NAGTATAWANAN kami ni Virginia sa kalagitnaan ng aming paglalakad tungo sa aming silid aralan ng biglang lumitaw sa kalagitnaan ng daan ang dalawang matataas na nilalang sa unibersidad, ang pinsan at halos kanang kamay ni Uno, si Dos at si Tres.
“Kinakapatid! Magandang umaga sa inyo ngunit mas maganda talaga ang umaga kapag ang mukha ko ang bubungad sa inyo, tama ako ‘di ba?” pagmamayabang na naman ni Dos. Hindi yata talaga nauubusan ng kahanginan sa katawan ang pinsan na ito ni Uno.
Napa-iling ako at napangiti na lamang habang nakatingin kay Dos.
“Ang aga-aga, Dos, ano bang inuulam mo kanina sa umagahan? Kasinungalingan? Tsk. Mahiya ka naman sa mga pinagsasabi mo,” seryoso ngunit alam mong nanunukso lamang na patudsada ni Tres.
“Eh, ikaw, Tres? Ano bang kinain mo kaninang umagahan? Pinalamanan ba ng purong seryosong keso ang tinapay mo? Napakapanira mo kahit kailan, hindi ka na lang nakisunod sa agos,” sagot naman ni Dos.
“Alam mo, Dos, mas mabuting manahimik ka na lamang, kahit ilang saglit lang, ang ingay ng mundo kapag nandiyan ka,” aniya.
Hindi ko naiintindihan ang dalawang ito, balak ba nilang magpalitan na lamang ng sagutan sa harapan namin?
“Ah, mawalang galang na, pero maari bang malaman kung may kailangan ba kayong dalawa sa min? Sa kin?” singgit ko sa dalawa, kapuwa sila napatingin sa kin at natahimik na lang.
“Ito kasing si Tres, eh! Kasalanan mo talaga ‘to!” paninisi ni Dos kay Tres na nakakrus na ang dalawang kamay.
“Anong ako? Ikaw ‘tong daldal nang daldal, hindi tuloy natin agad na gawa ang dapat na gagawin natin dito,” sagot naman ni Tres.
“Ah? Virginia, mas mabuti siguro kong mauna na tayo, anong sa tingin mo?” bulong ko kay Virginia na kapareho ko ay nakatingin at nakangiti lamang sa dalawang naglalakihang lalaki ngayon na nasa aming harapan.
Tahimik nga kaming tumalikod ni Virginia at ma-ingat na naglakad pabalik sa dinaanan namin kanina. Mas malayo ‘pag bumalik pa kami ngunit mas mabuti na siguro iyon kaysa naman tignan lang namin ang dalawang nagbabangayan.
“Ganoon pala silang dalawa, laging nagbabangayan?” aniya ko kay Virginia.
“Hindi ko rin po alam, binibini. Eh, mukha pong ganoon lamang sila makitungo sa isa’t isa. Ngayon ko lang din po sila nakasalamuha ng ganito, dati naman ay daig pa ang minsan kung kami ay magkasabay sa daan,” sagot naman ni Virginia na siyang tinanguan ko na lamang.
Biglang may kung anong ingay ang narinig ko mula sa likod, mukhang mga yabag ng isang kabayo na paparating sa aming gawi. Ngunit hindi na ako nag-abala pang lingunin iyon sa halip ay nagpatuloy na lamang sa paglalakad.
“Tabi! Tumabi kayo diyan! Dadaan si Uno! Tabi sabi! Tabi!” boses ni Dos.
“Binibini, parang alam ko na po kung bakit nandito si Dos at Tres, syempre nga naman po, ‘pag nasa lugar si Dos at Tres, mawawala ba ang Panginoong Uno?”
“Pilipina! Teka, sandali muna!” dinig kong pahabol naman ng boses ni Tres.
Unti-unti akong lumingon sa likuran namin ni Virginia hanggang sa nakita ko nga si Uno na nakasakay sa isang kabayo at guwapo-guwapong minamanipula ang tali na nakapulot sa may leeg ng kabayo.
“Uyyy! Guwapo!” komento ni Virginia habang nagtatalon na sa gilid ko. Sa kakatalon n’ya ay pati na rin ang kamay kong hawak-hawak n’ya ay nadadala na rin lang.
Nangiti lang ako kay Virginia habang ang aking mga mata ay nakapako sa lalaking bumababa ngayon sa dala-dala n’yang kabayo at may kagat-kagat pang pulang rosas sa kan’yang bibig. Nakasuot ito ng kulay kremang damit na may manggas at may suot-suot pang kulay-kapeng sumbrero. Maingat n’yang kinuha ang kan’yang sumbrero at hawak-hawak itong pinatong sa bandang tiyan n’ya gamit ang kan’yang kaliwang kamay.
