IKA-WALONG KABANATA

2301 Words
           “NANDITO na po tayo, binibini,” bulalas ni Virginia nang makarating kami sa tapat ng isang napakalaking gusali. Kahit ang pintuan nito ay talagang kakikitaan ng angking ganda at karangyaan.            “Ito na ba ang silid aklatan ninyo? Bakit napakaganda naman masyado!” Wala sa sarili kong banggit habang tinitingala ang napakataas na gusali. Kahit siguro ilang giyera ang pagdaanan nito ay hindi ito basta-bastang matitibag lalo na at maliban sa angking ganda sa labas ay talagang ang mga batong ginamit ay hindi yaong basta-basta lamang nabibili sa merkado.            Hindi talaga nauubusan ng kamangha-manghang mga imprastraktura ang lugar na ito.            “Malaking pasasalamat po namin sa aming mga ninuno dahil talagang sinigurado nilang ibigay at mabuhay kami sa ganito kagagandang lugar. Mahirap din lalo po at halos dito na lamang umiikot ang aming mga buhay ngunit sa kagandahan ng mga lugar dito sino nga naman ba ang gugustuhin pang umalis,” saad ni Virginia. Hindi ko napigilang mapatingin sa kan’ya lalo at ang atensiyon nito ngayon ay nasa gusali. Tinitignan ko ang kabuoan ng kan’yang pigura ng bigla itong tumingin sa kin na siyang agad ko namang iniwasan at nagkunwari na lamang na nagtitingin-tingin sa paligid.            “Sayang lamang at hindi ko na ito masasaksihang lahat kasama ng aking mga magulang,” malungkot ang naging tinig n’ya.            “Bakit nasaan ba sila? Maari ba natin silang puntahan?” sagot ko naman.            “Wala na sila, binibini. Bata palang po ako ay kinagisnan ko na ang bahay ampunan bilang sarili kong tahanan. Doon kami nagkakilala nila Sanura. Nagkaintindihan kasi siguro’y magkakapareho kaming mga ulila o ‘di naman kaya mga iniwanan ng mga magulang,” kontrolado ang naging emosiyon n’ya. Agad itong suminghot at umiwas ng tingin sa kin.            “Virginia, ang mahalaga ay nakakita kayo ng panibagong pamilya sa katauhan ng bawat isa ngayon. Hindi man kayo kasing dugo, alam kong ang puso ninyo ay iisa. Minsan kasi kung sino pa itong kadugo mo siya pa palang sasaksak sa ‘yo patalikod. Huwag kang mag-alala ang tulad ninyong may dalisay na puso ay bibiyaan ng kasiyahan, may mas malaking plano ang Panginoon bakit n’ya kayo inilagay sa gan’yang buhay,” wika ko. Nawa ay kahit sa kakaunting mga salita ay mapalakas ko ang puso ni Virginia.            “Salamat, binibini. Ngunit hali na po kayo? Tayo na po’y humayo malayo-layo po ang lalakarin natin mula rito patungo sa ating silid aralan,” anito.            “Sige, mabuti pa nga ay tumungo na tayo sa ating silid aralan. Salamat sa pagturo sa akin ng daan. Kaya ko nang pumunta rito ng mag-isa.” Atubiling ngumiti Virginia sa kin bago nagsimulang maglakad muli.             Sa daan namin patungong aming klase ay nanatiling tahimik si Virginia. Hindi ko naman na siya kinausap pa lalo’t dahil sa kin naalala n’ya pa ang kan’yang mapait na pinagdaanan. Mas masuwerte pa rin pala ako dahil kahit maagang kinuha sa kin ang aking ama ay mayroon pa rin akong mapagmahal at maalalahaning inay. May iba nga d’yan na hindi na nakilala ang kahit ni isang magulang tulad na lamang nila Virginia. Napakadaming dapat ipagpapasalamat sa buhay tayo lang naman minsan ang nakakalimot. Sa tuwing masaya tayo nakakalimutan nating kailangan pala natin iyong ipagpasalamat napapansin lang kasi natin ang mundo sa tuwing may masamang nangyayari sa ating buhay na animo’y tanang oras mo na nilagi sa mundong ibabaw ay hindi ka sumaya. Minsan ang isang kamalian ay kaya ng pawiin ang lahat ng magagandang nangyari sa atin. At masyado mang ipokrito tignan ngunit nangyayari.            Hindi ko na alam kung ilang minuto ba kaming tahimik na naglakad, basta ngayon ang alam ko ay nasa harapan na namin ang aming maestra at sinisipat ako nito. Agaw pansin na naman yata ako.            “May bago pala kayong kamag-aral, maari mo bang ipakilala sa amin ang iyong sarili, binibini?” untag ng aming guro matapos n’ya akong sipatin mula ulo hanggang paa.            “Magandang umaga po sa lahat. Magandang umaga po, maestra. Ako po si Pilipina Amador, tubong Intramuros at nag-iisang anak ng aking mga magulang na sina Pilar at Arturo Amador. Dalawang pu’t isang taong gulang at mahilig po akong makinig sa mga radyo kung kaya’t may alam din po ako sa pagkanta,” pagpapakilala ko habang nakatayo sa aking upuan.            Nagpalakpakan ang aking mga kamag-aral na siya namang aking pinagtaka. Wala namang dapat ipalakpak sa aking mga tinuran.            “Anong nakakatuwa? May dapat ipalakpak? Nagsabi akong pumalakpak?” tinignan ako ng kay talim ng aking maestra bago ako nito tinalikuran at bumalik malapit sa pisara. May dalaw yata siya.            “Pagpasensiyahan mo na ‘yan, binibini. Gan’yan talaga si Ginang Melchor,” bulong sa kin ni Virginia matapos akong kusang umupo.            Nag-umpisa na siyang magsalita sa harapan at halos sa buong tatlong oras na nagkaklase kami ay busangot ang kan’yang naging mukha. Kanina ko pa rin siya napapansin na talagang pinupuntirya ako ng mga masasamang titig. Isinawalang bahala ko na lamang iyon lalo pa at sabi nga ni Virginia gan’yan lamang ang kanilang maestra na maestra ko na rin ngayon.            Ilang oras kaming nanatiling naka-upo at walang humpay na nakikinig sa kan’yang tinatalakay ng biglang gumalaw si Virginia upang mas malapit sa aking tenga.            “Gutom na ako, binibini, dapat ay tapos na ang ating klase ngayon,” anito.            Nilingon ko siya at tumango. “Oo nga eh, magtatanghaliaan na rin kasi,” ani ko pa.            “Upang makakain at makapagpahinga na kayo maari ninyong gawin at tapusin ang gawaing ito. Gagawa kayo ng sanaysan patungkol sa naging laban patungo sa kalayaan ng Filipinas laban sa mga Espanyol. Anong masasabi ninyo? Anong mga bagay na hindi n’yo na nais balikan buhat ng panahon ng mga Espanyol o kung may babalikan man kayo at nakikitang kagandahan sa panahong iyon, ano at bakit?” dire-diretsong sambit ng aming guro.            “Anong oras na, ginang, sana naman ay marunong kayong tumingin ng orasan. Dapat ay nakakain na kami o ‘di naman kumakain na. Maari namang gawing takdang aralin ang bagay na iyan.”            Tumahimik ang buo naming klase kaya agad kong ginaygay ang bawat isa sa kanila gamit ang aking mga mata.            Bakit sila tumahimik?            “Anong sabi mo, ‘Binibining Amador?!” Natigla ako nang malakas na ibinagsak ni Ginang Melchor ang hawak-hawak n’yang mga libro. Inikis n’ya ang kan’yang dalawang kamay atsaka ibinaba ang kan’yang suot-suot na salamin sabay tingin sa kin ng mas matalim.            “Ah, eh, P-po? Ako po?” paniniyak ko. Hindi ko alam kung bakit n’ya ako kung ganito na lang tapunan ng pansin. Animo’y anumang oras ay kaya n’ya akong kainin ng buhay sa pamamaraan ng kan’yang pagkakatitig.            “Tayo!” malakas nitong hiyaw na umalingawngaw sa buong silid aralan.            Atubili man ay tumayo nga ako habang bahid pa rin sa aking mukha ang pagkataka sa buong pangyayari. Tahimik – teka?! Naisatinig ko ba ang naiisip ko kanina?! Hindi pupuwede!            “ANONG SINABI MO?! MAARI NAMANG TAKDANG ARALIN NA LAMANG ITO?! INUUTUSAN MO BA AKO, BINIBINI?!” halos lamunin na ng kan’yang tinig ang buo kong sistema.            Paanong?            “Ma-maestra, ano po kasi---“ nauutal kong pagpapaliwanag. Ngunit muli akong napapikit ng muli siyang humiyaw.            “SAGOT!” Sumimple akong tumingin sa gawi ni Virginia na agad naman umiling sa kin at ininguso ang direksiyon ng tatlo naming mag-aaral na naghahagikhikan ngayon.            Sila ba ang may kagagawan kung bakit ko naisatinig ang mga naiisip ko lamang kanina?! Bakit nga ba lagi ko na lamang nakakalimutang mga bampira ang aking mga kasama.            Bumalik ang tingin ko sa aming guro na ngayon ay naghihintay na ng aking magiging kasagutan. Nakapamewangan na ito habang mas lalo pa akong pinanlalakihan ng mga mata.            “Maestra, mawalang galang na po ngunit hindi po ba ay talaga namang dapat ay tapos na ang ating klase sa oras na ito? Oras na po ito ng tanghalian at isa pa po, sana’y maintindihan n’yo po na hindi rin makakapag-isip ang utak ng maayos kung kumakalam na ang aming mga sikmura. Pansensiya na po kayo sa aking kalapastanganan ngunit hindi ko po kayo inuutusan, ito lamang po ay mungkahi ko bilang estudyante, bilang makatarungang mamayan,” ngumiti ako sa kan’ya ng buong tapang bago muling umupo.            Binalingan ko kaagad ng tingin si Virginia na ngayon ay balisang nakangiti sa aking ginawa.            “Mukhang magkakaproblema ka sa kan’ya, binibini, siya rin ang magiging gurong tutulungan mo sa silid aklatan mamaya,” pakli nitong sambit. Napakagat naman ako ng aking mga labi bago ko muling binalingan ng tingin ang tatlong magkakaibigan na nakatingin din pala sa aming gawi. Base sa kanilang naging ekspresiyon ay mukhang napagtanto rin nilang inilagay nila ako sa kapahamakan.            Hindi ko na lamang pa sila binalingan pa ng atensiyon at ibinalik na lamang ang aking atensiyon sa aking kuwaderno. Magsisimula na sana akong gumawa ng sanaysany ng nag-umpisa ang bulungan sa loob ng aming silid aralan.            “Maestra! Dapat sundin natin ang nais ng reyna! Nais n’yo po bang mapatalsik sa inyong trabaho dahil sinalungat n’yo ang kagustuhan ng magiging kabiyak ng mahal na Uno?” may halong panunukso at seryoso ang naging boses na iyon ng isa kong lalaking kamag-aral.            Mas lalo n’ya lang pinapalala ang sitwasyon ko.            “Tama! Tama!” pagsusuporta naman ng iba.            “Tumahimik kayo!” pahiyaw na tugon ng aming guro. Namumula na ito sa galit at halos umusok na ang butas ng kan’yang ilong.            “KUNG ANONG GUSTO NG REYNA! SIYANG MASUSUNOD! REYNA! REYNA!” mas lalong lumakas ang naging hiyawan halos lahat ay nakikisali na sa kantiyawan.            “PILIPINA! PILIPINA! PILIPINA!” pagtatawag nila sa aking pangalan. Napahilot sa noo n’ya ng madiin ang aming maestra bago ito sumenyas na magsi-upo na ang mga kamag-aral kong nagsitayuan na.            “Oh, siya. Kung ‘yan ang mungkahi ng lahat ay may magagawa pa ba ako upang kontrahin iyan? Kaysa maalingaw-ngawan pa tayo rito ng mga kataas-taasan ay magsikain na kayo. Takdang aralin na lamang ‘yan tulad ng ‘mungkahi’ ng reyna ‘n’yo’,” madiin n’yang anunsiyo bago ako binalingan at pagtaasan ng dalawang kilay. Ngumiti na lamang ako sa kan’ya bilang tugon.            Diyos kong mahabagin! Sa tanang buhay ko ni minsan ay hindi ko naatim na komontra sa gusto ng aking mga maestro. Ngayon lamang. Sana mapatawad ninyo ako sa aking naging asal.            Nahiyawan ang buong klase at sa isang iglap ay nagsilabasan dala-dala ang kanilang mga kagamitan.            “Binibini, tara na po?” pagtatawag sa akin ni Virginia na nakatayo na pala sa aking gilid. Alanganin akong tumango at tumayo.            Aligaga akong nag-aayos ng aking kagamitan sa aking dalang bayong ng tinahak namin ang daan palabas. Nasa may pintuan na sana kami ni Virginia ng kinuha ni Ginang Melchor ang aking atensiyon.            “Binibining Amador, maari ba kitang makausap kahit saglit?” ani nito. Nagkatitigan muna kami ni Virginia bago ako umatras upang makaharap siya ng mas pormal.            “Sa labas na lamang po ako maghihintay, binibini, Ginang Melchor,” paalam ni Virginia bago n’ya kami iwanang tuluyan.            Nanatiling bahaw na nakangiti sa kin si Ginang Melchor hanggang sa maubos ang lahat ng mga nilalang na nasa loob pa. Nang masigurado n’yang kami na lamang ang nandoon ay tinanggal n’ya ang kan’yang salamin, pati ang bahaw n’yang ngiti ay napawi at napalitan ng busangot na mukha.            “Binibini, hindi porket kinakampihan ka ng halos lahat ng mga estudyante rito ay mag-aasal sanggano ka na rin,” panimula niya. Ibubuka ko palang sana ang aking mga bibig upang ipagtanggol naman ang aking sarili ng agad n’yang kinumpas ang kan’yang daliri upang patigilin ako.            “Hindi pa ako tapos kaya tumahimik ka muna, binibini,” seryoso nitong saad bago kontroladong tumawa.            “Hindi ko kinakailang may taglay ka ngang alindog ng isang babae. Hindi na ako magtataka kung paanong ang isang ‘mortal’ na katulad mo ay naakit ang kataas-taasang si Uno. Ngunit ikintal mo sa iyong kaisipan, binibini, na hindi porket nakasakay ka ngayon sa kalabaw ay habang buhay ka ng mananatiling nand’yan,” humakbang ito papalapit sa akin na siyang nagpalakas sa tahip ng aking dibdib. Hinawakan n’ya ang aking balikat at diniin ang kan’yang kuko sa aking balat.            “Gi-ginang,” daing ko.            “May responsibilidad na dapat gampanan si Uno sa lahi namin at hindi lang isang katulad mo ang makakapigil doon. Kaya habang maaga pa kung ayaw mong masaktan, lumayo kana,” inilapit n’ya ang kan’yang mukha sa aking tenga. Iiwas pa sana ako ngunit mas hinigpitan n’ya ang pagkakahawak sa aking balikat.            “Isa kang mortal. Ang lahi natin ay kailanman hindi magiging kasangga. Tandaan mo ang lugar mo sa mundong ito, huwag kang umastang kong sino ka gayong isa ka lamang hamak na mortal.” Pakiwari ko ay mapupugto na ang aking hininga, mabuti na lamang at pumasok si Virginia at agad itong naalarma sa nadatnan.            “Ah, Ginang Melchor, may naghahanap po sa inyo sa labas,” ani ni Virginia. Agad namang nagbago ang ekspresiyon ng ginang.            “Hihintayin kita mamaya sa silid aklatan, binibini, sana ay malinaw sa ‘yong lahat ang aking ibinilin,” anitong parang walang pagbabanta na nangyari kani-kanina lamang.            “O-opo, ginang. Mauuna na po kami,” pigil hininga kong turan bago ako tuluyang nakalakad tungo sa gawi ni Virginia. Bago namin tuluyang lisanin ang aming silid aralan ay liningon ko ang ginang na nanatiling nakangisi habang tinatanaw ako.            “Binibini, ayos ka lamang ba?” nag-aalalang tanong sa kin ni Virginia.            “Ah, oo, ayos lamang ako,” maikli kong naging tugon.            “Huwag mo na lamang isipin kung ano man ang tinuran sa ‘yo ni Ginang Melchor, binibini, sabi ng iba ay talaga raw na gano’n siya lalo na at bata palang ito sinusubaybayan na n’ya ang paglaki ng Uno. Siguro ay nabahala lamang siya naging kilos ng ating mga kamag-aral kanina,” konotasiyon ni Virginia kaya tumango na lamang ako.           
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD