Chapter Three

1327 Words
"Sorell, nasaan ka?" bungad na tanong ni Rio nang sagutin niya ang cellphone.  Naglalakad siya palabas ng office para mag-lunch. Gusto niya ring magpahangin dahil na-bobored siya sa opisina. Hindi niya alam kung tatagal ba siya roon. Kung bakit kasi napapayag siya ni Rio na siya na ang mag-manage ng kumpanya. Obviously, gusto nitong tumakas sa responsibilidad bilang panganay na anak. Agad na iwinaksi ni Sorell ang isiping iyon. Rio has suffered a lot in the past years kaya kailangan niya itong intindihin. Hahayaan niya na lang na umalis ito sa kumpanya so he could follow his heart kahit pa ang kapalit noon ay siya naman ang matatali. Hindi rin naman malaking sakripisyo iyon para sa kanya dahil ang kumpanya ang dahilan kung bakit naging masagana ang buhay nilang pamilya. Hindi niya hahayaang ibang tao pa ang humawak noon. Kahit pa syempre, gusto niya ring patunayan sa mga magulang na kaya niyang tumayo sa sariling mga paa. Dito na muna siguro siya habang hindi niya pa nahahanap kung ano ba talaga gusto niyang gawin sa buhay. "Hoy, Sorell..." untag ni Rio. "Ano iyon?" sagot niya nang makabawi. Rio is currently his team leader dahil ito ang nag-tratrain sa kanya para sa posisyon bilang business development associate.  Gusto rin naman ng ama nila na sa mababang posisyon muna sila magsimula at hindi agad maging manager. "Nasaan ka ba?" "Nasa labas. Kakain muna ako," sagot niya. Iyon ang isa sa nagustuhan niya sa trabaho. Dahil kuya niya ang supervisor, okay lang na takasan niya. "Ibili mo ako ng cup noodles 'pag balik mo ha?" Iyon nga lang. Madalas siya nitong utusan. "Anong flavor ba? Sa restaurant ako kakain e," inis na pakli niya. "Tumayo ka kaya dyan. Buong maghapon ka nakaharap sa computer." Natawa si Rio, "Bilis na. Samahan mo na rin ng siopao. Utang muna." "Taking advantage ka talaga sa posisyon." Lalong natawa si Rio, "Sige na. Tatapusin ko na 'yung report. Huwag mong kakalimutan 'yung pinabili ko ha." Iyon lang at nawala na ito. Napailing na lang si Sorell. Katulad ng dati, nagtungo siya sa paborito niyang kainan. May canteen naman sa loob ng company building pero mas gusto niyang lumabas. At least nakakita siya ng ibang mukha. "Hi, Sorell," bati ng dalagita na nasa cashier. Dahil madalas siyang kumakain doon, nakilala na siya nito maging ng iba pang mga tauhan. "Hi," nakangiting bati niya bago umorder. Habang kumakain ay napansin niya ang lihim na pagsulyap ni Charry, ang dalagitang nasa cashier. Minsan niya na rin itong nakakwentuhan dahil nagkataon na siya lang ang customer noong araw na iyon. Working student ito at kasalukuyang kumukuha ng kursong accountancy. Halatang may gusto ito sa kanya and he would lbe lying kung sasabihin niyang hindi niyang hindi ito maganda. Actually, napansin niya agad ito nung unang beses siyang kumain sa restaurant. Kamukha kasi nito ang ex-girlfriend. Nahigit ni Sorell ang paghinga nang maalala ang babae. Tanga ba siya na hanggang ngayon ay umaasa pa siyang magkakabalikan sila? Actually, kaya siya laging nasa restaurant na ito kumakain ay dahil bukod sa kamuka ni Shaina ang babae sa kahera, malapit lang dito ang opisina ng daddy ni Shaina. He's hoping na baka mapadaan ang babae at makita niya kahit sandali. Nagsawa na rin siyang magmukhang tanga kakahabol dito noon kaya sinubukan niyang kalimutan at mag-concentrate na lang sa pag-aaral. Nabalitaan na lang niya na boyfriend na nito ang step-brother na si Leigh. Hindi na rin sila nagkita pagka-graduate. But there's still a part of him na umaasang mahal pa rin siya nito. Kaya heto siya ngayon, nagbabakasakaling muli silang magkita. Tinapos na niya ang pagkain at nagmamadaling umalis. Ngayon kasi darating ang isang kliyente nila kaya kailangan siya para mag-present ng business plan. Malapit na siya sa opisina nang maalala ang pinapabili ni Rio. Maaga pa naman kaya may oras pa siyang bumili. Nasa malapit na istante si Sorell at hinahanap ang paboritong siopao ni Rio nang marinig ang kaguluhan malapit sa counter. Kinabahan siya. Hindi siya maaring magkamali kung sino iyon. "Miss, hindi pa bayad 'yan ha?" sita ng cashier sa palabas na babae. Hindi nakasagot ang babae at napayakap sa hawak na chocolate. "B-bayad na," kinakabahang sagot nito. "N-nakalimutan mo lang." "Nasaan ang resibo?" mataray na lumapit ang kahera sa babae at akmang babawiin ang chocolate nang lumapit si Sorell. Kaswal niyang inilapag ang mga pinamili sa counter. "Babayaran ng kuya niya ang ibig niyang sabihin," pukaw ni Sorell sa atensyon ng kahera. Pagkatapos ay tinawag ang nagulat ring babae na walang iba kung hindi si Rosette. "Akin na 'yang chocolate, Inday." "Sir, hindi kayo dapat ang magbayad. Halata namang shoplifter ang babaeng ito..." tutol ng kahera na natigilan nang tingnan niya nang masama. "Kapatid ko nga si Inday," inis na sabi ni Sorell. "Hindi niya lang kasi alam na hindi ko pa nababayaran 'yung iba naming pinamili." Wala nang nagawa ang babae nang si Sorell ang magbayad ng chocolate na hawak ni Rosette. Tahimik lang ang babae nang makalabas na sila ng convenience store. "Long time no see ha?" sarkastikong sabi ni Sorell. "Hindi ko akalaing sa ganitong pagkakataon kita makikita ulit. Chocolate lang, nanakawin mo pa." Hindi nakasagot si Rosette. Maya-maya ay alanganin itong tumingin sa kanya. "S-sino ka?" Hindi napigilang matawa ni Sorell. "Huwag mo akong pinagloloko, Rosette." Malalim na napabuntong-hininga ang babae. "Can I have my chocolate back?" "Your chocolate? Ako kaya nagbayad nito." "Sino ba kasi nagsabing bayaran mo?" tumaas na ang boses ng babae. Napailing na lang si Sorell at ibinigay dito ang chocolate na nasa lalagyang hugis puso. Naalala niyang binigyan niya ng ganitong klaseng chocolate si Rosette noon. Noong mga panahong sinusuyo niya ito para mapalapit ulit kay Shaina. Nagliwanag ang mukha ni Rosette at naupo sa malapit na bench. Naupo rin siya sa tabi nito at lihim na pinagmasdan ang babae. Hindi na ito katulad ng dati. Wala ng kolorete sa mukha at simpleng damit na lang ang suot. Kahit paano ay naging interesado siya kung ano ang naging buhay nito pagkatapos paalisin sa bahay ng mga umampon dito. "Gusto mo?" tanong ni Rosette na nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan. Umiling si Sorell. "Hindi ako mahilig sa chocolate." Nagkibit-balikat lang ang babae. "So, kumusta na kayo ni Travis?" tudyo ni Sorell. Alam niyang hindi na nagkikita ang dalawa. Travis is still single sa pagkakaalam niya. Malaki rin ang naging tama nito kay Rosette. "Should I call him?" Isang masamang tingin lang ang ipinukol nito sa kanya. Tiningnan siya nito nang maigi. "Mukha ka pa ring highschool," bahagyang napangiti si Rosette. "Mukha ka pa ring aswang," ganting pang-aasar ni Sorell. "Are you working now?Saan?" "Sa isang restaurant," sagot ni Rosette. "So ibig sabihin, may pera ka. Bakit kailangang mangupit ka ng chocolate?" Matagal bago nakasagot si Rosette. "I-it's Mr. Northwood's favorite chocolate. Birthday niya ngayon. Pero nawalan ako ng trabaho last week kaya wala akong perang pambili." Hindi nakapagsalita si Sorell. "I never gave him a gift," wala sa sariling patuloy ni Rosette. "But one time, s-someone gave me this kind of chocolate. Nagkataon na birthday niya and we ate the chocolate together. That was his last birthday na nakasama ko siya." Matagal bago nakapagsalita si Sorell. Hindi niya alam ang sasabihin lalo na nang makita si Rosette na ngayon ay nakatitig lang sa chocolate. "He's still alive," sabi ni Sorell. "Pero comatose pa rin siya. Nasa hospital siya na pag-aari ni lolo. They might not allow you to visit him pero pwede kitang samahan." Napatingin lang sa kanya si Rosette at tumayo na. "Babayaran ko na lang ito kapag nagkapera ako," pangako ni Rosette at naglakad na palayo. "Rosette...wait..." habol ni Sorell pero mabilis na tumakbo palayo ang dalaga at kahit sinubukan niyang habulin ay hindi niya na naabutan. Ilang araw ring hindi nawala sa isip ni Sorell ang pagkikita nila ni Rosette. Kahit papaano ay nag-aalala rin siya sa babae dahil alam niyang hindi maganda ang kalagayan nito ngayon. Sa itsura nito ay parang ilang araw na itong hindi kumakain. Nakalimutan niya rin ito nang maging abala siya sa trabaho. Hindi niya alam kung dapat niya bang sabihin kay Shaina na nakita niya si Rosette. Nang mawala kasi ito ay sinubukan itong ipahanap ng mommy ni Leigh. "Stop using other people para makalapit ulit kay Shaina," saway ni Sorell sa sarili. Sinubukan niya na lang kalimutan ang naging pagkikita nila. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang bigla na lang siyang bisitahin nito sa opisina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD