Agad kaming sumugod sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay. Mahaba at malaki ang Bonifacio Street na kilala rin sa tawag na Bonifacio Circle. Sa dulo kasi nito ay isang maliit na shopping mall na may nakapalibot na kalsada kung saan maraming tyangge at bilihan ng mga pagkain. Madalas na maraming tao sa lugar na ito at ang mga kalsada ay laging maliwanang. Ngunit may mga eskinita at bakanteng lote rin na madilim at tila hindi naabot ng mga ilaw. Malalaki ang mga bahay rito at ni minsan ay wala pang krimen na naitala sa lugar na ito ng Arkhenham.
Nakapalibot na ang ilang mga pulis at tanod sa crime scene pag dating namin. Marami rin ang mga tsismosa at mga usisero sa paligid. Nagbubulung-bulungan at ang iba ay galit na sinisigawan ang mga pulis. Mayayaman ang mga tao rito at kung titignan mo ang mga mata nila at kung paano sila tumingin sa mga tao ay malalaman mo kung gaano sila ka-matapobre..
Mabilis akong lumapit kung saan nakaratay ang bangkay. Nasa loob ito ng isang bakanteng lote, sa bandang sulok sa ilalim ng puno ng bayabas. Napapaligiran ang lote ng matataas na mga pader na tanging pagitan nito sa naglalaking mga kapitbahay. At nagsimula nang magtrabaho doon ang mga forensic photographers.
“Sino ang nakakita sa bangkay?” tanong ko sa isa sa mga pulis na nandoon.
“Iyong matanda po na naglilinis dito. Nagwawalis daw siya kagaya ng nakagawian niya tuwing madaling-araw. At nang mapatapat ang hawak niyang flashlight ay napansin niya ang bangkay at tumawag kaagad siyag ng pulis..”
Madilim ang sulok na iyon ng bakanteng lote kaya kailangan talaga ng flashlight para makita ko ng husto ang kalagayan ng bangkay. Lingid sa inaakala namin, bangkay ng isang lalaki ang natagpuan sa site. Wala rin itong tarak ng kutsilyo sa dibdib ngunit kalunos-lunos ang hitsura nito. Dilat pa ang mga mata nito, maputla na at tila nahirapan pa bago tuluyang mamatay. May bakat pa ng likido sa bibig nito na tanda na sumuka ito habang nahihirapan. Nagdala ng mas malaking ilaw ang isa sa mga pulis at mas naging madali para sa akin ang makita ang bangkay. At napansin ko sa kaliwang dibdib nito ang isang kulay lila na bulaklak na mayroong apat na petals. Kagayang-kagaya ng nakita kong bulaklak sa isang bangkay na nakita sa may ilog. Kinuha ko ang bulaklak at inilibot ang mata sa paligid. Pero wala ring halaman na maaaring mamulaklak ng ganoon doon. Tanging mga damo at ang puno lang ng bayabas ang mga halamang nakikita ko sa paligid.
“Sigurado ba kayong walang ibang lumapit dito sa crime scene?” tanong ko sa mga pulis na nauna doon.
“Yes, Inspector. Wala pong ibang nakalapit sa bangkay.”
Kung ganoon, siguradong inilagay ang bulaklak na ito sa ibabaw ng dibdib ng bangkay. Sa taas ng mga pader na nakapalibot dito, imposibleng galing ito sa mga katabing-bahay. Tumakbo ako palabas at tinignan ko ang paligid hanggang sa kabilang kalsada pero walang bakas ng bulaklak na ito kahit saan. Pero ano ang ibig sabihin ng mga bulaklak na ito? Palatandaan ba ito ng killer? Kung oo, masahol pa sa demonyo ang hayop na gumagawa nito. Kung oo, pinaglalaruan nila ang pagiimbestiga namin. Isinilid ko sa plastic ang bulaklak at ipinagpatuloy ang imbestigasyon. Malinis ang katawan ng lalaki. Walang pasa, walang sugat at wala ring dugong makikita sa lugar. May ideya na ako kung ano ang nangyari sa lalaki pero mas maganda na makita ito ng forensic para makasigurado. Inusisa ko ang bawat sulok ng katawan at may napansin ako sa likod ng kamay nito. Parang namamaga iyon at tila may itinusok doon na kung ano. Bakat pa ang karayom at ang ugat na pinagtusukan nito.
Matapos kong imbestigahan ang katawan ay ipinaubaya ko na sa forensic team ang bangkay. Pinapigilan ko rin kay Gunner ang mga reporters na nagsimula ng magdagsaan sa lugar. Pakiramdam ko ay sumisikip na kami doon dahil sa pilit na pagpasok ng mga usisero.
“May pagkakakilanlan na ba ang bangkay?”
“Wala pa po, sir.” sagot ng isa sa mga pulis na kasama ko. “Walang ID or kahit ano na makapagbibigay ng identity ng biktima. Pero ginagawa na po namin ang lahat para matukoy kung sino ang biktima.”
“Sige. Pagkatapos ng lahat ng kailangan. Dalhin ninyo agad ang bangkay sa forensic department. Sabihin ninyo sa kanila na kailangan ko ang report ngayong umaga. Ngayong umaga, hindi mamayang tanghali. Malinaw?”
“Yes, Inspector.”
Papalabas na sana ako ng crime scene nang isang pamilyar na lalaki na tila gustong pumasok sa loob ng bakanteng lote ang pinipigilan ni Gunner. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang lalaking pinanuod namin kanina lang na si Antonio Crisostomo. Pero bakit siya nandito? Anong ginagawa niya sa lugar na ito sa ganitong oras?”
“Gunner…”
“Sir Marc, nagpupumilit po kasi itong si Mr. Crisostomo na pumasok sa crime scene.”
Kunot na ang noo ni Gunner at nagsisimula ng mapikon kaya ako na mang humarap sa kilalang lalaki. Nagpakilala ako sa kanya at tumigil siya sa pagpupumilit. At matapos niyang pakalmahin ang sarili ay pormal niyang ipinakilala ang kanyang sarili.
“Kilala ko po kayo. Pero hindi po pinahihintulutan ang hindi pulis na pumasok sa crime scene. Isa pa, bakit gusto ninyong makita ang bangkay? May ideya po ba kayo kung sino iyon?”
“Makinig ka, Inspector. Ang mansyon na nasa tabi ng bakanteng lote na iyan ay pagmamay-ari ko. At bilang isang concern citizen ay kailangan kong makita kung ano ang nangyayari sa paligid ng bahay ko. Gusto kong matigil na ang nagaganap na p*****n dito sa siyudad natin. Gusto kong tumulong.”
Dito pala siya nakatira. Hindi nakakapagtakang nakapambahay lang siya at parang kagigising lang.
“Napanood ko po ng interview ninyo kahapon. Kung gusto ninyong tumulong, maaari kayong pumunta sa headquarters. Pero hindi kayo pwedeng basta na lang pumasok sa crime scene.”
“Naiintindihan ko. Pasensya na, Inspector Perez. Nag-aalala rin kasi ako para kaligtasan namin dito. Hayaan mo, bukas na bukas pupunta ko sa headquarters ninyo.”
“Huwag po kayong mag-alala. Gagawin namin ang lahat para malutaas ang kasong ito. Sige po, magandang umaga.”
Pagkatapos noon ay dahan-dahan na siyang lumakad pabalik sa loob ng kanyang masyon. Sumundo sa kanya ang tatlong lalaki na kanina ay nakahalo lang sa mga usisero at inalalayan siyang mga ito papasok ng mansyon. May mga nakatagong bodyguards pala siya sa paligid. Iba talaga ang mayayaman.
Matapos noon ay dinala na ng forensic team ang bangkay at nagsimula na ring umalis ang mga usisero at usisera. Pero hindi nawala ang bulung-bulungan dahil unang balita sa umaga ay tungkol agad sa bangkay na nakita. At gaya ng inaasahan, sermon na naman ang inabot namin mula sa itaas. Na para bang kasalanan namin ang patayang nangyayari. Hindi nila alam na halos hindi na kami natutulog para lang sa karangalan na sa kanila naman talaga napupunta. Kung hindi lang masamang manakit ng opisyal, ginawa ko na. Umabot ng isang oras ang sermon ni hepe. Ibalik daw namin ang pabor na ibinibigay ng mga tao at gobyerno sa amin. Hindi ko alam kung anong pabor ang tinutukoy niya. Ang alam ko lang, ginagawa namin ang lahat para protektahan ang buhay ng lahat ng nasasakupan namin. At silang nasa itaas ay walang ginawa kundi ang magpasarap ng buhay.
Dumeretso ako sa laboratoryo matapos ang sermon at pagkatos kong gumawa ng report. Kailangan ko ng makuha ang initial autopsy report ng bangkay na nakita namin at siyempre para na rin makita at makumusta ang asawa ko. Pag dating ko doon ay tila walang tao. Abala na rin siguro ang lahat dahil sa dami ng trabaho. Kumatok ako sa opisina ni Grace ngunit walang sumagot sa akin kaya naman dahan-dahan na lang akong sumilip sa loob. At wala ngang tao doon. Pero may isang bagay na kapansin-pansin. Sa lamesa niya ay may isang bugkos ng kulay lilang bulaklak at kaparehong-kapareho iyon ng mga bulaklak na nakita ko sa mga crime scenes. Ito rin ang bulaklak na nasa vase noong nakaraan araw. Hindi ganoon kahilig si Grace sa mga bulaklak. Kaya imposibleng binili niya ito, at isa pa bakit ito ang klase ng bulaklak na bibilhin niya kung sakali man? Isang bulaklak na hindi gaanong kilala.
Pumitas ako ng isang bulaklak at inilagay ko sa bulsa. At paglabas ko ay saktong lumabas na rin si Grace mula sa laboratoryo.
“Ah, pasensya ka na. Medyo natagalan kami. Kumusta pala ang mga sugat mo?” salubong niya sa akin.
“Ayos lang. Medyo masakit pa ang katawan ko pero ayos naman.”
“Good,” nakangiti niyang sagot. “Ito ang report. Tama ka, this is a different case. Wala kaming nakita na fatal wound sa katawan ng biktima maliban sa tusok ng karayom sa kanyang kanang kamay. The poison was injected through his veins and then he was exposed to potassium cyanide fumes until he died. The cause of death is cerebral hypoxia. Masasabi ko na nahirapan ng husto ang biktima bago tuluyang namatay. At kung sino mang gumawa nito ay may obsession sa potassium cyanide at natutuwang nahihirapan ang mga biktima niya..”
“Ganoon ba?” Iyon lang ang taning naisagot ko sa kanya. Para kasing sumakit ang ulo ko sa mga narinig ko. Hindi pa nga tapos ang isang hawak namin ay may panibago na naman. At hindi lang iyon. Isang halimaw na naman ang siguradong gumawa nito. Isang halimaw na kailangan naming mahuli habang hindi pa huli ang lahat.
“May problema ba?” tanong ni Grace nang mapansing lumalim na ang pag-iisip ko.
“Ah, wala. Sige. Babalik na ko sa opisina. Kailangan na naming trabahuin ito sa lalong madaling panahon.”
“Tumawag ka na ba kay Mateo?” biglang tanong ni Grace na nagpatigil sa akin.
“Hindi pa, tatawag sana ako kanina kaso may emergency naman. Ikumusta mo ko sa kanya. Tatawag na lang ako mamaya.”
“Sige. Mag-iingat ka,” paalala ni Grace habang nakangiti.
“Ikaw rin.” Bahagyang nanibago ako kay Grace pero masaya ako na nararamdaman kong nag-aalala siya sa akin.
Papaalis na ako nang biglang kong maalala ang tungkol sa mga bulaklak. Nawala ito sa isipan ko dahil sa mga narinig tungkol sa biktima.
“Uhm, sandali. Grace, nakita ko ‘yong mga bulaklak sa lamesa mo.”
“Bulaklak? Wala namang bulaklak doon nang umalis ako.” Agad na sinilip ni Grace ang opisina at muling lumabas nang makita ang mga bulaklak. Iginiit niya na walang kahit anong bulaklak doon noong lumabas siya. At hindi niya alam kung saan galing iyon. Ipapaliwanag ko sana sa kanya kung bakit ako nag-aalala may kinalaman sa mga bulaklak na iyon. Pero nakatanggap na ako ng tawag mula kay Captain Ross at kailangan ko nang bumalik sa opisina. Kaya ipinapaliban ko na lang iyon at nagpaalam na ako sa aking asawa. Pero alam kong hindi ko dapat baliwalain ang mga bulaklak na iyon. Lalo na kung hindi naman talaga si Grace ang bumili ng mga iyon.
Pagbalik ko sa opisina ay agad kong iniabot kay Captain Ross ang report at sinabi sa kanila ang totoong nangyari sa natagpuang biktima. Halos hindi maipinta ang mga mukha nila nang sabihin ko ang maaaring pinagdaanan ng biktima bago mamatay. At dalawang tanong ang naiwan sa aming lahat. Sino ang gagawa noon? At bakit?
Napag-alaman namin na ang natagpuang biktima ay si Enrico Villa, dalawampu’t limang taong gulang at isang empleyado sa shopping mall na malapit sa lugar ng krimen. Dito kami magsisimula ng imbestigasyon. Muli akong nakipag-ugnayan sa baranggay na may sakop sa lugar na iyon at humingi ako ng CCTV footage sa kanila. Umaasa na may makikita akong hint sa mga footage na iyon. Nakita kong pumasok si Enrico sa mall noong umaga kahapon para pumasok sa trabaho pero hindi siya nakitang lumabas ng mall. Kahit isang beses.
“Cap, walang footage na nagpapakitang lumabas si Villa sa mall pagkatapos ng oras ng trabaho nito. Sa tingin ko, sa loob pa lang, naganap na ang foul play.”
“Did you check the CCTVs in all the exits and entrances?”
“Yes, Cap. Wala talaga.”
“Alright. Here’s our plan. Hansel and I will go to the shopping mall. Kami na ang titingin sa mga CCTVs doon. At kayo naman ni Gunner ang magpapatuloy sa unang hawak nating kaso. We cannot delay that. Remember we have a deadline on that. Tapos magkita uli tayong lahat dito mamayang hapon. Huwag kayong babalik hanggang wala kayong nakikitang leads. Okay?”
“Okay, Cap.”
Pero wala pa si Gunner. Tinawagan ko siya pero hindi siya sumasagot. Kaya naman umupo muna ako at naghintay. Muli akong bumalik sa ilang mga kaso na binalikan ko noong nakaraan. Hanggang may isang folder doon na umagaw sa pansin ko.
“Potassium Cyanide Murder Case.” Iyon ang pangalang ng folder. Bigla akong kinabahan. Kung nauulit ang kaso ng The Stabber sa ngayon, paano kung nauulit rin ang kasong ito? Pero hindi, isa iyong malaking kalokohan. Binuksan ko ang folder at may petsa iyong 2008. Labing-isang taon na ang nakalilipas nang magananp ito. Tinigtinan ko ang detalye ng report at nagulat ako sa natuklasan ko. Kaparehong-kapareho ng nangyari kay Villa ang nangyari sa mga biktima noon. At ang primary suspect sa kasong ito, ay ang panganay na anak ni Carlos Gregorio. Si Carla Anabelle Gracia Gregorio.