C1. Pamilyang malala.
“Izari Dawn, kailan ka ba magpapadala ng pera? Aba’y kahapon pa ang sahod mo, ha? ‘Wag ko kaming pagdamutan ng pera dahil kung hindi dahil sa amin ay hindi mo makikita kung gaano kaganda ang mundo! Lintik kang babae ka! Nakatapak ka lang diyan sa Maynila ay akala mo kung sino ka na!”
Napabuga ako ng hangin dahil iyon agad ang bungad sa akin ng nanay ko mula sa kabilang linya nang sagutin ko ang tawag nito.
Tuwing sahod ko ay laging ganito ang sistema namin ng pamilya ko. Napapaisip na nga ako minsan kung talaga bang anak nila ako at kung mga magulang ko ba talaga sila, eh.
Halos salit-salitan lang sina nanay at tatay kung tumawag sa akin.
Hindi man lang nila ako kumustahin kung ayos lang ba ako rito sa Maynila dahil sa tuwing tumatawag ang mga ito ay pera agad ang bukambibig.
“Mamaya po ako magpapadala, ‘Nay,” mahinahon kong wika. “Marami lang po akong inaasikaso kaya nakalimutan ko.”
“Lintik naman, Izari! Sa dami ng puwede mong makalimutan ay ‘yong tungkol pa talaga sa bagay na ‘yon! Magpadala ka na dahil wala na kaming makain ng tatay mo!”
“Sige po.”
Anim kaming magkakapatid at ako ang bunso.
High school lang ang natapos ko dahil hindi naman nila ako sinuportahan hindi kagaya ng mga kapatid ko na suportado nila sa pag-aaral at mga luho.
Nang makapagtapos ako ng high school ay nakipagsapalaran ako rito sa Maynila.
Hindi ako nagpaalam sa kanila na luluwas ako dahil alam ko naman na hindi nila ako papayagan.
Pagsasaka at pagkokopra ang ikinabubuhay namin sa probinsya.
Sa aming magkakapatid ay ako lang ang tumutulong sa mga magulang namin.
Paminsan-minsan ay nagrereklamo ako dahil masyado na akong pagod pero sa tuwing ginagawa ko iyon ay ako pa ang pinapagalitan ng mga magulang ko.
Ang katuwiran nila, ganoon daw talaga kapag bunso. Kailangan daw sumunod sa nakatatanda dahil iyon ang dapat.
Habang nagkakaisip ako ay napapansin ko na hindi talaga nila ako itinuturing na kadugo kun'di isang alipin lang.
Sa buong buhay ko kasi ay hindi man lang ako binilhan ng damit o binigyan ng baon sa tuwing pumapasok ako sa school pero ang mga kapatid ko ay sobra-sobra ang baon higit pa sa pangangailangan ng mga ito.
Kaya naman naisip ko na maglabada sa murang edad para may pambili ng mga kailangan ko sa school at pambili na rin ng mga personal na pangangailangan ko.
Isa iyon sa nag-udyok sa akin para lumayo dahil sa hindi nila magandang trato sa akin.
Ang ilan sa mga kapitbahay namin ay naawa sa akin kaya naman ang iba ay nagbigay ng pera sa akin nang malaman na balak kong umalis at pumunta rito sa Maynila.
Ang sabi nila, tama raw ang naisip ko dahil kung mananatili ako sa amin ay walang mangyayari sa buhay ko.
Labing-anim na taon ako nang umalis ako sa amin. Sa madaling salita, naglayas ako dahil napagod na ako na makasama sila.
Apat na taon na ako ngayon dito sa Maynila dahil bente anyos na ako ngayon at nagtatrabaho ako bilang encoder sa isang maliit na store ng mga gadgets.
Hindi kalakihan ang suweldo ko pero ayos na rin dahil libre naman ang apartment, pagkain at pamasahe.
Ang tanging ginagastos ko lang talaga ay ang mga pansarili kong gamit.
Kaya naman, medyo nakakaipon ako at nakapagpapadala ng sobra sa kalahati ng sahod ko dalawang beses sa isang buwan.
Kinsenas at katapusan kasi ang sahod ko sa pinagtatrabahuhan ko.
“Hihintayin ko ngayon, ha? Kapag hindi ka nakapagpadala ngayon, luluwas kami ng tatay mo ng Maynila at kakaladkarin ka namin pabalik dito para may pakinabang ka! Tandaan mo, minamalas ang isang tao kapag madamot, Izara,” wika pa ni nanay dahilan para mapailing ako.
Sa totoo lang, nakakapagod nang maging isang ulirang anak lalo na kung ganito ang klase ng mga magulang.
Naiinggit ako sa mga katrabaho ko na may mga mababait na mga magulang.
Ipinagluluto kapag galing sa trabaho, inaalagaan, at higit sa lahat ay minamahal.
Samantalang ako, ni isang beses ay hindi ko pa naranasan iyon sa mga magulang ko dahil puro kabaliktaran ang nangyayari.
Kung hindi kasi ako minumura, sinasabihan ng malas at pabigat gayong lahat naman ay ginagawa ko para makatulong sa kanila.
Hindi ko naman sila magawang sagutin dahil alam ko na utang ko sa kanila ang buhay ko. Hays!
Napapatanong na lang ako minsan kung bakit sila pa ang mga naging pamilya ko. Sana iba na lang. Sana hindi na lang sila.
Sana kagaya na lang din ng iba na kayaman ang turing sa anak at hindi malas at gatasan lang.
“Izari, nandiyan ka pa ba? Hihintayin namin ngayong araw, ha? Dalian mong kumilos! Luluwas talaga kami ng tatay mo at ipapahiya ka namin diyan! Mas mabuti pang wala ka na lang trabaho kaysa may trabaho ka nga pero hindi ka naman mapakinabangan!”
Hindi ko na sinagot ang sinabi ni nanay. Sa halip ay pinindot ko na ang end call button.
Hindi naman nila alam kung saan ako nagtatrabaho at lalong hindi nila alam kung saan akong lugar naririto sa Maynila kaya kahit hindi ako magpadala ay wala silang magagawa.
Pero, hindi ko naman kayang tiisin ang mga ito kahit pa nga parang ibang tao ang turing nila sa akin.
“Nanay mo ba ang tumawag sa iyo?” tanong sa akin ni Amelia. Isa sa mga katrabaho ko na nakatoka sa inventory.
“Oo, eh. Paano mo nalaman?”
“Halata kasi sa mukha mo, eh. Kapag pamilya mo kasi ang nakakausap mo, daig mo pa ang pinagsakluban ng langit at lupa pero kapag ang boyfriend mo, halos mapunit ‘yang bibig mo sa katatawa.”
Napangiti ako dahil totoo ang sinabi ni Amelia.
Kapag si Haider kasi ang tumatawag sa akin ay gumagaan ang loob ko kaya naman sa tuwing kausap ko ito ay gumagaan talaga ang lahat.
Dalawang taon ko nang kasintahan si Haider at sa dalawang taon na iyon ay hindi ko pa nakikilala ang daddy niya.
Wala kasing kapatid si Haider at wala na ring ina.
Ang ama naman nito ay laging nasa business trip at bihira lang umuwi sa loob ng isang taon.
Kung umuwi naman ay umaalis din agad kaya walang pagkakataon na magkakilala kami ng personal.
“Kumusta naman kayo ng kasintahan mo? Sana hindi siya magbago, ano? Kung ako sa iyo, papayag na akong lumipat sa kompanya nila para doon na lang magtrabaho. Mas malaki ang kita at higit sa lahat ay lagi mo pa siyang kasama sa lahat ng oras.”
“Ayos lang naman ako rito, Amelia,” sagot ko sa kaibigan ko. “Masaya naman ako sa trabaho ko dahil mayroon akong mga mababait na katrabaho at mabait na boss. At saka, nakakaipon naman ako kahit papaano kaya hindi ko kailangan lumipat ng trabaho.”
Nahihiya kasi ako na lumipat ng trabaho dahil high school lang naman ang natapos ko.
Kahit pa nga sabihin natin na mataas ang posisyon ng boyfriend ko at alam ko na makakapasok agad ako ay hindi talaga ako nagtangka man lang na umalis dito.
Ayaw ko kasing ako ang maging dahilan para masira ang image ng boyfriend ko sa kompanya nila dahil tumanggap sila ng taong wala namang natapos.
Nakilala ko si Haider sa mall nang maisipan kong mamasyal noon.
Habang namamasyal ako ay may napulot akong wallet at agad ko iyon na ni-report sa customer service counter.
Hindi ko akalain na ang mall na iyon ay isa pala sa mga pag-aari ng boyfriend ko.
Simula noon ay hindi na ako tinigilan ni Haider kahit pa nga paulit-ulit ko itong itinaboy. Isang taon din akong niligawan ni Haider bago ko ito sinagot.
Sa ngayon ay dalawang taon na kaming magkasintahan at masasabi kong siya ang comfort zone ko. Hindi rin hadlang ang estado ng buhay namin dahil kahit alam ni Haider na wala akong tinapos ay mahal na mahal ako nito.
“Ang sabihin mo, nahihiya kang sumubok ng iba dahil high school lang ang natapos mo.”
“Isa rin talaga ‘yon sa mga dahilan ko, Amelia.”
“Eh, ano naman? Masipag ka naman, mabilis matuto, marunong makisama at higit sa lahat ay isa kang responsableng empleyado. Ba’t ka natatakot sumubok? Kung tutuusin nga ay talo mo pa ang ibang may mga pinag-aralan kung umasta, eh.”
“Hayaan mo na. Kontento naman na ako rito, Amelia. Isa pa, aanhin ko naman ang malaking sahod kung hindi naman ako masaya? Mas gugustuhin ko pa na manatili sa hindi kilalang kompanya basta lahat ay kasundo ko at masaya ako. Lahat kayo rito ay para ko na ring pamilya kaya kahit may mag-offer sa akin ng mas malaking sahod ay hindi pa rin ako aalis. Alam mo naman na dito ko lang nararanasan ang pagmamahal at malasakit na hindi ko naramdaman sa pamilya ko, ‘di ba? Kaya ba’t ko ipagpapalit ang mga ganoong bagay para lang sa pera? Mahirap makuha ang mga ganoon na kahit may mga kapangyarihan ay hindi agad iyon nakukuha mula sa ibang tao.”
“Sabagay. Hays! Ang drama naman kasi ng buhay mo."