NAGMAMADALI akong lumapit sa lamesa sa may pintuan na siyang kinauupuan ni Ginang Melchor. Bago kasi tuluyang makapasok sa silid aklatan ang mga estudyante ay kailangan muna nilang dumaan kay Ginang Melchor upang maitala ang kanilang mga pangalan.
“Ginang, pinapatawag n’yo raw po ako?” bungad ko n’ong nakatayo na ako sa harapan n’ya. Ibinagsak n’ya ng malakas ang hawak-hawak na mga papel bago ako balingan at tignan na naman ng masama, wala naman ng bago. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay halos ihawin n’ya ako gamit ang matatalim n’yang mga ngiti.
Simula noong araw na nasagot ko siya ng pabalang ay gan’yan na ang naging trato n’ya sa kin. Ngunit kung aking alalahanin ng mas mainam mainit naman na ang kan’yang ugali sa kin bago pa iyon nangyari, mas lalo na lamang bumubuga n’ong nasagot ko sa siya ng hindi maganda, sa tutuusin ay hindi ko naman iyon sinasadya. Napagdiskitahan lang din naman ako.
“Ang tagal mo, ang kupad n’yo talaga magsikilos!” singhal n’ya sa kin. Habang may kinukuha na kung ano mula sa kan’yang aparador.
“Pasensiya na po, Ginang Melchor,” ani ko na lamang habang nanatiling nakayuko.
“Pasensiya? Aanhin ko ‘yang pasensiya mo kung masisira ang lahat ng pinaghirapan namin. Bakit ka pa kasi dumating dito?” nanggagaliiti n’yang saad.
“Pumanhin po, ngunit ano po iyon, ginang?” aniya ko. Ano na naman ang nagawa kong mali sa kan’ya?
“Ang bagal-bagal na ngang kumilos, bingi pa, naku! Walang silbi!” wika ni Ginang Melchor.
Ang daming problema ng matandang ito, lahat na lang mali para sa kan’ya. Ano ‘to lahat ng nangyayaring masama sa kan’ya, kasalanan ko?
“Ah, eh, may iu-utos po ba kayo sa akin?” ulit ko na lamang.
“Malamang, kaya nga kita pinatawag hindi ba? Anong klasing utak ang meron ka, Amador? Paano ka na lamang magiging kabiyak ng susunod na mumuno sa buong unibersidad kung gan’yan ka mag-isip? Tama lamang ang desisyon ng kataas-taasan na dapat ang babaeng mamahalin ng susunod na mamumuno sa buong unibersidad ay isang Escudero,” saad na naman n’ya.
“Mawalang galang na po, Ginang Melchor. Ngunit kung aalipustahin n’yo lamang po ako ay mas mabuti po sigurong maghanap na lamang kayo ng kausap. Alam ko pong hindi n’yo ako gusto para sa Panginoon ninyong si Uno, ngunit wala po tayong magagawa. Ang mortal na napakakupad, bingi at wala pong utak ang nagpatibok ng puso n’ya. Kaya kung wala naman po kayong iu-utos ay babalik na lamang po ako sa aking ginagawa,” tatalikuran ko na sana siya ngunit narinig kong ibinagsak n’ya ng malakas ang kan’yang kamay.
“Huwag mo akong dramahan, Amador. Bumili ka sa pamilihan ng mga halamang gamot na nakalista rito sa papel, siguraduhin mong tama at ibalik mo sa kin dito ng maaga dahil kung hindi, malilintikan ka sa aking bata ka! Hindi ako natatakot kung sinong Poncio Pilato ang manliligaw mo, ikaw ang mali kaya ayusin mo buhay mo,” aniya bago niya ihagis sa mukha ko ang salapi at ang papel.
Nanggagalaiti man ay nanatili akong nakangiti at marahas na kinuha sa sahig ang pera at papel.
“Salamat po, Ginang Melchor, masusunod po,” wika ko bago ko siya tinalikuran at kunin ang aking kagamitan upang makapag-umpisa ng maglakad papunta sa pamilihan.
