng tent na ito at may microphone na nakakasagap sa pag-uusap ng mga nakapila sa labas!" pangangatwiran nito sa muling namalas na galing ng manghuhulang kalaban. Hindi nito maamin sa sarili na may kakayanan nga ang babae, at abilidad bilang psychic; hindi ito nagpapanggap lang na tulad niya. Si Virginia ay namangha din sa tanong ng manghuhulang pinanonood. "Ang galing. Nahulaan niya ang gustong ipagawa ng inay sa kanya!" humahanga niyang sabi sa sarili. Lalong sumidhi ang interes niyang panoorin at makita kung paano tatawagin ng hinahangaang manghuhula ang kaluluwa ng kanyang lola. "Nagbago na ba ang isip mo... Madam?" tanong ni Madam Flordeliza. Sinadya nitong ibitin at lagyan ng naghahamong tono ang tinig. Hindi nagustuhan ni Teresita ang makahulugang tanong ng kaharap. "Hambog! Ang akala mo ba ay uurungan kita? Hindi ang isang tulad mo lamang ang pangingilagan ng isang Madam Tereece!" nagpupuyos sa pagkapikon nitong palahaw na walang tinig. "Narito na rin lang ako ay lulubus-lubusin ko na. Kung ilang gabi ko nang napapanaginipan ang nanay ko. Gusto kong malaman mula mismo sa kanya ang dahilan kung bakit? Isa pa ay nami-miss ko na siya," pagsisinungaling ng ginang. Hindi siya malapit sa ina. O, mas tamang sabihing galit siya dito. Ito ang sinisisi niya sa maagang pagkamatay ng kanyang ama. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Madam Flordeliza, "Sinasabi ko na nga ba at hindi mo magagawang tumanggi. Hindi ka magpapahalatang kinakabahan at naniniwala sa akin. Kung hindi lang dahil sa binibining kasama mo ay ipinagtabuyan na sana kita palabas. Kaya lang ay gusto kong ipaaalam sa kanya na may kakayanan din siyang makita ang makikita ko kung kaya pinagtitiyagaan kong pagpasensyahan ang kapalaluan mo!" bulong nito habang nakatingin sa babaeng limitado at kakaunti lang ang alam ngunit kung makaasta sa ay tila kung sinong napakagaling at napakataas. Iniligpit ni Madam Flordeliza ang mga gamit sa panghuhula. Nang mawalan na ng kahit anong nakapatong sa mesa nito ay inilagay nito sa ibabaw ang Ouija board at isang basong kristal. Nakaangat ang dibdib at baba na pinagmamasdan lamang ni Teresita ang ginagawa ng manghuhula. Bahagya itong nakaismid at patuloy na minamaliit ang kakayanan ng kaharap. Gumawi kay Virginia ang paningin ni Madam Flordeliza. "Kakailanganin natin ang kasama mo, Madam," kausap nito kay Teresita ngunit kay Virginia nakatingin. Agad na bumadha sa mukha ni Virginia ang pananabik. Naengganyo sa paanyayang iyon ng manghuhula. "Walang kaso sa akin. Lumapit ka dito, Virginia," utos ni Teresita. Nagmamadaling sumunod ang dalaga sa pinagagawa ng ina sa pag-aakalang iyon nga ang gusto nitong gawin niya. Nakaupo na siya nang makita ang nagbabanta nitong tingin. Huli na upang muling tumayo at tumanggi. Naniningkit ang mga mata ni Teresita sa tindi ng inis. "Napakatanga mo talaga, Virginia! Hindi mo pa rin alam kung ano ang tinging pumapayag at kunwaring pumapayag! Ang hirap mo talagang turuan! Hindi ka matuto-tuto!" nagpupuyos nitong bulong. Wala na rin itong nagawa pa nang simulan ng karibal ang pagtawag sa kaluluwa ng inang matagal nang namayapa. "Buksan mo ang iyong ikatlong mata, Virginia. Gamitin mo siya ngayon. Papatnubayan kita, upang malaman mong taglay mo ang pinakamalakas na psychic power!" bulong ng manghuhula habang nakangiting tinutunghayan ang mukha ng dalagang nakaupo sa harapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD