“NA-MISS ko ang love ko,” lambing sa kanya ni Lance nang gabing puntahan siya nito sa flat niya. “Talaga, ha?” ani Ivy at nauna pang yumakap dito. “Talaga. Lalo na iyong ganitong yakap?” He embraced her tight. “Gusto ko na ngang talunin ang mga posteng inaakyat ko para lang matapos agad ang trabaho, eh. Buti na lang, hindi kami na-overtime today. Kung hindi lalo kitang mami-miss.” “Sige na nga!” Nakangiti siyang inirapan ito kunwa. “Ano, gusto mo nang kumain?” “Nagluto ka?” tila nagulat namang sabi nito. “Nagsaing lang. Bumili na lang tayo ng ulam. Hindi ko alam kung ano ang gusto mo, eh.” “No, ako na lang ang magluluto. Ano ang laman ng ref mo?” “Cold cuts saka mayroon pa yatang carrots.”

