Kabanata 1

3426 Words
I thought meeting him was an accident but when I fell in love with him, I believed it was fate. I once believed that it was because of destiny... But who am I kidding? Fate? Destiny? Bullshits. They aren't true. Tuturuan kang magmahal, paniniwalain kang may pagmamahal, at kapag masyado ka nang tanga, doon ka lang sasaktan nang sobra. "Anak, anak, Clara! Makakapag-aral ka na!" Isang balita galing kay Nanay ang natanggap ko pagkalabas ko ng kusina. Kadarating lang nila ni Tatay sa kung saan man sila galing kaya nagmano muna ako sa kanila pagkatapos kong punasan ang dalawang kamay ko gamit ang pagpupunas ko sa damit ko. "Po? Ano pong sabi niyo?" tanong ko. Narinig ko naman ang sinabi ni Nanay ngunit gusto kong marinig iyon nang mas maayos at klaro. Isa pa, hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Nanay kaya gusto kong ipaulit iyon. "Makakapag-aral ka na!" ulit niya, malalaki ang ngiti. Wala akong ibang makita sa mukha ni Nanay kung 'di saya. Ang laki-laki ng mga ngiti niya, halatang tuwang-tuwa sa balita niya. Kitang-kita ko ang pagkinang ng dalawang mata niya, kitang-kita ang tuwa at kagalakan sa mga mata niya. Sino ba naman kasing hindi matutuwa? Napatalon ako dahil sa labis na tuwa. Napakabilis ng pagtibok ng puso ko, halatang-halata na masayang-masaya ako sa nalaman ko. Nang makita nila ni Tatay ang reaksyon ko ay nagkatinginan sila at nagngitian. "T-Talaga, Nay!?" halos maiyak kong tanong. "Oo, 'nak!" Niyakap niya ako at sabay kaming nagtatatalon. Masayang-masaya kaming dalawa ni Nanay na nagyayakapan nang bigla akong matigilan sabay hiwalay sa yakap. Nangunot ang noo nila ni Tatay nang mapansin nilang natahimik ako at tumigil sa pagpapakasaya. "Pero... Saan po kayo nakakuha ng perang ipangbabayad ko sa tuition?" Natawa si Nanay. "Nakautang kami ng malaking pera sa isang kumpanya, anak." "K-Kumpanya, Nay? Malaking pera? Pero... Mababayaran po ba natin 'yan?" Ngumiti si Tatay. "Oo, 'nak, 'wag kang mag-alala dahil may maayos na akong trabaho ngayon. Magt-trabaho ako sa talyer ni ka-Ulpin kaya may sahod na ako tuwing buwan. Mababayaran rin natin iyang utang natin sa kumpanyang iyan." Nawala ang pangangamba sa dibdib ko nang dahil sa sagot ni Tatay. Malaking ngumiti silang dalawa sa akin at ibinuka nang malaki ang braso nila para sa isang yakap. "Salamat talaga, Nay at Tay!" Tumalon ako at niyakap silang dalawa. "Ano 'to? Ano 'to? Bakit may yakapan tapos wala ako?" Natawa kaming tatlo at humiwalay sa yakap para lingunin ang kadarating lang galing eskwelahan na si Cora, ang nakababatang kapatid ko na malapit nang makapagtapos mula sa sekondarya. "Makakapag-aral na ang Ate mo, Coralie!" nakangiting sagot ni Nanay. Nanlaki ang mga mata niya at nilingon ako. "Makakapag-aral ka na rin, Ate!?" "Oo!" Napatili siya at yumakap sa akin. Natawa ako. Niyakap kaming dalawa ni Nanay at Tatay kaya hindi mawala-wala sa labi ko ang magandang ngiting nakaplasta doon. Hindi na ako makapaghintay pa na muling makatuntong sa eskwelahan. May mga pangarap pa akong gusto kong tuparin dahil bilang panganay, gusto kong bigyan ng magandang buhay ang pamilya ko. Mahirap man kami ngayon, sisiguraduhin kong magsusumikap akong makapagtapos para makapag-trabaho at bigyan ng magandang buhay sina Nanay at Tatay na deserve nila. Iyon ang pangako ko sa kanila na sasarilihin ko na lang muna. Pangakong bibigyan ko sila ng magandang buhay na deserve nila... Deserve naming buong pamilya. Sabi nila, ang pinakamahirap daw na taon sa paga-aral ay pagdating sa kolehiyo. Hindi ko alam kung bakit sila nahihirapan at mas lalong hindi ko alam kung bakit tamad na tamad pumasok iyong ibang estudyante nang mag-first day of classes. Excited na excited na nga ako pagpasok ko dahil ngayon na lang ulit ako makatutungtong sa paaralan. Dalawang taon na kasi akong hindi pumapasok kaya graduating na sana ako sa susunod na taon pero ayos lang. Marami namang panahon para mag-aral pa, hindi naman aalis ang eskwelahan. Tungkol sa mga ibang estudyante, wala akong ibang narinig kung 'di mga reklamo mula sa kanila na kesyo pasukan na naman daw pero tinatamad sila, na kesyo pasukan na naman daw at hindi pa sila handa sa paghihirap. Ang iba naman ay halatang pumasok lang para makipagkita sa kani-kanilang mga kaibigan. Hindi nila alam kung gaano sila kaswerte na nakapapasok pa sila sa eskwelahan, maraming mga tao na hinihiling na sana ay makapag-aral ulit sila, kagaya ko na lang. Sabagay, mayayaman kasi ang mga tao dito sa College of San Andreas. Wala akong ibang makita kung 'di mga spoiled na mga bata, mga mayayaman na mas inuna pang ayusin ang damit kaysa ang mag-aral, na mas pinoproblema pa ang make up kaysa sa kung paano sila makakapasa, at kung ano-ano pa. Sabagay. Nga naman ang mundo, kung sino pa ang gustong makapag-aral ay sila pa ang hindi kaya o hindi pwedeng makapag-aral. Natutuwa ako na dito ako pinasok ni Nanay na eskwelahan dahil maganda raw ang turo sa school na ito ngunit minsan ay nakakahiya dahil parang hindi nila ako kaayon. Parang mas gugustuhin kong mag-public na lang para makakita naman ako ng kasing lebel ko ngunit wala na naman akong magagawa dahil narito na ako, napapaligiran ng mga mayayamang estudyante na malayong-malayo sa katulad ko. "Look at that girl." Natatawa ako minsan sa sarili ko dahil minsan ay hindi ko na alam kung ako ba ang pinagu-usapan ng mga tao dito. Kung magsalita kasi sila ay parang wala sila sa bansa kung saan sila ipinanganak, mga nagi-ingles. Hindi naman kasi ako bihasa sa ingles, natuto lang ako mag-ingles noong Highschool dahil required daw iyon kapag English subject. Pakiramdam ko tuloy ay napapaligiran ako ng mga alien, o hindi kaya ay mga taong galing ibang bansa. Pakiramdam ko ay magdudugo ang ilong ko sa kanila. Hindi ko sila masyadong maintindihan lalo na kapag hindi pamilyar sa akin ang ingles na salitang sasabihin nila sa akin. Kaya rin hindi ko na lang sila kinakausap para hindi na rin ako ma-stress pa sa mga sasabihin nila. Jusko. Bakit naman kasi hindi na lang sila mag-Tagalog, tutal naman ay nasa Pilipinas sila at wala sa Amerika? "Look at her clothes! Duh, 'yong price niyan, price pa lang ng food ng doggo kong si Patch!" sabi pa n'ong isa. "O, gosh, true." Umirap iyong babaeng blonde ang buhok. "Ugh, another squammy." "You think so?" kalmadong tanong ng isang babae. Apat kasi silang magkakaibigan, halatang maarte iyong tatlo ngunit halata namang mabait iyong isang babae, hindi mo nga lang masasabing mabait agad dahil hindi mo naman siya kilalang masyado. Kung tititigan ko kasi sila, mukhang mamahalin talaga sila. 'Yong mga bag pa lang nila at mga suot na damit ay halatang pang-isang taong pagkain na namin nina Nanay na ang mabibili ko. "Isn't it obvious? Do we need to write it on her forehead that she's a squammy girl to be obvious?" sagot ng isa na sa tingin ko ay ang "leader" nila. Hindi ko na lang sila inintindi at bumaling sa counter ng canteen nila. Nahihiya akong bumili ng pagkain dahil isang tingin pa lang ay parang ang mahal na. Baka makulangan pa ako ng pamasahe sa pag-uwi ko. Ewan ko ba kay Nanay at dito ako pinasok. Gusto niya raw kasing makapag-aral ako nang mas maayos. Bakit? Hindi ba ako makakapag-aral nang mas maayos sa public school? Para naman kasing hindi ko kayang bilhin ang lahat ng pwedeng bilhin dito, parang ang mahal-mahal lahat. Mabuti na lang talaga at scholar ako, matataas kasi ang grades ko noong sekondarya ako kaya kalahati na lang ng tuition ang babayaran ko para makapag-aral ako rito. "Uh, Ate, magkano 'yong lasagna?" nahihiyang tanong ko sa nagtitinda. "Lasagna, sixty-five," masungit niyang sagot. Napayuko ako sa kamay kong may hawak na isang daan. Isang daan lang ang pang-kain ko at may bente ako rito sa bag para sa pamasahe ko pag-uwi dahil medyo may kalayuan itong school sa bahay, kailangan ko pang sumakay sa jeep at trycicle. "Hey, girl, bibili ka ba or mags-stand na lang there? Gosh! We have a line, o! You have mata naman, right? We're so pagod na sa kas-stand! If you don't have pambili, then don't buy!" Nataranta na ako nang makarinig ng sigaw mula sa likuran. Narinig ko pa silang nagtawanan kaya humarap na ako sa nagtitinda at sinabing bibili ako. Hindi na ako bumili ng tubig dahil nagbaon naman ako bago ako umalis sa bahay kanina. Kukuha na lang ako d'on sa drinking fountain malapit sa gate mamaya kapag naubos ko na dahil mukha ring mahal iyong tubig nila dito. Binitbit ko ang tray nang iabot sa akin 'yon n'ong babae. Kinuha ko muna ang sukli ko bago ako umalis sa pila. Sumulyap pa ako d'on sa mga babaeng sumigaw sa akin at nang makita kong natatawa nila akong tinititigan ay umiwas na lang ako ng tingin at pumunta doon sa isang table, kung saan walang tao at kung saan malayo sa ilaw para hindi nila ako makita. Tahimik lang ako habang kumakain, tahimik na nginunguya ang sixty-five pesos na lasagna na itinitinda dito na hindi naman masarap. Mas masarap pang magluto si Nanay kaya pakiramdam ko ay nasayang lang ang pera ko. Pwede ko pa namang ipunin iyon kaya lang, ayaw ni Nanay na pinababayaan ko ang sarili ko, ayaw niyang hindi ako kumakain. Nagagalit kasi si Nanay kapag hindi ako kumakain at ginugutom ko ang sarili ko. Sabi niya na kahit daw kapos kami sa buhay at wala nang pang-kain, kailangan pa rin naming kumain para mabuhay at gumana ang utak sa lahat nang bagay. Malalakas at mga impit na tili ang narinig ko habang ngumunguya. Tiningala ko sila at nakita kong may lalaking papasok. Sa tingin ko ay estudyante lang rin siya rito, katulad ko, dahil nakita ko ang uniform niya na katuld sa uniform ng mga lalaking kaklase ko. Mukha siyang mamahalin, sa tindig niya pa lang. Idagdag mo pa ang dalawang lalaking nasa likuran niya na mukhang body guard. Gusto ko tuloy mapatawa dahil parang ang O.A naman dahil may kasama pa siyang body guard. Mukhang mamahalin nga siya dahil may ganoon pa siya. Hindi ko alam kung bakit ngunit imbes na ipagpatuloy ko ang pag-kain ko ay pinanood ko na lang iyong lalaki. Nakita kong tumungo siya sa counter at um-order doon. May kasama siyang dalawang lalaki pa na sa tingin ko ay mga kaibigan niya naman na kapareho niya lang. Dahil nasa harap siya, hindi pa rin humuhupa ang mga tilian n'ong mga babae na kilig na kilig doon sa lalaking iyon. Naiintindihan kong may itsura nga 'yong lalaki, gwapo na nga, aaminin ko ngunit hindi ko lubusan maisip kung ano ba ang nakakakilig doon? 'Di ba kapag kikiligin ka ay dapat may ginawa siya sayo para kiligin ka? Pero... Ganito na ba talaga kagwapo ang lalaking ito para kiligin agad sila kahit wala pa siyang ginagawa? "'Di mo kilala 'yan, 'no?" Napalingon ako sa gilid ko nang makakita ng isang babae. Hindi ko alam kung bakit kinakausap niya ako ngayon. "H-Hindi nga..." sagot ko. Hindi ko siya kilala ngunit sinagot ko na lang ang tanong niya dahil ayaw kong magmukhang masungit sa kaniya. Isa pa, baka mabait siya at gusto niya akong kaibiganin kaya sino ba ako para tumanggi, hindi ba? Gusto ko ngang magkaroon ng kaibigan rito, e, ngunit sa ikinalaki-laki ba naman ng school na 'to, sa ikinadami-rami ng mga tao ay walang nakikipag-kaibigan sa akin. "Bago ka dito?" tanong niya ulit. Wala sa akin ang paningin niya, naroon 'yon sa harap. Mukhang nakatitig lang siya doon sa lalaking iyon. Walang emosyon sa mukha niya ngunit nababasa ko na siya. Sa mga titig niya pa lang doon sa lalaki ay pakiramdam kong isa rin siya sa mga nagkakagusto doon. "U-Uh... Oo, bakit?" "Kaya pala." Tumango-tango siya. "Everyone knows her. I got curious because of your stares. I assumed that you don't know him pero totoo nga. Hindi mo nga siya kilala." "B-Bakit? Sino ba siya?" Nakuha na nitong babae sa tabi ko ang buong atensyon ko kaya nilingon ko siya, nakaharap na mismo sa kaniya ang katawan ko. "Sebastian Lancelot Laxamana..." May gumuhit na misteryosong ngiti sa labi niya. "Everyone likes him. Alam mo kung bakit? Multi-billionaire ang pamilya nila, lalo ang Lolo niya sa mother's side na si Lucio Facundo. Sikat sa business world, mga halimaw pagdating sa business, at mas lalong magaling humawak sa pera kaya ganoon sila kayaman ngayon." Tumaas ang isang kilay ko. Sabi na at tama ang hinala ko. Hindi na mukhang, mamahalin na ngang talaga itong lalaking ito. Mukhang nasa kaniya na ang lahat dahil nasa kaniya na ang pera, itsura, at kung ano-ano pa. Hindi ko nga lang alam sa ugali at wala akong balak na alamin iyon. "Do you know why everyone likes him?" "Ha?" Tinaasan niya ako ng kilay matapos lingunin. "Hindi mo naintindihan ang sinabi ko?" Umiling ako. "H-Hindi... Sorry." Natawa siya. "Ibig kong sabihin, gusto siya nang lahat, alam mo kung bakit?" "B-Bakit?" Mas lalo lang lumaki ang kuryosidad ko. Bakit nga ba gusto siya nang lahat nang narito? "Obviously because of his money and looks." Muli siyang bumaling sa harap. "Dahil sa pera, dahil sa itsura, at kung ano-ano. Matalino 'yan kaya gusto siya ng iba para kumopya or magpatulong. Gwapo siya kaya karamihan ng maaarteng babae rito ay gusto siya para lang masabing naging boyfriend nila si Sebastian Laxamana. Mayaman siya kaya ang iba ay gusto siya para kung sakali ay mabigyan siya ng pera o hindi kaya mga mamahaling bagay. Mga hayop, gusto lang ng sugar daddy." "K-Kasali ka ba sa kanila?" tanong ko. Hindi siya sumagot. Parang may kung anong umihip sa isip niya dahil imbes na sagutin niya ako ay humakbang na siya para umalis. Nilampasan niya lang ako at lumapit sa isang table na may mga babaeng mukhang kaibigan niya. Natahimik na lang ako at ipinagpatuloy na lang ang pag-kain ko. Mukhang wala namang balak akong kaibiganin n'ong babaeng iyon, baka sinagot niya lang ang tanong sa isip ko na kung sino itong lalaking nasa harap at kung bakit gustong-gusto siya ng mga babae. Bago ako umuwi ay dumaan ako sa library para humiram ng libro. First day pa lang kasi ngunit nagbigay na sila ng assignment sa amin kaya kailangan ko pang humiram ng libro sa library para masagutan ko iyong assignment ko dahil hindi pa naman ako nakabibili ng libro. Hindi ko pa iyon nababanggit kay Nanay at sa tingin ko ay malaking gastos iyon kaya naga-alinlangan ako kung sasabihin ko ba. Mula sa kahabaan ng maliit na puwang dito sa gitna ng mga shelves, nakatayo ako at hinahanap iyong librong hinahanap ko. Ang alam ko kasi ay nasa taas na parte iyon dahil nagtanong na ako kanina sa librarian. Ang sabi niya ay nasa taas na parte ng shelf, hanapin ko na lang raw. Kaya ngayon ay tingalang-tingala ang ulo ko, hinahanap iyong libro gamit ang paggala ng mga mata. "Bro, she's a hottie! You, guys, can heat up the night!" Nakarinig ako ng bulungan mula sa mga shelves kaya sumilip ako sa maliit na puwang sa gitna ng mga libro. May nakita akong tatlong lalaki ngunit hindi ko maaninag kung sino sila. Iyong lalaking nagsasalita lang ang nakikita ko, hindi ko makita kung sino iyong mga kausap niya. "Shawty, man. Shawty," gatong ng isa na tinapik pa iyong lalaking kinakausap nila. Nakita ko kasi ang kamay niyang tinatapik iyong balikat ng isang matangkad na lalaki. Aalisin ko na sana ang atensyon ko sa kanila ngunit bigla akong natigilan sa pamilyar na boses na iyon. "I don't give a damn about her, Brent. She ain't that attractive for me," sagot n'ong lalaking pamilyar ang boses. "Bro, she is so damn attractive!" "The hell with you, Baste?" Nagtawanan iyong dalawang lalaki, narinig ko naman ang pag-'tsk' n'ong lalaki at hindi na lang pinansin ang dalawang kasama niya. Mukhang hindi niya nagustuhan ang pagtawag sa kaniya n'ong lalaking iyon. Ano bang mali sa pangalan niya? Ang cute nga, e. "Bahala ka na dyan, Baste," pagdiin pa n'ong isang lalaki sa pangalan niya. "Alis na kami ni Brent, habulin namin si shawty." "Go ahead," tipid na sagot n'ong Baste. Narinig ko ang mga yapak n'ong dalawang lalaki, mukhang natatawa pa. Hindi ko sila sinundan ng tingin at mas pinagtuonan ng pansin iyong Baste na naroon pa rin sa harap ng shelf. Mukhang napansin niyang may tumititig sa kaniya kaya mabilis akong tumalikod at bumalik sa paghahanap ng libro. Napalunok ako nang ilang beses nang marinig ang yabag n'ong Baste. Naramdaman ko bigla ang presensya niya kaya umakto akong normal, kunwari ay hindi nakikinig sa usapan nila kanina. Sana lang talaga ay hindi niya nakitang nakikiusyuso ako sa pagu-usap nila. Hindi ko na lang siya inabala kahit naiilang na ako sa presensya niya. Nakita ko na iyong libro at ang nakakainis ay naroon iyon sa pinakamataas na parte ng shelf. Tumingkayad ako para abutin iyon ngunit mukhang hindi iyon sapat dahil hindi ko pa rin maabot. "Need some help?" Pasimple kong kinagat ang ibabang labi ko at nilingon siya. Halos magpigil na ako ng hininga nang makitang siya iyong Sebastian Lancelot Laxama na pinagtitilian n'ong mga babae, siya iyong billion heir na sinasabi n'ong babae kanina! Alam ko na kung bakit nga siya pinagtitilian n'ong mga babae kanina, alam ko na rin kung bakit nila nagugustuhan itong Sebastian na ito. Tama naman kasi sila, gwapo nga ito. Kung kanina ay gwapo na siya sa paningin ko, parang mas lalo lang siyang gumwapo sa malapitan. Kinabahan tuloy ako bigla sa kaniya, lalo sa mga titig niya sa akin gamit ang kulay grey niyang pares ng mga mata. "Hi?" Kinaway niya ang kamay niya. Nagbalik lang ako sa ulirat ko nang marinig siya. Mabilis akong lumunok at imbes na mag-inarte pa ay tumango na lang. Lumapit siya at amoy na amoy ko na ang mabango niyang pabango na napakatapang ng amoy. Umusog ako nang kaunti at hinayaan siyang abutin iyong libro gamit ang kamay niya, walang kahirap-hirap, ni hindi siya tumingkayad dahil sa tangkad niya. "S-Salamat..." utal kong sabi at kinuha sa kaniya iyong librong inabot niya. "Huli ka, Baste!" Nanlaki ang mga mata kong lumingon doon sa mga kaibigan niyang bigla na lang sumulpot. Ang bilis-bilis ng pangyayari, bigla na lang may lumilipad na libro papunta sa akin. Ang buong akala ko ay matatamaan ako ngunit gayon na lang ang gulat ko nang humarang sa akin iyong Sebastian na ito. Dahil sa biglaan niyang pagharang, nawalan siya ng balanse at sa mismong harapan ko pa. Hindi ko alam ang gagawin ko, natataranta na ako at handa na siyang saluhin kaya lang ay pagdapo ng katawan niya sa akin ay sabay kaming bumagsak. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng likuran ko nang bumagsak kaming pareho. Hindi siya magaan kaya ang sama ng bagsak ko. Ang malala pa rito ay... Nakasubsob siya sa akin! "Damn, Brent!" mura niya. Hindi agad ako naka-react. Gulat na gulat pa rin ako kaya nanlalaki ang mga mata kong tinignan siya. Hindi ko magawang makagalaw o makatayo man lang dahil sa gulat kaya nang tingalain niya ako ay ngumiwi siya. "I'm sorry," he whispered. "U-Uh... P-Pwede bang umalis-" Mukhang natauhan na rin siya dahil sa pwesto naming dalawa kaya dali-dali siyang tumayo at kinuha iyong librong binato sa kaniya. Gigil niyang binato iyon sa mga kaibigan niyang tawang-tawa pa dahil sa kalokohan nila. "The hell is your problem!?" asik nito sa kanila. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at kinuha na ang mga gamit ko para umalis ngunit aalis pa lang sana ako nang lingunin na niya ako. "A-Are you okay? Sorry... Does your back hurts?" "H-Ha?" "I'm Sebastian." Nilahad niya ang kamay niya. Mariin akong tumitig sa kamay niya at matutulala na naman ngunit inunahan ko na ang sarili ko. Umiling ako sa kaniya na ikinakunot ng noo niya, hindi na ako nagsalita at nakayukong tumakbo paalis... Palayo sa kanila. "Ma'am? Hello, Ma'am? Tulala ka po?" I got back to my senses again when I heard Sandra's voice. I shook my head. "Ma'am, kanina ka pa tulala. Kanina pa kita tinatawag, nandyan na 'yong board." I nodded. "T-They're already here?" "Yes, Ma'am. Kanina pa sila naghihintay sa conference room." Tumango ako at tumayo na para kunin ang hand bag ko. I sighed before getting out of my office. Dahil sa pagbanggit ni Sandra sa pangalan niya kanina ay muli ko na naman tuloy nabalikan ang alaala naming dalawa na hindi na dapat binabalikan pa. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit bumalik siya... Bakit bumalik siya sa buhay ko? Kasi, kung guguluhin niya lang ulit ang buhay ko, ipalalasap ko sa kaniya ang gulong gusto niyang lasapin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD