PITIK na malapit sa aking mga mata ang ginawa ni Virginia upang makuha ang aking atensiyon. “Nakikinig po ba kayo sa kin, binibini? Kabilin-bilinan po ng manggamot na kailangan n’yong uminom ng mga halamang gamot na maaring tumulong upang mas manumbalik ang inyong lakas sa lalong madaling panahon,” aniya.
“Virginia, paumanhin na ngunit maari bang mamaya na lang natin iyan pag-usapan? Wala talaga ako sa aking ulirat sa mga oras na ito, hindi ko rin naman talaga ‘yan maiintindihan,” wika ko bago nahiga sa aking kama at nagtalukbong ng aking mga unan.
“Ahhhhhh! Ahhhhhhh! Unang halik! Unang halik ko ‘yon!” pagtitili ko habang nakatakip ng unan. Gumulong-gulong ako sa maliit kong higaan hanggang sa matagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakahiga na sa malamig naming sahig.
Pinalawig ko ang dalawa kong mga braso at nakatulalang natingin sa aming kisame hanggang sa pumuwesto si Virginia sa aking higaan at hinarangan ang aking pananaw na nasa aming dingding.
“Binibini, ikaw ha? Naghalikan na kayo ng Panginoong Uno, ano? Kayo na ba?” nanunukso nitong ngiti sa kin.
“Hindi. Wala,” animo’y walang buhay kong sagot atsaka bumangon at muling na-upo sa aking higaan. Umayos ng pagkakaupo si Virginia at ipinagkrus pa ang dalawang mga kamay na kung iyong iisipin ay parang abogadong nansasakdal.
“Umamin ka na, binibini! Ehhh! Ano pong pakiramdam?” ngiting-ngiti n’yang tanong.
“Pakiramdam ng ano?!” depensibo kong turan.
Sinundot-sundot n’ya ang balikat ko gamit ng kan’yang hintuturo. “Binibini, ano na nga po ang pakiramdam ng… unang halik? Eh!” patili n’yang pangungulit.
“Wala nga! Tigilan mo nga ako, Virginia!” daing kong ngingiti-ngiti na rin.
“Sus! Wala raw pero ang ngiti parang hindi naman ganoon ang sinasabi,” aniya na umiirap-irap pa.
“Virginia, kasi ano…”
“Ano po, binibini? Huwag na po kayong mahiya sa kin, ako lang po ito. Si Virginia na kaibigan mo,” anito.
“Paano mo ba masasabi kung mahal mo na rin ang isang bampira?”
Napatakip ako sa dalawa kong mga tenga ng nag-umpisang magtitili si Virginia habang tumatalon-talon pa sa aming higaan. “Sabi ko na nga ba! Sabi ko na! Bathala! Maraming salamat! Salamat po!” aniya.
“Uy! Virginia, ang sakit sa tenga ng tili mo! Tumigil ka na nga!” natatawa kong papupuna sa kan’ya. Ilang minuto pa ang itinagal bago siya nahimasmasan at na-upo na lamang sa aking tabi.
“Bakit parang mas masaya ka pa kaysa sa kin? Subukan mo kayang sagutin ang tanong ko, Virginia,” sarkastiko kong saad.
Pumahabol pa siya ng bungisngis bago ako sinagot. “Binibini, pasensiya na po ako lamang ay nagagalak sa aking naririnig. Hindi ko pa rin naman po naranasang mahalin,” panimula n’ya.
“Teka! Hindi mo pa nararanasang mahalin? Ngunit ang magmahal naranasan mo na, tama ba?” paninigurado ko na siyang tinanguan n’ya.
Ako naman ngayon ang napatili at napatapik sa kan’yang balikat. “Sino ‘yan, ha? Sino?” kiniliti ko siya sa kan’yang leeg kaya napa-iwas ito sa kin habang nakatawa.
“Binibini! Nakakahiya po, huwag na,” saad n’ya habang tinatakpan pa ang mukha ng kan’yang mga palad.
“Virginia, isa!” pinandilatan ko ito ng mga mata kaya siya ay napa-iling.
“Si Dos,” mahina n’yang turan.
“SI DOS?! Ay! Talaga ba? Kaya pala nahuhuli kitang ngumingiti-ngiti sa tabi kapag nandiyan si Dos! Ikaw ha! Dos pala!” panunukso ko.
“Naku, binibini, bumalik na po tayo sa iyong katanungan kahit naman po kailan ay hindi ko magagawang umiral sa paningin ni Dos. Sabihin na lang po nating para sa kin siya ang mundo ko ngunit para sa kan’ya isa lamang ako sa kanilang mga tagasunod,” malungkot ang naging tono ni Virginia.
“Virginia! Ano ka ba, hindi pa naman huli ang lahat. Wala pa namang iniibig si Dos, ikaw ay ganoon din, hindi naman natin hawak ang hinaharap, malay natin hindi ba?” pag-aalo ko.
Umiling siya. “Tanggap ko na po ang katotohanan, binibini. Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi mo naman po agad malalaman na mahal mo ang isang nilalang, kusa po iyong nangyayari. Magigising ka na lang po isang araw na hinahanap-hanap mo na lang siya, na hindi na bubuo ang araw mo kasi hindi mo pa siya nakikita. Malalaman mo po kong mahal mo na ang isang tao kung may mga ginagawa ka na po para sa kan’ya na hindi mo naman ginagawa sa iba.”
“Ano pa, Virginia? Ano pa ang mga nararanasan mo n’ong nagsimula kang umibig?” interesadong-interesado kong tanong.
“Noong una akala ko po wala lang, na pangkaraniwan lang. Hindi ko pa nga po ma-amin sa sarili ko na nagkakagusto na ako sa Panginoong Dos ngunit habang nilalaban ko po, habang mas pinagkakaila ko, mas lalong umuusbong, mas lalo pong tumitindi. Naamin ko na lamang po sa sarili kong iniibig ko na lamang siya n’ong naramdaman kong tumitigil na ang mundo kapag nasa harapan ko siya,” saad ni Virginia na pinaglalaruan pa ang kan’yang mga binti.
Bakit parang lahat ng sinasabi n’ya, nararamdaman at nararanasan ko na rin kay Uno? Ibig sabihin ba noon ay inibig ko na rin siya?
Hindi ba masyadong matulin? Hindi ba ako magmumukhang babaeng madali lang makuha kong ganito ako umasta?
Hindi ko na alam.
Ang problema ko ngayon ay kung bakit ko siya hinayaang halikan na lamang ako ng ganoon. Hindi ba masyado na kaming nagmamadali? Hindi ba at masyado na kaming malapit kapag ikokompara sa mga nilalang na nagliligawan pa lamang?
Inay Pilar! Sana naririto ka na lamang!
“Ano, binibini, tinamaan ka na ba?”
Virginia’s POV
“Ha? Hindi! Ilang araw pa nga lang ang lumilipas, eh, hindi, hindi ako ganoon kabilis mapaibig. Ano siya sinusuwerte?” nagsasanggalang na wika ni Binibining Ina bago ito tumayo sa kan’yang higaan at tunguhin ang aming tapayan. Lumaguk na lamang siya ng tubig.
Pfft. “Mukhang hindi po ganoon ang nakikita ko, binibini,” komento ko na siyang agad n’yang inilingan.
“Hindi! Hindi, Virginia. Hindi pa, maniwala ka sa kin,” pamimilit n’ya.
“Opo, binibini, maniniwala po ako. Siya nga po pala, binibini, lalabas po muna ako upang mabili ang mga halamang gamot na kakailanganin ninyo. Ayos lang po kayong mag-isa rito?”
“Ah? Oo naman, walang problema, hindi naman magtatagal at papasok na ako sa silid aklatan. Kapag hindi mo na ako madatnan dito ay malamang nandoon na ako sa silid aklatan,” sagot naman ng binibini.
“Maari ko naman pong papuntahin na lamang si Karmila o Natalia upang samahan ka rito, binibini,” suhestiyon ko. Hindi pa kasi nakakabalik sa maayos na takbo ang kan’yang katawan kaya mahirap na.
“Hindi na, Virginia. Kaya ko naman na.”
“Sige po, binibini. Sigurado po ba kayong papasok kayo sa silid aklatan? Baka naman po kayo na naman ay pahirapan ni Ginang Melchor,” ani ko pa.
“Nga pala! Nabanggit mo na rin lang si Ginang Melchor, anong nangyari n’ong ako ay nawalan ng malay? Anong ginawa ni Uno?” Patay.
“Po? Ah, binibini---“ hindi na n’ya ako pinatapos.
“Virginia, sabihin mo na, sagot kita kay Uno. Gusto ko lang naman malaman kung anong nangyari,” sabi ko nga po.
“Nagkasagutan lamang po ang Uno at si Ginang Melchor, nakapagtimpi pa naman po ang Panginoong Uno na hindi siya masaktan. Ngunit si Estomata po,” naputol ang pagsasalaysay ko.
“Bakit? Anong nangyari sa kanya?” bulalas n’ya.
“Nasa gusali po siya ng mga taga-Opensa, nagpapagaling po mula sa pagkakabali ng iilan sa kan’yang mga buto. Hindi naman po ganoon katindi ang sinapit n’ya, binibini,” napabuntong hininga ito sa aking sinabi pero hindi pa ako tapos.
“Kung susuwertehin po ay baka makalakad naman po siyang muli. Wala pong ginawa ang Panginoong Uno sa kan’ya ngunit dala ng takot tumalon po siya mula sa bubong ng kanilang silid pahingahan. Balita ko po halos malasog ang kan’yang mga buto sa taas ng gusali nilang iyon.”
“ANO?!”
Pilipina’s POV
Ginamit ko ang aking pag-iisa upang makapagmuni-muni. Hindi maaring parang wala akong alam sa sarili kong nararamdaman, wala nga ba o sadyang hindi ko lang talaga matanggap?
“Hindi ko naman ikinakaila na nahahalina ako sa angking kaguwapuhan ni Uno mas lalo na akin n’yang kabutihang puso,” bulong ko habang yakap-yakap ang aking malambot na unan.
Tulad ba ni Uno ay minahal mo na rin siya, aking sarili?
Ngunit naputol ang aking pagmumuni-muni ng may biglang kumatok sa aming pintuan. “Tao po?” sigaw nito sa labas.
“Teka lamang po, papunta na!” hiyaw ko naman pabalik atsaka mabilis na bumangon at isinuot ang aking sapin sa paa.
“Binibining Ina? Nandiyan ka po ba?” boses ni Isiang ‘to, ah?
“Nandito! Sandali lamang!” huli kong hiyaw bago ko nabuksan ang aming pintuan at tama nga ang aking hinala, mukha ni Isiang ang aking nakita.
“Oh, Isiang! Ikaw pala, pasok ka,” paanyaya ko rito.
“Huwag na po, binibini, hindi naman ako magtatagal,” aniya habang inililibot ang kan’yang mga mata sa kabuoan ng aming silid pahingahan. Tinignan ko rin ang loob at baka may mga nakakalat, nakakahiya naman sa bisita kung meron man.
“Anong dinayo mo rito, Isiang? Mukhang importante yata iyan lalo at pumarito ka pa,” untag ko sa kan’ya.
“Ito po pala ang inyong silid pahingahan, binibini,” anito na hindi man lang tinatanggal ang kan’yang atensiyon sa aming tahanan.
“Ah, oo, buti nga at alam mo ang papunta rito,” muli kong ani upang makuha ang kan’yang atensiyon. Hindi naman ako nabigo dahil binalingan nga n’ya ako ng tingin.
“Nagtanong-tanong lang din po ako, nga po pala, nandito po ako kasi nais ka po sanang imbetahan ng aking pamilya sa aming munting salo-salo mamaya sa aming komunidad. Pinayagan naman po ako ni Ginang Melchor sa aking hiling na umuwi po tayo ng alas singko ng hapon,” aniya.
“Bakit? Anong meron?”
“Ah, binibini, kasi kaarawan ko po ngayon,” nanlaki ang mga mata ko.
“Kaarawan mo pala? Maligayang kaarawan, Isiang!” masaya kong bati.
“Salamat po, aasahan ko po kayo mamaya ha? Huwag po kayong mag-alala, maari po kayong umuwi kapag alas siyete na ng gabi. Para hindi po magtaka ang inyong kasama,” hindi talaga sila magkakasundo ni Virginia.
“Sige ba, walang problema, pumasok ka muna at kumain, Isiang!”
“Salamat po, binibini, ngunit huwag na po baka po kasi madatnan pa ako rito ng bampirang kasama mo. Mauuna na rin po ako,” aniya at naglakad na ng matulin. Napakamot naman ako ng aking buhok dahil sa naging asta ni Isiang.
Tulad nga ng inaasahan ay pinalabas kami ni Ginang Melchor ng maaga. Naglalakad na kami ngayon ni Isiang papunta sa kanilang komunidad. Himala ang ginawa ng Diyos dahil hindi ako kinibo ni Ginang Melchor buong oras na nandoon ako sa silid aklatan, mabuti na rin iyon at baka muli na naman kaming magpang-abot na dalawa. Hindi ko rin ikinakailang nag-uumpisa na akong magtanim ng galit sa mga pinagagawa n’ya sa kin. Hindi naman sapat na halos patayin n’ya na ako ng dahil lang sa ayaw n’ya sa kin.
“Mga kasama, nandito na ang ating panauhing pandangal!” hiyaw ni Isiang ng makapasok kami sa isang lumang trangkahan. Napalingon ako sa ginawa n’ya at wala ngang isang iglap ay napuno ng mga nilalang ang kaninang walang katao-taong komunidad.
Saan sila nanggaling lahat? May mga matatanda na, may mga nasa katamtaman at napakaraming mga kabataan kahit mga bata ay may naririto.
“Isiang, siya ba ang sinasabi mong—“ wikang hindi na ituloy ng isang ale na nakausot lamang ng simpleng saya.
“Oo! Tulad ng aking pinangako sa inyo, ang panauhing pandangal sa kaarawan ko ay walang iba kundi ang atin din namang kalahi, si Binibining Pilipina Amador, ang magiging kabiyak ng susunod na pinuno ng buong unibersidad, ni Panginoong Uno,” may pagmamalaking pagpapakilala sa kin ni Isiang kaya agad ko siyang siniko ngunit hindi n’ya iyon ininda’t nginitian lamang ako.
“Binibining Ina! / Iligtas mo kami! / Tulungan mo kami! / Imungkahi mo sana sa Panginoong Uno na kami ay sagipin. / Sana protektahan mo kami laban sa mga bampira. / Pangalagaan mo sana kami. / Apoyahan mo kaming makalabas at makabalik sa Intramuros,” halos mabingi ako sa sabay-sabay nilang pagsasalita may tatlo pa ngang mga maliliit na bata ang yumakap sa aking mga binti na siyang hinawakan ko rin.
“Isiang, a-anong ibig sabihin nito?” takha kong tanong.
“Teka! Teka lang naman, mga kasama! Hindi ba sinabihan ko sa inyo na isa-isa lang? Paano kayo maiintindihan ng Binibining Ina kung sabay-sabay kayong magsasalita? Huminahon lamang kayong lahat marami tayong oras, mas mabuting umupo muna tayong lahat at umpisahan na ang kainan!”
Ngumiti ako sa tatlong mga bata na bumitaw sa pagkakayakap sa kin ngunit nanatiling nakatayo at nakatingin sa kin, lahat sila ay mga batang babae. Matapos pumalapak ni Isiang ay agad na nagsilatag ng mahahabang mga mesa ang mga kasamahan nila at napuno iyon lahat ng mga masasarap na pagkain.
“Binibini, pasensiya kana at hindi man ito kasing gara’t sarap ng mga nakakain mo sa mga kainan na dinadalhan sa ‘yo ng Panginoong Uno ngunit sana ay iyong magustuhan. Lahat ng ito ay pinag-ambagan naming lahat,” pagbibida ni Isiang.
“Naku! Walang anuman, hindi naman ako maselan sa pagkain,” ani ko na lamang atsaka ibinigay ang nabili kong simpleng regalo para kay Isiang.
“Pagpasensiyahan mo na rin ang aking regalo, iyan lamang ang nakayanan ko. Kung nalaman ko sana ng mas maaga ay nakabili ako ng mas maganda.” Agad-agad n’ya iyong kinuha sa akin at binuksan ni hindi man lang nagpasalamat. Agad napawi ang kan’yang ngiti ng makita niyang isa iyong simpleng saya, agad niya iyong ibinalik sa lalagyanan at ipinatabi.
“Hindi na po sana kayo nag-abala, binibini, maraming salamat po. Kaaya-aya po ang sayang iyon,” aniya bago ako alalayan upang maka-upo sa pinakasentro ng mga mesa. Mukhang hindi naman n’ya nagustuhan ang ibinigay ko. Pinaghirapan ko pa namang burdahan iyon ng kan’yang ngalan.
“Walang anuman, Isiang. Sana ay totoo mo iyong nagustahan,” ani ko na lamang. Umupo rin sa aking tabi ang tatlong mga batang babae at kan’ya-kan’ya ng kuha ang mga tao na naririto ng iba’t ibang pagkain.
Iba’t iba ang kanilang handa, may mga inihaw na baboy, manok, lechong baka at kung ano-ano pa ngunit parang ang mga naririto ay nag-uunahang makakuha ng mga masasarap na handa upang kanilang kainan na animo’y wala ng bukas.
“Ah, Isiang, hindi ba tayo kakanta? Para sa inyong kaarawan?” tanong ko sa kan’ya na hawak-hawak na ang paa ng lechong baboy at kinakagat na.
“Huwag na po, kumain ka na po,” aniya bago balikan ang kan’yang kinakain. Ngumiti ako at tumango bilang sagot. Susubo na sana ako ng kinuha kong sinarsahang baboy ng may isang matandang putol ang kaliwang paa ang kumalabit sa kin mula sa likod.
“Binibini, nakikita mo ba ang putol kong paa. Kagagawan ito ng mga bampira! Lahat kami rito, nilinlang nila at ng hindi na nila mapakinabangan ay sinasaktan, inaalipin o hindi naman kaya ay pinapabayaan na lamang hanggang sa malagukan ng hininga!” wika ng matanda na halos ang dumi na ng suot. Ang mga ngipin n’ya ay punong-puno na ng namuong mga dugo na sa bawat pagbigkas n’ya ng mga kataga ay masisilayan mo ang impeksiyon na meron siya.
“Tama! Kaya huwag kang malinlang sa mga magagandang bagay na kanilang binibigay, binibini! Hingin mo muna ang kalayaan naming mga kalahi mo bago mo saktan at iwanan ang Panginoong Uno nila, mga letse ang mga ‘yan, mga demonyo!” sabat naman ng isang malaking ale na nakapatong ang isang paa sa upuan habang hawak-hawak ang malaking balat ng baboy.
“Balita ko, binibini, inaalagaan ka ng pangkat nila Sanura? Naku! Ang pangkat nila ang may kasalanan bakit ako napadpad sa lugar na ito, matapos nila akong pangakuan ng kung ano-ano basta na lamang nila akong pinabayaan at binasura ng malaman nilang hindi nila ako makipapakinabangan sa labanan!” malakas ang naging tambol ng aking dibdib sa narinig kong mga paratang nila, lalo na sa pangkat ng mga bampirang nangangalaga sa kin ngayon.
“Makinig ka sa mga ‘yan, binibini, lahat kami rito ay pinagmukhang mga tanga ng mga bampira na ‘yan! Kaya kung ako sa ‘yo, paikutin mo si Uno sa mga kamay mo kapareho ng ginawa nila sa aming mga kalahi mo,” galit na galit na saad ni Isiang sa akin.
Halos hindi na ako nakakain ng maayos habang nakikinig sa kuwento ng buhay nilang lahat. Sa loob ng halos dalawang oras ay wala akong narinig kundi ang paninira, patusada at mga karumaldumal nilang mga paratang sa mga bampira. Napag-alam kong ang komunidad pala nila ay yaong mga mortal na hindi kayang makipaglaban kaya binibigyan lamang ng kakarampot na mga salapi, taliwas sa pinangako sa kanila.
“Binibini, gustuhin ko mang ihatid ka sa inyong silid pahingahan ngunit lubos na kaming pinagbabawal na lumabas ng aming komunidad pagsapit ng alas siyete ng gabi,” saad ni Isiang matapos naming makarating sa madilim na parte ng daan palabas.
“Ganoon ba, ayos lamang, Isiang. Bumalik ka na roon, salamat sa araw na ito,” aniya ko. Akala ko ay hihintayin n’ya man lamang na ako’y makalagpas at makaabot sa daang may ilaw ngunit tumalikod na ito at nag-umpisang bumalik sa kanilang komunidad kasama ang tatlong batang babae na sina Leonor, Agida at Alesa na siya palang mga kapatid ni Isiang.
Kinakabahan man ay yinakap ko na lamang ang aking sarili at pinagpatuloy ang paglalakad ngunit palakas ng palakas ang tahip ng aking dibdib ng maramdaman kong may sumusunod sa akin mula sa likod. Nararamdaman kong marami sila kaya hindi na ako lumingon pa at sa halip ay binilisan na lamang ang aking paglalakad. Akala ko makakahinga na ako ng maluwag ng marating ko ang parte ng daanan na may liwanag na ngunit hindi pa pala, parang mas d-um-oble pa ang naghahabol sa kin.
Halos maihi na ako sa aking saya habang ginagamit ang aking bisiyon sa paligid upang makita kung may aatake ba sa kin sa kaliwa, sa kanan o sa likod. Halos lukutin ko ang magkabilaan kong saya sa kaba at pakikiramdam.
Lakas loob akong tumigil sa paglalakad at pikit-matang lumingon sa likod upang iikot ang aking paningin. Laking gulat ko ng lumitaw si Sanura mula sa aking likuran.
“Sanura!” gulat na gulat kong saad ngunit kahit papaano ay nakahinga na ako ng mas maluwag.
“Anong ginawa mo rito? Ikaw ba ang sumusunod sa kin?” bulalas ko.
“Ako po yata dapat ang magtanong kung bakit po kayo nasa kalyeng ito, binibini? Hindi po ba at malayo na rito ang silid aklatan?”
Hindi ako nakasagot lalo at hindi ako nagpaalam kay Virginia na pupunta ako sa komunidad nila Isiang.
“Ngunit hindi na iyon importante ngayon, anong kamo n’yo? May sumusunod sa inyo?”
“Oo, eh, pakiramdam ko talaga meron,” alanganin kong sagot.
“Kailangan na nating umalis, binibini, hindi ka po ligtas dito. Hindi mo ba alam na pugad ang kalyeng ito na mga sangganong mortal, mga pariwa sa buhay matapos kalabanin ang gobyerno dahil gusto ng mas mataas na salapi.”
Hinawakan ni Sanura ang balikat ko at agad kaming naglaho. Ngunit, sino ba talaga sa kanila ang nagsasabi ng totoo?
Kayo na po ang bahala sa kin, Panginoon. Nagsisimula na po akong maguluhan.
Bakit kasi lahat ng sinasabi nila ay magkakasalungat, ni walang kahit isa na tumutugma sa mga sinasabi nila? Sino at kanino ba ako dapat mas mapapanatag?
Sa mga kalahi kong mortal o sa mga bampirang kahit kailan ay hindi naman ako pinabayaan?