MAHIGIT isang buwan na si Kitkat sa nilipatang eskuwelahan subalit iilan lang ang naging kaibigan niya. Mabait naman sa kanya ang mga kaklase niya subalit tila ilag pa rin ang mga ito sa kanya. She tried reaching out to them. Kapag may group study ay masigla siyang nagpa-participate para mapalapit din sa mga ito. Subalit hanggang doon lang. Paglabas ng classroom ay naka-grupo din ang mga ito sa talagang barkada nito. At siya ay maiiwan na walang ka-grupo. Hindi na siya uli inarboran ng grupo ni Jennilyn pero alaga siya nitong ismiran lalo na kapag hindi niya kadikit si Dominic.
Parang si Dominic na rin ang barkada niya, pati sina Justin at Raymond. Pero sa tatlong lalaki, si Dominic ang halos hindi humihiwalay sa kanya. Na ipinagpapasalamat din niya. Pakiramdam niya, palaging may magtatanggol sa kanya basta nasa tabi niya ito.
Kahit sa pagiging cleaners niya ay nakaalalay ito bagaman hindi sila magkagrupo. Monday group ito at Friday group siya pero basta Biernes ay nakikilinis din si Dominic. Inaako nito ang gawaing dapat ay kanya.
“Ako na ang magwawalis. Hindi ka naman marunong,” sabi pa nito sa kanya.
“Marunong ako,” giit niya.
“Sawil na sawil ka sa paghawak ng walis. Tingnan mo nga at may naiiwan pang dumi.” Wala na siyang nagawa nang kunin nito sa kanya ang walis. At tama nga ito, mas marunong pa talaga itong magwalis kesa sa kanya.
Ilang beses na ring nag-alok si Dominic na ihatid siya sa bahay. Kung bakit ay parang nahuhulaan na niya. Uso ang ganoon sa iba nilang kaklase. Hinahatid ng mga lalaki ang crush nito.
Para siyang nakikiliti sa idea na may crush sa kanya si Dominic. Pero ayaw niyang mag-isip. Ayaw niyang bigyan ng kahulugan ang tila palipad-hangin nito. Masaya siya sa pagkakaibigan nila ni Dominic. Masaya siya na palagi itong nasa tabi niya. At sa mga ganoong sandali ay panatag na panatag ang pakiramdam niya.
“Malapit na pala ang JS Prom!” excited na sabi ng kaklase nilang si Cheska habang bumubungad ito sa classroom.
“Masaya ka. Feeling mo ba may babagay na gown sa iyo? Mukha kang lumba-lumba, uy!” maangas na sabi ni Jennilyn dito. Awtomatiko namang tumawa ang B1-B2 nito. Later on ay nalaman niyang Beatrice ang pangalan ng isa at Bernadette naman ang isa pa kaya binansagang B1-B2.
Inirapan ito ni Cheska. “Masaya ako at excited. Narinig kong kukuha din daw sa klase natin ng representative bilang Miss JS. At sigurado ako, wala nang iba pang karapat-dapat na maging representative kundi si Katrina!” Pumapalakpak pa ito.
“Hindi puwede!” tutol ni B1, si Beatrice. “Si Bernadette ang muse ng klase na ito. Nakalimutan ninyo na ba?” Nilapitan nito ang poster malapit sa blackboard kung saan nakasulat ang class organization. Si Bernadette nga ang muse, ayon sa poster.
Mukha namang hindi magpapagapi si Cheska. Tumabi ito sa kanya. “Hello!!! Ano ba laban ng nakasulat na iyan sa poster kumpara naman sa face value ni Katrina? Kutis pa lang panalo na. Daig pa labadang ikinula sa puti! Tisay na tisay!”
Taas ang kilay na hinagod siya ng tingin ng tatlong bullies. Sa pagkakataong iyon ay hindi naman siya nagpasilong sa mga ito. Itinaas niya ang baba at sinalubong ang tingin ng mga ito. Kung sa usapang ganda rin lang ay hindi siya basta-basta maaagrabyado ng kahit na sino. Alam niyang hindi nagsisinungaling ang salamin sa tuwing haharap siya doon. Bonus pa niya ang halos perpektong kutis na utang niya sa mommy niya dahil bukod sa likas iyon ay labis din ang pag-aalaga nito sa kanila mula pa noong mga baby sila.
Parang lalong nainis ang mga ito. “Maputi ka lang! Hindi ka naman maganda!” sabi ni Bernadette.
“Hindi tayo papayag na hindi ikaw ang maging representative ng klase natin. Ikaw ang muse dito. Bagong salta lang iyan,” sabi ni Beatrice dito.
“Hindi siya uubra sa atin,” dagdag naman ni Jennilyn na sa kanya nakatutok ang tingin, sa wari ay binabalaan siya. Nang thumakbang ito palabas ng classroom ay awtomatiko namang sumunod sina B1 at B2.
“Asa pa sila. Pagandahan ang labanan hindi pasamaan ng ugali,” sabi sa kanya ni Cheska.
Nginitian niya ito. “Salamat. But they have a point, too. Si Bernadette ang talagang muse ng class.”
“Si Ma’am Indang ang may final say. Don’t worry, ikakampanya ka namin. Sa totoo lang, ikaw ang pinakamaganda sa buong third year. At baka nga ikaw ang pinakamaganda sa buong school!”
“Siyang tunay!” sabad naman ni Dominic na kadarating lang. “Bakit, sino ang kumokontra sa ganda ni Kitkat?” He never called her Katrina. Always Kitkat.
“Sino pa nga ba?” ani Cheska dito. Sa mabilis na pangungusap ay binanggit nito ang tungkol sa nalalapit na JS Prom.
“Dapat wala nang contest. Dapat ikaw na agad ang winner,” buong kumbiksyon na sabi ni Dominic.
“Sobra ka naman. Ano ako, Miss Universe?” wika niya, pero sa tono at ekspresyon niya ay hindi maikakailang flattered siya.
“Oo naman, ikaw na nga. Ikaw ang Miss Universe ng buhay ko.”
Umubo si Cheska. Ubo na halatang peke at eksaherado. “Naman, Matmat. Kung makadiga ka, wala kang pinipiling oras! Diyan na nga kayong dalawa.” Lumabas na si Cheska.
Naupo si Dominic sa tabi niya. “Totoo naman, ah. Ihilera man nila ang lahat ng babae dito, ikaw ang tiyak na tatanghaling pinakamaganda.”
“Huwag kang maingay,” nangingiting sabi niya dito.
“Bakit, masama ba ang sinabi ko?”
“Of course not. Pero hindi mo na dapat ipagmakaingay. Matagal ko na iyang alam.”
Tinitigan siya ni Dominic. “Natututo ka na.”
“What do you mean by that?”
“Natututo ka na ring maging hambog.”
Nahampas niya ito sa balikat.
“Aray ko naman! Masakit, ah.”
“Sorry,” matabang na sabi niya.
“Hindi ako tumatanggap ng sorry. May bayad iyon dapat.”
Tinaasan niya ito ng kilay.
“Seryoso ako,” giit ni Dominic.
“Ano naman ang ibabayad ko sa iyo? Wala akong pera, ‘no?”
“Hindi naman pera ang habol ko. Dapat ako ang escort mo sa prom.”
Lalong tumaas ang kilay niya.