Habang nakaupo si Xia sa tabi ng kanyang asawa sa loob ng sasakyan habang abala ito sa pagmamaneho pauwi ay pasimple niya itong sinusulyapan.
Gusto niya itong kausapin pero wala siyang lakas ng loob at mukhang wala yatang balak ang kanyang asawang imikan siya dahil magmula pa nang pumasok siya sa kotse ay hindi na ito umiimik.
Nang maiparada na nang maayos ni Alex ang sasakyan sa loob ng garage nila ay agad itong lumabas at mabilis namang sumunod si Xia.
Nang nasa loob na sila ng bahay ay agad niyang pipigilan sana si Xia para makausap man lang niya kahit sandali pero bago pa man niya nagawa iyon ay agad na itong umalis sa kanyang harapan. Dumiretso na ito sa kanilang kwarto at naiwan siyang natutulala at hindi alam ang gagawin.
Napaupo siya sa sofa kasabay ng pagdaloy ng kanyang mga luha. Hindi ganitong buhay ng may-asawa ang pinapangarap niya.
Alam niyang nagkamali siya pero sapat bang dahilan iyon para tuluyan nang manlamig ang pakikitungo sa kanya ng kanyang asawa?
Oo, aaminin niyang nagdesisyon siyang mag-isa para sa kanilang dalawa na imbes silang dalawang mag-asawa ang gagawa ng plano para sa kinabukasan nila pero kailangan bang hahantong sila sa ganitong sitwasyon?
Bakit ba hindi siya nito kayang pakinggan muna? Bakit ba hindi siya nito magawang pagbigyan muna?
Makalipas ang ilang sandali ay pumasok siya sa kanilang kwarto at hindi niya makita ang kanyang asawa sa loob kaya sinilip niya ito sa kanilang terrace.
Naroon nga ito, nakaupo habang nagyoyosi. Alam niyang sa ganitong aksyon ng kanyang asawa, malaki ang problema nito. Nakita pa niya ang isang bote ng alak sa harapan nito na nakapatong sa ibabaw ng maliit na mesang nasa harap nito.
Ramdam na ramdam talaga niya ang bumabagabag ngayon sa buong pagkatao ng kanyang asawa.
Ngunit, wala siyang ibang nagawa kundi ang pagmasdan na lamang ito mula sa likuran saka niya dahan-dahan na isinara ang pintuan.
Napaupo siya sa gilid ng kanilang kama habang pilit na sinasariwa ang lahat kung papaano sila humantong sa ganitong sitwasyon.
Nagsisisi na siya kung bakit niya nagawa ang bagay na 'yon pero masama bang mangarap na umangat siya kahit konti para naman masasabi ng ibang tao na karapat-dapat siya para kay Alex? Mali ba kung pinangarap niyang umangat sa kanyang pinagtratabahuan kahit papaano?
"Swetie?" Napalingon si Alex sa bandang likuran niya nang marinig niya ang boses ng kanyang asawa.
Tiningnan lamang niya nang saglit si Xia saka muli niyang binawi ang mga mata at itinuon sa mga ilaw na nasa kabahayan.
"Nakahain na ang hapunan. Baka nagu-----"Hindi ako nagugutom," agad niyang singit sa iba pa sanang sasabihin ng kanyang asawa.
Walang nagawa si Xia kundi ang mapayuko na lamang saka dahan-dahan na inihakbang ang mga paa para iwan ang kanyang asawa na hindi niya alam kung hanggang kailan ito magiging malamig para sa kanya.
Napatingin siya sa mga pagkaing nakahain sa ibabaw ng mesa. Pinaguran niyang lutuin pero mapupunta lamang sa wala.
Napatingin siya sa upuan kung saan madalas nakaupo si Alex at nakikita niya itong masayang kumakain sa pagkaing luto niya na madalas nitong pinupuri kahit pa, alam niya sa sariling hindi iyon kasarapan.
Napakurap siya kasabay ng pagtingala niya para mapigilan niya ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Nakailang ulit siyang nagpakawala ng malalalim na buntong-hininga.
Hindi talaga niya lubos maisip na magkakaganito silang mag-asawa pero hindi siya papayag na magiging ganito habang-buhay ang kanilang pagsasama.
Gagawin niya ang lahat nang kanyang magagawa, maayos lamang niya ang buhay nilang dalawa.
Makalipas ang ilang oras ay nagpasya na rin si Alex na pumasok sa kanilang kwarto at nang nakapasok na siya ay agad hinagilap ng kanyang mga mata ang kanyang asawa. He was respecting na mahimbing na itong natutulog sa ibabaw ng kanilang kama pero nagkamali siya dah hindi niya ito mahagilap sa loob mismo ng kanilang kwarto kaya nagpasya na lamang siyang lumabas dahil sa pagbabasakaling nasa sala lamang ito at hindi nga siya nagkamali.
Nasa sala nga ang kanyang asawa at mahimbing nang natutulog habang nakabaluktot dahil nga siguro sa lamig.
Sa totoo lang, mahal talaga niya ang asawa pero ang hindi lang niya maintindihan ay kung papaano nito nagawang ilihim sa kanya ang tungkol sa ginawa nitong paggamit ng birth control.
Noon pa man, pinangarap na talaga niya ang magkaroon sila ng anak at alam niyang alam iyon ni Xia pero ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit ipinagbawal nito sa kanya na maabot ang kanyang pangarap.
Naiintindihan niya kung ninais nito ang ma-promote sa trabaho pero kailangan bang isakrispisyo ang pangarap niyang makabuo sila ng sarili nilang pamilya dahil lang sa pangarap niyang umangat?
Mag-asawa sila. Nagpakasal sila sa isa't-isa at nangako na magsasama at magtutulungan pero anong nangyari?
Nagdesisyon itong mag-isa. Ano ba kasi ang tingin nito sa kanya? Asawa sa papel lamang at kung may plano ito ay hindi siya isasama? Hindi siya ikukunsidera? Ano pa ba ang halaga niya sa buhay nito kung hindi man lang hihingin nito ang magiging opinyon niya sa mga bagay na gusto nitong gagawin?
Nasabi rin niya sa kanyang sarili na may prayoridad ng kanyang asawa ang trabaho kaysa sa kanya. Pakiramdam niya, mas mahalaga para kay Xia ang pinapangarap nitong promotion kaysa sa kanya bilang asawa nito.
Dahan-dahan niya itong nilapitan saka maingat na iniangat at dinala niya iyon sa loob ng kanilang kwarto at marahan na ihiga sa ibabaw ng malambot nilang kama.
Inayos niya ang pagkakaunan nito saka ang kumot nito sa katawan.
Matapos niyang gawin ang mga iyon ay iniwan niya ito sa loob ng kanilang kwarto. Pumunta siya ng sala saka du'n na siya nagpalipas ng buong gabi.
Masama pa rin ang kanyang kalooban para sa asawa. Hindi pa niya kayang yakapin ito dahil hindi pa rin talaga matanggap ng kanyang kaibuturan ang buong katotohanan na kaya pala siya nitong ipagpalit sa pangarap nito.
Nagising kinabukasan si Alex na para bang may humahaplos sa kanyang pisngi at nang imulat niya ang kanyang mga mata ay ang nakangiting mukha ng kanyang asawa ang una niyag nagisnan.
"Good morning," sabi nito at walang sabi-sabing hinalikan siya sa kanyang mga labi nang biglaan dahilan upang hindi na siya nakaiwas pa.
"Heto, tinimplahan na kita ng kape mo," nakangiti pa nitong saad saka itinuro sa kanya ang kapeng gawa nito na nakapatong sa center table at umuusok pa sa init.
"Bumangon ka na dahil baka lalamig na ang kape mo," pahayag nito saka siya inalalayan sa pagbangon habang hindi niya magawang alisin ang kanyang mga mata mula rito.
"What are you doing?" tanong niya rito habang nakaalalay ang kaliwa nitong palad sa kanyang likuran upang makabangon siya nang maayos.
"Tinutulungan kang makabangon," inosente nitong sagot nito sa kanya.
"Do I asked your help to get me up?" painsulto niyang tanong dito at napayuko na lamang ang kanyang asawa sa kanyang tanong.
"Alex, alam kong nagkamali ako sa desisyon ko..." saad nito saka ito nag-angat ng mukha at diretsa siyang tiningnan sa kanyang mga mata, "...pero pwede bang pagbigyan mo naman ako kahit isang chance na lang?"
Nangingislapan ang mga mata nito habang nakikiusap sa kanya pero siya 'yong tipo ng tao na ma-pride sa buhay.
Ni minsan, hindi naman niya sinasaktan si Xia pero nagawa pa rin nito sa kanya ang bagay na 'yon. Ni minsan, hindi naman niya ito pinabayaan pero bakit nagawa pa nitong ipagpalit siya sa pangarap nito?
Itinabig niya ang kumot na nasa katawan niya saka siya tumayo at iniwan ang kanyang asawa na naririnig kung ano ang naging tugon niya sa pakiusap nito sa kanya.
Mangiyak-ngiyak na naiwan si Xia at sinundan niya ng tingin ang kanyang asawa na lumabas ng bahay.
Napatingin siya sa kanyang ginawang kape para rito. Lumalamig na pero mukhang wala yatang balak si Alex na inumin iyon kaya kinuha niya iyon saka siya na ang nag-inom para naman kahit papaano ay hindi masasayang.
"Heto, dinalhan kita ng agahan mo rito," nakangiti niyang saad sa kanyang asawa habang maingat niyang inilapag isa-isa mula sa bitbit niyanb tray ang pagkain nito.
"Kainin mo 'yan hangga't mainit pa ang pagkain."
"Take it away from me. I'm not hungry," malamig na saad ni Alex na siyang nagpadurog sa kanyang puso.
"Kahit konti lang, sayang naman 'yong pagkain," aniya sa boses na para bang nakikiusap.
"I didn't ask you to bring me food. I have my hands and feet. I am able to get thr foods all by myself."
Hindi na nakaimik pa si Xia. Alam naman niyang hindi na niya mapipilit pa ang kanyang asawa kapag ayaw nito kaya kahit masakit para sa kanya ay isa-isang ibinalik niya sa hawak-hawak niyang tray ang mga pagkain na inihanda pa naman sana niya para rito.
Nang matapos ay agad na niyang dinala ang pagkain sa loob ng bahay pero bago pa man niya tuluyang iniwan ang asawang nakatingin sa ibang direksyon ay muli niya ito binalingan ng tingin.
"Kung sakaling makaramdam ka ng gutom, nasa kusina lang ang pagkain," aniya saka tuluyan na siyang pumasok sa kanilang bahay at lihim namang napasunod ang tingin ni Alex sa kanyang asawa.
Nakukonsensiya siya sa kanyang ginagawa pero gusto lamang niyang ipadama kay Xia ang kanyang kahalagahan bilang asawa nito.
Buong maghapon siyang sinusuyo ni Xia pero buong maghapon din siyang nanatiling matigas para rito.
Ayaw niyang aakalain nito na isa siyang mahinang lalaki. Gusto niyang sabihin dito na kahit sa maliit lamang na bagay ay kinakailangan pa rin ang kanyang opinion kahit na ang kagustuhan pa rin nito ang masusunod in the end, atleast man lang madama niya ang pagiging asawa niya rito, hindi 'yong magmukha lamang siyang tau-tauhan sa pamamahay nila.