Chapter 1
Hinigpitan ko ang kapit sa perang mas maligasgas pa sa sinementong sahig. Napatingin ako sa customer at ibinalik ang kaniyang sukli. Itinuro ko ang counter upang mailagay na ng sunod na customer ang kaniyang mga ipinamili.
Cashier. Iyan ang kinahinatnan ko.
Graduate ako ng Bachelor of Science in Political Science ngunit nandito ako ngayon sa supermarket, tumatanggap at nagbigigay ng pera. Nakakatawa.
Kung mayaman lang kami, malapit na akong maging abogado. Nag-asawa na ang nakatatanda kong kapatid na lalaki at ang sumunod naman sa akin ay magkokolehiyo na. Walang space para sa law school. Kinailangan ko rin na magtrabaho para kahit papaano ay maibili ng gamit si Tatay. Si Tatay na may maintenance ng gamot sa puso.
Matanda na rin naman si Nanay kaya hindi siya makakapagtrabaho pa para makapag-law school ako. Pangarap na lang ang law school. Hanggang sa panaginip ko na lang.
Sana nag-Engineering na lang ako para may tsansa pa na yumaman. Dito sa kurso ko, wala akong mapapala kundi mag-apply sa mga trabaho na hindi ko naman gustong gawin. Wala akong magagawa dahil wala namang namilit sa akin na mag-Political Science.
Matapos ang trabaho, isinakbit ko ang shoulder bag ko at nag-abang ng tricycle na masasakyan pauwi. Ilang minuto bago mag-alas-otso ako nakauwi ng bahay dala-dala ang kalahating inihaw na manok.
Nagsandok na si Nanay habang ang kapatid kong si Zander ay kumukuha ng plato at mga kutsara. Habang si Tatay naman ay nakatingin sa mga reporter na nag-uulat ng balita sa telebisyon. Walang reaksyon o usal sa kaniyang bibig.
Nang maihanda na ang lahat ng pagkain sa hapagkainan, pumaikot kami sa lamesa at tahimik na kumain hanggang sa may mag-anunsyo sa TV tungkol sa isang gameshow.
Isang tournament para sa mga nagnanais na makapag-asawa ng mayaman. Si George Santelmo ang nangunguna sa pagpapalaro nito upang mabigyan ng asawa ang kaniyang anak at tagapagmana ng kumpanya. Labindalawang kababaihan ang kukuhanin at susubukin kung sila ba ay karapat-dapat na maipangasawa sa kaniyang anak.
Kalokohan. Isang malaking kalokohan.
Hindi ko na inisip ang tournament at in-enjoy na lang ang pagkain. Sino ba namang sasali sa ganoong palaro? Sino ba kasing masaya na itakda sa taong hindi mo naman gusto o mahal? Sa mga mayayaman lang naman gumagana iyon.
“Isang milyon pala ang mapapanalunan ng mananalo, Ate. Sapat na siguro ‘yon sa law school, ‘no?” si Zander na tila pinipilit pa akong sumali. Aanhin ko naman ang isang milyon kung nakatali ako sa lalaking hindi ko naman gusto.
Ilang taon na akong nabubuhay sa mundo ngunit ‘di ko pa rin nararamdaman na nagkakagusto ako sa isang tao. Nagugwapuhan, oo pero ‘yung sasabihin na gusto ko siyang makasama habang buhay ay hindi pa. Ewan ko kung bakit. Baka lang dahil hindi naman iyon ang hangarin ko sa buhay.
Gusto ko maging abogado. Gusto ko maipaglaban ang karapatan ng isang tao at wala nang maalipusta sa bansa.
Bata pa lamang kaming magkakapatid nang mapaalis kami ng mga kamag-anak namin sa lupang ipinamana sa tatay ko ng lola ko. Patay na raw ang lola ko kaya wala na kaming karapatan sa lupa. Mula sa dalawang palapag na bahay na may apat na kuwarto at malaking kusina, iisa na lang ang kuwarto namin, maliit ang kusina na karugtong pa ng salas.
Alam ko naman kahit papaano na may karaptan kami noon. Hindi lang namin naipaglaban dahil wala kaming pera para mag-hire ng abogado samantalang sila ay nanggaganid sa yaman at pera. Pera talaga ang pinagmumulan ng kasamaan.
“Hindi ako maganda para d’yan, Zander. Malamang rejected na’ko d’yan.” Natawa ako sa tinuran ko. Napakalabong sumali ako d’yan. Siguro ay anak din ng mga mayayaman ang mga makakasali d’yan. Gugustuhin ba ng matandang Santelmo na ikasal ang anak niya sa mga mahihirap na tulad namin?
“Maganda ka, Ate. Naniniwala ako ro’n kaya sumali ka na.”
“Ayoko nga, Zander. Magsasayang lang ako ng oras sa mga bagay na wala namang katuturan.” Tumayo ako mula sa hapag at sa salas naupo. Inilipat ko ang channel ng tv at lahat na yata ay nagpapakita ng advertisement ng palarong iyon.
Nakakasuka.
Kung sasali ako sa palarong ‘yon, mas hangal pa ako sa nakatatanda kong kapatid na nag-asawa nang maaga at hanggang ngayon ay hindi namin alam kung nasaan. Sumama ang loob nang mapagalitan kaya nakipagtanan at hindi na namin muli pang nakita. Malay namin kung buhay pa s’ya o namamalimos na sa kalsada.
Hindi naman gusto ni Nanay na lumayas siya. Gusto lang niya na malaman ang pagkakamali ni Kuya pero nagbasag siya ng mga baso at pinggan noon at hindi na bumalik pa. Napakahangal.
Nang antukin ako sa panonood ng TV, nagtungo ako sa kuwarto ko para magpahinga na. May trabaho pa ako bukas at sa trabaho ko ay kailangan ng mahigit walong oras na tulog at kung hindi ay para akong masungit na senyorita sa supermarket.
Tatlong minuto akong mas maaga sa itinakdang oras ng kumpanya. Kaunti pa lang naman ang namimili sa umaga kaya naman hindi masiyadong nakakapagod kaysa kapag hapon at gabi.
Nagdadala na lang ako ng maluto para tipid kaysa naman ibili ko pa sa mga fastfood restaurant ang kinikita ko na ‘di naman kalakihan. Sa dami ba naman ng gastos ko, may natitira pa ba para kumain ng masarap?
Sa gamot pa lang ni Tatay, malaki na ang nababawas. Idagdag pa ang pinag-iipunan kong tuition ni Zander. Hindi ako ang panganay ngunit ako ang naging breadwinner ng pamilya dahil sa hangal kong kuya.
Isa pang nakakainis sa trabaho na ‘to ay iyong tipong wala kang makausap kahit break time. O mas tamang sabihin na walang may gustong kumausap. Naririndi na ako sa paulit-ulit nilang sabi sa akin na ang sungit ko raw at galit ako sa mundo. Tama nga naman sila dahil paano ako ngingiti sa ganito kong buhay. Hindi ko na nga passion ang nakuha ko ta’s ambaba pa ng suweldo, ang dami pa ng gastos.
Akala ko ay isang normal na araw na naman ito. Uuwi bago mag-alas otso at magdadala ng kahit anong ulam na mabili ko sa plaza. Ngunit hindi.
Ala-una ng hapon nang may tumawag sa cellphone ko. Masuwerte at break time namin kaya nasagot ko ito galing sa kapitbahay namin na mahilig mangutang at ‘pag sa kaniya may utang ay akala mo ‘di babayaran. Baka mangungutang na naman ‘to.
Sinagot ko ang tawag kahit alam kong maiinis lang ako sa mga sasabihin niya. Lagi na lang akong inis. Ewan ko ba sa sari ewwli ko. Galit na yata ako sa lahat ng bagay sa mundo.
“Hello, bakit?” masungit kong pagkausap sa kabilang linya.
“Ang tatay mo. Inatake na naman at nasa ospital ang nanay at ang kapatid mo.”
Hindi ko na narinig pa ang sasabihin ng kausap ko sa cellphone dahil napatakbo na ako sa labas para tumawag ng tricycle.