MATAPOS bumigkas ni Madam Flordeliza ng mga katagang noon lamang narinig nina Teresita at Virginia ay bahagyang kuminig ang kristal na basong kinalalapatan ng hintuturo at hinlalato nilang mga daliri. Manghang-mangha si Virginia. Hindi gano'n ang pamamaraan ng kanyang inay! Nakanganga ang bibig na napatingin ang dalaga sa babaeng titig na titig sa basong nag-uulap. Muntik na niyang maiangat ang daliri sa puwit nito nang unti-unti iyong gumalaw. "Nais ka naming makilala. Ano ang iyong pangalan?'' malumanay na tanong ni Madam Flordeliza. Gumalaw ang baso papunta sa mga titik na nakasulat sa Ouija board. "A" "D" "E" "L" "I" "N" "G" "Adeling. Ikaw si Adeling?" paniniyak ng saykiko. "Oo" Katagang pinuntahan ng baso bilang tugon. Hindi na makahinga sa tindi ng magkakahalong emosyo

