Chapter VI

2573 Words
Napakadilim ng paligid. Dilat ang aking mga mata ngunit wala akong makita na kahit ano. Tanging ang tunog lamang ng mga patak ng ulan sa yerong bubungan ang aking naririnig. Sinasabayan din iyon ng tila sumisipol na ihip ng hangin sa labas. Naririnig ko rin ang pagaspas ng mga dahon at mga yerong tila natutuklap mula sa mga bubungan. Maya-maya ay dumagundong ng malakas ang langit at nagbigay liwanag sa paligid ang isang mahaba at malakas na kidlat. Napayuko ako at napatago ng nakabaluktot sa isang sulok. Hindi ko alam kung bakit pero tila takot na takot ako. Mas lumakas pa ang tunog ng hangin sa labas at ramdam na ramdam ko ang paglakas pa ng ulan na tila wala ng katapusan. Muling dumagundong ng napakalakas at maya-maya ay naramdaman kong basa na ang sahig kung saan ako nakapwesto. Nagsisimula na atang pumasok ang tubig mula sa labas. Pero wala pa rin akong makitang kahit ano. Hanggang sa biglaang tumigil ang napakalakas na ulan. Wala ng ni isang patak akong naririnig at kataka-takang natuyo kaagad ang kanina ay basang-basang sahig. Nagsimula na ring lumiwanag sa kwarto subalit hindi ko alam kung saan nanggagaling ang liwanang na iyon. Inilibot ko ang aking mga mata sa paligid. Pamilyar ako sa lugar. Ito ang bahay kung saan ako lumaki. Tumayo ako para siguraduhin iyon nang biglang may kumatok sa pinto. Napakalakas noon na tila matatanggal ang pintuan sa pagkakakabit. Bubuksan ko sana ang pintuan nang biglang may tumakbong lalaki para buksan iyon. Ang akin ama. “Pa, sino po ang kumakatok na ‘yan?” tanong ko habang humhangos siya. “Ma? Ikaw na ba ‘yan?” tanong niya sa kumakatok at nang buksan niya ang pinto ay dalawang lalaki ang tumambad sa kanya at biglang pumasok sa bahay namin. Armado sila ng mga baril na agad nilang itinutok sa papa ko. “Huwag kang papalag para hindi ka masaktan!” banta ng isa sa mga lalaking naroon. Hindi ko alam kung bakit. Pero nangingig ang mga tuhod ko. Gusto kong tulungan si papa pero parang napakahina ng katawan ko. “Marc! Marc!” sigaw ng tatay ko habang hinahalughog ng mga magnanakaw ang munti naming bahay. “Papa! Nandito ako!” Narinig ko iyon pero sigurado akong hindi ako ang nagsalita. Pero nakatingin sa akin ang aking ama. Agad niya akong nilapitan at itinago niya ako sa loob ng isang maliit na imbakan ng mga gamit sa ilalim ng hagdan. “Diyan ka lang hangga’t hindi umaalis ang mga magnanakaw na ‘yon. Okay?” nanginginig ang mga kamay niya habang itinutulak ako papasok sa masikip na silid. At sa hindi malamang kadahilanan at tanging tango lang ng ulo ang naisagot ko sa balisa kong tatay. Mula sa siwang ng pintuan ng maliit na imbakan ay pilit kong sinilip si papa. Bumaba na ang mga magnanakaw na hindi ko alam kung bakit malabo ang mga mukha. Pilit kong tinignan ang mga mukha nila pero talagang hindi ko makita. Nagdadabog ang isa sa kanila at muling tinutukan ng baril ang tatay ko. Marahil ay wala silang nakuhang kahit ano sa amin. Hindi naman kasi kami mayaman at sakto lang sa amin ang kinikita ng aking mga magulang. Talagang wala silang mapapakinabangan sa bahay namin. Sinuntok ng isa sa mga lalaki si papa. Gusto kong lumaban, gustong-gusto ko siyang tulungan. Pero nagsimulang manginig ang buo kong katawan. Pinipilit nila siyang maglabas ng pera na wala naman talaga. Nagmakaawa si papa sa kanila pero hindi nakinig ang dalawa. Hanggang sa umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril. Kitang-kita ko na bumagsak si papa sa sahig habang sinesenyasan niya ako na huwag akong gumawa ng kahit na anong ingay. Naiyak na ako sa takot, sa awa sa aking ama at sa galit sa dalawang magnanakaw na ‘yon. Bumigat ang aking dibdib at hindi ako makahinga. Naging kulay pula ang paligid na tila kulay dugo. Pagkatapos ay biglang dumilim. Muling dumagundong ang kalangitan at muli kong narinig ang putok ng baril. Nanginginig ako sa takot. Natatakot ako. Natatakot ako! “SIR MARC!” Narinig ko ang malakas na sigaw ni Gunner at napabalikwas ako mula sa pagkakahiga. Halos habulin ko ang hininga na para bang tumakbo ako ng pagkalayo-layo at basang-basa ako ng pawis ko. “Ayos lang po ba kayo? Binabangungot po ata kayo.” “Ayos lang ako… Salamat…, Gunner.” Ang panaginip na namang iyon. Bakit ba hindi na natatapos ang paulit-ulit na panaginip na ‘yon. Bakit ba hindi ko makalimutan ang araw na ‘yon? Bakit hindi ko magawang labanan ang takot na nararamdaman ko tuwing napapanaginipan ko ‘yon? Naiinis ako sa sarili ko. Gusto ko nang makalimot pero bakit laging bumabalik ang bangungot na iyon? Matapos siguraduhing okay na ako ay muling lumabas si Gunner para ipagpatuloy ang ginagawa. Pumunta lang siya doon para tignan talaga ang kalagayan ko. Nagkataon pa na sa ganoong pagkakataon niya ako nakita. Muli kong ipinikit ang mga mata at sinunukan kong pakalmahin ang sarili. Ala-una na pala ng madaling-araw. Naka-tatlong oras na ako ng tulog at sapat na siguro iyon para makapagtrabaho ako uli. Tinignan ko ang cellphone ko at nakita ko ang napakaraming tawag mula kay Grace. Malamang na nag-aalala siya dahil hindi man lang ako nakatawag uli sa kanya. Kaya sinubukan ko siyang tawagan. Pero hindi siya sumasagot, malamang na tulog na rin siya. Kaya nag-iwan na lang ako ng voice message para sa kanya. Nang tumayo ako ay bigla kong naramdaman ang pananakit ng katawan. Kaya naman kumuha muna ako ng gamot bago dumeretso sa conference room.  Hindi biro ang lakas ni De Guzman. Kung nagkaharap siguro kami ng mas bata-bata pa siya, siguradong may paglalagyan ako sa kanya. Papalabas na ako ng kwarto nang biglang tumunog ang cellphone ko. Isa na namang hindi kilalang numero. Ayaw ko na ‘tong sagutin, pero paano kung isa itong emergency? “Hello?” “Inspector. Tulungan po ninyo kami!” kaboses ito ng babaeng tumawag sa akin noong nakaraan. Hindi ako maaaring magkamali. “Sino ba ‘to? Huwag mong sayangin ang oras ko!” “Tulungan po ninyo kami.” “Kung biro lang sa’yo ‘to, pwes sa akin hindi. Kaya kitang ipahanap kung gugustuhin ko at pwede kitang kasuhan!” Naiinis na ko. Masakit na nga ang katawan ko. May istorbo pang ganito. “Ayos lang. Basta tatandaan mo. Lahat ng bunga ay nagsimula sa ugat. Pero ang buong puno ay dapat na managot.” At ngayong, nauwi pa kami sa bugtungan. “Sino ka ba talaga? Kung wala kang sasabihing matino, huwag mo na akong tawagan! Kung hindi malilintikan ka talaga!” “Malalaman mo rin kung sino ako. Mag-iingat ka, dahil ang mga bunga ay malapit ng magkita.” “Ha?! Anong ibig mong sabihin?!” Pero matapos ang tanong ko na iyon ay naputol na ang linya. Susubukan ko sanang tawagan uli ang babae. Pero payphone na naman ang gamit nito. May kung anong laman ang huli niyang sinabi. Bunga, magkikita. Hindi, baka prank na naman uli iyon. Nakakainis lang dahil wala man lang akong magawa. Ayaw ko naman siyang pag-aksayahan pa ng oras. Matapos noon ay kinuha ko ang envelope na naglalaman ng files ni Gregorio. At dumeretso na ako sa opisina. Magkahalong amoy ng instant noodles at kape ang paligid at dinig na dinig sa pintuan pa lang ang paghigop ng sabaw ni Hansel. Na biglang tumigil at ibinaba ang hawak na tasa nang makita akong pumasok. “Nagpapahinga rin pala kayo,” bati ko sa kanila. “Oo, nakakapagod na,” malamig na sagot ni Captain Ross. “Kumusta ang pakiramdam mo? Kung gusto mo umuwi ka muna. Kami na muna bahala rito.” “Ayos lang ako. Tsaka hindi rin naman ako matatahimik sa bahay. Alam niyo naman. Na mahalaga ang bawat kaso sa akin.” “Well, that’s the country’s best detective for you!” malakas na banat ni Gunner na agad kong binatukan dahil kung anu-ano na naman ang sinasabi. Kagaya ng normal, hindi na naman nagsasalita si Hanselie at nakatutok lang sa cellphone niya. Nakapasak sa tainga niya ang isang itim na ear piece at hindi man lang sumasama sa usapan namin. Pero kapag kinausap mo naman siya ay papansinin ka niya. Parang kaya niyang makinig ng sabay sa dalawang tao na magkasabay na nagsasalita. Magaling mag-dual task ang batang ito. Nakakabilib pero kung minsan ay nakakainis. “Nanunuod ka ng balita?” bati ko sa kanya matapos umupo sa upuang nasa tabi niya. “Ah, opo. Kailangan na updated tayo sa mga current events.” “Well, tama ka. Tungkol saan ang balita?” Inilagay niya sa loudspeaker ang cellphone niya at iniharap sa aming lahat. “I guess you have to hear this, too. Kanina pa ‘tong tanghali pero tingin ko kailangan ninyo itong mapakinggan,” sabi niya na umagaw sa atensyon naming lahat. Isang malaking lalaki na may kulay abong buhok at begote ang nasa harap ng camera. Isa iyong press conference. May-edad na ang lalaki at pamilyar sa akin ang mukha nito pero hindi ko alam ang pangalan niya at maging kung saan ko siya unang nakita. Pero kung base sa hitsura at pananamit nito ay siguradong mayaman ang lalaking ito. “Antonio Crisostomo,” sabi ni Hanselie. “Isa siyang anti-crime advocate. Kilala siyang businessman, kilala rin siya sa kanyang mga charity works at isang taga- Arkhenham. Ayon sa kaninang interview ay bumalik na siya dito, para dito manirahan. Mga dalawang linggo na siguro ang nakakaraan.” Antonio Crisostomo. Parang pamilyar din ang pangalan niya. Pero hindi ko rin matandaan kung saan ko iyon narinig. Marahil ay sa telebisyon. Pero madalang naman akong manuod. Ilang sandali pa ay nagsimula na ang interview. “Arkhenham is again threatened by a serial killer and as a man from Arkhenham, I feel devastated.” Isang malaki, malalim at may pagkapaos ang boses ng mayamang lalaki. Parang boses ng isang taong laging may ubo. “Lalo na, kakabalik ko lang doon. We all know that Arkhenham has a very dark past. But past is past. Unti-unti nang bumabangon ang Arkhenham City pero ngayon, dahil sa mga patayang nangyayari, parang bumabalik uli tayo sa simila. So as an anti-crime advocate, I want to ask support from the government and from the private sector to help Arkhenham City regain its good reputation once again. I will personally help in the investigation of the on-going serial killing case. I will send support to those who are handling this case.” “Eh, ‘di maganda. May susuporta na sa atin,” komento ni Gunner sa napanood. “Tignan mo naman kasi mga sasakyan at mga kagamitan natin. Parang panahon pa na intern pa lang si Chief Ross noong binili ang mga iyon,” natatawang dugtong nito. “Well, totoo ‘yan. Kasi noong nasa serbisyo pa si daddy, luma na talaga ‘yong mga ‘yon. Hindi nga ako makapaniwala na hanggang ngayon gamit pa rin natin ang mga karagkaging sasakyan na ‘yon,” sagot naman ni Captain Ross. “Sana. Bumili sila ng bago. ‘Yong tipong pang fast and furious ang datingan.” “Asa ka!” sabi ni Chief Ross sabay tawa. Matapos iyon ay ipinagpatuloy nila ang pagpapahinga at nang matapos na silang kumain ay nagpatuloy kami sa pag-iimbestiga. Inilatag ko ang lahat ng dokumento sa lamesa. Ipinaliwanag ko sa kanila kung ano ang nakita ko tungkol sa serial killer na si Carlos Gregorio na maaaring konektado sa mga nangyayari ngayon. Nagkasundo kami na talagang may kinalaman ang dating krimen sa nagaganap na serial killing. Lalo na at hindi lang ganoon kadaling gayahin ang paraan ng pagpapatay ng salarin. Kailangan ng kasanayan para gayahin iyon. Nabanggit ko rin sa kanila ang tungkol sa dalawang anak ni Gregorio. Nag-imbestiga sila Captain Ross at kinausap nila ang mga kaibigan at ilang madalas na kasama noon ni Jessica De Guzman. Umaasa silang mayroong makapagbibigay pa ng hint kung sino ang taong naka-itim na tinutukoy nila Felicano De Guzman at George. Pero bigo silang makahanap ng karagdagang mga impormasyon. Ang tanging alam lang namin ngayon ay ang tindig nito at hitsura ng pangangatawan na base sa report na ginawa ko matapos ang hostage drama. Bukod doon, ay wala na. Sinubukan kong kunin ang CCTV footage na nakuha sa 52nd Street pero tanging sa malaking kalsada sa unahan lang nito may mga camera at walang nahagip doon na naka-itim na tao. Ganoon din sa lugar na malapit sa ilog. Walang ibang nakakita sa misteryosong taong iyon, maliban sa akin at marahil, ang mga kaawa-awang mga biktima. Nagkanya-kanya muna kami ng paghanap ng mga impormasyon. Hindi kinaya ng mga mata nila Gunner at Hansel ang antok kaya nagpahinga muna sila. Sinimulan kong balikan ang mga kaso nitong nakalipas na dalawang taon na may kaparehong klase ng suspek. Mayroon akong nakita pero kasalukuyan ng nakakulong ang kriminal na iyon. Hanggang sa bumalik ako sa mga papel ni Gregorio at pumasok bigla sa isipan ko ang huling sinabi ng babaeng tumawag sa akin kanina. Paano kung ang sinasabi niyang mga bunga ay ang mga anak ni Carlos Gregorio? Paano kung binibigyan ako ng misteryosong babaeng iyon ng mga hint? Pero bakit? Para saan at paano ako makakasigurong hindi lang iyon isang prank call? “Anong iniisip mo?” biglang tanong ni Captain Ross na nagpatigil sa akin. “Nakatanggap na naman kasi ako ng tawag kanina. Galing doon sa babaeng hindi ko kilala. ‘Yong ni-report ko noong nakaraan?” “Ah, ‘yung prank call?” “Paano kung hindi siya prank call? Paano kung mga leads pala ang gusto niyang sabihin sa akin?” “Ano bang sabi niya?” “Sabi niya, Lahat ng bunga ay nagsimula sa ugat. Pero ang buong puno ay dapat na managot. Tapos ang huli niyang sinabi, mag-iingat ka, dahil ang mga bunga ay malapit nang magkita.” Napa-isip si Captain Ross sa mga katagang sinabi ko. Tumayo siya at naglakad-lakad. Isang bagay na madalas niyang ginagawa tuwing nag-iisip. “Ano sa tingin mo ang ibig sabihin?” “Maaaring ang tinutukoy niya ay ang mga anak ni Carlos Gregorio. Mga bunga at magtatagpong muli. Malakas talaga ang kutob ko na may kinalaman dito ang mga anak ng serial killer na ‘yon. Wala lang akong sapat na ebidensya at wala akong ideya kung nasaan sila o kung buhay pa sila” “Sige. We’ll look on what happened to those children. Hahanapin natin sila. And for the mysterious woman, lagi mong sagutin ang mga tawag niya. We’ll finalize the plan pagbalik no’ng dalawa.” “Yes, Cap!” Iniligpit ko muna ang mga dokumento at balak ko na sanang magpahinga muna. Gusto ko ring tumawag muna kay Tiya Isabel para kumustahin si Mateo pero masyado pang maaga. Kaya napagpasyahan kong umuwi muna para kahit papaano ay makasama ko si Grace na mag-agahan. Nang bilang tumunog ang alarm. Isang code zero. May natanggap na namang tawag at isa ‘yong emergency. Huwag naman sana. Huwag naman sanang hayaan ng pagkakataon na muling may nabiktima ang serial killer na hinahabol namin. Maya-maya ay biglang dumating si Gunner at Hansel na nagising nag malakas na alarma. “This is code zero. A dead body was found in a vacant lot in Bonifacio Street. I repeat. This is code zero. A dead body was found in a vacant lot in Bonifacio Street. Police officers. please respond right away!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD