BALIK pormang lalaki na ulit si Leonard. Pinangangambahan nito na baka nakilala ito ni Aling Adeng at mabisto ang sekreto nito.
Sinabihan ni Kelly na huwag mag-alala ang kaibigan at mukhang hindi ito namukhaan ni Aling Adeng sa babaeng bihis nito. Kung sakali man ay magagawa nilang pakiusapan ang ginang na isekreto rin ang lihim nilang iyon. Naniniwala siyang mauunawaan naman sila ni Aling Adeng.
Saka lang humupa ang pangamba ni Leonard ng sumang-ayon din si Harriet sa sinabi ni Kelly.
ISANG umaga ay nakita ni Kelly si Aling Adeng na kausap ang amang pulis ni Leonard. Mukhang seryoso ang kung ano man ang pinag-uusapan ng dalawa. Hanggang sa nakita niyang parang may galit na rumihistro patungkol sa kung sino ang mukha ng ama ni Leonard. Biglang sumakay ng motor nito ang pulis at mabilis iyong pinasibad.
KINAHAPUNAN ay hindi mapakali si Kelly. Konklusyon niya ay sinabi ni Aling Adeng ang nabisto nitong lihim mula sa pagkatao ni Leonard sa amang pulis ng kaibigan.
Hindi pala dapat napalagay ang loob nila at ipinagsawalang-bahala na hindi nakilala ni Aling Adeng si Leonard noong gabi ng pageant.
Gusto niyang ipabatid mismo kay Leonard ang nabuo niyang hinala sa isipan sa nangyaring pag-uusap kay Aling Adeng at sa ama nito. Subalit kanina pa niya hindi ma-contact ang kaibigan sa CP nito.
Sana ay nabasa nito ang mga text niya bilang babala.
Sinadya siya ni Harriet sa bahay nila bandang alas-siyete ng gabi. Nabahala siya sa hitsura ng kaibigan nang may pagmamadali siya nitong ayain na sumama rito. At nang makapasok siya sa bahay nito ay nakita niya roon si Leonard sa kalunos-lunos nitong anyo.
Tahimik itong umiiyak habang nagpapahid ng luha. Putok ang labi nito na may bakas ng namuong dugo at puno ng pasa sa mukha. Naawa siya sa kaibigan at agad niya itong nilapitan at niyakap. Doon ay nagawang mapahagulhol ni Leonard sa kanyang balikat.
Isang kumpirmasyon iyon na nalaman na ng amang pulis ang tunay na pagkatao ng anak.
Lumapit si Harriet sa dalawa at nakiyakap sa kanila.
PARANG nag-init ang ulo ni Kelly kay Aling Adeng simula niyon. Gusto sana niyang komprontahin ang ginang pero naisip niyang nangyari na ang nangyari. Bagaman pisikal na nasaktan si Leonard ay tiyak na ang pagiging malaya nito sa totoong ito. Iyon na lamang ang iniisip niyang positibo sa nangyari. Hindi na nito kailangang magtago ng tunay na pagkatao nito, higit lalo sa ama nito. Iyon lang naman ang inaalala ni Leonard dahil hindi nito gustong ma-disappoint dito ang ama. At siyempre ay dala na rin ng takot sa magiging reaksiyon ng amang pulis. Tanggapin man si Leonard o hindi ng pamilya nito, ay naroon naman sila ni Harriet na sa simula pa lang ay tanggap na si Leonard nang buong-buo bilang mga kaibigan nito. Nakakalungkot lamang isipin na sadyang may mga tao na kadugo man o hindi ni Leonard, ay posibleng mayroong hindi buo ang magiging pagtanggap o pang-unawa rito sa tulad din nitong naiiba ang seksuwalidad.
NAHANTAD na sa buong lugar nila Kelly na si Leonard ay isang bading. Tuluyan na itong nagladlad. At ano ba ang aasahan nila sa mga taga-lugar nila? Natural na umani ng tukso si Leonard. Gayunman, ang naaaning pangungutya at panunukso ay nagsilbing hamon at inspirasyon dito para ipakita sa mga tao na bagaman bading ay hindi naman ito isang masamang tao.
Isa pa'y nasa likod sila nito ni Harriet na sa tuwina ay nakasuporta rito.
"Hoy, mga bakla!" bulalas ng isa sa tatlong magkakaumpok na kilalang mga lasenggo sa lugar nila. Kay aga-aga ay nag-iinuman ang mga ito.
Natigilan sa paglalakad sina Kelly, Harriet, at Leonard na 'Leonora' na ngayon. Sadyang hinarang sila ng bondat na lasenggo na kamukha ni Bentong.
Sarap kutusan ng isang 'to, napaismid sa isip na reaksiyon ni Kelly.
"Tol, may isang totoong babae d'yan. Hulaan mo kung sino," sabi naman ng isang payat na lalaki na siyang tanggero sa tatlong lasenggo.
Ang mga ito ang certified na dapat tawaging tropang SMB (Samahang May Baktol). Sumisingaw sa katawan ng mga ito ang amoy ng alak na animo'y naiwang imburnal na nakatiwangwang.
Tumutok ang mga mata ng kawangis ni Bentong kay Kelly. Sa totoo lang ay medyo nakakasindak ang anyo nito sa mahigit kumulang sa anim na talampakan ang taas. Iyon nga lang, hindi bagay ang mukha sa pustura ng katawan.
"Tol, hindi naman mahirap hanapin sa tatlong ito ang totoong babae."
Alam ni Kelly na pinagti-trip-an lamang sila ng mga ito. Ginagawang katatawanan. Matagal na siyang kilala ng mga ito bilang isang tunay na babae.
"Alam mo, Kelly, maganda ka, eh. Kaso, kakasama mo sa dalawang bading, nagmumukhang bakla ka na rin."
Sinegundahan iyon nang malakas na tawanan ng tatlong lasenggo.
Itong si "Bentong" mukhang may ipis na nagtatago sa ilong. May buhok kasi na nakalawit sa isang butas ng ilong nito na nagmistulang paa ng ipis na nakalawit. Ang laki ng buka ng bunganga kung makatawa. Sarap pasakan ng paang may alipunga.
"Halina kayo, girls, hindi natin kailangan mag-aksaya ng oras dito," ani Leonora.
"Akalain mo 'tong isang baklang 'to. 'Pareng Leonard' pa dati ang tawag ko rito... Ang binatang anak ng pulis, aba'y batuta rin pala ang hilig." Ayaw paawat sa pangbubuska ni Bentong.
Mas lumakas ang tawanan ng tatlong pulpol.
Si Kelly ay hindi na napigilan ang pagkabanas.
Upang matahimik sa kakatawa ang nasa harap na lasenggo ay nagawa niya itong bigyan ng isang sampal.
Sa ginawa niya ay tila nahulasan ang lalaking bahagyang lasing.
Natural na nag-init ang ulo nito at nasa anyo ang nais manapak.
Pinatunog nito ang mga daliri sa kamay at iniangat ang isang kamao.
Sina Leonora at Harriet ay nahihintakutan na ang mga anyo.
Ngunit bago may tumamang kamao kay Kelly ay may isang rubber shoe ang lumilipad na tumama sa mukha ng kawangis ni Bentong.
At nang lingunin ni Kelly ang pinanggalingan ng sapatos, sa banda roon, ay may isang lalaking nakatayo na maangas ang dating ngunit guwapo.
At sa kamay nito ay may isa pang hawak na kapares na sapatos. Ipinaikot-ikot nito ang sapatos sa paghawak sa sintas niyon. Pormang naghahanda na muli iyong ibato.
Naging alerto ang mga tropa ng SMB.
Mukhang nangangamoy rambulan.
At bago pa mag-umpisa ang giyera sa pagitan ng tatlong lasenggo laban sa isang lalaking guwapo, ay hinatak na ni Kelly ang dalawa niyang beking kaibigan upang pumuslit sa lugar na iyon.