NAPAHINTO si Dominic sa pagpasok sa classroom. Sa harapan ng klase ay kasama ni Mrs. Indang na nakatayo si Kitkat. Lahat ng kaklase niya ay nakatuon dito ang tingin. At iisa ang mababasa sa mga mata. Curiosity.
Tila kumikinang ito sa kaputian sa pagkakatayo sa harapan. Walang duda na ito ang pinakamaputi sa kuwarto. At pinakamakinis din. Kutis-mayaman. Tila may inggit na mababasa sa mukha ng mga kaklase niyang babae. Lahat ng mga iyon ay tila nagmukhang karaniwan ang anyo at namumukod-tangi ang ganda ni Kitkat. Bakit nga ba ay iba rin ang tindig nito. Para itong dalaga na.
Napansin niya ang mga kaklaseng lalaki. Parang tutulo ang laway ng mga ito sa pagkakatingin kay Kitkat. At agad niyang naramdaman ang kakaibang pagtutol sa dibdib.
She’s mine! Ako ang unang nakakita sa kanya.
Bigla ay nabalot siya ng guilt. Naalala niyang kanina lang ay laman ito ng isip niya---habang umaakyat siya sa langit!
Gumapang ang init sa mukha niya hanggang sa punong-tenga niya. Hiyang-hiya siya pero ano ba ang magagawa niya. She was so beautiful, he was desiring her. Kung kasalanan na naisip kita kanina, sorry. Ang ganda mo kasi.
“Beltran!” Natanaw siya ng guro. “Pumasok ka na and go back to your seat.”
Pumasok siya. At nagtama ang kanilang mga mata.
His heart skipped a beat.
Crush na kita, deklara ng puso at isip niya.
Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. “Anong ginagawa mo dito?” he asked her charmingly.
“Magkakilala kayo?” anang guro.
“Nagkakilala kami kanina, Ma’am,” buong confidence na sagot niya. “Kitkat ang pangalan mo, hindi ba?”
Umugong ang panunukso ng buong klase.
“Ako nga pala si Matmat. Dominic Matthew Beltran.” Inilahad niya ang kamay dito.
Mas lumakas ang ugong ng panunukso sa buong klase. Napako ang tingin sa kanya ni Kitkat bago atubiling tinanggap ang pakikipagkamay niya.
“Katrina ang pangalan ko,” sabi nito.
Napakalambot ng palad nito. Parang ayaw niyang bitawan.
“Langya, oh! Ayaw nang bitiwan!” tukso ni Raymond buhat sa likuran.
Binawi ni Kitkat ang kamay nito. Ikinuyom naman niya ang mga palad. Nagpigil siyang dalhin sa ilong iyon. Tiyak niya, mabango din ang kamay nito.
“Quiet!” istriktang baling ni Mrs. Indang sa mga ito at sa pamamagitan ng daliri ay itinuro nito ang upuan niya. “Go back to your seat.”
Minsan pa ay nginitian niya ito bago humakbang.
“Ang tulis mo, pare. Nakipagkamay ka pa,” ngisi sa kanya ni Justin. “Baka naman iyang kamay mo na iyan ay iyong nagmilagro kanina?”
“Naghugas ako ng kamay,” paungol na sabi niya dito.
“Naku! Mapapasma ka niyan.” Lalong lumapad ang ngisi nito.
“Tangna, pare, muntik nang mapunit, ah!” mahinang sumbat sa kanya ni Raymond nang pasimple nitong buklatin ang isinoli niyang magazine.
“Salamat. Pasensiya na, tao lang.” Nakatutok ang atensyon niya kay Kitkat kaysa sa mga ito.
Dinunggol ni Justin ang braso niya. “Gago, walang sinabi iyan sa koleksyon ko sa bahay. Bigay iyon ng kuya ko. Sumama ka sa akin. Pag iyon ang nakita mo, hindi ka na makakatayo, matutuyuan ka na.”
Nilingon niya ito.
“p**n, pare. Alam mo iyon? Kitang-kita. Lahat-lahat!” Nandidilat ito. Mukhang anumang sandali ay tutulo ang laway.
“Beltran!” narinig niyang tawag sa kanya ng guro bago pa siya maka-react kay Justin.
“Yes, Ma’am?” aniya.
“Kayong tatlo diyan sa likod, wala nang ginawa kundi magdaldalan. Hindi kayo nakikinig sa klase ko. Ikaw, lumipat ka dito ng upo.”
“Tangna, ako na naman ang napasama,” bulong niya. Gayunman ay tumayo siya at sumunod sa guro. Inokupa niya ang isa sa dalawang bakanteng upuan sa gawing harapan.
“Okay, listen everybody,” anang guro at bumaling kay Kitkat. “Introduce yourself and then take the seat beside Beltran.”
“Good morning, my new classmates. My name is Katrina Santos and I came from...”
Hindi na niya naintindihan ang ibang sinabi nito. Ang bilis-bilis ng t***k ng puso niya. Makakatabi niya ito ng upuan!
Pakiramdam niya ay umakyat na naman siya sa langit!
“HOW WAS your first day of school, anak?” nakangiting salubong sa kanya ni Harriet. Mukhang kadarating lang din nito sa bahay ng Lola Lily nila. Nakasabog sa mesita ang mga bagong uniporme na tiyak niyang para sa kanilang magkakapatid. Agad siyang nakadama ng lungkot. Talaga ngang doon na sila sa public school mag-aaral.
“Okay lang po, Mom.” Mag-isa na lang siyang umuwi at naglalakad pa! Samantalang dati-rati ay hatid-sundo sila sa eskuwelahan. May sariling kotse at may nakatalaga pang driver sa kanila. Kungsabagay, desisyon na rin niya ang maglakad. Lampas isang kilometro lang naman ang layo ng high school sa bahay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nanghinayang siya sa sais pesos na pamasahe sa tricycle. At sa kauna-unahang pagkakataon din ay naisip niyang magtipid na lang.
“Here. Isukat mo ang mga ito. Kung hindi kasya sa iyo ay puwede naman daw mapalitan ng size sabi ng binilhan ko sa palengke. Mabuti na lang at may nabibiling ready-made para may magagamit ka agad.”
“Mas maganda nga kung pasadya,” sabad naman ng Lola Lily niya. “Mas pulido ang tahi. Kundi nga lang mahina na ang mata ko, ako na ang tatahi ng uniporme ng mga apo ko.”
“Okay na ito, Auntie. Mura na rin ito at hindi pa kayo napagod. Tig-tatlong pares lang ang binili ko sa kanila. Sige na, Kitkat. Isukat mo na iyong sa iyo. Iyong kina Hershey at Baby Ruth ay okay naman, hindi ko na kailangang papalitan.”
Walang kibo na kinuha niya ang mga uniform at pumasok sa silid niya. Mabuti na lang at madaming silid sa lumang bahay na iyon bagaman maliliit. Hindi siya nahirapang hilingin sa Lola Lily niya na sosolohin niya ang isang silid.
Para siyang maiiyak habang sinusukat ang emerald green pleated skirt at white blouse. Kapareho lang iyon ng uniporme ng mga nasa elementary school. Siguro, basta public school sa probinsyang iyon ay iisa lang talaga ang uniporme. Kasyang-kasya sa kanya ang damit pero hindi siya makadama ng tuwa. Sa halip ay ibayong lungkot ang bumalot sa puso niya.
She was missing her light brown dress with white collar and belt. Sa kurbata niyon ay may patch ng logo ng pinanggalingan niyang eskuwelahan. At proud na proud siya sa unifrom na iyon. Pero hindi na niya maisusuot iyon. Ni hindi na nga isinama ng mommy niya sa inempake damit ang mga uniporme nila sa iniwang paaralan.
Mabilis na niyang hinubad ang isinukat at nagpalit ng pambahay. Mas maganda pa ang tela at tiyak niyang mas mahal pa ang pagkakabili ng pambahay niya kesa sa mga unipormeng nakatakda niyang isuot sa mga darating na araw.
“Ate Kitkat.” Pumasok sa kuwarto niya ang mga nakababatang kapatid. Parehong nasa elementary ang mga ito.
“You forgot to knock,” banayad na sumbat niya sa mga ito.
“Sorry,” mabilis na sabi ni Baby Ruth.
“The door is ajar,” katwiran naman ni Hershey.
“Why are you both here?”
“I don’t want my new school,” maktol ni Hershey.
“Me, too!” nanunulis din ang nguso na sabi ni Baby Ruth.
“Ate, my classmates are so smelly. Puro sila amoy-pawis,” reklamo pa ni Hershey.
“I don’t think they are taking a bath before going to school. They don’t even comb their hair,” dagdag pa ni Baby Ruth.
“Saka ang init-init sa classroom. It’s so small and crowded,” si Hershey uli.
“And---”
“Stop!” malakas na sabi niya sa dalawang kapatid. Parang maririndi siya subalit sa totoo lang ay ganoon din naman ang pakiramdam niya sa nilipatang eskuwelahan. Ayaw din niya doon. Di-hamak na mas kumportable sa dati nilang pinapasukan. Air-conditioned ang classroom. At maaliwalas ang lahat. Pero ano ba ang magagawa nila? Kahit mommy nila ay ayaw din silang mapunta sa ganoon kaya lamang ay wala silang ibang pagpipilian. “Listen. Kailangan nating mag-adjust. Hindi ba kinausap naman tayo ni Mommy tungkol dito? Kailangan nating magtiis muna.” Habang sinasabi iyon sa mga kapatid ay kinukumbinse din niya ang sarili niya.
“Until when?” tila inip na sabi ni Hershey.
“I wish Daddy’s here,” sabi naman ni Baby Ruth.
“I wish Daddy didn’t leave us,” mas mariin naman na sabi ni Hershey.
“Enough!” saway niya sa dalawa. “Don’t you let Mommy hear that. You both know how much Mom is hurting. We are all hurting but we do not have a choice right now. We will all go to our respective schools. It’s better rather than dropping out our classes, understand?”
Nakalabi na tumango ang dalawa. Pigil ang luha na niyakap niya ito bago siya lumabas ng silid.
“Mom, okay naman po. Kasya.” Ibinalik niya dito ang uniform.
“Good! Hindi na ako babalik sa palengke. I’ll wash these at mukha namang matutuyo agad. Makakapag-uniform na kayo pagpasok ninyo bukas.” Sinamsam nito ang mga damit at tumayo na. “May meryenda diyan sa mesa. Kumain ka na,” lingon nito. “Nasa ref iyong bagong timplang orange juice.”
That was really her mom. Mula noon hanggang ngayon ay iyon ang papel nito sa kanilang magkakapatid. Sobrang maasikaso. Buong buhay nito ay inilaan sa pag-aalaga sa kanila. Sa halip na mag-merienda ay sinundan niya sa likod-bahay ang ina. At least may washing machine. May palagay siyang mapapaiyak siya kapag nakita niyang naglaba ang kanyang mommy gamit ang mismong mga kamay nito na alagang-alaga sa lotion at regular manicure. Noong isang araw lang ay tatlo ang katulong nila. Pinakamabigat nang trabaho ng mommy niya ang pagluluto para sa kanila. At iyon naman ay dahil lang gusto nitong gawin iyon dahil kusinera ang papel ng isa sa mga katulong nila.
“Kitkat.”
Nilingon niya ang Lola Lily niya. May hawak itong walis tambo.
“Yes po, Lola?”
“Marunong ka bang magwalis? Kung hindi ay tuturuan kita. Hindi mo naman siguro mamasamain, apo?”
Napalunok siya. Hindi siya marunong magwalis. Wala siyang alam gawin maliban sa magkusot ng panty niya. Buhat nga nang magkaroon siya ng menstruation noong isang taon ay tinuruan siya ng mommy niya na labhan ang underwear niya. Siya na daw ang dapat maglaba niyon dahil babae siya at lubhang personal iyon para ipalaba pa niya sa iba.
“Papaano po ba magwalis, Lola Lily?”
“Madali lang, hija. Manood ka at mamaya, ay ikaw naman ang gagawa.” Ipinakita nito sa kanya ang tamang paraan ng pagwawalis. “Sa totoo lang, kaya ko naman ang paglilinis dito sa bahay. Dati namang mag-isa lang ako dito. Kaya lang, ngayong nandito na kayo, maganda iyong tulong-tulong tayo dito sa gawain, hindi ba?” madiplomasyang sabi nito.
“Opo, Lola Lily. Puwede po bang magtanong? Ano po ba iyong sinasabing cleaners sa eskuwelahan? Friday group daw po ako, dahil alphabetical ang grouping at letter S ang surname ko.”
“Tsk! Iyan ang hirap sa mga private school, ano? Nakatuon halos sa academics ang pagtuturo. Sa public school ay may cleaners talaga dahil iilan lang ang janitor na naka-payroll. Minsan nga, kahit malaki ang eskuwelahan ay isang janitor lang ang nakatalaga. Kayo ang maglilinis ng loob at labas ng classroom ninyo. Usually pagwawalis at paglalampaso ang ginagawa. Saka pagpupunas.” Iniabot nito sa kanya ang walis. “Sige, subukan mong magwalis. Baka tuksuhin ka ng mga kaklase mo kapag nakitang ni hindi ka marunong humawak ng walis.”
Ginaya niya ang pagwawalis nito. Mukha namang nasiyahan ang lola niya.
“Kunin mo iyong dust pan at sahurin mo iyang nawalis mo. Alam mo na ang kasunod?”
“Ilalagay po sa basurahan?”
“Tama. Mabuti naman at mabilis ka palang matuto.”