Mabilis pa sa alas-kwatrong umiwas ako ng tingin kay Mr. Lucero. Pakiramdam ko’y nanginig ang buong katawan ko. Tingin pa lang ng lalaking 'yon ay sobrang nakakatakot. Diyos ko po! Parang ayaw ko nang magpakita rito. “Ayos ka lang ba, Ceje? Teka, bakit parang namumutla ka at nanginginig din ang kamay mo!” bulalas ni Makisig. Agad din nitong hinawakan ang aking kamay. Kahit si Kimelines ay hinawakan din ako. Inalalayan din ako ni Makisig papunta sa malaking bato upang paupuin. Dali-daling umalis si Kimelines at nakita kong pumunta sa tindahan. Napansin ko na bumili pala ito ng tubig. Nang makalapit sa akin ay agad akong pinainom ng tubig ng kaibigan ko. Medyo umayos naman ang aking pakiramdam nang makainom ng malamig na tubig. Ngunit sabay kaming napatingin sa batang lumapit sa amin.

