Part 5

1764 Words
“ANG GANDA naman ng ball pen mo. May feathers pa,” bati ng isa niyang kaklase, si Jennilyn. “Thank you,” sagot naman niya. Paborito niya ang ball pen na iyon. Buhat nang mabili nila iyon noong namasyal sila sa Singapore ay iyon na ang ginagamit niya. It was refillable, too. At salamat sa daddy niya dahil nang binayaran iyon ay binilhan din siya nito ng ilang refill. Mabilis siya nakadama ng lungkot. Nami-miss niya ang daddy niya. “Hoy, anong thank you? Hindi mo ba nage-gets?” malakas na wika ni Jennilyn. Napamaang siya dito. “Hindi nga niya nage-gets!” sabi naman ng isa pa nilang kaklase. “Patingin nga!” Ni hindi siya nakapiyok nang agawin na lang ng isa pa ang ball pen niya. “Arbor na, ha.” Kinuha ni Jennilyn ang ball pen ay isinuksok iyon sa blouse nito. “Bagay sa akin.” Tinapik pa nito ang ballpen sa dibdib saka nakipag-apir sa dalawang kaklase. “Salamat, Katrina.” Nagtatawanan pa ang mga ito nang mag-alisan. Tikom ang mga labi niya habang lumaki-lumiit ang mga butas ng ilong niya sa pinipigil na emosyon. Gusto niya tumayo at lumaban sa mga ito pero mas nanaig ang tila panghihina niya. Parang maiiyak siya at iyon ang ayaw niyang mangyari, ang makita ng mga ito na napaiyak siya ang hinding-hindi niya mapapayagan. Ball pen lang iyon. Ilang beses niyang inulit-ulit iyon sa isip. Idinidikta sa sarili na hindi niya iyon dapat panghinayangan. Pero kahit na. Paborito niya iyon. Saka ang daddy niya ang bumili niyon noong huling pagkakataon na nag-out of the copuntry sila na isang pamilya. Hindi nga niya alam kung kelan pa siya uli mabibilhan ng daddy niya. Ni hindi nga niya alam kung kelan nila ito uli makakasama. Nagsimulang mamuo ang mga luha sa sulok ng mga mata niya.     PINAGMASDAN ni Dominic ang sarili sa harap ng salamin. Maaga siyang gumising at ginawa agad ang mga gawaing-bahay na nakatoka sa kanya. Pagkatapos niyon ay naligo siya at nagkuskos na mabuti. Dalawang beses din siyang nag-toothbrush. Excited siyang pumasok sa eskuwelahan. Nahiling niyang huwag sanang magbago ng isip si Mrs. Indang at manatili na lang siya sa bago niyang upuan. “Nagbibinata na si Matmat ko, ah,” bati sa kanya ng inang si Patria. Inaasikaso naman nito sa pag-aalmusal ang dalawa pa niyang kapatid. “Sus, Inay, nagsalamin lang nagbibinata na?” “Nakababad ka sa salamin. Malapit na iyang mabasag,” tudyo pa nito sa kanya. Hinagod pa niya ng suklay ang buhok at kinuha na ang bag. “Papasok na po ako, Inay.” Inabutan siya nito ng treinta pesos. “Baon mo.” “Salamat po.” Hinalikan niya ang ina sa noo. Nakalabas na siya ng bahay nang makita ang amang si Doming na paparating sakay ang motorsiklo. Nagmano siya nang saglit na huminto ito sa tapat niya. Malamang ay ngayon pa lang ito pauwi. Personal driver at bodyguard ito ng mayor ng bayan nila. Kadalasan ay wala sa oras ang pag-uwi nito. Kahit na dis-oras ng gabi, basta tinawagan ito ni Mayor ay aalis ito ng bahay. “Papasok na po ako.” “Mag-iingat ka. At mag-aaral kang mabuti.” “Opo.” Pinara niya ang paparating na tricycle. Nakasanayan naman niya ang paglalakad. Kahit nga umuulan at maputik ay nagtitiyaga siyang maglakad papasok sa eskuwelahan. Ehersisyo na rin sa kanya ang maglakad ng tatlong kilometro layo mula sa bahay nila hanggang sa high school. Tipid na tipid siya sa pera. Hangga’t maaari ay ayaw niyang mabawasan ang treinta pesos na ibinibigay sa kanya na baon niya sa araw-araw. Iyong natitipid niya sa pamasahe sa araw-araw ay malaking bagay na sa iniipon niya. May sakit ang inay niya. Kung ano iyon ay ayaw naman nitong sabihin sa kanila bagaman napapansin niyang ilang beses na itong pabalik-balik sa doktor. Kung kakailanganin ng pera ng inay niya, gusto niyang may maiabot dito maski paano. Nang magbayad siya ng sais pesos na pamasahe ay bahagya siyang na-guilty. “Sorry, Inay,” bulong niya at tinungo na ang classroom. “Ngayon lang, Inay. Para naman hindi ako pawisan agad.” Inamoy pa niya ang sarili. Amoy-bagong paligo pa siya. At mabangong-mabango din ang scented gel na nakapahid sa buhok niya. Mukhang wala pang tao sa classroom nila bagaman bukas na iyon. Nang mapalapit siya ay nakita niya si Kitkat na nakaupo sa mismong upuan nito. Nag-iisa lang ito sa kuwarto kaya huminto siya sa paglakad at pinagmasdan ito. Palihim siyang natawa nang makitang tila naglalaro itong palakihin at paliitin ang butas ng ilong nito. He found it cute. Pero agad din siyang napakunot ng noo nang makita ang ekspresyon nito. Mapulang-mapula ang mga mata nito at kagat-kagat ang mga labi. Nalulukot ang mukha nito na tila nagpipigil lang ng iyak. Hindi niya alam kung anong damdamin ang lumukob sa kanya pero may pakiramdam siyang kailangan niya itong daluhan. “Kitkat.” “Beltran!” pasinghap na sabi nito at gumulong ang mga luha sa pisngi. “Bakit ka umiiyak? Anong nangyari sa iyo?” puno ng concern na tanong niya. “Iyong ball pen ko. Kinuha nila iyong ball pen ko.” Lalo itong umiyak. Umarko pababa ang isang sulok ng mga labi niya. “Para ball pen lang, para ka nang namatayan? May ginto ba sa ball pen mo?” “Bigay ng daddy ko iyon.” “De, magpabili ka uli.” Naupo siya sa tabi nito, na mismong upuan din niya. “Hindi mo ako naiintindihan. Wala na kaming daddy. Naghiwalay na sila ng mommy ko kaya nga kami nag-transfer dito,” halos singhal nito sa kanya saka tahimik na umiyak. Bigla siyang napipi. At parang napahiya din. Magso-sorry sana siya pero mas natuon siya sa pagtitig dito. Nakayuko ito. Nakadiin ang kulay pink na panyo sa mga mata. Bahagyang yumuyugyog ang mga balikat. Ang ganda-ganda ng tuwid at makintab na buhok nito. Parang ang lambot niyon. Parang ang dulas. Parang natutukso siyang hagurin iyon. Pero nagpigil siya. Baka mamaya ay lalo pa itong umiyak. Pagkatapos ay naisip niyang hindi naman nga talaga tama na kumuha ng isang bagay na hindi naman sa iyo. Kahit na nga ba ball pen lang iyon. “Sino ba kumuha ng ball pen mo?” “Si Jennilyn saka may kasama siyang dalawa,” hikbi nito. “Tangina!” bulalas niya agad. Notorious sa klase nila si Jennilyn pati dalawang kaklase na astang-alalay nito. Mapang-arbor iyon ng gamit ng may gamit, at kahit ayaw magpaarbor ng may-aari ay pinipilit ng mga ito. Bullies. Mabilis siyang tumayo. “Relax ka lang. Babawiin ko ang ball pen mo.” Tiyak ang bawat hakbang niya. Dalawang building ang nilampasan niya bago siya lumiko patungo sa napabayaang Science Garden. Iyon ang tambayan nina Jennilyn. Tinatambayan nito ang naaagnas na pinta ng solar system doon. Ang pader ay hindi na posisyon ng planeta ang ang makikita kundi mga vandalism ng mga ito. At hindi nga siya nagkamali. Busy ang tatlong babae sa pagsusulat ng kung anu-ano sa pader. “Hoy, kayong tatlo!” bulyaw niya sa mga ito. Kaswal na lumingon sa kanya ang mga ito. Saka ngumisi. “Bakit?” Bumaba ang tingin niya sa hawak ng mga ito. Pentel pen ang hawak ng dalawa nitong kasama habang si Jennilyn ay ball pen ang nasa kamay. May pink feather pa sa dulo ng ball pen. “Iyan ba ang inarbor ninyong ball pen?” tukoy niya sa hawak nito. “Ano naman sa iyo?” “Akina. Ibabalik ko sa may-ari.” Lumapit siya sa mga ito. “Inarbor nga, eh. Akin na ito. Mukhang imported ang mga gamit ni Tisay. Ang ganda kaya.” “Akina sabi.” “Manigas ka.” “Ibigay mo na sa akin nang maayos.” Lumapit siya at inilahad ang kamay. “At kung hindi ko ibigay?” tila hamon ni Jennilyn. Inilagay nito sa likod ang kamay. “Ibibigay mo sa akin dahil kung hindi sasapakin kita,” matigas na sabi niya. “Wow! Sasapakin mo ako? Gusto mong ma-office dahil lang sa ball pen?” “Gusto mong masapak dahil lang din sa ball pen?” mas madiin na wika niya. Ipinorma niya ang kamay na handang manapak anumang sandali. Nagsukatan sila nito ng tingin. Mayamaya ay lumipat sa likod niya ang tingin nito. At pagkatapos ay tumawa ito nang nakakainsulto. “Wow, naman! Kaya naman pala nagpapakabayani! Balak mong sigurong syotain si Katrina, ano?” “Akina sabi iyang ball pen!” giit niya. Inirapan siya ni Jennilyn saka siya mabilis na nilagpasan. “Ayan na iyang ball pen mo. Isaksak mo sa baga mo. Sumbungera!” Padarag na inilagay nito sa dibdib ni Kitkat ang ballpen. Nahulog iyon sa lupa bago pa nito nahawakan. Sumunod kay Jennilyn ang dalawang kaklase-s***h-alalay nito. At sinadya din ng mga ito na bungguin si Kitkat. Muntik na itong sumubsob sa lupa, mabuti na lang at nakalapit siya agad. “Sumunod ka pala dito,” wika niya habang inaalalayan ito. Isang matalim na tingin ang ibinigay niya kina Jennilyn na masama din ang tingin sa kanya. “Natakot ako, eh. Parang galit na galit ka noong umalis ka. Baka mapaaway ka.” Gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi niya. “Concern ka sa akin?” “Baka ma-office kayo tapos ako pa ang lumabas na may kasalanan,” sa halip ay sagot nito. “Pero salamat talaga dito. Binawi mo pa talaga sa kanila.” “Walang anuman, Kitkat.” Kumunot ang makinis na noo nito. “Bakit mo nga pala ako tinatawag na Kitkat?” Siya naman ang kumunot ang noo. “Hindi ba Kitkat ka naman?” “Oo, pero sa bahay lang. Katrina ako sa school.” “Narinig ko kahapon na tinawag ka ng kasama mo na Kitkat. Maganda nga, eh. Kitkat. Ang sarap noon. Chocolate. Matamis.” “Mommy ko iyong kasama ko kahapon.” Pumihit na ito. “Bumalik na tayo doon. Baka ma-late tayo sa first period.” Magkaagapay silang naglakad ni Kitkat. Pakiramdam niya ay nakatuntong siya sa alapaap. Ang saya-saya niya. Ang tingin niya sa buong campus ay isang magandang parke. Siguro parang Disneyland. Kagaya ng nababasa niya at napapanood sa TV. Nahiling niyang mahawakan sana ang kamay nito. Parang HHWW at pa-sway-sway pa! “Why are you smiling?” “Ha?” tila nagulat pa siya sa tanong na iyon. At siguro nga ay talagang nakangiti siya dahil nang gumalaw ang mga labi niya ay parang aabot na sa tenga niya ang ngiti. Grabe, ang saya-saya niya talaga!  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD