Chapter III

1847 Words
Hindi biro ang trapik kaya naman lubog na ang araw nang makarating ako sa bahay. Tumigil ako saglit sa harap ng pinto. Iniisip ko uli kung ano nga kaya ang sinasabi ni Tiya Isabel na kakaibang ikinikilos ni Grace. Hindi ako matahimik. May sobrang pag-aalala kasi sa boses niya nang tumawag kanina. Na hindi normal para sa kalmado at mahinhin kong tiyahin. Pag pasok ko ng pintuan ay agad akong sinalubong ni Mateo, ang anak namin ni Grace. Limang taong gulang na siya pero mas matangkad siya kaysa sa mga ka-edad niya. Madalas siyang napagkakamalang elementary student ng mga tao. At kung titignan mo siyang maigi, ay talagang kamukhang kamukha niya si Grace. Magkamukha, lalo na ang mga mata nilang dalawa. Matapos humalik sa akin ni Mateo ay tumakbo ito pabalik sa kwarto niya sa itaas. Sumunod naman na lumabas si Grace. Mula siya sa kusina at tila naghahanda ng hapunan. Walang kakaiba sa kanya. Matamis ang ngiti niya sa akin, maliwanag ang kanyang mga mata at nakapasarap ng maikling halik na ibinigay niya para salubungin ako. Kaya naman isinantabi ko muna ang itinawag ni Tiya Isabel kanina. “Maaga ka atang naka-uwi ngayon?” tanong ko kay Grace. “Oo. Marami kasing gagawin bukas kaya pina-uwi muna kami para makapag-pahinga. Ikaw? Himala at naka-uwi ka?” “Ah, oo,” sagot ko sabay akbay kay Grace. “Sisimulan na kasi ang pormal na imbestigasyon sa serial killing na nangyayari ngayon. Kaya pina-uwi kami para kumuha ng mga damit at siyempre makapag-paalam. Alam mo naman si Captain Ross.” “Mukhang hindi nanaman tayo magkikita ng matagal,” nakangiti ngunit may lungkot sa mga matang sabi ni Grace. Hinalikan ko sa noo ang asawa ko at niyakap. “Kailangan nating gawin ang mga trabaho natin. Dahil kung hindi, hindi magiging ligtas ang Arkhenham. At ayaw kong kayo ang malagay sa panganib kung hindi mahuhuli ang kriminal na iyon.” Tumango-tango si Grace habang nakangiti. Hinalikan niya ako sa pisngi at matapos noon ay bumalik siya sa kusina para ituloy ang pagluluto at dumeretso naman ako sa kwarto para magbihis. Pero bago ko pa mabuksan ang pinto ay hinawakan ako ni Tiya Isabel sa braso. “Marc, mag-usap tayo,” sabi niya habang tinitignan ang dereksyon papuntang kusina. Tila sinsigurado niyang hindi siya nakikita at naririnig ni Grace. “Ano po bang problema, Tiya?” Pero sa halip na sumagot ay naglakad si Tiya Isabel papunta sa bakanteng kwarto at tinawag ako mula sa loob noon ng may pag-iingat na makita siya ni Grace. “Si Grace, kaninang umaga,” pasimula niya habang patuloy pa rin ang pagtingin sa paligid na tila nag-aalala. “Umuwi siya. Duguan ang braso.” “Ah, baka po iyon sa aksidente doon sa lab niya. Napansin ko na ‘yon sa headquarters kanina at na-ikwento nga—” “Makinig ka muna!” pabulong na pagsigaw niyang sabi para putulin ang sasabihin ko. Sabay dungaw ule papunta sa kusina. “Galit na galit siya! Nagsisigaw! Tapos parang may kausap siya sa banyo. Nagsisigawan sila. Akala ko may kausap siya sa cellphone, pero nang sumilip ako, kinakausap niya iyong sarili niya sa salamin!” “Tiya Isabel. Totoo po ba ‘yan?” “Ano ka ba, Marc? Bakit ko naman sisiraan si Grace sa’yo!” kunot noo niyang sagot. “Ang totoo, nung nakaraan nagsumbong din sa akin si Mateo.” “Si Mateo?” “Oo! Sabi niya, nakita niya si mommy niya na may kaaway sa salamin. Tapos noong tinanong niya si Grace. Sinigawan daw siya at galit na galit!” Sa tagal naming magkakilala at magkasama ni Grace ay hindi ko pa siya nakitang nagalit at sumigaw. Ang totoo, noong nililigawan ko pa lang siya, akala ko ay hindi talaga siya marunong magalit. Nagiging seryoso siya at hindi namamansin kapag nagagalit. Pero hindi siya naninigaw. Hindi rito sa bahay at hindi rin sa trabaho. Hindi ako makapaniwala kay Tiya Isabel pero alam kong hindi siya magsisinungaling sa akin. Siniguro ko na lang muna sa kanya na kakausapin ko si Grace at tatanungin kung may problema ba. Mahigpit na ibinilin ni Tiya Isabel na huwag kong sabihin na siya ang nagkwento. At ramdam ko ang takot sa kanyang pagsasalita. Matapos kong magbihis ay pumunta ako sa kwarto ni Mateo. Sinalubong ako ng ngiti ng nakakatuwa kong anak. Niyakap ko siya at kinarga kahit na may kabigatan na siya. Sigurado kasing dalawa o tatlong araw nanaman ang lilipas bago kami magkita muli. Isa pa, may gusto akong itanong sa kanya. “Mat, pinagalitan ka ba ni mommy?” “Opo,” malungkot na sagot ni Mateo. “Bakit? Anong ginawa mo?” “Sumisigaw po kasi si mommy sa C.R.,” sagot niya sabay dampot ng laruan kotse sa sahig. “Tapos po kinausap ko siya. Tapos sinigawan po niya ako.” “Anong ginawa mo?” “Natakot ako, daddy. Tumakbo ako kay Nanay Isabel.” “Anong sabi ni mommy sa’yo? May sinabi ba siya?” Sandaling tumigil si Mateo at nag-isip. “Sabi niya, huwag ko siyang tawaging mommy.” “Ha? Sinabi niya ‘yon?” “Opo! Sabi niya, hindi siya si mommy. Siya daw si Anabelle!” “Anabelle?” malakas kong tanong kay Mateo. Dahil iyon ang unang beses na narinig ko ang pangalang iyon dito sa bahay. Pagkatapos noon ay bigla naming narinig ang boses ni Grace. Tinatawag na niya kami para maghapunan. Mabilis na bumaba si Mateo. Gusto ko pa sanang magtanong sa kanya pero hindi ko na rin alam ang sunod na itatanong. Lalo na sa kanya na isang bata. Anabelle? Sino si Anabelle? At bakit iyon sasabihin ni Grace? Bumaba na rin ako at dinatnan ko si Grace at si Tiya Isabel na naghahanda ng lamesa. Nagbibiruan sila. Normal na eksena sa bahay tuwing kumpleto kaming naghahapunan. Pero sa pagkakataong ito ay panay ang tingin sa akin ni Tiya Isabel na tila sinasabing alamin ko kung ano ang nangyayari sa asawa ko. Natapos namin ang hapunan. Masarap ang inihandang sinigang ni Grace at masayang nagkwento si Mateo ng mga ginawa nila ni Tiya Isabel sa maghapon. Normal talaga ang lahat. Wala akong nakikitang kakaiba. Hanggang sa biglang tumigil si Grace sa pagkibo sa gitna ng aming kwentuhan. Nagkatinginan kami ni Tiya Isabel. Napansin din niya siya si Grace. “Grace, mahal, okay ka lang?” tanong ko sabay hawak sa kamay niya. Pero agad din niyang binawi ang kamay mula sa pagkakahawak ko. Sumenyas ako kay Tiya na dalhin na si Mateo sa kwarto na agad naman niyang ginawa at iniwan kaming mag-asawa sa harap ng hapag-kainan. “Anong problema?” muli kong tanong. “Wala. Walang problema.” “Bakit bigla ka na lang tumahimik? Hindi ka na kumibo? May nasabi ba akong hindi maganda?” dugtong kong tanong. Pero hindi sumagot si Grace. Nakatingin lang siya sa ibaba ng lamesa. “May problema ba sa trabaho?” “Wala!” malakas niyang bulyaw sabay tayo at hampas ng kamay sa lamesa. “Sinabi ko ng wala ‘di ba?!” pabulyaw din niyang dugtong. Nagulat ako sa ginawa niyang iyon. Hindi ako nakasagot at natulala ako sa kanya. Nanlilisik ang mga mata niya na nakatitig sa akin. “Grace—” Pero bago ko pa masabi ang gustong sabihin ay mabilis siyang umalis at umakyat sa aming kwarto. Pagkatapos ay lumabas siya, dala ang susi ng kanyang sasakyan at umalis. Hindi ko siya hinabol. Masyado akong nabigla sa ikinilos niya. Hindi ko alam ang pinagdadaanan niya. Siguro, kailangan ko lang palipasin ito at hindi na dapat pa sabayan ang init ng ulo niya. Pero tama si Tiya Isabel. May mali sa ikinikilos ng asawa ko. At kailangan kong malaman iyon. “Sabi ko sa’yo may mali kay Grace ngayon,” sabi ni Tiya Isabel na kabababa lang mula sa itaas. “Mas mabuti siguro, dalhin ko muna sa Mateo sa amin. Tutal, mukhang magiging busy na naman kayong dalawa.” May pag-aalala sa boses ng tiyahin ko at hindi ko mai-aalis sa kanya iyon. Mahal na mahal niya si Mateo na parang anak niya. “Sige po. Ako na lang po ang magpapaliwanag kay Grace.” Matapos ang usapang iyon ay inasikaso ni Tiya Isabel ang mga pinagkainan namin. Nagpresenta ako na ako na gagawa noon pero ipinilit niyang siya na. Kaya naman umakyat na ako sa itaas at dumeretso sa kwarto. Binuksan ko ang dokumentong dala at sinimulang basahin at pag-aralan ang pinakakinamumuhian kong kaso. Ang The Stabber Serial Murder Case. Ito ang kasong nagpasikat sa Arkhenham labing-pitong taon na ang nakalilipas, sa masamang paraan. Sa loob ng isang taon, labing-limang babae ang pinaslang ng The Stabber. Lahat, ang ikinamatay ang isang malinis na tarak ng kutsilyo sa dibdib. Walang dugo ang nakita sa crime scene at maging sa hide-out ng kriminal kung saan niya pinapatay ang mga biktima. Malinis siyang magtrabaho. Kaparehong-kapareho ng hawak naming kaso ngayon. Magkahalong lungkot at galit ang naramdaman ko. Lalo na nang makita ko ang litrato ng mga biktima, kasama na ang ina ko. Pero kahit anong galit ko, ang itinuturong primary suspect at tanging itinuro ng ebidensya noon na si Carlos Gregorio ay namatay na. Namatay siya sa isang sunog matapos ang isang taon ng p*****n. Marami ang naniniwala na siya ang nagpasimula ng sunog para tapusin ang buhay niya. Maraming espikulasyong nabuo. Pero dahil sa pagkamatay niya, naging malabo ang kaso at isinara na lang ito. Habang iniisa-isa ko ang mga dokumento ay nakita ko ang isang papel. Naglalaman ito ng mga personal na impromasyon ni Carlos Gregorio. Isa siyang panday. Kilala siya sa paggawa ng magagandang klase ng mga patalim. At ang ilan ay inaangkat pa mula sa Arkhenham. Mayroon siyang dalawang anak. Isang babae at ang bunso ay isang lalaki. Ayon sa report, ang dalawa ay dinala sa magkahiwalay na shelter matapos mamatay ang kanilang ama. Sunod kong nakita ang mga medical records ng mga anak ni Carlos. Sa murang edad ay dumanas sila ng depression at mental trauma. At sinabi pa doon na ang bunsong anak ay may pagkakataong nagiging marahas sa mga tao sa paligid nito. Pero walang naka-ulat kung anong nangyari sa kanila matapos noon. Nagkaroon ako ng ediya. Marahil ay malalaki na ang mga batang ito ngayon. Halos ka-edad ko ang panganay na babae. At kung hindi sila gumaling mula sa mga sakit nila, maaaring sila ang nagsisimula ng patayang nagaganap ngayon. Pero bakit? Para saan? Ano ang magiging motibo nila? Kailangan kong alamin ang lahat ng iyon. Ibinabalik ko na lahat ng dokumento sa loob ng sobre nang biglang nag-ring ang cellphone ko. Isang hindi kilalang numero. Sigurado ako na galing ito mula sa isang payphone. “Hello?” “Inspector. Tulungan mo ako,” sabi ng isang tinig ng babae na parang pilit na pinapabata ang tunog. “Sino ‘to?” Hinintay kong sumagot ang babae. Pero walang nagsalita. Tanging tunog ng mga motor at sasakyan lang ang naririnig ko. “Hello. Sino ‘to?!” “Mag-iingat po kayo,” sagot ng babae pagkatapos ay biglang naputol ang linya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD