Tuluyan ng nawala ang atensyon ko sa kriminal na nasa harapan namin. Sinundan ko ng tingin kung saan pumunta ang misteryosong tao na naka-itim. Nakasuot ito ng itim na sumbrero at natatakpan ang mukha nito ng itim na facemask. Siguradong ito rin ang taong nakita ko kahapon sa crime scene. Ito na ang pangalawang beses na nakita ko siya habang may operasyon ang mga pulis at hindi iyon nagkataon lang. Sigurado ako, may nalalaman ang taong iyon sa mga nangyayari. Pero bakit siya nandito? Ano ang kinalaman niya sa kidnap-hostage situation na ‘to? At bakit parang sa akin lang siya nagpapakita? Maaari kong sabihin sa mga kasama ko na sundan ang taong iyon. Pero hindi iyon magandang ideya dahil mas mahalaga ang buhay ng mga taong nasa harap namin ngayon.
“Huwag na huwag kayong lalapit! Sisiguraduhin kong tatagas ang dugo ng kriminal na ‘to dito! Isa pa, huwag kayong umasa na mahuhuli ninyo ako! Dahil sa oras na mamatay ang hayop na ‘to, pasasabugin ko ang buong bahay na ‘to!” banta ni Feliciano sa amin habang iwinawasiwas ang hawak na patalim.
“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo—”
“Wala kang naiintindihan! Walang naiitindihan ang mga pulis na kagaya ninyo! Mga wala kayong puso!” pasigaw na sabay ng hostagetaker kay Captain Ross. Pagkatapos ay muli niyang hinila ang biktima papalayo mula sa binata.
Inagaw ng sigawan na ‘yon ang atensyon ko. At pagbaling ko para tignan muli ang taong naka-itim ay wala na ito sa kinatatayuan nito. Gusto ko talaga siyang mahuli at gusto kong malaman kung ano ang mga nalalaman niya at kung bakit siya tila nagmamanman sa mga pulis. Pero mas importante sa ngayon ang nasa harapan namin. Determinado si Feliciano De Guzman na tuluyan si George. Kaya kailangan kong mag-focus dito sa ngayon. Madali lang sanang pumasok sa loob at pigilan si De Guzman. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Nang sinabi niyang pasasabugin niya ang bahay ay agad kong kinausap si Hansel na nakaantabay lang sa linya. At napag-alaman ko sa kanya na kilala si De Guzman sa paggamit ng mga pampasabog noong nasa serbisyo pa ito. Kaya maaaring hindi lang banta ang sinabi nito kanina at kung magkamali kami ay baka marami ang masaktan.
“This is Dispatch 3. We need the Bomb Defusing Team, right away. We’re now in 52nd street. A bomb threat has been established. Please respond immediately.”
Muli kong nasulyapan ang misteryosong tao matapos ang tawag pag-radyo kong iyon. Nasa gawing kanan na naman siya ngayon. Nakasilip mula sa isang bintana ng katabing bahay na halos ilang pader na lang ang nakatayo. Ngunit nang mapansin niyang nakita ko siya ay bigla uli siyang naglaho. Kaya lumipat ako ng pwesto para makita kung saan siya maaaring pumunta. Hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko. Pero bago pa ako makapwesto ay nakarinig kami ng isang malakas na sigaw mula sa loob ng bahay. Sigaw ng isang nasasaktan. Naagaw noon ang atensyon naming lahat at tuluyan nang nawala ang taong naka-itim sa paningin ko.
“Mr. De Guzman! Pakiusap! Kausapin mo kami! Pag-usapan natin ‘to!” sigaw ni Captain Ross.
“Wala na kayong magagawa! Wala na!” balik ng galit na galit na lalaki. “Tatapusin ko na ang paghihirap kong ito!”
Naiintindihan ko ang ang nararamdaman ni De Guzman. Alam ko ang sakit ng makita ang pinakamamahal mo na inabuso, at pinatay ng walang kalaban-laban. Para sa akin, iyon ang pinakamasakit na maaaring maranasan ng isang tao. At para sa isang magulang, siguradong mas masakit iyon.
Kinuha ko ang megaphone mula kay Captain at kasabay n’on ay ang pagdating ng Bomb Squad.
“Mr. De Guzman. Ako si Marco Perez ng Arkhenham City Police Department at ako ang may hawak ng kaso ng iyong anak.”
Pagkatapos kong sabihin iyon ay muling nagpakita ang lalaki sa may bintana. Duguan na ang kamay nito na may hawak na patalim. At kitang-kita sa mga mata nito ang galit.
“Anong ginagawa mo Perez?!” pigil sa akin ni Capatain Ross.
“I have a plan. Kailangan na nating gumawa ng paraan dahil kung hindi siguradong kakarnehin niya si George. I can handle this. Habang kinakausap ko siya, pagtrabahuin na ninyo ang bomb squad.”
“Sige,” tanging naisagot ni Captain Ross matapos magbuntong-hininga.
Muli kong itinuon ang pansin kay De Guzman. Mas malapit na siya ngayon sa bintana at nanlilisik na ang mga mata sa galit.
“Ako ang nag-iimbestiga sa kaso ni Jessica. Pero napaka-inutil ko. Dahil kahit isang lead ay hindi pa ako nakakakuha. Kaya may kasalanan din ako sa’yo. Dahil hindi ko ginagawa ng maayos ang trabaho ko. Kaya sa tingin ko, dapat mo rin akong parusahan!”
Matapos kong sabihin iyon ay umalis sa harap ng binata si De Guzman. At ilang sandali pa ay hinila niya pabalik sa tapat ng bintana si George. Naalarma kaming lahat nang makita ang duguan nitong mga hita. Hindi na ito maganda. Pinapahirapan na niyang husto ang hostage niya. Magsasalita sana uli ako sa megaphone nang mapansin naming kumuha siya ng isa pang upuan at pagkatapos ay tinignan niya ako ng matalim.
“Ikaw!” malakas niyang sigaw. “Ikaw na walang silbing pulis! Kung talagang nagsisisi ka! Pumasok ka dito at hayaan mong singilin ko rin sa ‘yo ang buhay ng anak ko!”
Tagumpay ang plano ko. Kinain na ng galit ang lalaki kaya naman hindi na ito nakapag-iisip pa ng tama. Ito na ang pagkakataon kong makapasok at pigilan siya.
“Perez. Delikado ang gagawin mo! Ex-military ang lalaking iyan. Huwag kang magpalinlang sa edad niya. Nakabang na ang sniper unit. Maghintay na lang muna tayo sa report ng bomb squad.”
“Alam mo namang ayaw kong putok ng baril. Isa pa, gusto kong maligtas silang dalawa. Dahil maging si De Guzman ay biktima rin dito.”
Natigilan at muling napabuntong-hininga si Captain Ross. Hindi ko siya masisisi kung nag-aaalala siya. Kargo sa kanya ang buhay ko pero alam ko rin na malaki ang tiwala niya sa akin. Maya-maya ay nakatanggap kami ng report mula sa bomb squad na sira na ang mga pader sa likuran ng bahay at doon sila dadaan para makapasok.
“Sige. Pero pag nalagay ka sa alanganin, magpapaputok kami. Wala akong pakialam sa phobia mo! Is that clear,” bilin ni Captain Ross.
“Yes, Captain. Pagpasok ko, padaanin ninyo ang bomb squad likod. I’ll distract De Guzman.”
“Sir Marc. Mag-iingat ka!” bilin naman ni Gunner.
Pagkatapos noon ay muli kaming nakarinig ng sigaw mula sa loob ng bahay. Pero mula iyon kay De Guzman. Tinatawag na niya ako habang pinagmumumura. Wala na sa katinuan ang lalaki. Paghihiganti na lamang ang nasa isipan nito. Hinubad ko ang suot na jacket at itinaas ang mga kamay. Kasabay naman noon ang paglabas ng mga kasama namin ng mga barili nila. Handang magpaputok kung sakali mang magkaaberya. Dahan-dahan akong nalakad papunta sa pinto at agad iyong bumukas nang makarating ako sa tapat noon.
Tinutukan agad ako ni De Guzman ng patalim sa tagiliran. Binantaan niya ako na sasaksakin sa oras na ibaba ko ang mga kamay ko. Pagkatapos isara ang pinto ay kinapkapan niya ako at habang ginagawa niya iyon ay tinignan ko na ang paligid. May kalakihan ang bahay. At sa isang kwarto malapit sa pasukan niya ipinuwesto si George. Hindi ko rin makita ang sinasabing sirang pader ng bomb squad. Maaaring sa likod pa iyon ng kusina na kita ko mula sa kintatayuan ko. At sa gitna ng bahay ay may tatlong bag na magkakatabi. Malalaki ang mga bag at maumbok na tila punong-puno. Kung hindi ako nagkakamali, maaaring iyon ang mga bombang sinabi ni De Guzman kanina. Kapansin-pansin din ang isang kakaibang remote na nakasukbit sa sinturon ng lalaki. Huwag naman sana, pero maaaring iyon ang switch ng mga bomba.
Pagkatapos niyang siguraduhin na wala akong kahit anong sandata ay dinala niya ako sa kwarto kung nasaan si George. At agad akong naawa nang makita ko ang biktima. Naghalo na ang pawis luha at dugo sa mukha nito. At nagmamakaawa ito na pakawalan na siya. Iniupo ako ni De Guzman at napatingin ako sa labas ng binata. Lahat ng mga kasama ko ay nakahanda na ngunit ang ibinaba nila ang kanilang baril. Marahil ay iniutos iyon ni Captain.
“Alam ko ang nararamdaman mo. Pero hindi makakatulong ang ganito,” marahan kong sabi habang tinatalian ako ni De Guzman.
“Wala kayong alam na mga pulis. Ang alam lang ninyo ay magpasarap sa mga opisina ninyo. Hindi ninyo alam kung paano mawalan ng isang anak. Mga wala kayong pakiramdam! Nag-iisang anak ko lang si Jessica. Oo, hindi siya perpektong anak. Pasaway at matigas ang ulo kung minsan. Pero malambing at mapagmahal ang anak ko. Marami pa siyang pangarap sa buhay pero sinira lang ng hayop na ‘to ang lahat!” sigaw ni De Guzman sabay sampal sa lalaking katabi ko. “Kung hindi lang sana nakilala ng anak ko ang sira-ulong ito, buhay pa sana siya!”
“Wala po akong ginawa sa anak ninyo.” Ramdam ko ang sakit at hirap na nararamdaman ni George sa kanya kanyang boses.
“Tumigil ka! Ikaw ang nakitang huling kasama ng anak ko!”
Tama si De Guzman. Si George ang huling nakitang kasama ni Jessica noong gabi na namatay ito. Pero hindi tugma ang oras ng paghihiwalay nila sa oras ng pagkamatay ni Jessica. Isa pa, may matibay na alibi si George kaya naalis ito sa listahan ng mga suspek. Ayon sa kwento niya, nagkita sila para ayusin ang away nilang magkasintahan. Nagkaayos sila subalit kinabukasan ay natagpuang patay si Jessica. Nakita sa mga CCTV footage na umuwi si George sa apartment na inuupahan ng alas-9 ng gabi at hindi na nakitang lumabas hanggang alas- 7 ng umaga. Samantalang si Jessica ay tinatayang namatay ng bandang alas-dose hanggang ala-una ng madaling araw.
“Mahal na mahal ko po ang anak ninyo. Hindi ko po iyon magagawa sa kanya,” umiiyak na sabi ni George. “Pakiusap po makinig kayo sa akin.”
Pero wala nang naririnig ang lalaki. Tila lalong nag-init ang ulo nito nang marinig ang sinabi ng binata. Pinulot ni De Guzman ang patalim at inundayan ng saksak si George. Sinubukan kong kumilos para pigilan ang lalaki pero hindi ako aabot. Nang biglang may narinig kaming pagsabog mula sa likod. Napakalakas ng pagsabog na nagpayanig sa buong bahay. Nagkagulo ang mga kasamahan ko sa labas. Umikot ang iba sa likuran. Tinignan ako ni De Guzman at pagkatapos ay tumakbo siya palabas ng kwarto. At pagbalik niya ay ipinako niya sa akin ang mga nanlilisik niyang mga mata.
“Akala siguro ninyo, hindi ko naplano ang lahat?” pasimula nito habang pinaglalaruan ang switch sa kamay. Ang switch na na kanina ay nakasukbit lang sa bewang niya. “Akala ninyo hindi ko alam ang sirang pader sa likod? Tinaniman ko ng mga landmine ang ilalim ng mga batong nandoon. Sinasabi ko sa’yo, pulis. Hindi na tayo makakalabas sa bahay na ‘to na buo ang mga katawan!”
Nakakainis. Sana ay walang nasaktan sa labas. Tumingin ako sa labas ng bintana. At nagtagpo ang mga mata namin ni Captain Ross. Umiiling siya na parang sinasabi sa akin na wala ng pag-asa at magpapaputok na sila. Maaaring tama siya. Dahil malabo nang makapasok pa ang bomb squad dito. Pero kailangan kong mag-isip. Kailangan kong mailigtas ang dalawang ito dito.
Nagsimulang huminga ng malalim si De Guzman. Hindi ko alam kung inaatake siya sa puso o ano. Bigla siyang humarap sa amin at muling sumugod para saksakin si George. Agad akong kumilos. Tumayo ako kahit na nakatali ang katawan ko sa upuan. At ginamit ko ang upuan na iyon para itulak si De Guzman palayo kay George. Natumba si De Guzman at tinamaan siya sa leeg ng paa ng upuan. Bumwelo ako at buong lakas kong inihampas ang upuang nasa likuran ko sa pader at agad iyong nagsira dahilan para makawala ako sa pagkakatali.
Agad akong tumakbo kay George para kalagan ito. Pero hindi ko pa nahahawakan ang tali ay agad akong sinugod ni De Guzman. Tumalsik ako sa lakas ng pagkakabunggo niya at tumama ng malakas ang likod ko sa tambak ng mga bato. Napakasakit. Parang may nabaling buto sa tagiliran ko. Pero wala akong oras para indahin ang sakit. Kailangan kong kumilos. Nang muling makatayo ay muli akong sinugod ni De Guzman. Hawak ang patalim ay ilang beses niya akong sinubukang saksakin. Pilit kong iniwasan ang mga atake. At sa kabutihang palad ay walang tumama sa akin. Tumigil siya, tila napagod at ito na ang pagkakataon ko. Isang malakas na suntok ang pinatama ko sa mukha niya. Bahagya niya iyong nailagan pero sapat na iyon para mapigilan ko siya. Sinipa ko siya sa sikmura at nang magkaroon ako ng pagkakataong makatayo ay binigyan ko siya ng malakas na sipa sa sentido. Akala ko ay mawawalan na ng malay ang lalaki pero napakalakas nito. Hinila niya ang isa sa mga paa ko ng malakas at muli akong natumba. Buong lakas siyang sumugod kaya inabangan ko siya at nang makakita ako ng anggulo ay binigyan ko siya ng isang malakas na suntok sa ilong. Basag ang ilong ni De Guzman at ininda niya iyon. Gumulong siya sa sakit at nahulog mula sa pagkakasukbit ang switch na hawak nito kanina. Agad ko iyong sinipa papalayo at pagkatapos ay sumigaw ako para bigyan ng hudyat ang mga kasama ko na pwede na silang sumugod.
Mabilis na kumilos si Gunner at Captain Ross kasama ang iba pa naming mga kasamahan. At bago pa muling makatayo si De Guzman ay tinutukan na siya ni Gunner ng baril sa ulo.
“Taas ang kamay kung ayaw mong taniman ko ng tingga ‘yang ulo mo,” utos ni Gunner. Nanginginig pa si De Guzman pero matapos iyon ay itinaas din niya ang kanyang mga kamay.
“Inaaresto ka namin sa salang kidnaping, frustrated homicide, physical injury at illegal possession of explosives. May karapatan kang manahimik. Lahat ng sasabihin mo ay maaaring gamitin laban sa’yo sa korte. May karapatan kang kumuha ng abogado, at kung wala kang kakayahan bibigyan ka,” sabi ni Captain Ross habang ipinoposas si De Guzman.
Pagkatapos noon ay sinulit ko na ang pagkakahiga. Masakit ang tagiliran ko na tumama kanina. Agad na lumapit ang mga paramedic sa akin pero iginiit ko sa kanila na si George ang unahin.
“Mr. Feliciano De Guzman,” habol ko sa lalaki bago ito tuluyang ilabas ni Captain Ross. “Pinatay ang ama ko sa harapan ko. At hindi nahuli ang kriminal na ‘yon ng mahabang panahon. Ang ina ko naman ay nabiktima ng isang serial killer na hindi na nahuli kailanman. Kaya naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Pero mali na basta na lang magbintang ng walang matibay na ebidensya. Sisirain mo lang ang buhay mo, pati ang buhay ng pinagbibintangan mo. Kung ‘yan ang gagawin mo, wala kang pinagkaiba sa mga walang pusong mamamatay tao.”
“Inilalagay ko sa mga kamay ko ang batas. Dahil alam kong walang hustisya sa mundong ito. Lahat kayo mga peke at palabas lang!”
“Ipinapangako sa inyo na hahanapin ko ang salarin sa likod ng pagkamatay ng anak ninyo. Iimbestigahan uli namin si George at kung siya ang totoong salarin, ako mismo ang magdadala sa kanya sa’yo. Pero kung hindi, gusto kong humingi ka ng tawad sa kanya, ganoon na din sa yumao mong anak.
“Puro ka salita. Paano kung hindi mo magawa ng mga ‘yan? Puro ka hangin!”
“Ako mismo ang pupunta sa’yo at babayaran ko ng buhay ko ang buhay ng anak mo.
Tumawa ng malakas si De Guzman pagkatapos kong magsalita. “Huwag kang magsalita ng tapos, Inspector. Masyado kang mabait para maging isang pulis. Baka ikapahamak mo ‘yan sa huli. Tandaan mo, kung minsan, kailangan mong maging halimaw para matalo ang isang halimaw.” Pagkatapos noon ay kusang lumakad si De Guzman palabas. Ni hindi na siya lumingon pa sa akin.
Dinala ako sa ospital para matignan ng mga doktor. Ganoon din ang dalawang miyembro ng bomb squad na nasugatan sa naganap na pagsabog. Mabuti na lang at maswerteng mga sugat lang ang tinamo ng dalawa mula sa nagtalsikang mga bato. Malakas ang pagsabog pero masyadong malalim ang pagkakatanim ng mga landmine sa tambak. Walang nabaling buto sa akin at tanging mga galos at pasa lang ang nakuha ko mula kay De Guzman. Nakarating kay Grace ang balita kaya naman habang ginagamot ang mga sugat ko ay bigla akong nakatanggap ng tawag mula sa kanya. Kinumusta niya ako, gaya ng dati niyang ginagawa tuwing may operasyon kami. At pagkatapos noon ay dumeretso ako sa headquarters para ituloy ang imbestigasyon. Wala akong oras para magpahinga. Dahil habang lumilipas ang oras ay lumalaki rin ang tyansa na magkaroon ng sunod na biktima.
Sinabi sa akin ni Captain Ross na may sasabihin daw sa akin si George. Sinubukan nilang alamin kung ano iyon pero tanging sa akin lang daw sasabihin ni George kung ano iyon. Pero hindi pa nailabas ang lalaki mula sa ospital kaya naman kasama si Gunner ay bumalik ako doon para doon siya kwestyunin. Si Captain Ross at Hansel naman ang kumuha ng pahayag mula kay Mr. De Guzman.
Nakangiti si George nang makita kami. Malalim ang mga sugat niya sa magkabilang mga hita, mayroon din siyang malaking sugat sa kaliwang parte ng noo at maga ang ilang parte ng kanyang mukha. Pero wala namang naglagay sa buhay niya sa panganib. Kaya pinayagan niya kami na kausapin siya.
“Inspector Perez. Salamat po sa inyo. Kung hindi siguro kayo naglakas-loob ng pumasok, siguro sa morge na ang bagsak ko.”
“Wala ‘yon. Trabaho namin ‘yon. Pero ayos lang ba talaga na kunan ka namin ng statement?” bahagyang nag-alanagan ako nang matitigan ang bugbog na mukha ng binata. “Maaari nating ituloy ‘to bukas para makapagpahinga ka muna.”
“Ngayon na po. Sa nangyari sa akin, na-realize ko na hindi natin malalaman kung kailan tayo mamamatay. Kaya kung may dapat tayong sabihin, o ipagtapat, sabihin na natin.”
Napangiti ako sa sinabi niyang iyon. Totoo sigurong may natututunan ang tao kapag napaharap na kay kamatayan. “Sige, simulan na natin,” umupo ako sa tapat niya at kumuha ng voice recorder.
“Nakuha na namin ang statement mo noon. Pero nais ko pa ring isalaysay mo sa akin ang lahat ng ginawa mo noong gabing pinatay si Jessica De Guzman.
Sinumulan ni George ang pag-kwento at nakinig ako ng maiigi sa kanya. Walang nagbago sa mga oras na sinabi niya pati sa mga lugar. Perehong-pareho sa pinirmahan niyang pahayag sa presinto. Tinanong ko siya kung ano sa tingin niya ang dahilan kung bakit siya ang pinagbibintangan ni Mr. De Guzman at nagulat ako sa sagot niya.
“Noong araw na natagpuan si Jessica, noong gabing iyon, sumugod sa akin si tatay Feliciano. Galit na galit at pinagsigawan niya na ako ang pumatay sa anak niya. Noong gabi raw na mamatay si Jessica, tumawag ito sa kanya. Hinahabol raw ito ng isang taong nakasuot ng itim na damit o raincoat at natatakpan ang mukha ng itim na facemask. Nakasuot din daw ng itim na sumbrero ang taong iyon. Sabi niya takot na takot ang anak niya at sigurado raw siya na ako ang gumawa noon dahil nagkahiwalay kami. Pasaway si Jessica sa pamilya niya pero sila ang una niyang nilalapitan tuwing may mga problema siya. Pero maniwala po kayo. May mga makakapagpatunay na nasa bahay na ako noong mga oras na ‘yon at napatunayan na ninyo ‘yon.”
“Naka-itim na damit, naka-itim na facemask at itim na sombrero?”
“Opo. ‘yon po ang sabi niya.”
Sapat na ang mga narinig ko mula kay George at matapos magpasalamat ay mabilis kaming bumalik ni Gunner sa headquarters. Tapos na ring kausapin nila Captain Ross si Mr. De Guzman at isa lang din ang sinabi nito sa sinabi ni George. Ang pinagkaiba lang ay pinagpipilitan ng lalaki na si George ang taong iyon. Kaya naman kailangan naming balikan uli ang kaso ni Jessica De Guzman. Pero umuuasad na ang kasong ito. Mayroon na kaming lead sa ngayon. Isang lead na maaaring magpabago sa takbo ng serial killing case na ‘to. Dahil dalawang beses ko ng nakita ang taong tinutukoy nilang dalawa. Sa pangatlo ay sisiguraduhin ko na mahuli ko na siya.