“Nakuha pang ngumiti, baliw!” pahabol n’ya bago ko tuluyang maisara ang pintuan ng silid aklatan.
“Ang dami n’ya pang pasakalye may iu-utos lang pala, hmph!” bulong ko sa aking sarili.
Pamilyang Escudero? Sino naman kaya iyon? May mataas din kaya silang puwesto sa gobyerno nila rito kaya dapat doon manggagaling ang kabiyak ni Uno? Pasensiya nila, mas maganda ako.
Biro lang!
Abala akong binabasa ang mga halamang gamot na nais ipabili sa kin ni Ginang Melchor ng sa hindi ko sinasadya ay nabunggo ako sa isang pader.
Itinaas ko ang aking mga mata at doon ko na lamang napagtanto na hindi ako sa pader bumangga kundi sa isang matikas na dibdib ni Uno.
“A-aray!” kunwari kong daing.
“Pfft! Ngayon lang ba rumihistro ang sakit, binibini?” biro n’ya.
“Bakit ka ba kasi nakaharang d’yan?” bagot kong tugon bago ko i-krus ang aking dalawang balikat at titigan siya.
“Bakit kasi hindi ka nakatingin sa dinaraanan mo?” balik n’yang tanong.
“Bagsak ka ba sa asignaturang edukasiyon at pagpapakatao, Uno? Hindi mo ba alam na maling sagutin ang tanong ng isang tanong din?” pagtataray ko na.
“Anong nangyari sa ‘yo, ang init yata ng ulo mo?” natatawa n’yang sambit.
“Tsk. Alam mo palang mainit ang ulo nagtanong ka pa at talagang nakuha mo pang tumawa. Anong nakakatawa roon?” sagot ko naman.
“Pfft! Saan ka ba papunta? Samahan na kita,” suhestiyon n’ya.
“Huwag na. Baka maabala ka pa ng isang napakakupad, bingi at walang utak na mortal na katulad ko. Mas mabuti pa ay hanapin mo ‘yang anak ng mga Escudero na mapapangasawa mo,” sunod-sunod kong saad na nagpabago sa kan’yang ekspresiyon.
“Saan mo naman nalaman ang tungkol d’yan?” seryoso n’yang tugon.
“Bakit gan’yan ang reaksiyon mo, totoo nga? Ipapakasal ka sa isa sa mga anak na babae ng pamilyang Escudero? Kung ganoon ay bakit mo pa ako nililigawan kung sa huli pala ay magpapakasal ka naman sa iba?” ani ko. Mga lalaki talaga! Mahilig maging kolektor ng mga eva! Anong akala nila sa mga babae? Bagay na pwede nilang bilhin at iimbak na lang nang iimbak? Tapos ano? Itatapon? Pababayaan kapag pinagsawaan na nila?
“Tangina, Ina! Ano ba ‘yang pinagsasabi mo, sabihin mo sa kin sinong nagsabi n’yan sa yo,” biglang tumaas ang boses n’ya.
“Bakit anong gagawin mo sa kan’ya? Mas mabuti nga na sinabi n’ya dahil sa ganoong paraan hindi naman ako magmumukhang timang,” saad ko naman.
“Ina, isa! Sino nga? Sabihin mo sa kin at tatabasin ko ang dila ng putangina na ‘yan, hindi totoo ‘yang pinagsasabi n’ya!” depensa n’ya.
“Talaga ba? Paano mo ipapaliwanag sa kin ang katotohanan na ayaw sa kin ng lolo at lola mo kaya malamang sa malamang malaki ang porsiyento na ipagkasundo ka nga nila sa iba,” muli kong kontra.
“Ina,” tinignan n’ya ako ‘rekta sa aking mga mata atsaka n’ya hinawakan ang magkabilaan kung mga balikat.
“Gusto kita, gustong gusto at walang makakapigil sa king gustuhin ka,” aniya bago n’ya ako yakapin at halikan ang aking buhok.
“Hindi mo naman kailangang mangamba kasi kaya kitang ipaglaban kahit kanino pa. Para sa ano pa at pinaghandaan ko ang panahon na ito na sa wakas ay mahahawakan na kita kung ipagpalit lang kita sa babaeng hindi ko naman nais,” dugtong n’ya. Kaya ito naman ako na parang timang, nakangiti na habang yakap-yakap n’ya.
“Talaga?” paninigurado ko pa.
“Pfft! Oo naman,” bumitaw kami sa isa’t isa.
“May pupuntaha ka ba?” mahinahon na n’yang saad.
“Hmm, inutusan ako ni Ginang Melchor na bilhin itong mga halamang gamot na kailangan n’ya,” sagot ko.
“Tamang-tama, samahan na kita,” muli n’yang paanyaya.
“Wala ka bang ginagawa? Baka may mga kasama ka?” tanong ko habang nililingon ang paligid baka nandiyan pala sina Dos at Tres.
“Wala, ako lang din, pupuntahan sana talaga kita sa silid aklatan ngunit nagkasalubong na tayo,” pagpapaliwanag n’ya.
“Ah, sige, halikana?” atubili kong wika.
“Sige,” anito. Ngunit nagulat na lamang ako noong kunin n’ya ang bayong na laman ang aking mga libro at siya na mismo ang nagdala noon.
Napangiti ako sa ginawa n’ya.
Tahimik kaming naglalakad na dalawa habang nasa kaliwa n’ya ako. Ako ang malapit sa mga daanan habang siya naman ay malapit sa mga gusaling nadadaanan namin patungo sa pamilihan nila rito. Tulad ng pamilihan sa Intramuros ay kan’ya-kan’yang puwesto sa isang pahabang mesa ang mga nagbebenta. Pumasok kami sa kanilang malapad na pamilihan, maraming mga nilalang na nakakalat sa buong lugar at maingay din ang paligid.
Nabigla na lamang ako ng hawakan ni Uno ang kaliwa kong balikat at kabigin ako palapit sa kan’ya n’ong may dumaan na lalaki na may dala-dalang malaking mga kahon. Hindi na n’ya halos nakikita ang nadadaanan kaya halos lahat ng mga nilalang na daanan n’ya at natatamaan ng buhat-buhat n’yang kahon.
“Tsk,” anas ni Uno.
Pinagpalit n’ya ang puwesto naming dalawa. Siya na ngayon ang maaring makasalubong ng mga nilalang habang ako ay nakapuwesto na malapit sa mga nakahilirang mga mesa ng nagtitinda. Mas ligtas ako kasi wala akong nakakasulubong.
“Hindi nag-iingat,” reklamo ni Uno bago ako balingan.
“Ikaw naman kasi matuto kang tumingin sa dinaraanan mo, paano kapag nasaktan ka?” tumango na lang ako bilang tugon. Kasalanan ko naman.
Nagpatuloy kami sa paglalakad at hindi na tinanggal ni Uno ang pagkakahawak n’ya sa balikat ko.
Tumigil kaming dalawa sa hindi kalayuang mesa at doon nakahilira ang iba’t ibang mga halamang gamot. Kinuha ni Uno ang listahan ng kailangan kong bilihin at siya na mismo ang kumuha noon isa-isa. Mas malapit sa akin ang kumpol ng mga mayana kaya kumuha ako at idadagdag ko sana sa bibilhin namin n’ong maktanggap ako ng pitik sa noo mula kay Uno.
“Uy! Aray naman, bakit nanakit ka?” reklamo ko sa kan’ya at hawak-hawak na ang noo kong basta n’ya lang pinitik.
“Pfft! Ang hina nga lang noon,” depensa naman n’ya.
“Tsk. Mahina sa ‘yo pero sa kin masakit, tignan mo nga ang laki mong nilalang tapos ako ito lang, napakasama mo!” natatawa kong daing.
“Pfft! Sana alam mo ring mas lalo kang gumaganda sa paningin ko,” aniya.
“Dulas ng dila mo,” bulong ko naman na siyang tinawanan n’ya lang.
“Bakit ka ba kasi na mimitik? May mayana naman diyan sa bibilhin natin ah? Ayaw mo ba tulungan kita? Mas mabilis kaya tayo matatapos kapag ganoon,” pagpapaliwanag ko.
“Hindi kasi dapat ganoon, hindi mo ba napansin na lantay na ang napili mong mayana? Dapat piliin mo ‘yong mas sariwa tignan, mas maganda iyon kapag ginawang gamot,” aniya. Tapos ay ibinalik n’ya ang kumpol ng mayana na basta ko lang kinuha at pinalitan iyon ng mas sariwa nga tignan na mayana.
“Maalam din kaya ako diyan! Sad’yang, basta ko lang iyon dinampot,” depensa ko naman. Baka isipin n’yang wala akong alam.
“Sabi mo, pero ang mahalaga ay gusto pa rin kita,” anito bago n’ya ilapit ang mukha n’ya sa mukha ko at ilapit ang ilong naming dalawa. Nakapikit siya at nakangiti habang pinaglalaro ang ilong naming magkapareho.
“Ganda mo, Ina,” puri n’ya pa bago lumapit sa tindera na nasa hindi kalayuan at nagbayad na.
“Ito na gamitin mong salapi. May binigay naman si Ginang Melchor,” pagpipigil ko n’ong ambang kukuha siya ng salapi mula sa kan’yang bulsa. Pero parang hindi naman n’ya ako narinig dahil pinagpatuloy n’ya lang ang pagkuha ng salapi mula sa kan’yang bulsa at binayaran ang mga binili namin.
“Bakit ikaw ang nagbayad?” bungad ko agad n’ong makalapit siya sa aking muli.
“Itabi mo na lamang ‘yang binigay sa ‘yo ni Ginang Melchor upang may madukot ka kapag may nais kang bilhin,” sagot ni Uno sa kin.
“Tsk. Ang dami mo ng binibigay sa kin,” mapakla kong wika.
“Marami?” takha n’yang sagot.
“Huwag ka na magmaang-maangan d’yan. Alam kong binibigyan mo si Virginia ng salapi upang kami ay may ipambili ng aming kailangan. Hindi ko naman minamasama ang iyong intensiyon ngunit ayaw ko lamang na isipin ng ibang nilalang na isa akong bayarang babae,” ani ko habang nag-uumpisa na kaming maglakad pabalik.
“Alam naman nating hindi ka ganoong babae,” aniya.
“Nandoon na tayo ngunit alam din natin na malaki ang agwat ng estado natin sa buhay kaya hindi natin maitatanggi na mag-isip ang ibang nilalang na salapi lamang ang aking habol sa ‘yo. Ganoon pa man, maraming salamat kasi hindi mo ako pinapabayaan,” saad ko matapos ko siyang tingalain at tignan ng direkta sa kan’yang mga mata.
“Walang anuman, masaya akong nakikita kang masaya, aking binibini,” sagot n’ya. Kapuwa kami nagtawanan hanggang sa nadaan kami sa tindahan ng mga pagkain.
Natakam ako sa mga nakikita kong pagkain at sa hindi ko inaasahan na pagkakataon tumunog ng malakas ang aking tiyan kaya kapuwa kami ni Uno na tumingin sa tiyan ko.
“Pfft! Paumanhin kong hindi ka nakakain kanina dahil sa kin. Gusto mo bang bumili tayo ng makakain?” suhestiyon n’yang hindi ko naman na tinanggihan pa.
“Ale, tatlong supot nga po nitong binayong saging atsaka samahan n’yo na rin po ng dalawang pritong saging,” saad ko sa tindera na mabilis naman n’yang isinilid sa supot. Babayaran na naman sana ni Uno ngunit kinabig ko na ang kan’yang kamay at inunahan ko na siyang magbayad.
“Ako na ‘to, alam kong marami kang salapi ngunit hindi naman tama na ikaw lamang ang gagastos sa ating dalawa.”
Hindi na siya sumagot pa kaya ibinigay ko sa kan’ya ang tatlong pirasong pritong saging na nakatuhog sa isang maliit na kahoy.
“Gusto mo ba n’ong binayong saging? Isa lang ibibigay ko sa ‘yo ha? Gutom kasi ako,” nahihiya kong tugon.
“Pfft! Hahahaha! Gusto mo ba pati ito ay sa ‘yo na rin?” tanong n’ya habang pinaparada na ang pritong saging sa aking harapan. Umiling ako.
“Hindi! Sa ‘yo na ‘yan, para talaga sa ‘yo ‘yan, mabubusog na ako rito,” natatawa kong saad.
“Mukhang kailangan ko palang magtrabaho ng maigi sa hinaharap,” bulong n’ya.
“Ha? Bakit naman?” sagot ko habang nginunguya ang pritong saging na binili ko.
“Kasi ang magiging asawa ko ay marami pala kung kumain,” halos maibuga ko ang kinakain kong saging sa sinabi n’ya.
“Hehe, mapagbiro ka pala, Uno.”
“Mukha ba akong nagbibiro?” seryoso n’yang saad. Kaya napaiwas ako ng tingin. Ang hilig n’yang makipagsukatan ng tingin.
“Uno! Tignan mo, oh! Ang ganda n’ong kamisitang iyon! Subukan mo! Sigurado akong bagay iyon sa ‘yo,” bulalas ko upang maituon ang atensiyon n’ya sa ibang bagay. Tinakbo ko ang tindahan na nagtitinda noong kamisita na kulay berde at may butones na tatlo’t tamang-tamang manggas.
“Ale, magkano po ang isa nito?” tanong ko.
“Isang daan ‘yan, binibini, bibilhin mo ba?” masungit n’yang tugon habang abala pang binubunot ang buhok sa kan’yang ilong. Medyo dugyot.
“Pwede po bang sukatin muna?” tanong kong muli kaya tumango naman siya.
“Uno! Sige na, isukat mo na!” pamimilit ko sa kasama ko.
“Ina, huwag na, iba na lamang,” aniya na umiiling pa.
“Bakit naman? Maganda naman ah! Sige na kasi!” muli kong pamimilit sa kan’ya na nanatiling nakatingin sa kin.
“Ina, mabuti pa ay bumalik na tayo, baka hinahanap ka na ni Ginang Melchor,” sagot n’ya.
“Hindi pa ‘yan! Sige na kasi, sukatin mo muna ‘to tapos babalik na tayo,” muli kong saad.
“Ah, eh,” wika n’ya habang kinakamot ang kan’yang batok.
“May problema ba?” malungkot kung saad habang hawak-hawak pa rin ang berdeng damit.
“Ah? Wala! Akin na, susuotin ko na,” mabilis n’yang wika atsaka kinuha sa kamay ko ang damit at pumasok sa maliit na silid na tinatakpan lamang ng iba’t ibang tela.
“Sa wakas!” masaya kong saad habang pumapalakpak pa. Habang nasa loob si Uno ay nagitla ako n’ong sumulpot si Dos at si Tres sa harapan ko.
“Ina! Akalain mo ‘yon nandito rin kayo? Ang guwapo ko talaga,” bungad agad ni Dos.
“Ah? Oo? Bakit kayo nandito? May bibilhin din ba kayo?” tanong ko kay Dos habang sinusundan siya ng tingin na naglakad upang makatayo sa tabi ko.
“Nabalitan kasi namin nitong butihing si Tres na magsusukat si Uno ng ibang damit na hindi tinabas para sa kan’ya, iyan ay bago sa aming paningin na hindi namin puwede palagpasin.”
“Totoo ba? Kaya pala ayaw n’ya pa sanang suotin kanina,” bulong ko sa aking sarili.
“Uhuh, lakas talaga ng tama sa ‘yo nitong pinsan ko, kinakapatid. Hindi naman sa pagmamayabang pero mas maselan pa yata ‘yang si Uno sa mga sinusuot n’ya kay’sa sa kin. Hindi ‘yan nagsusuot ng damit na hindi tinahi para sa kan’ya. Kaya nga may sarili ‘yang mananahi dahil talaga namang mabusisi siya,” pagkukuwento ni Dos.
“Hindi kaya magalit sa kin ‘yon? Pinilit ko pa naman siyang isuot ‘yon gayong hindi pala siya nagsusuot ng mga damit na nabibili lamang,” nag-aalala kong turan.
“Pfft! ‘Yon? Magagalit sa ‘yo, higit sa katotohanang guwapo ako ay gusto ka n’on kaya kahit siguro pakainin mo ‘yon ng apoy o ‘di kaya utusan mo siyang umakyat ng bundok, aakyat ‘yon eh, basta para sa ‘yo,” hindi ko alam kung nanunukso ba itong si Dos o sadyang palabiro lang talaga siya.
“Uy! Uno! Ngiti naman diyan!” agad na kantiyaw ni Tres kay Uno.
Liningon ko siya unti-unti at bigla na lamang bumagal ang paligid at sa paningin ko’y tuluyan ng nawala sa paligid ang mga naririto pati si Dos at Tres. Nakasentro lang ang aking paningin kay Uno na ngayon ay naglalakad na suot-suot ang berdeng damit na hapit na hapit sa katawan n’ya.
“Ang ganda n’yang lalaki,” mahina kong tugon.
Parang may kung anong ilaw ang pumapalibot sa kan’ya sa paningin ko. Ito ba talaga ang nagkakagusto sa kin? Bakit ang guwapo naman yata?
Lakas ng dating.
“U-ulam,” wala ko sa sariling saad. Napabalik na lamang ako sa realidad n’ong maramdaman kong nakatayo na sa harapan ko si Uno at tahasan na nitong pinulupot sa bewang ko ang isa n’yang kamay at ilapit ang katawan ko sa katawan n’ya.
“Ano, aking Ina? Bagay ba?” nakangisi n’yang saad.
“Ha? Ah eh? Bagay naman yata?” atubili kong wika.
“Hindi ka pa yata sigurado? Kaya ba natulala ka na lang?” muling banat n’ya sa kin at mas inilapit ang mukha n’ya sa mukha ko.
“Tres! Makakapuntos na ba ang kaibigan natin sa araw na ito?!” panunukso sa likod ni Dos na siyang nagpapula sa aking mga pisngi.
“Ah, Uno, ma-masyado na tayong malapit, may mga nilalang na nakatingin,” nahihiya kong pansin.
“Wala akong pakialam,” seryoso n’yang anang. Maingat niyang i-p-in-uwesto ang kan’yang kaliwang kamay sa baba ng aking tenga, dahan-dahan na pinalihis ang aking mukha at mas inilapit pa ang mukha sa kin. Napapikit na ako ng mga mata at hinihintay na lamang ang labi n’yang dumampi ng biglang nagsalita muli si Dos.
“Ang tagal naman! Hahalik lang eh,” sa sinabing iyon ni Dos ay nagkaroon ako ng pagkakataon para makamulat at ngumisi kay Uno na ngayon ay unti-unti ng umiiba ang ekspresiyon sa mukha. Mula sa pagiging malumanay at unti-unti na itong nauwi sa inis.
“Paano ba ‘yan? Mukhang hindi na naman matutuloy,” nakangisi kong sagot.
“Tsk, pakialamerong Dos,” umiigting ang banggang n’yang saad bago mawala at habulin si Dos.
“Putangina ka, Dos! Papansin kang tangina ka!”