Hindi ako makatulog. Lagpas hating-gabi na pero hindi pa rin umuuwi si Grace. Nag-aalala ako. Nag-aalala ako dahil alam kong hindi na ganoon kaligtas sa labas ngayon. Kahit na marami sa pwersa ng pulisya ang nakapalibot ngayon sa buong siyudad, ay hindi pa rin ako makakasiguro na ligtas ang lumabas lalo na sa ganitong oras. Dumadag pa sa mga iniisip ko ang misteryosong tawag na natanggap ko. Nag-report na ako sa headquarters tungkol doon pero ayon sa kanila, wala naman daw kakaiba sa lugar kung saan nanggaling ang tawag. Pero may kakaiba sa tawag na iyon, sigurado ako. Noong una, naramdaman ko ang takot sa boses ng babaeng tumawag, pero matapos na hindi ito nagsalita ay tila napalitan iyon ng pagbababala. Ilang beses kong inisip kung sino ang gagawa noon at bakit. Pero siguro, isa lang talaga iyong prank call na natatanggap ng kahit na sino sa ngayon.
Sinubukan kong matulog. Pero talagang hindi ako dinadalaw ng antok. Gising na gising ang diwa ko at hindi ko maalis ang pag-alala kay Grace. Ibang-iba ang ikinilos niya kanina. Siguradong may problema o ikinagagalit siya na hindi ko alam. At kung anumang ang pinagdaraanan niya ay kailangan ko ‘yong malaman, para matulungan ko siya o madamayan. Kailangan ko siyang tawagan.
Sinubukan kong tawagan cellphone ni Grace pero hindi siya sumasagot. Tatlong beses kong sinubukan pero sa pangatlong tawag ko ay nakapatay na ang cellphone niya. Lalo akong nag-alala. Hindi ito ang unang beses na hindi umuwi si Grace pero ito ang unang beses na hindi siya umuwi dahil sa galit. Kadalasan kapag hindi siya umuuwi ay sa laboratoryo siya naglalagi at doon nagtatrabaho. Tinawagan ang forensic laboratory. Nagbabakasakaling naroon ang asawa ko, pero wala, hindi raw nagawi si Grace doon. Kaya naman tumayo akong muli at nag-isip kung saan pwedeng pumunta ang asawa ko. Ayaw kong mag-isip ng masama. Pero hindi magagawa ni Grace ang manlalaki o lokohin ako kaya isinantabi ko ang ideya na ‘yon. Ang ikinatatakot ko lang ay baka mabiktima siya ng gumagalang serial killer. At pag naiisip ko iyon ay talagang hindi ako mapalagay. Naghintay ako ng text mula sa kanya at ilang beses ko uli siyang tinawagan. Pero inabot na lang ako ng madaling-araw at hindi ko pa rin natagpuan si Grace. Hanggang sa hinila na lang ako ng antok at pagod at tuluyan nang nakatulog.
Ginising ako ng nakakaritang tunog mula sa cellphone ko at nakakasilaw na sikat ng araw mula sa bintanang hindi ko naisara kagabi. Masakit pa ang ulo ko dahil parang tatlong oras pa lang ata ang naitulog ko. Gusto ko sanang magpahinga pa pero late na ako. Hindi ako pwedeng magpakatamad ngayon. Kailangan ako sa headquarters at kailangan na naming hulihin ang gumagalang killer bago pa ito makapang-biktimang muli. Agad kong tinignan ang mga mensahe sa cellphone ko. Pero walang kakaiba, walang report ng krimen sa nakaraang magdamag at bahagyang nakahinga ako ng maluwag nang dahil doon. Pero muli akong nabahala nang wala pa rin akong mensaheng natanggap mula kay Grace. Kaya naman muli ko siyang tinawagan at sa pagkakataong ito ay nag-ring ng muli ang cellphone niya.
“Grace! Nasaan ka?” agad kong tanong nang may sumagot ng tawag ko. Pero walang sumagot. Tanging tunog ng tila may hinahasa na metal ang naririnig ko. “Grace!” lalo akong nakadama ng pag-aalala.
“Ay, sorry. Nandito ako sa baba naghahanda ng almusal.”
Parang may nabunot na tinik sa dibdib ko nang marinig iyon. Agad kong ibinaba ang tawag at mabilis akong bumaba sa kusina. At doon nga ay nakita ko si Grace na naghihiwa ng ipanglalahok niya sa nilulutong itlog. Nakapagsangag na rin siya ng kanin at nakapagtimpla ng kape. At nasa tabi niya ang hasaan at basa pa iyon, tanda na kagagamit lang nito. Tinitigan ko siya ng mabuti at napansin kong walang bakas ng puyat sa mga mata niya.
“Saan ka natulog kagabi? Tinawagan kita ng tinawagan.”
“Pumunta ako sa lab. Hindi kasi ako mapakali doon sa isang report na hinihingi sa akin,” sagot niya habang patuloy pa rin sa pagluluto. “Tapos na-lowbat bigla ‘yong phone ko.”
“Tumawag din ako sa lab kagabi. Wala ka doon sabi ng gwardiya.”
“Nandoon ako. Wala kasi siya sa pwesto niya nang dumating ako. Kaya baka hindi niya ako nakita.”
Umupo ako sa upuan at kinuha ang kape na tinimpla niya. Pero ibinaba ko rin matapos tikman dahil ubod ito ng tamis. Ayaw kong magduda sa kanya pero hindi ako kuntento sa mga sagot niya. Isa pa, alam na alam niya na ayaw ko ng matamis na kape.
“Kakaiba ang ikinilos mo kagabi. Nagsumbong din sa akin si Mateo tungkol sa pagsigaw mo sa kanya noong isang araw ng walang dahilan. May problema ba Grace?” tanong ko na nagpatigil kay Grace sa ginagawa niya. “Kung mayroon, pag-usapan natin.”
“Wala,” mahina niyang sagot pagkatapos ay ipanagpatuloy ang ginagawa. “Stressed lang siguro ako sa trabaho. Maraming ipinapagawang report lately. Sorry,” dugtong niya sabay harap sa akin. “I’m sorry if I made you feel terrible last night. At si Mateo, minsan kasi kumukulit na siya. Huwag kang mag-alala. Magso-sorry ako sa kanya kung nasigawan ko siya ng walang dahilan.”
“Nag-aalala lang ako sa’yo. Bigla-bigla ka na lang umaalis at hindi umuuwi. Alam mo namang mayroon pang gumagalang killer sa ngayon. Paano kung—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang biglang lumapit si Grace sa akin at niyakap ako. Hindi ko alam kung bakit, pero parang may kakaiba nga sa asawa ko. Pakiramdam ko hindi si Grace ang nasa harapan ko ngayon. O baka dala lang din ito ng stress dahil sa trabaho.
“Huwag kang mag-alala. Nag-iingat naman ako. Isa pa, alam ko namang mahuhuli mo na ang killer na ‘yon sa lalong mabilis na panahon,” sabi niya.
“Basta mag-iingat ka lagi. Palagi mo akong iti-text o tatawagan. Hindi ko alam ang magagawa ko kapag may nangyari sa’yo na hindi maganda. Okay?”
Isang magandang ngiti ang isinagot sa akin ni Grace at pagkatapos ay hinalikan niya ako. Nagtagal kami sa ganoong posisyon hanggang sa nag-init ang nararamdaman namin. Lumaban ako sa mga halik niya at nagdikit ang mga katawan namin. Ngunit ang init na iyon ay biglang nawala nang makarinig kami ng bumababa sa hagdanan. Si Mateo at Tiya Isabel. Oras na nga rin pala para mag-agahan ang pinakamamahal namin anak dahil sa papasok pa ito sa eskwela. Agad kaming naghiwalay ni Grace at sabay naming inihanda ang lamesa.
May gulat at takot pa rin sa mga mata ni Tiya Isabel nang makita si Grace. Pero kagaya ng kagabi, ay pilit niya iyong itinago at pinilit niyang kumilos ng normal sa harap ng asawa ko. Mapayapang tao si Tiya Isabel at mabilis matakot sa mga bagay-bagay. Kaya nang dahil sa siguro sa nakita niya kay Grace ay nagsimula siyang maging ilag dito. At hindi ko siya masisisi.
Naging normal ang almusal naming ‘yon, at least. Kwentuhan, tawanan at kinausap ni Grace si Mateo. Kinumusta niya ang mga homework nito at matapos kumain ay inayos pa niya ang buhok ng anak namin. Tinignan din niya ang mga notebook ng bata para siguraduhing walang nakaligtaan na gawin. Pinabaunan ng masarap na sandwich at pagkatapos ay humingi siya ng paumanhin na agad namang tinanggap ng anak namin. Pagkatapos noon ay ipinagpaalam na ni tiya Isabel si Mateo na sa kanila muna tutuloy. Sandalaing nag-isip si Grace pero matapos tumingin sa akin ay tumango siya kay Tiya Isabel. Nagbilin na lang siya kay Tiya at nagpabaon ng mga paalala kay Mateo. At matapos ihanda ang lahat ay umalis na ang mag-tiya para pumunta sa school.
Agad na nagligpit si Grace ng mga pinagkainan namin. Gusto ko siyang kausapin tungkol sa mga sinabi ni Tiya Isabel at sa sumbong ni Mateo. Gusto ko ring malaman kung sino si Anabelle. Pero hindi ko alam kung paano sisimulan ang usapan. Natatakot kasi ako na magalit siya na kagaya ng kagabi. Mas maganda sigurong palipasin ko muna iyon. Pero isa lang sigurado ko. May nagbago kay Grace at kung ano iyon ay hindi ko pa rin matukoy sa ngayon.
Tutulungan ko sana si Grace sa paghuhugas ng mga pinagkainan namin nang biglang tumunog ang cellphone ko. At agad ko iyong sinagot nang makitang si Gunner ang tumatawag.
“Hello?” Napatingin sa akin si Grace nang sagutin ko ang tawag. “Ano? Abduction case? Eh, hindi ba focus muna tayo doon sa serial killing? Bakit may abduction case?”
“Ang biktima ay dating kasintahan ng unang biktima sa serial killing case na hawak natin ngayon. Nakausap na natin siya noong nag-imbestiga tayo.”
“Si George ba ‘yon?”
“Oo… nakakapagtaka lang.
“Bakit?”
“Bakit siya ki-kidnapin? Hindi siya mayaman, hindi rin siya kilala. Pero… paano kung talagang may alam siya sa mga nangyayari at hindi lang niya sa atin sinabi? Mahina ang alibi niya, hindi ba?”
Napa-isip ako sa sinabi ni Gunner. Tama siya. Paano kung ganoon nga? “Sige. I’ll be there in 15.”
Pagbaba na pagbaba ko ng tawag ay lumapit sa akin si Grace. May luhang naipon sa mga mata niya at nag-aalala siya. “Mag-iingat ka,” Oo, normal lang sa asawa na mag-alala. Pero matagal na akong pulis, napaharap na ako sa mga delikadong kaso at ni isang beses hindi nagkaganito si Grace. Pero kesa dagdagan ang mga iniisip ko ay dapat na mag-focus ako sa itinawag ni Gunner. Kaya naman nilapitan ko ang asawa ko at niyakap.
“Oo. Mag-iingat ako. Magkita na lang tayo mamaya sa trabaho.”
“Sige.”
Pagkatapos kong ihanda ang lahat ng gamit ay mabilis akong nagmaneho papunta sa headquarters at agad akong dumeretso sa conference room kagaya ng sinabi ni Gunner. Pagdating ko doon ay naroon na si Captain Ross, Hansel at iba pang mga pulis. At tila ako na lang ang hinihintay.
“Okay. So, mukhang nandito naman na ang lahat. So, according to the information we gathered, the victim is identified as George Geronimo, thirty-four years old and the ex-boyfriend of the murdered victim Jessica De Guzman. According to the report, dinala ang biktima sa isang lumang gusali sa 52nd street. Duguan at walang malay,” sabi ni Captain Ross habang ipinapaypay sa kanya ang hawak na mga papel. “Marc, Gunner, this may lead to some clues that we need. So. let’s do our best to save the guy. Okay?”
“Yes! Captain!” sabay naming sagot ni Gunner.
“Hanselie will work with the call center and give us feeds as we do the rescue mission. Let’s go!”
Mabilis kaming nakarating sa 52nd street, isang malaking squatter’s area sa Arkhenham. Tahimik na ang lugar dahil karamihan sa mga nakatira doon ay pinaalis na ng nakabili ng lupa. Patatayuan daw ng pabrika ang lugar kaya naman sapilitang pinaalis ang mga nakatira rito. Naging kontrobersyal iyon at naibalita sa telebisyon. Maraming nasaktan ng sapilitang pinagsisira ang mga kabahayan dito. Pero kahit ganoon ang nangyari ay may iilan pa ring matitigas na hindi iniwan ang lugar. Hindi mo naman sila masisisi dahil malamang ay wala silang ibang pupuntahan.
Pag baba ko ng sasakyan ay napansin ko kaagad ang isang may-edad ng babae na tila balisa at hindi mapakali. Nilapitan ko ito para sabihing umuwi na lang at maaaring maging delikado ang mga susunod na mangyayari sa lugar.
“Ako po ang tumawag sa mga pulis. Ako po ang nakakakita kay George na buhat-buhat ang isang lalaki.”
Sumunod sa akin si Gunner at nakinig rin sa ale na kausap ko. “Kaano-ano po ninyo si George?” tanong ko sa babae na panay ay tingin kung saan-saan.
“Dito lumaki si George. Dalawang taon pa lang mula nang umalis siya dito para sumama sa girlfriend niya, ‘yong pinatay? Sabay kasing namatay ang mga magulang niya sa aksidente. Kaya naging mag-isa na lang siya bahay nila. Nag-iba si George mula ng mamatay ang mga magulang. Pero masisisi ninyo ba siya?”
May kadaldalan ang ale. Pero okay iyon dahil maaaring makatulong ang mga impormasyon na ibinabahagi niya. “Yong bahay na sinasabi ninyo ay ‘yong bahay kung saan siya dinala ng lalaking nakita ninyo?”
“Opo! Doon po!” sagot ng ale sabay turo sa isang bahay sa hindi kalayuan.
“Nakita po ba ninyo ang hitsura ng lalaki na may buhat kay George?”
“Hindi. Naka-suot siya ng itim na facemask at sumbrero. Pero malaking tao siya. Hindi hamak na mas matangkad siya sa iyo.”
“Sige po. Salamat. Pero hangga’t maaari lumayo po muna kayo dito. Okay?”
Pagkatapos noon ay ibinigay ko ang mga impormasyong nakapalap ko kay Captain Ross. Agad niyang pinalibutan sa mga kasama namin ang lugar at ipinasara ang mga daan. At dahan-dahan kaming lumapit sa bahay na tinutukoy ng ale kanina.
Sira-sira na ang mga bahay sa paligid at ang daan ay puno ng mga tipak ng bato na malamang ay galing din sa mga sirang bahay. Ngunit ang bahay na itinuturong pinagtaguan ng kidnapper ay maayos pa. Tanging mga kupas na pintura lang ang sira nito sa labas.
Pumwesto kaming lahat at inihanda ang sarili. Walang nakakaalam sa amin kung anong sandata o armas ang dala ng suspek kaya kailangan naming magdoble ingat.
“Ito ang Arkhenham Police Department. Napapaligiran ka na namin. Kaya kung maari, sumuko ka na ng mapayapa!” babala ni Captain Ross gamit ang isang megaphone habang ako at si Gunner ay nakatayo at kasandal na sa gilid ng pinto. Handa na kaming pumasok sa oras na magbukas ito.
“Hindi ako lalabas!” isang malaki at malalim na boses ang narinig naming lahat mula sa loob ng bahay. “Ratratin na niyo ang bahay na ‘to! Para sabay na kaming mamatay ng hayop na mamamatay tao na ‘to!”
Galit na galit ang lalaki sa loob. Ramdam na ramdam naming lahat ang gigil sa bawat bigkas niya ng salita. Kung ano man ang dahilan ng lahat ng ito, siguradong hindi iyon biro.
Sumenyas si Captain Ross na lumayo kami mula sa pintuan at pinapwesto niya kami sa isang lugar kung saan kita namin ang loob ng bahay. May malaking bintana sa harap ng bahay at doon ay nakita namin ang kalagayan ng biktima. Nakatali ito sa upuan at may busal sa bibig. Kitang-kita ang takot sa mga mata nito na tila nagmamakaawa sa amin na tulungan namin siya. Sa likod naman niya ay isang matangkad na lalaki na kulay abo na ang buhok. Matikas ang tindig nito at iniurong nito ang biktima para mas makita namin sila. Lantad na rin ang mukha nitong may mga linya na ng katandaan.
“Kung totoong mamamatay tao ang taong ‘yan, hayaan mong batas na ang magparusa sa kanya! Huwag mong dungisan ang mga kamay mo ng dugo ng taong ‘yan!” pangungumbinsi ni Captain Ross. “Pakiusap sumuko ka na!
“Batas? Anong batas? Hanggang ngayon wala pa nga kayong suspect sa pagkamatay ng anak ko! Kaya nag-imbestiga ako mag-isa! At ang hayop na ‘to ang nalaman kong may motibo sa pagpatay sa anak ko! Kaya gagawin ko rin ang ginawa niya sa pinakamamahal kong si Jessica! Tatarakan ko rin ang dibdib niya ng kutsilyong ito!”
Matapos marinig ang sinabi ng lalaki ay agad kong kinontak si Hansel sa headquarters. Ipinahanap ko sa kanya ang profile ni Jessica De Guzman at agad kong ipinahanap kung sino ang ama nito. At napagalaman namin na iyon ay si Feliciano De Guzman, dating sundalo. Ipinadala sa amin ni Hansel ang larawan ng mag-ama. At hindi ako maaaring magkamali. Ang hostage taker na kaharap namin ngayon ay walang iba kundi si Feliciano. Hindi namin siya nakausap noong nag-iimbestiga kami tungkol sa pagkamatay ng anak niya. Kung hindi ako nagkakamali ay nasa probinsya siya nang mga oras na iyon. Pero paano niya nasabing si George ang pumatay sa anak niya? At kung sakali, si George nga ba ang serial killer na hinahanap namin?
Napakarami ng mga tanong ang naglalaro sa isip ko. Hanggang sa may napansin akong gumalaw sa katabing bahay. Itinuon ko doon ang pansin sandali. Sinipat kong mabuti ang lugar kung saan ko napansin ang paggalaw at mula roon ay nakita ko ang isang taong naka-itim. At nang oras na magtagpo ang mga mata namin at agad siyang tumakbo. Sigurado ako kung ano ang nakita ko. Sigurado akong iyon din ang taong naka-itim na nakita ko kahapon sa may ilog.