“Magandang umaga, aking Ina,” bati n’ya n’ong unti-unti n’yang pinipiid ang pagitan sa aming dalawa. Tinanggal n’ya ang kagat-kagat na pulang rosas gamit ang kan’yang libreng kamay at ibigay iyon sa kin.
“Magandang bulalak na nababagay lamang para sa isang paralumang binibini,” naiiling kong tinanggap ang rosas habang hindi napapawi ang maaliwalas kong ngiti.
Sunod n’yang ginawa ay hawakan ang likod ng aking ulo upang mahalikan ako sa aking noo na lagi na n’yang ginagawa sa tuwing kami ay nagkikita sa umaga.
Inilaylay n’ya ang kan’yang kamay mula sa likod ng aking ulo hanggang sa aking tenga patungo sa aking leeg. May kung ano na lamang siyang inilagay doon bago siya muling tumingin sa aking mga mata at nagsabing…
“Para mas bagay na bagay na tayong dalawa,” aniya na nakangiti.
“Uy! May padulas dila ang kakilala kong si Uno!” nakatawang komento ni Dos sa likod.
“Sa-salamat,” wika ko naman habang hawak-hawak na ang palawit ng kuwintas na kan’ya palang isinuot sa kin.
“Bagay sa ‘yo ang sayang puti, sakto! Nakaputi rin ako,” sambit n’ya bago ilagay ang aking mga kamay sa kan’yang kaliwang balikat at kunin ang aking kagamitan upang siya na mismo ang magdala noon.
“Tabi! Dadaan kami! Paharang-harang ang laki-laki ng unibersidad nagkakasalubungan pa!” bagot na turan ni Dos sa likod na siya naming parehong nilingon ni Uno.
“Dos,” babala ni Uno sa pinsan.
“Ano na naman, pinsan? Hindi naman puwedeng paharang-harang sila. Dadaan ang guwapong katulad ko. Palibhasa may Ina kana kaya wala ka ng pakialam kung wala ng binibini ang magpapapansin sa ‘yo,” pabirong tugon ni Dos.
“Kahit naman ngayon ang dami pa rin namang nagpapapansin, kulang na nga lang ay kanila akong lapitan upang kalbuhin,” bulong ko sa aking sarili habang dahang-dahan kinakamot ang tungki ng aking ilong gamit ang aking hintuturo na mukhang narinig naman ng aking katabi dahil natawa na lamang siya.
Muli n’yang inilapit ang aking mukha sa kan’ya bago muling dumampi ang kan’yang malalambot na mga labi sa aking noo.
“Ikaw na, sapat na sapat.”
Hindi naman nagtagal n’ong kami ay makarating sa aming silid aralan. Pareho kaming umupo ni Uno. Nanatili siyang kamag-aral namin at hindi lamang iyon dahil mas nanatili siyang katabi ko. Siya sa aking kanan habang si Virginia naman ay nasa aking kaliwa.
Abala akong hinahanda ang aking mga aklat na gagamitin sa asignaturang ito n’ong lumitaw si Tres at mabilis na bumulong kay Uno. Nag-usap muna sila ng kaunti bago sa kin bumaling si Uno at bumulong.
“Aalis lang ako saglit,” pagpapaalam n’ya bago muling humalik sa aking buhok at kasabay ni Tres ay nawala sa kawalan.
“Bakit po umalis ang Panginoong Uno, binibini?” katanungan ni Virginia.
“Walang sinabi, saglit lang naman daw,” ani ko naman.
“Magandang umaga sa lahat!” bati ng aming maestra. Nagulat kami dahil si Ginang Melchor ang nasa aming harapan na hindi naman dapat, inaasahan namin na si Maestro Paloma ang magtuturo sa min ngayon.
Hindi man makapaniwala ay tumayo pa rin kaming lahat upang magpakita ng pagbati sa kan’ya. “Magandang umaga rin po, Ginang Melchor!” sabay-sabay naming usal.
“Wala yata ang Panginoong Uno?” agad n’yang supla habang kaming lahat ay unti-unti ng pumapailanlan upang maka-upo sa aming mga silya.
Walang sumagot sa kan’ya kaya ako na naman ang kan’yang pinagdiskitahan.
“Bingi ka ba, Amador? O ‘di naman kaya ay pipi? May kapansanan ka ba at hindi mo man lang maigalaw ang mga bibig mo para sagutin at pansinin ang tanong ko? Anong klase!” dabog n’ya sa harapan.
Napapikit na lamang ako upang pakalmahin muna ang aking sarili bago sumagot.
“Paumanhin na, Ginang Melchor, hindi ko po alam na ako po pala ang inyong pinatutukuyan, hindi naman po ako isang guwardiya upang pagtanungan po ng mga nilalang na wala rito ngayon,” seryoso kong sagot. Habang ang mga kamag-aral ko naman sa likod ay nagpipigil na ng kanilang mga tawa.
“Talaga lang ha? Tumatapang ka na yata ngayong sumagot, Amador. Gan’yan nga ngunit huwag mo sa kin pairalin ang pagiging walang modo mo dahil hindi ka sa kin uubra,” hindi ko mabasa ang ekspresiyon n’ya, pinaghalong galit, seryoso at nakangiti. Hindi ko talaga maintindihan si Ginang Melchor.
Tumahimik ang paligid at kasabay noon ay ang pagtahimik ko na rin. Hindi pa rin naman maganda tignan na ganoon na lamang ako sumagot sa isang mas nakakatanda sa kin.
“Wala ka bang planong sagutin ako, Amador? Pinapainit mo yata talaga ang ulo ko!” Kita mo talaga itong si Ginang Melchor.
“Umalis po kasama po n’ya si Tres. Mukhang may importante pong aasikasuhin,” simpleng sagot ko sa kan’ya.
“Iyan lang naman pala ang sagot, pinapatagal mo pa at talaga! Sinusubukan mo pa ang pasensiya ko sa ‘yo. Oh, siya, magsibihis na kayo ng inyong unipormeng pang-ensayo, sumunod na lamang kayo sa kin sa punong bulwagan,” bahaw n’yang ani bago muli kaming talikuran na lahat.
“Unipormeng pang-ensayo?” baling ko kay Virginia. Meron pala silang ganoon dito.
“Ah, opo, binibini, iyon po ang aming sinusuot kapag kailangan pong ipakita ang kasalukuyan naming galing at lakas sa pakikipaglaban,” paliwanag n’ya.
“Ganoon pala, paano ako? Meron ba akong ganoong uniporme, Virginia? Parang wala kasi akong nakita sa aking aparador at sa mga bayong na inyong binigay.” Baka kasi ako na naman ang pagdiskitahan mamaya ni Ginang Melchor kung hindi ako nakapagbihis ng nais n’yang damit.
“May isa pa po akong unipormeng pang-ensayo, binibini! Parang tamang-tama lamang po iyon sa inyo ‘yon nga lang po ay luma na po iyon,” wika ni Virginia na nakanguso pa.
“Hayaan mo na, ang importante ay maisusuot pa kaysa naman sa wala, sigurado akong papagalitan ako ni Ginang Melchor kapag nakita n’ya akong hindi naka-ayos,” saad ko naman.
Nagkakagulo rin ang aking mga kaklase sa paligid, tinatanaw ko ang bawat isa sa kanila at ng mabagot ako ay sa hindi inaasahang pagkakataon kinapakapa ko ang likod ng aking upuan. May kung anong nakapilipit na papel akong nakapa roon kaya pasimple ko itong kinuha at binuksan.
Agad kong nabitawan ang papel ng muli kong makita ang mga katagang, Pilipina, mamatay ka na! Muli itong isinulat gamit ang pulang likido.
Nilingon ko muna ang mga natitirang kamag-aral ko at noong masigurado kong wala naman sa kin ang kanilang atensiyon ay unti-unti kong inamoy ang papel, malansa.
Hindi kaya? Totoong dugo talaga ng tao ang ginamit upang isulat ito?
“Sino ba talaga ang nasa likod ng mga pagbabantang ito,” bulong ko sa aking sarili. Bago galit na galit na kumpulin ang hawak kong papel at itapon ito sa basurahan. Pinunit-punit ko muna ito hanggang sa maging pira-piraso na lamang.
Hinakbang ko ang aking paa papasok at naalala ko ang mukha ni Ginang Melchor na nakatayo sa lamesa sa harapan. Hindi kaya siya ang may pakana nitong lahat? Alam kong maaring maraming ayaw sa kin ngunit siya lang naman ang naglalakas ng loob upang pagbantaan na lamang ako, sakitin o pagsabihan ng kung ano-anong masasakit na mga salita.
Ngunit anong kasalanan ko sa kan’ya para ganoon lamang n’ya ako kung kamuhian?
“Binibini! Halikana po at magpalit na po tayo!” nakuha ng hiyaw ni Virginia ang aking atensiyon.
Virginia’s POV
“Sige,” mahinang sagot ng Binibining Ina bago n’ya ako lagpasan at naunang pumunta sa palikuran.
Binalikan ko ang pinaggalingan n’ya dahil mukhang nakakaramdam ako ng kakaiba sa mga kinikilos n’ya.
Maari kayang?
“Binibini, ano pong ginagawa n’yo roon sa labas?” usisa ko na.
“Wala, may tinapon lamang akong walang kuweta, pawang basura,” matigas nitong tugon.
“Nasaan na iyong damit? Akin na at ng maisuot ko na,” aniya at agad na kinuha ang aking inabot na damit.
Muli kong binalingan ng tingin ang basurahang sinasabi ni Binibining Ina. Sinigurado ko munang makapasok siya ng tuluyan sa palikuran bago ako kumilos ng mabilis upang puntahan ang basurahan at mabuksan ito.
Tumambad sa akin ang punit-punit na mga papel at halos wala na akong mabasang nakasulat doon maliban sa nakakaasiwang amoy.
“Amoy dugo, dugo ng isang mortal ‘to, ah.”
Putangina!
Pilipina’s POV
Hindi naman ako nagtagal sa palikuran lalo na at magbibihis din naman si Virginia. Pagbukas ko ng pintuan ay tumambad sa akin ang nakangiting si Virginia.
“Ang saya mo naman yata, Virginia, anong meron?” puna ko sa kan’ya.
“Wala naman po, binibini, magbibihis na rin po ako,” anito bago ako lagpasan at pumasok sa palikuran.
Tahimik akong tumayo sa labas habang hinihinaty si Virginia, halos ilang segundo nga lang ang tinagal n’ya sa loob kaya kami ay tuluyan ng nag-umpisang maglakad upang pumunta sa lugar na sinabi kanina ni Ginang Melchor.
Nakapamewangan na ito sa gitna ng punong bulwagan at animo’y may hinahanap. N’ong magtama ang aming mga mata na dalawa ay naglakad-lakad ito habang pinapalo ang hawak na patpat sa kan’yang mga palad.
“Malamang ay nagtataka kayo kung bakit ako ang nasa harapan ninyo ngayon at hindi ang inyong Maestro Paloma. Iyon ay dahil pinatawag ang Ginoong Paloma sa tanggapan ng mga kataas-taasan kung kaya’t ako na lamang ang pinakausapan n’ya upang tignan ang inyong galing, liksi at tapang sa nagdaan na mga taon. Matagal-tagal na rin kayong hindi nakikipaglaban, hindi ba? Sagot!”
“Opo!” sagot ng buong klase maliban sa kin.
“Magaling, huwag kayong tumulad sa iba diyan na animo’y pipi, bulag at bingi. Oh, siya, tamang-tama ang araw ngayon upang muli kayong sumalang sa pag-eensayo. Isa laban sa isa, Estomata, pumunta ka rito sa harapan,” kan’ya-kan’yang sipol ang aming mga kamag-aral ng naglakad papalapit sa Ginang Melchor ang isang babaeng animo’y lalaki kung umasta.
“Ang lalaban kay Estomata ay si…” iginalaw n’ya ang kan’yang mga mata sa aming lahat hanggang sa mabilis nitong ibalik ang atensiyon sa pangkabuoang bulwagan nang magtama ang aming tingin.
“Amador,” natatawa n’yang saad.
“Sabi ko na nga ba at ako na naman ang pupuntiryahin n’ya,” matabang kong bulong at wala ng nagawa kundi ang mapailing.
“Ginang Melchor! Mawalang galang na po ngunit maari n’yo po bang baguhin ang inyong desisyon? Kilala po si Binibining Estomata na isa sa mga magagaling na miyembro ng depensa habang si Binibining Ina ay wala pa pong kaalam-alam sa pakikipaglaban. Hindi po ba at mas magiging makatwiran kong ilaban mo ang isang nilalang na malakas sa kapuwa n’ya malakas din?” lakas loob na ani ni Virginia.
“Virginia!” pagpipigil ko rito, mas lalo n’ya lang pinapalala ang sitwasyon.
“Binibini, hindi ako papayag na lumaban ka sa babaeng iyan, ako po ang mananagot sa Uno kapag nalagay sa peligro ang iyong buhay,” nangangambang tugon ni Virginia.
“Ngunit, kilala mo naman ang Ginang Melchor, Virginia,” balik ko naman dito.
“Tapos na ba kayong magbulungan na dalawa? May katwiran ka nga, Binibining Alegria ngunit hindi mo ba na-iisip na mas magiging makatwiran ang isang bagay kung hahayaan n’yo akong magdesisyon. Ako ang guro ninyo kaya ang gusto ko ang masusunod, maliwanag ba?!” hiyaw ni Ginang Melchor na umalingaw-ngaw sa buong bulwagan.
“Sabi ko naman sa ‘yo, hindi ba, hayaan mo na lamang,” determinado kong turan.
Napabuntong hininga si Virgnia ng malalim. “Nasaan ba ang Panginoong Uno, binibini? Siya lamang ang makakapigil sa Ginang Melchor sa kan’yang nais.”
“Virginia, wala siya rito mukhang importante ang kanilang lakad kaya hayaan mo na lamang, hindi naman siguro ako papatayin ng isang ito, ‘di ba? Ayos na ako kahit mabalian lang ng buto huwag lang mamatay ng maaga, marami pa akong pangarap,” natatawa kong turan.
Umingay ang buong paligid ng nag-umpisa na akong humakbang papalapit sa gitna. Nakatingin sa akin ang aking makakalaban na si Binibining Estomata at ganoon din si Ginang Melchor na nakapamewangan ngayon ngunit ang mga titig n’ya na naman ay ganoon na lamang kasama.
Galit na galit talaga sa akin ang nilalang na ito, hindi na ako magtataka kong siya nga ang nagpapadala ng mga sulat na iyon sa akin.
“Amador! Amador! Estomata! Estomata!” papalit-palit ang apelyido naming dalawang kinakantiyaw ng madla.
“Bilisan mo naman ang kilos, Amador! Kahit kailan talaga ay napakakupad mong kumilos! Animo’y hindi ka mortal, animo’y isa kang pagong na napakakupad kong maglakad!” panunutya na naman sa kin.
Natahimik ang lahat ng biglang lumitaw si Uno sa bulwagan at agad akong nilapitan.
“Anong nangyayari?” bungad n’ya agad habang hawak-hawak ang aking kanang balikat.
“Nag-eensayo kami,” sumigla na ang mukha ko lalo at nandito na si Uno. Ano mang mangyari, bahala na siya sa kin.
“Bakit ikaw lang ang lumapit? Ina! Huwag mong sasabihing lalaban ka d’yan?” nagsimula ng umigting ang kan’yang panga.
“Panginoong Uno—“ sasagot pa sana si Ginang Melchor ngunit agad na itinaas ni Uno ang kan’yang palad upang senyasan siyang tumigil.
“Wala naman sigurong masama kung lumaban ako, hindi ba? Ano mang mangyari, ikaw na ang bahala kay Inay Pilar,” nakangiti ko pa ring sagot.
“Tangina! Huwag ka ngang magsalita ng gan’yan!” naiinis n’yang turan.
“Pfft! Biro lang! Hindi naman ako papatayin n’yan! Bali sa katawan baka. Takot n’yan sa ‘yo,” biro ko na lamang.
“Ina, hindi pa rin ako papayag. Hindi naman sa minamaliit kita pero mahirap ng sumugal, magaling na miyembro ng depensa ‘yan habang ikaw ano? Ni hindi mo pa nga siguro naranasan na masuntok,” aniya.
“Uno, lalaban ako, kaya ko,” determinado kong sagot sa kan’ya.
“Tsk. Ginang Melchor! Ano bang nais mong mangyari? Baguhan ilalaban mo sa Estomata na ‘yan?! Nag-iisip ka ba?!” malakas na sigaw ni Uno na siyang umalingaw-ngaw sa buong lugar.
“Uno,” pigil ko, ako na ngayon ang may hawak ng balikat n’ya.
“Ina, nahihibang ka na ba? Hindi ako papayag! Hindi pwede!”
“Uno,” mahinahon ko pa ring tawag sa kan’ya. Tinitignan ko na siya gamit ang nagsusumamong mga mata.
“Tsk! Tigas ng ulo mo, bahala ka,” napasabunot pa ito ng buhok bago ako tinalikuran.
Ako naman ay nagpatuloy sa paglalakad patungong gitna. Aaminin ko, kinakabahan din naman ako sa mga desisyon ko sa buhay. Pero hindi ko naman hahayaan ang sarili kong tinatapakan kahit ikamatay ko pa. Baka nakakalimutan n’yang Pilipina ang pangalan ko.
Ngunit sa pangalawang pagkakataon hinila ako ni Uno pabalik sa kan’ya atsaka siya bumulong at tinignan ng masama si Ginang Melchor kasabay ang makakalaban ko.
“Gamitin mo ang buong katawan mo. Mas mabuting sumugod ka agad kaysa mauna pa siya sa ‘yo. Asintahin mo ang lalamunan para matulog na ang putang ‘yan, mag-iingat ka, hindi ko alam kung paano ako kapag nawala ka.”