KABANATA 7

1708 Words
KABANATA 7 “K-kaya ko po,” sagot ko kahit hindi ako sigurado. “Patingin ng resume mo.” Binuksan ko ang envelope habang nanginginig ang kamay ko. Nang mahawakan ko na ‘yung resume, naihulog ko pa ang mga ito sa sahig kaya nagmamadali kong pinulot. Saglit ko itong pinagpagan bago ko inabot sa kanya. Pagtingala ko at pagtingin ko sa kanya, ang lapad ng ngiti niya pero mabilis niyang isinarado ang bibig niya at biglang naging seryoso. “Heto na po.” Kinuha niya ang resume mula sa ‘kin at tahimik itong binasa. “Tanggap ka na,” sabi niya at ibinalik niya sa ‘kin ang resume ko at saka ako tinalikuran. Wala man lang siyang tinanong sa ‘kin. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o dapat akong kabahan lalo na’t parang kakaiba siya. “Sa Lunes ka magsisimula. Alas-otso ng gabi hanggang ala-quatro ng umaga ang pasok mo,” sabi niya habang naglalakad palayo sa ‘kin. “Magbabantay lang po ako? Walang ibang trabaho?” tanong ko habang nakasunod sa kanya. “Sa Lunes ko na sasabihin. Sige na. Umalis ka na. Oras na ng pananghalian ko. Lalamig ang pagkain ko. Sariwa pa naman ‘yon.” “S-sariwa po? Hilaw po ba?” Kaya ba gano’n ang kulay ng mga ngipin niya at ang baho ng hininga niya dahil kakaiba ang kinakain niya? Bigla siyang huminto sa paglalakad at nilingon ako na may matalim na tingin. “Mukha ba ‘kong kumakain ng hilaw?” Halos mapatalon ako sa gulat. “H-hindi po!” Pumiyok pa ‘ko. Parang gusto ko nang umurong. “S-sige po. Alis na po ako.” Hindi ko na hinintay na makapagsalita pa siya uli at tumakbo na ako palabas. Hindi ko alam kung babalik pa ba ‘ko roon. Nakakatakot talaga ang mga tingin at kilos niya. Nang mapatingin pa ako sa laylayan ng sandong suot niya’y may nakita ‘kong bahid ng dugo. Galing kaya ‘yon sa sariwang pagkain na tinutukoy niya? Hindi kaya aswang siya? Naalala ko ‘yung kwento ni Mrs. Divina na may mga aswang raw na nakikihalubilo sa mga tao. Gumagawa sila ng paraan para maitago ang totoo nilang pagkatao. “Natanggap ka?” tanong ng guwardiya na kumakain ng burger pagkalabas ko. “Opo, pero hindi ko sigurado kung kaya ko ‘yung trabaho.” “Sayang. Malaki pa naman siya magpasweldo,” sabi nito habang ngumunguya. Sasakay na sana ako sa bike, pero napahinto ako. Hindi nga pala nabanggit ng matanda ang tungkol sa sweldo. “Sweldo? Malaki?” “Oo. ‘Yung umalis na bantay rito ang alam ko sampung libo ang sweldo. Mag-isa ka nga lang. Guwardiya ka na, tiga-asikaso pa ng kliyente. ‘Yung embalsamador, pumupunta lang dito kapag may patay. Diyan lang kasi sa tapat nakatira.” Tumuro pa siya sa lumang bahay na nasa harapan ng punerarya. “Pag-iisipan ko po.” “Ikaw ang bahala. Maliban sa sweldo may mga benefits pa. SSS, Pag-ibig, bayad ang leave mo, may libreng pagkain. Pamasahe na lang ang poproblemahin mo.” Bakit pakiramdam ko, pinipilit niya akong tanggapin ‘yung trabaho? Hindi ako sumagot dahil parang lutang ang isip ko na nagtatalo kung itutuloy ko pa ba ang pagtratrabaho rito o hindi na. Napatingin ako sa guwardiya na kumakain pa rin at nagpunas ng gilid ng labi gamit ang likod ng palad. May kumalat na kulay pula sa gilid ng bibig niya. Parang dugo. Napakurap-kurap ako habang nakatitig sa kanya. Nilabas niya ang dila niya at dinilaan ang gilid ng labi. Ano ba ‘tong naiisip at nakikita ko? Namamalikmata ako. Ketsup lang pala na galing sa burger na kinakain niya. “Gusto mo ba? Hati na tayo,” alok niya sa ‘kin. Sa tagal ko sigurong nakatingin ay akala niya’y gusto kong humingi ng pagkain, lalo na’t pananghalian na. “Hindi. Salamat. Alis na ‘ko,” paalam ko at sumakay na ako ng bike at mabilis na nag-pedal palayo. Uuwi na lang muna ako. Baka nahihilo na ako sa init ng pahanon at gutom. Tatlong pan de sal na walang palaman at isang tasa ng 3 in 1 na kape lang naman ang kinain ko kaninang umaga. Habang nagba-bike ako mula sa malayo ay may natanaw akong babaeng kumakaway. Nakakasilaw sa puti ang kanyang kutis at ang ganda ng hubog ng katawan niya sa suot niyang maigsi na maong na shorts at sando na kulay dilaw. Mas lalo pang siyang pumuti dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kanyang balat. “Baste!” Si Mona ang anak ng may-ari ng karinderya na malapit sa tinitirhan ko. Dalawang taon ang tanda niya sa ‘kin at nasa huling taon na siya sa college. Nag-aaral siya sa isang public na university dito sa ‘min. Huminto ako sa harapan niya. “Mona, saan ka galing? Pauwi ka na ba?” Ang lapad ng ngiti niya paglapit ko at ang pisngi niya namumula. Maganda si Mona. Marami siyang manliligaw pero hindi pa siya nagkaka-nobyo. ‘Yung gusto raw kasi niya hindi pa siya nililigawan. “Ano’ng nangyari sa ‘yo?” Nawala ang ngiti sa mukha niya nang mapagmasdan na niya ‘ko. Hinawakan niya ang pisngi ko. “Sino’ng may gawa niyan? Masakit ba?” Alalang-alala siya. “Nagsumbong ka na ba sa pulis?” “Ayos lang ako Mona.” “Sigurado ka? ‘Yung mata mo paga.” “Hindi na masakit.” Ngumiti ako para hindi na siya mag-alala. “Pauwi ka na ba?” “Oo, pauwi na. Naghatid lang ako ng pagkain d’yan kina Lola Aying. Pwede ba ‘kong umangkas sa ‘yo?”  “Oo naman!” May mauupuan naman siya sa likuran ng bike at para mas maging kumportable siya bahagya akong umurong paharap. “Sakay ka na.” Kagat labi pa siyang ngumiti bako humawak sa braso ko at umangkas sa bike. “Thank you Baste,” sabi niya sabay yakap sa likuran ko.  Medyo malubak ang kalsada, kaya ramdam ko ang malusog niyang dibdib na nakadikit sa likuran ko na kumakaldag sa tuwing madadaan kami sa malubak. Gusto kong sabihin sa kanya na medyo lumayo siya pero nahihiya ako. Pinilit ko na lang mag-isip ng ibang bagay dahil baka bumukol ang harapan ko. Ayokong bastusin si Mona pero lalaki ako at wala pa akong karanasan sa babae kaya mabilis akong tablan. Inisip ko ‘yung pagmumukha ng matandang lalaki sa punerarya hanggang sa makarating kami sa karinderya nina Mona. “Baste, kain ka muna,” sabi niya pagkababa niya ng bike ko. “Sa bahay na lang ako kakain.” May sardinas pa naman ako doon at kaning lamig sa ref. Hinawakan niya ako sa kamay. “Sige na. Libre naman. Pa-thank you ko na sa paghatid mo sa ‘kin.” “Ha? Nakakahiya naman.” “Sige na. Baba na d’yan. Itabi mo na ‘yang bike.” Marahan niya akong hinila sa kamay. Makulit si Mona at mukhang hindi niya ako bibitiwan hanggang ‘di ako pumapayag kaya tumango na ‘ko. “Okay. Sige. Salamat.” Kahit pumayag na ako hindi binitawan ni Mona ang kamay ko hanggang sa makapasok kami sa maliit nilang karinderya. “Ma, heto na po ‘yung bayad ni Lola Aying.” May inilapag na pera si Mona sa mesa na pinagpapatungan ng mga kaldero ng ulam na nasa harapan ng nanay niyang si Aling Malou. “Bayad niya po ‘yan hanggang sa katapusan. Nag-request pala po siya ng paksiw na bangus na may talong ‘tsaka lumpiang ubod.” “Si Lola Aying talaga linggo-linggo na lang may request.” “Ayaw n’yo no’n Ma, hindi na kayo mag-iisip kung ano’ng sunod na lulutuin n’yo.” Napatingin si Aling Malou sa akin. “O, kasama mo pala si Baste. Ano’ng nangyari sa ‘yo?” Ilang beses ko pa kayang sasagutin ang tanong na ‘to? “Napa-trouble lang po nang konti.” “Ma, mamaya n’yo na po chikkahin si Baste. Kakain muna kami.” “Kakain o magkakainan?” tanong ni Joseph na kuya ni Mona. May hawak pa ‘tong pinggan at puno ng kanin ang mga daliri dahil kumakain ng nakakamay. “Ma, penge pang kanin,” sabi nito at inilapit ang plato sa nanay nila. “Joseph, tigilan mo nga ‘yang kapatid mo,” saway ni Aling Malou. “Kuya huwag mong igaya si Baste sa ‘yo. Gentleman kaya ‘to. Hindi tulad mo na ang daming babae.” Hinila ako ni Mona palayo. “Tara na nga lang do’n. Layuan natin ‘yang si Kuya.” Naupo kami ni Mona sa table na nasa bandang sulok. “Ano’ng gusto mong kainin? May menudo, adobo, kaldereta, pritong tilapia, ginisang upo, tsaka tortang talong.” “Ginisang upo na lang.” Mas mura kasi ang gulay kaysa karne kaya ‘yon na lang ang pinili ko. Umalis si Mona para kumuha ng pagkain. Pagbalik niya hindi lang kanin at ginisang upo ang dala niya dahil pati tilapia, kaldereta at adobo ay may dala siya. “Mona, ginisang upo lang ang sabi ko. Ang dami nito,” sabi ko habang kinukuha sa kanya ang dala niyang tray. “Dalawa naman tayong kakain. Ayos lang ‘yan,” sagot niya bago umalis uli. Pagbalik niya may dala na siyang baso at pitsel ng tubig. Habang kumakain kami narinig ko ang kwentuhan ng dalawang babae na kumakain sa kabilang table. “Alam mo na ba ‘yung nangyari sa anak ni Nelia?” “Nawawala ‘di ba?” “Oo at mukhang na-kidnap raw.” “Bakit mo naman nasabi?” “May nakakita sa tsinelas ng bata sa isang eskinita at nakita din doon ‘yung pigtas na bracelet na regalo raw ng tatay. Baka raw nanlaban ‘yung bata kaya napigtas. Tapos may nakapagsabi na may nadinig silang sigaw ng bata malapit doon. Isang beses lang daw ‘yung sigaw kaya akala ng nakarinig may naghaharutan lang, kaya hindi pinansin.” “Naku, kawawa naman si Nelia. Ang bata pa ni Lotlot.” Naisip ko ‘yung sinabi ni Macoy. Baka totoo ngang may sindikatong nangunguha ng mga bata dito sa lugar namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD