Chapter II

2476 Words
Napakamot ako ng ulo nang makarating ako sa headquarters. Para kasing may rally sa dami ng mga reporters sa labas at napakarami ring mga usisero na pilit na gustong pumasok sa loob ng himpilan. Ang iba ay nanggaling na sa crime scene kanina at ang iba naman ay mga sikat na mga reporters. Marahil ay nakarating na ang balita sa labas ng Arkhenham at ito ang isa sa pinaka-iniiwasan namin. Iginarahe ko ang sasakyan ko sa labas ng headquarters at umikot ako sa likod para maiwasan ang nagkakagulong mga reporters pero ang akala kong mapayapang daan ay mas malalala pala. Naroon kasi si hepe. Naka-upo sa isang bangko na halos hindi siya kasya dahil sa laki. Nakasimangot at tila hinihintay ako doon. Kasama niya ang dalawang pulis na alalay. Sumaludo ako sa kanya pero sinagot niya iyon ng matalim na tingin. “Nakikita mo ba ang nangyayari sa labas?” tanong niya habang lumalapit sa akin. Hindi ako sumagot. “Hindi na ako makapaghintay sa opisina, Perez. Kailangan ko na ng sagot sa serial killing na ito. Binubugbog na ako ng mga tanong. Tumawag na rin ang PNP Chief! Gusto nila akong maka-usap ngayong araw. Anong isasagot ko sa kanila?! Ha?!” Nabanas ako sa sinabi niyang iyon pero pilit kong itinago ang inis sa matabang hepe na ito. “Ginagawa po ng team namin ang lahat para malutas ang kasong ito,” sagot ko sa kanya habang nakasaludo pa rin at nakatingin sa kanya. “Isang linggo, Perez. Kahit pangsagot lang sa media. Ikaw lang at ang team ni Ross ang maaasahan ko. Nagkaka-intindihan ba tayo?” “Yes, sir!” Matapos noon ay sumaludo siya sa akin at umalis paakyat sa kanyang opisina. Wala akong nagawa kung hindi ang magbuntong hininga. Lagi na lang siyang ganoon. Laging inaasa sa iba ang lahat. Baba lang siya sa opisina niya kapag tadtad na siya ng reklamo at problema. Ni hindi ko alam kung paano niya nakuha ang posisyon niya. Nakakasira ng araw. Dumeretso ako sa forensic department para kunin kahit man lang ang initial report ng bangkay na nakita kanina. Kakatok pa sana ako nang biglang kusang bumukas ang pinto at bumungad sa aking si Dr. Grace Perez, ang asawa ko. “Ikaw pala, Pasok,” malamig niyang sabi na hindi man lang tumitingin sa akin. “Ito ang initial report, ipapadala ko mamaya ‘yong full report.” Inabot ko ang sobreng iniabot niya pero hindi ko masyadong narinig ang sinabi niya. Abala kasi ako sa pagtitig sa kanya. Minsan kasi sa loob ng isang linggo, tatlong beses lang kami nagkikita dahil sa dami ng trabaho. Kaya naman tuwing makikita ko siya dito sa trabaho ay sinusulit ko ng tignan ang kagandahan ng asawa ko. Hindi katangkaran si Grace at hindi halata sa hitsura niya na 31-anyos na siya, may asawa at anak. At hindi nagbabago ang napakagandang kulay tsokolate niyang mga mata. Ang totoo, hanggang ngayon ay marami pa ring nagpapadala ng bulaklak sa kanya at nagpaparamdam. Para sa iba, tinatawag nila kaming perfect tandem. Marami kasi kaming kasong nilutas ng magkasama. Gamit ang galing niya sa forensic pathology, walang misteryo sa pagkamatay ng isa ang hindi niya kayang lutasin. Isa siya sa pinakakilalang forensic pathologist sa bansa. Pero kahit ganoon ay hindi ko siya nakitaan na lumaki ang ulo niya o ano pa man. “Tutulala ka lang ba d’yan?” sabi ni Grace na umagaw sa atensiyon ko. “Ah, hindi. Pupunta na ko sa opisina.” “Sige.” Malamig si Grace sa akin sa trabaho. Kung minsan napapansin iyan ng mga kasama niya at ng mga kasama ko. Pero para sa akin, professionalism lang niya ang lahat. Dahil iba ang ipinapakita ni Grace sa akin sa bahay. Malambing siya, maaalaga at maaalalahanin sa amin ng anak niya. Kaya naman bale wala sa akin kahit ganito ang pakikitungo niya sa akin dito sa headquarters. Paalis na sana ako nang mapansin ko ang gasa sa kanang braso niya, sa bandang itaaas ng siko. “Ah, anong nangyari sa braso mo?” “Ah, ito?” tumigil siya at tinignan ang brasong may sugat. “Pasaway kasi ‘yong intern kanina. Nadulas habang nagtatrabaho. Hawak niya ‘yong scalpel kaya iyan sumagi sa akin.” “Ganoon ba? Hindi ba delikado ‘yon? Dapat pinagsasabihan ‘yon!” “Tapos na! Napagalitan na,” taas kilay niyang sagot na para bang sinasabing wala akong dapat ipag-alala. “O, siya. Mag-iingat kayo lagi. Aalis na ako at malamang na hinihintay na nila ako,” sabi ko. “Sige,” maikli niyang sagot na hindi man lang tumingin sa akin. Pero bago ako makalabas ay may nakita akong tumawag sa pansin ko. May bulaklak na kalagay sa isang babasaging lagayan. Bago ito at mukhang kalalagay lang doon. At kamukha ito ng bulaklak na nakita ko sa bangkay kanina. “Mahal,” tawag ko kay Grace. “Sabi sa’yo huwag mo akong tawaging mahal dito sa trabaho.” “Anong tawag sa bulaklak na ‘to?” tanong ko na hindi pinansin ang sinabi niya. “Ha? Ewan ko. Hindi ko nga alam kung sino nagpadala niyan, eh. Bakit?” “Wala. May kamukha kasi,” nakangiti kong sagot. “Nga pala, madami pa ring nagpapadala ng mga bulaklak sa’yo?” “Hindi. ‘Yan lang. Tinanong ko rin ‘yong nagdala niyan. Hindi rin daw niya alam kung sino nagpadala.” “Ah, okay.” “Nagseselos ka?” nabigla ako sa tanong niya. “Huwag kang mag-alala. Ikaw lang ang asawa ko,” nakangiti niyang dugtong. “Alam ko.” Kinilig ata ako sa sinabi niyang iyon. Lalapit pa sana ako para mag-iwan ng isang halik pero tumalikod na siya at pumasok sa laboratoryo. Kaya naman umalis na rin ako at dumeretso sa investigation department habang kumakamot ng ulo. Seryoso at nakakunot ang mga noo ng mga tao sa opisina pagdating ko. Abala sila sa harap ng computer at napasimangot din ako ng makita ang tambak ng mga dokumento sa mesa ko. Hindi ako nagsalita, umupo ako sa upuan ko kahit alam kong hinihintay nila ang dala kong balita. “Marc,” tawag sa akin ni Captain Elisa Ross. Siya ang bunsong anak ni Chief Ross. Ang tanging nanakaligtas sa killer na sumira sa pamilya ng dati kong hepe. Halos sabay kaming pumasok ng academy pero mas mabilis ang naging promotion niya. Matalino, mataktika at higit sa lahat ay ubod ng tapang. Siguro ay namana niya iyon mula sa kanyang ama. Kulay gatas ang kutis ni Captain Ross. Kung hindi mo siya kilala, hindi mo siya pagkakamalang pulis lalo na at may katangkaran at kagandahan ang kanyang katawan. Ang totoo, noong una ko siyang makita akala ko isa siyang modelo. Kapansin-pansin din ang itim, mahaba at unat niyang buhok na kahit minsan ay hindi ko pa nakitang nakalugay. “Yes, Captain.” “Alam kong may dalang balita ang pinaka-magaling na detective ng Arkhenham. Ilabas mo na,” sabi niya na hindi iniaalis sa monitor ng computer ang mga mata. “Ang totoo. Halos wala akong nakita sa crime scene. Kagaya noong naunang dalawang biktima. Maliban sa mga ito,” sabi ko sabay latag sa mga maaaring maging ebidensya na nakita ko sa lugar at nang initial report galing sa forensic department. Tumayo mula sa pagkaka-upo si Ross at tinignan ang mga supot na inilabas ko. “Bulaklak, kaperasong basahan at kahoy?” taas kilay niyang tanong. “Iyang bulaklak, nakita ko sa ilalim ng braso ng biktima. Walang puno o halaman sa lugar na maaaring mamulaklak ng ganyan. Kaya naniniwala ako na galing iyan sa kung saan pinatay ang biktima.” “At itong tela at kahoy?” Ikinuwento ko kay Captain Ross ang tungkol sa kahinahinalang tao na umaaligid doon sa crime scene. Ipinaliwanag ko rin sa kanya na ang dugong nakakakapit sa piraso ng kahoy ay dugo ng taong iyon. Tumahimik siya saglit, pumikit, nagbuntong hininga at napa-iling ng ulo. “Sige,” sabi niya sabay balik sa kanyang upuan dala ang initial report. “Hansel, dalhin mo sa forensic ang may dugong kahoy at tela na ‘to. Tignan nila kung makakakuha ng DNA at ikumpara kamo sa mga nasa records natin. I need the result by today,” matigas na utos nito sa isa naming kasama. “Yes, Captain!” sagot ni Hansel. Ang pinakabata sa aming team. Isang taon pa lang na pulis si Hanselie Romano. Tunog lalaki man ang palayaw niya, babaeng-babae naman siya. Maliit ang pangagatawan at may suot na bilog na salamin sa mata. Pero base sa mga narinig ko. Isang martial-arts expert itong si Hansel. Pero ni minsan ay hindi ko pa siya nakita sa operasyon. Lagi kasi siyang naiiwan sa opisina. Mabilis na kumilos si Hansel para dalhin ang mga nakuha kong ebidensya sa forensic. Kasunod naman noon ay ang pagdating ni Gunner na may ngiti sa mga labi. Dumeretso siya sa akin at ipinaliwanag ang mga nalamang impormasyon. “At talagang kay Marc mo sinasabi ang mga ‘yan,” sita ni Captain Ross kay Gunner. “Ay, sorry Captain. Hindi ko kayo napansin,” sagot naman ni Gunner na nauutal pa. “Whatever! Anong nakita mo?” “Ito,” sabi ni Gunner habang lumalapit kay Ross. “Ang mga kutsilyong ginamit sa una, pangalawa at sa pinaka-latest na biktima ay pare-pareho. Sa tingin ko ay custom-made ang mga iyon. Nag-search ako online at nagtanong-tanong at nalaman ko na may gumagawa ng mga custom-made na kutsilyo sa bandang norte ng Arkhenham.” “Sige, puntahan mo ito sa lalong madaling panahon,” malamig na sagot ni Captain Ross kay Gunner. “Pero huwag muna ngayon, dahil may meeting tayo. Hintayin lang natin na makabalik si Hansel.” Ilang sandali lang ay bumalik na si Hansel. Tumayo mula sa pagkaka-upo si Captain Ross at pinasimulan na ang meeting. Ang totoo, hindi pa ganoon katagal ang team na ito. Binuo lang ito matapos matagpuan ang unang bangkay ng serial killer na hinahabol namin ngayon. Dahil sa kakaibang karanasan ng mga pulis sa mga serial killers dito sa Arkhenham, alam na agad ng nasa itaas kung magiging serial killing ang isang kaso. Nakakabilib pero hindi nakakatuwa. Dahil matapos iyon ay i-aasa na lang nila ang lahat sa team na binuo para doon. “This is now an official serial killing case. Congratulations to all of us!” seryosong pasimula ni Captain Ross habang tinitignan kami isa-isa. “Hindi ko kayo sinisisi dito. Alam ko bilang isang detective at pulis na mahirap hulihin ang isang kriminal na walang kasing linis kung magtrabaho. Pero trabaho natin na hulihin ang hayop na ito.” “That’s right. Pero sana naman magbigay ng konsiderasyon ang nasa itaas. Masyado nila tayong minamadali. Maski ang media at ang mga tao. Hindi naman tayo pwedeng kumuha na lang ng tao tapos palabasin na siya ‘yung killer!” sabat ni Gunner. “Pwede ‘yon. Para matigil na ang mga reporters,” malamig na sagot ni Hansel. “Psycho ka talagang, bata ka!” “Kesa sa’yo,” bawing pang-aasar ni Hansel kay Gunner. “Tumigil kayo! Hindi ito ang oras para maggaganyan kayo! Nakatanggap ako ng memo mula sa itaas. Isang linggo ang ibinibigay nila sa atin! Kailangan nila ng maisasagot sa media. Isa pa, nakarating na ito sa PNP Chief. Anytime, pupuntahan nila tayo dito at malilintikan tayong lahat!” halos pasigaw na sabi ni Captain Ross. “Hindi ako nagagalit dahil doon. Nagagalit ako dahil siguradong may mga susunod na biktima ang hayop na iyon hangga’t hindi natin siya nahuhuli!” Tama siya. Kagaya ng sinabi ng ama niya sa akin kanina. Hindi titigil ito hangga’t hindi nahuhuli at napipigilan ang salarin. Marami pang inosenteng buhay ang mawawala kung hindi kami kikilos kaagad. Kailangan naming magmadali. Bukod sa killer, kalaban din namin ang oras. “Marc, gusto kong subukan ang sinabi mo sa amin noong nakaraan. Buksan natin ang kaso ng The Stabber. Ang kasong nagpatangyag sa Arkhenham,” biglang sabi ni Captain Ross. “Pero sabi mo, matagal ng sarado ang kasong iyon. Na namatay sa sunog ang primary suspect noon,” sabat ni Hansel. “Well, oo,” mabilis na sagot ni Ross. “Pero kung titignan mo ng mabuti ang mga autopsy report. Lahat ng ikinamatay ng biktima ay cardiac tamponade. Walang dugong lumabas mula sa pagkakasaksak sa kanila sa puso. Kinalbo rin lahat ng biktima. Ibig sabihin ginawang souvenir ang mga iyon, tama si Marc noon. Kaparehong- kapareho ito ng pagpatay ng sikat na si Stabber seventeen years ago.” “Sang-ayon ako, Captain,” sagot ko. “Huwag sana ninyong isipin na pansariling interes ko lang na buksan ang kasong iyon. Dahil sa naging biktima ang ina ko noon. Naniniwala ako, at malakas ang kutob ko na may malalaman tayo kung bubuksan natin ang kasong iyon.” “Kung kutob lang ang pag-uusapan, sang-ayon ako kay Sir Marc. Sa tagal ko siyang kasama, ni minsan hindi sumablay ang kutob niya. Iyon ang naging dahilan para maging sikat na detective siya,” sabi ni Gunner na ikina-ilang ko naman kaya sinipa ko mula sa ilalim ng mesa ang tuhod niya. “Sige. Subukan natin,” sagot naman ni Hansel na tila may pag-aalinlangan. “Hansel, kunin mo ang lahat ng files na kakailanganin natin,” utos ni Captain Ross. “Pagkatapos, umuwi kayo ngayong araw at magpaalam sa inyong mga pamilya. Hindi tayo uuwi hangga’t hindi natin nahuhuli ang hayop na killer na ‘to! Magpaalam kayo sa pamilya ninyo ng maayos!” “Yes! Captain!” sabay-sabay naming sagot. Matapos noon ay lumipas ang oras sa paghahagilap namin ng mga impromasyon sa mga dokumentong inilabas ni Hansel. Pero malabo pa ang lahat at nahihirapan kaming pagdugtung-dugtungin ang mga impormasyon. Nakatanggap kami ng tawag noong hapon ngunit wala iyong kinalaman sa serial killing na inaasikaso namin. Pero kinailangan naming rumesponde doon. Doon naubos ang oras namin hanggang sa malapit ng dumilim. Naghahanda na kami pabalik ng headquarters nang biglang tumunog ang cellphone ko. “Hello, Tiya?” mabilis kong sagot. “Marc,. Uuwi ka ba?” agad na tanong ng tiyahin ko na siyang nag-aalaga sa anak ko sa ngayon. “Opo. Bakit?” naramdaman ko ang pag-aalala sa boses niya. “Please umuwi ka ngayon. Kakaiba ang ikinikilos ng asawa mo. Madalas na nagsusumbong si Mat sa akin. At ngayon, kakaiba talaga. Umuwi ka ngayon, okay? “Sige po. Patapos na po kami at uuwi na ako.” “Bilisan mo.” Matapos noon ay pinatay ni Tiya Isabel ang tawag. Umupos ako saglit sa loob ng sasakyan at nag-isip. Ni minsan, sa loob ng anim na taon, walang inireklamo si Tiya Isabel kay Grace. Ang totoo, magkasundo sila. Kaya nakapagtataka. At ano naman kaya ang kakaibang ikinikilos ni Grace ngayon? Isa pa, bakit ganoon ang tono niya? Parang natatakot siya na nag-aalala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD