HINDI naman nagtagal ang aming naging tanghalian na dalawa dahil tulad nga nang tinuran ni Virginia kanina ay may klase pa kami sa ganap ng ala-una ng hapon.
Sa gitna ng katahimikan naming dalawa ng aking kasama pati na rin ng paligid ay hindi ko mapigilang hindi magsimulang mapaisip. Hindi lubos na marating ng aking diwa na sa isang iglap ay mapapadpad ako sa lugar na ito. Nagkakaila ako kung aking sasabihin na ni minsan sa aking panaginip ay hindi ko ninais na makapag-aral sa lugar na ito lalo na at kahit ayon sa mga sabi-sabi ito’y mahiwaga hindi naman daw mapagkakait na mas malaki ang mga opportunidad na meron ang unibersidad na ito na hindi namin makukuha ng basta-basta sa labas.
Puno ang puso ko ng kaba at pag-aalala lalo na’t hindi ko kasama ang aking Inay Pilar, naiwan ko siya sa mapang-alipustang lipunan. Marahil nandoon nga ang aming natitirang kadugo. Ngunit kung ituring nila kami ay parang mga maamong tupa na kahit kailan ay hindi nila kinakailangan. Hindi nila mapakikinabangan.
Sa maaliwas na paligid ay naglalakad kami ni Virginia papunta sa kung saan man, nakapagtataka dahil kahit tanghalian na ay hindi ko nararamdaman ang pagiging maalinsangan ng kapaligiran. Bagaman dahil iyon sa mga nagtataasang puno at mga mayayabong na halaman. Ibang-iba n’ong ako pa ay nasa labas, sa Intramuros.
Habang kami ay naglalakad mula sa aming silid pahingahan patungo sa kaliwang parte ng unibersidad. Mas nakikita ko kung gaano kalaki at kaganda ang unibersidad, ang mga imprastraktura rito ay pambihira. Kahit saang sulok ng lugar ay may magagarang ubra maestra na kahit sa Intramuros ay hindi mo makikita.
Kamangha-mangha.
Natigil ang aking pagtitingin-tingin sa paligid nang biglang nagsalita si Virginia. Nakapasok na pala kami sa isang gusali ng hindi ko man lang namamalayan. “Teka lamang, binibini, dito ka lamang, kailangan kong pumasok sa loob ng tanggapan ng tagapagtala upang kunin ang iyong magiging identipikasyon,” ani niya na siya namang nagpatango sa akin bilang tugon.
Sinamantala ko ang pag-iwan sa kin na iyon upang mas abalahin ang aking sarili sa pagtitingin ng iba’t ibang ukit at pinta na nakasabit sa ding-ding ng gusaling aming pinasukan. Hindi maiwasang mapauwang na lamang ako ng aking bibig dahil sa nakikita ng aking mga mata.
Talagang matutunghayan mo ang galing at kridibilidad ng mga taong may gawa ng mga ito lalo na kung iyong mas pagmamasdan ang mga maliliit na detalyeng ito ay mayroon.
“Ang ganda,” mahina kong sambit, sinubukan kong hawakan at sundan ang mga linya na nasa mga sining.
Ang galing ng kanilang pagkakagawa. Napakapolido. Napakalinis.
“Pare, mukhang may bagong salta. Maganda! Tignan mo, oh! Makinis!” mapanudyong mga salita na narinig ko sa ‘di kalayuan.
Nakuha nila ang aking atensiyon kung kaya’t maingat kong inikot ang aking mga balintataw sa paligid, mukhang ako lamang ang nag-iisang nakatayo rito, mukha ngang ako ang kanilang tinutukoy na bagong salta. Sa halip na sagutin ay hindi ko na lamang sila pinansin at pinagpatuloy na lang ang pagkamangha sa mga magagandang bagay na nasa aking harapan sa kasalukuyan, hindi ko nanaising mapaaway sa lugar na banyaga pa ako kung maituturing.
Tahimik akong nagmamasid at nakikiramdam nang bigla silang lumapit sa akin at tinapik ng malakas ang aking puwit. Sila ay may akin ding bilis kung kaya’t hindi agad ako nakaiwas. Titignan ko pa sana sila mula sa kaliwa nang hindi ko namalayan na sa isang iglap ay inaamoy na ng isang lalaki ang aking buhok, sa kanan.
Lapastangan!
Gamit ang aking bagsik hinawi ko ang lalaking nagtangkang hawakan ako atsaka ito sinampal nang ubod ng lakas.
“Mambubuso!” sigaw kong nakakuha sa atensiyon ng karamihan ngunit ang mga kalalakihan na kaninang sinisipat ako, ay ngayon tinawanan na lamang ako.
Anong nakakatawa? Akala ba nila ay nakikipagbiruan ako sa kanila?
“Hindi mo ba ako kilala, binibini? Nagkakamali ka yata ng kinakalaban!” singhal ng isa sa akin, na sinang-ayunan naman ng halos lahat, siya ang tumapik sa likran ko at ang umamoy ng aking buhok.
Mas lalong nagliyab ang aking mga emosiyon matapos ko iyong marinig. Wala akong pakialam kung sino pa siya. Basta ang alam ko, nasa tama ako.
“Hindi nga! Ngunit anak ka pa ng Emperor o kahit na sino ka pa man, ginoo, babae pa rin ako! Hindi mo dapat ako binabastos!” Matapang kong wika na mas nagpatawa sa kanila.
“Matapang yata ‘tong bagong bebot, pare,” saad naman ng hindi katangkarang kasamahan nila.
“Mukhang pumapalag sa ‘yo, Acosta!” Tukso pa ng isa nilang kasama. Imbes na itama ang ginawa ng kaibigan ay mas lalo pa nila itong ginagatungan. Pariwarang mga nilalang. Wala silang pinagkaiba sa mga taong nag-aamok sa lansangan.
“Pwe! Ilan ang kailangan mo, binibini? Babayaran kita kahit ilan, halika at ako ay iyong paligayahin,” ngumisi ito sa akin at tatangkain pa sanang hawakan ang aking baba nang inilihis ko ang direksiyon ng aking mukha.
Gago! Gago ka ba?
“Putangina mo! Hindi kong sino lang ‘yang binabastos mo, Ginoong Sherwin Acosta!” malakas na asik ni Virginia.
Hindi ko alam na nasa likuran ko na pala si Virginia, agad n’ya akong pinalikod atsaka n’ya pinagtuturo ang lalaking iyon.
Sherwin Acosta pala ang ngalan ng palikerong ito.
“Huwag kang mangialam dito, Alegria! Baka nakakalimutan mong mas mataas ang antas ako sa ‘yo!” pabalik na anas naman ni Sherwin.
Napaatras ako sa aking narinig lalo na at naramdaman ko kung paano napakuyom ng kamay si Virginia. Mukhang hindi maganda ang lagay namin.
Mukhang mali nga ako nang kinalaban! Paano na kami nito?
Hindi na nakasagot pa si Virginia sa Sherwin kaya nanatili silang nagbabangayan ng tingin. Natahimik ang buong pasilyong aming kinaroroonan at walang nagtatangkang makisali pa. Nagbubulungan ang iba. Ngunit walang nagtangkang makisawsaw o ‘di kaya ay umawat man lang.
Natigla lamang ang lahat at agad na bumalik sa kani-kanilang mga ginagawa ng may biglang sumigaw mula sa kabilang direksiyon ng kinatatayuan namin ni Virginia.
“Si Uno! Tabi! Paparating ang Panginoong Uno!” alingaw-ngaw ng isang lalaking humahangos. Nagmula siya sa likod n’ong grupo ni Sherwin kung kaya’t masusi kong binantayan si Uno.
Makilala na rin kita, sa wakas!
Sisiguraduhin kong hindi ka makakatakas sa mga paningin ko, simula pa noong una ay nagtataka na ako sa kan’yang mukha. Gusto kong makilala ang rason kung bakit at kung paano ako napadpad sa unibersidad na ito.
Uno. Uno. Uno.
“Iyon ang akala mo, Ginoong Acosta, humanda ka sa bagsik ni Panginoong Uno! Ikaw ang nagkakamali ng kinalaban, gago!” sarkastikong tugon ni Virginia na animo’y nanalo na sa laban.
Hindi ko siya naintindihan? Paanong bigla siyang naging matapang? Eh, kanina lamang ay hindi na siya nakasagot nang banggitin ng lalaki ang patungkol sa posisyon. Kanina, alam n’yang dihado kami.
“Anong pinagsasa—” Hindi na n’ya natapos ang kan’yang sasabihin ng biglang may malakas na boses ang sumakop sa mahabang pasilyo ng gusaling ‘yon.
“Lahat kayong nandito ngayon! Bumalik na kayo sa inyong mga klase kung ayaw n’yong ipalapa ko pati kayo sa leon! Acosta! Silid parusahan! NGAYON NA!” Si Uno na kaya ‘yan? Ngunit hindi ko narinig ang boses na ‘yan sa tanang buhay ko, paanong kilala n’ya ako?
Hindi ko alam kung nasaan nanggagaling ang tinig, kung sa kanan ba, kaliwa, likuran, para kasing umaalingaw-ngaw sa buong lugar. Kasama ba iyon sa kan’yang abilidad?
Nabigla na lamang ako n’ong lahat ng kasama ni Sherwin at pati na rin siya ay napaluhod sa harapan namin.
“Ma-masusunod, Panginoong Uno.” Nauutal nilang tugon habang nakatingin sa aking likod kaya agad akong lumingon para sana masilayan ang mukha ng Uno na ‘yan ngunit nahuli na ako, nakatalikod na ito mula sa akin.
Ang bilis n’ya!
Likod n’ya lamang ang aking naabutan. Malaki siyang bampira, napakataas n’ya at may malalapad pang mga balikat.
Guwapong nilalang.
“ISANG MINUTO, ACOSTA!” base sa kan’yang tono ay nanggigil ito sa galit. Nanatiling nakapako ang tingin ko sa kan’yang likod hanggang sa tumalon na ito sa kawalan at nawala na lamang na parang bula.
“Patay ka ngayon kay Uno, bobo!” pahabol pa ni Virginia sa grupo ng kalalakihan kanina bago ako binalingan.
“Binibini? Halikana may klase pa tayo.” Inakay n’ya ako kaya hindi na ako nakapagsalita pa, sayang! Hindi ko nakita si Uno.
Hayaan mo’t darating din ang panahon, magkakatagpo rin tayo.
“Ako na lamang ang humihingi ng paumanhin sa ginawa ng mga sangganong iyon, binibini. Huwag kang mag-alala si Uno na ang bahala sa kanila at makikilala mo rin siya sa takdang panahon. Huwag kang mag-alala wari kong ligtas ka hanggat nandito siya.”
Ligtas ako hanggat nandito siya?
Natahimik ako sa sinalaysay na iyon ni Virginia. Wala ako sa sarili nang pasukin namin ang aming silid aralan, gaano pa ito kaganda ay hindi ko na nabigyang pansin pa. Ano bang nagawa kong kabutihang puso sa nilalang na iyon? Bakit binibigyan n’ya ako ng napakadaming pabor? Nguni, meron nga ba akong nagawa sa kan’ya?
Wala ako sa sariling lumabas ng aming silid aralan, sa likod ko’y nakasunod naman si Virginia. Halos pareho lamang ang aming pinag-aaralan sa dati kung paaralan ngunit kahit wala akong naintindihan sa maestro kanina ay mukhang mas maganda nga ang paraan nang pag-aaral dito. Mas mabusisi kasi sila at talagang lahat kami ay may kaniya-kaniyang aklat, simula kasi na makamtan ng Filipinas ang kalayaan mula sa mga Espanyol ay halos lahat ng mga aklat ay nagkanda punit-punit o ‘di naman ay nasunog, bakas na iyon ng naganap na giyera.
“Saan na tayo tutungo pagkatapos nito, Virginia?” Paglilingon ko sa kan’ya.
“Ikaw, binibini, ano ang iyong nais?” sagot nito habang inaayos ang pagkakahawak n’ya ng kan’yang mga aklat.
Bigla kong na-alala si inay, baka nag-aalala na sa akin ‘yon. Pwede ko kaya siyang makita kahit saglit? Pwede kaya akong makauwi?
“Binibini, hindi ka maaring umuwi,” pagpipigil agad sa akin ng aking kasama.
Nakakalumbay naman kung gano’n.
“Nais ko na lamang magpahinga,” anang ko na lamang sa bampirang aking kasa-kasama, tumango ito sa akin kaya hindi na ako muling umimik pa.
Mag-umpisa na sana kaming maglakad ng biglang humarang sa aming daraanan ang pangkat nila Sherwin, halos wala na silang saplot sa pagkakagutay-gutay nito.
“Paumanhin! Paumanhin, binibini! Patawarin mo kami!” Paulit-ulit nilang sambit habang ang mga mag-aaral namang nakakita nito ay nakatingin at nagsisimula na namang magbulungan.
“Mukhang importante ang babaeng ‘yan kay Uno. / Galit na galit si Uno kanina. / Kahindik-hindik ang sinapit nila mula sa parusa ni Uno. / Sino ang babaeng ‘yan? / Inakit siguro n’yan si Uno. / Naku! Baka nagbebenta ng init sa katawan ang babaeng ito at si Uno ang nabighani n’ya, malandi.” Iilan lang ‘yan sa aking narinig, sa sobrang pagkagulo ko sa aking mga nasasaksihan at naririnig ay wala na akong nasabi. Sila ay aking na lamang na nilagpasan at dire-diretso na ako sa aming silid pahingahan.
Ano nga ba ang nagawa kong kabutihan para ang tinitingala nilang si Uno ay ganito na lamang kung ako ay pahalagahan?
Ano ba talaga ako para sa kan’ya?