Chapter 1 -Rosalinda-
Rosalinda's POV
"Rosalinda! Nasaan ka na naman ba, ha? Lumapit ka nga dito! Bilisan mo, at may gagawin ka pa dito."
Malakas na sigaw ng tiyahin ko mula sa kusina, sabay hampas ng sandok sa lamesa. Malakas na kalabog ang narinig ko sa tahimik na hapon, at sa bawat sigaw niya, parang may pumipiga sa dibdib ko.
Heto na naman siya... wala ba talaga siyang malasakit sa akin, kahit na kaunti lang? Katatapos ko lang maglinis ng sala, banyo at mga silid, at bawat sulok ay pinunasan ko, bawat sahig ay kinuskos ko nang halos wala nang dumi pa na makikita. Namumula pa ang mga kamay ko dahil sa sabon, pero heto na naman siya. Hindi pa man ako nakakaupo, may iuutos na naman siya sa akin.
Mag-a-alas tres na. Mainit pa rin ang hangin sa labas, at ang sikat ng araw ay sumisilip sa siwang ng lumang kurtina... at alikabok lang ang sumasayaw sa sinag nito. Gutom na gutom na ako, pero wala pang kahit isang butil ng kanin sa tiyan ko. Wala akong agahan, ni tanghalian ay wala. Samantalang sila, kanina ay tumatawa pa sila ng tiyuhin ko habang kumakain ng tinolang manok kasama ang kanilang bunsong anak, habang ako naman ay nasa lababo, naghuhugas ng pinaglutuan ko ng pagkain para sa kanila.
Ni hindi man lang ako inayang kumain, o kaya ay tinirhan man lang kahit isang piraso ng manok na ako naman ang nagpakahirap para mabili ko 'yon. Kahit isang kutsarang kanin... walang natira sa kaldero.
Huminga ako nang malalim, hindi pa ako nakakasagot ay muli na naman siyang sumigaw, kaya wala na akong nagawa pa kung hindi ang tumugon sa tawag niya.
"Opo, Tiyang! Sandali lang po! Tinatapos ko lang po ang pagwawalis ko dito." Sagot ko. Ramdam sa boses ko ang panginginig, ang gutom, ang pagod, at ang takot na naghalo-halo na. Wala pa kasi dito ang isa sa tagapag-tanggol ko.
"Lintik ka! Anong sandali lang? Kapag tinawag kita, lumapit kang babae ka!" Sigaw pa niya. Ganito na lang ba talaga ako palagi? Wala na ba talagang pagbabago?
Ako si Rosalinda Del Rosario, dito ako lumaki sa San Nicolas Batangas. Limang taong gulang pa lang ako nang mamatay ang mga magulang ko sa isang aksidente. Bata pa ako nuon, pero malinaw pa rin sa alaala ko ang alingawngaw ng sirena, ang ilaw ng ambulansya, at ang malamig na gabi na tumapos sa maganda sanang kinabukasan na naghihintay sa akin... sa piling ng aking mga magulang at nag-iisa kong kapatid na kasama nila sa aksidenteng 'yon. Masakit sa akin 'yon dahil sabay-sabay silang nawala sa buhay ko. Sana isinama na lang nila ako, sana hindi na lang ako nakatulog nuon sa maliit na bahay ng tiyahin ko. Sana ay hindi ako naghihirap ng ganito.
Kaya nga simula nuon, ang tiyahin ko na ang nagpalaki sa akin... o mas tamang sabihin na ang taong nagpalaki sa akin upang gawin akong alila sa bahay na galing naman sa mga magulang ko.
Akala ko nuon, magkakaroon ako ng bagong pamilya. May mag-aalaga, magmamahal, at magtuturo sa akin ng tama at mali. Pero nagkamali ako. Kasi mula nang tumira sila dito sa bahay ng aking mga magulang, hindi man lamang nila ipinaramdam sa akin na parte ako ng pamilya nila.
Bata pa lang ako ay ako na ang gumagawa ng lahat sa bahay na ito. Ako ang naglilinis, naglalaba, nagluluto. Habang ‘yung mga pinsan ko ay nasa eskwela, ako naman ay nakayuko, nag-aalis ng mantsa sa uniform nila habang nilalabhan ko ang mga 'yon.
Hanggang Grade Six lang ang inabot ko. At nang sabihin kong gusto kong mag-high school, tiningnan lang nila ako at pinagtawanan. Naaalala ko pa ang sinabi sa akin nuon ng tiyahin ko, at hanggang ngayon ay hindi ko 'yon nakakalimutan.
"Mag-aaral ka pa? Gagastos pa kami sa'yo? Hindi mo kailangang mag-aral, Rosalinda. Dito ka na lang sa bahay, magtino ka. Sa panahon ngayon, hindi diploma ang magpapakain sa’yo kung hindi ang kasipagan."
Thirteen lang ako nuon ng sinabi niya 'yon sa akin, at dahil bata pa ako ng mga panahon na 'yon, naniwala naman ako. Pero nuon 'yon. Ang mga pinsan ko ngayon ay may mga trabaho na at ang bunsong anak na lang nila ang nag-aaral at graduating na ito ng college. Ako naman ay dalawampong taong gulang na, at pakiramdam ko ay parang nakakulong lang ako sa bahay na ito at walang kalayaan. Naiinggit ako sa mga babaeng kasing edad ko na nakikita kong naglalakad sa kalsada, malinis ang mga kamay, nakangiti, may direksiyon ang buhay. Samantalang ako, bawat araw ay paulit-ulit lang ang ginagawa ko... gigising, maglilinis, magluluto, maglalaba, uutusan kahit may ginagawa pa ako, sasaktan kahit wala namang dahilan, at sisigawan na parang walang karapatang magpahinga. Paulit-ulit na parang sirang plaka lang ang buhay ko. Araw-araw ay diyan lang umiikot ang kinabukasan ko.
Minsan, kapag natutulog na silang lahat, umuupo ako sa gilid ng bintana at pinagmamasdan ang buwan. Iniisip ko kung nasaan kaya ako kung hindi nangyari ‘yong aksidente? Baka may trabaho na ako ngayon. Baka may diploma. Baka ipinagmamalaki ako ng aking mga magulang sa mga achievements na natatanggap ko. Matalino ako kahit na hindi ako nag-aral, daig ko sa katalinuhan ang isang pinsan ko na nag-aaral pa. Kapag wala siya at nasa school, palihim akong nag-aaral sa silid niya gamit ang mga libro niya. Ganuon lagi ang ginagawa ko kapag naglilinis ako ng silid niya.
"Rosalinda! Lintik kang babae ka! Hindi ba at kanina pa kita tinatawag?" Muli kong narinig ang boses ng tiyahin ko, mas malakas ngayon, mas galit na galit kaya nakaramdam ako ng takot.
"Kapag hindi ka pa lumapit dito sa loob ng tatlong segundo, lagot ka sa akin! Makakatikim kang muli ng mag-asawang sampal." Mas lalo akong natakot sa narinig ko. Binitawan ko agad ang walis at halos madapa ako makarating lang ako ng kusina, pero pagdating ko ay isang malakas na palo ng sandok sa braso ko ang tumama sa balat ko. Lumatay agad ang sandok, at mabuti na lamang at hindi ito mainit. Napaluha ako, napaimpit ng iyak habang hinihimas ko ang aking braso.
"Nay! Bakit sinasaktan mo na naman si Rosalinda?" Boses ni Kuya Eric, ang panganay na anak nila. Para akong nakahinga ng maluwag ng makita ko na dunating na siya. Hawak pa niya ang back pack niya na puno ng damit niya, pawisan pa ang noo at galit na nakatingin sa kanyang ina.
"Eric anak, bakit ang aga mo naman yatang nakauwi ngayon?" Gulat na tanong ng tiyahin ko.
"Ipinagtatanggol mo na naman ang isang 'yan, kaya lumalaki ang ulo ng babaeng 'yan eh." Boses naman ni Penelope, ang bunso nilang anak na halos kasing edad ko lang, at matanda lang ako ng tatlong buwan sa kanya.
"Isa ka pa! Tumigil ka Penelope at baka makatikim ka sa akin." Galit na sabi ni Kuya Eric kaya biglang tumahimik ang kapatid niyang bunso.
Umiiyak naman ako, nararamdaman ko ang hapdi ng latay na nakaguhit sa braso ko. Agad akong nilapitan ni Kuya Eric at ineksamin ang malaking latay sa braso ko at saka muling nagsalita, pero may diin ang bawat sinasabi niya.
"Ginagawa niya ang lahat ng gusto ninyo, pero nagagawa pa ninyo siyang saktan?" May galit sa boses niya ng hinarap ang sariling ina. Hindi naman ako kumikibo, gusto ko siyang pigilan, pero pagod na ako. Pagod na pagod na ang katawan ko at tila ba gusto ko na lamang sumuko. Bakit ganito, bakit kailangan kong magdusa sa kamay ng sarili kong kadugo? Magkapatid si Tiyong at ang aking yumaong ama, kadugo nila ako, pero bakit pakiramdam ko ay ibang tao ang tingin nila sa akin?
"Ipinagtatanggol mo na naman ang babaeng 'yan Eric? Tumigil ka at baka isumbong kita sa ama mo." Galit na sigaw ni Tiyang, kaya pinigilan ko na si Kuya Eric. Lagi kasi silang nag-aaway ni Tiyong, at madalas ay nasasaktan siya ni Tiyong na ako ang dahilan, pero ayaw naman niyang magpapigil.
"Kung tatratuhin lang din ninyo siya ng ganyan, umalis na lang tayo sa bahay na ito. Baka nakakalimutan ninyo na siya ang totoong may ari ng bahay at lupang tinitirhan natin. Pag-aari ito ng kanyang ina at siya ang nagmana. Wala tayong karapatan dito. O kaya ibigay na lang ninyo siya sa akjn at ikukuha ko siya ng matitirahan na malayo sa inyo." Galit na sigaw niya, pero napatili ako ng bigla siyang sinuntok ng kanyang ama na kararating lang. Gulat na gulat ako, heto na naman at nasaktan na naman siya na ako na naman ang dahilan.
"Tarantado ka. Kulang pa ang bahay at lupang ito bilang kabayaran sa pagpapalaki namin sa kanya. Hindi siya aalis, walang aalis sa bahay na ito. Wala kang alam Eric kaya manahimik ka diyan! Huwag na huwag mong sisigawan ang iyong ina." Sigaw ni Tiyong, habang ako naman ay napasiksik sa isang sulok. Takot na takot, at hindi ko na alam kung paano ko pa matatakasan ang buhay na kinasadlakan ko.
"Kasalanan mo ang lahat ng ito eh. Ang sarap mong sampalin, alam mo ba 'yon ha?" Sabi ni Penelope habang matalim na nakatingin sa akin.
"Tumigil ka Penelope. Huwag ninyong hayaan na magalit ako!" Sigaw ni Kuya Eric.
Nakita ko ang pagtatagis ng bagang niya, pero kaylanman ay hindi niya pinapatulan ang kanyang ama. Galit lang siyang tumalikod, kuyom ang mga kamao at nilapitan ako, maingat na hinawakan ako sa braso ko at iginiya ako paakyat sa ikalawang palapag.
"Magpahinga ka muna sa silid mo. Kung ano man ang ipag-uutos ng aking ina sa'yo ay ako na ang gagawa. Kailangan mong magpahinga Rosalinda, hindi ka alipin dito. Pamilya ka, kaya magpahinga ka at mamaya lang ay dadalhan kita ng makakain mo. May pasalubong akong pagkain para sa'yo, pero iinitin ko muna." Wika niya. Isa si Kuya Eric na kakampi ko sa bahay na ito kaya kapag umaalis siya, kawawa talaga ako. May isa pa silang anak, si Ate Zoe, ang sumunod kay Kuya Eric, pero wala siya dito dahil may trabaho ito sa Maynila na katulad ni Kuya Eric, kaya madalas ay wala talaga sila dito.
Maganda si Ate Zoe, mabait at katulad ni Kuya Eric... ipinagtatanggol din niya ako palagi sa mga magulang nila, samantalang ang bunso nilang kapatid na si Penelope ay laging galit sa akin at tuwang-tuwa 'yon kapag nakikita niya na nahihirapan ako.
"Kuya, aalis ka ba ulit mamaya? Iiwanan mo ba ulit ako dito?" Umiiyak kong tanong. Natatakot ako, baka mamaya ay dumating na naman ang amo ng tiyuhin ko na may ari ng club sa bayan, malaki ang pagnanasa ng matandang 'yon sa akin. Pero takot sila kay Kuya Eric kaya wala silang ginagawang hakbang laban sa akin, at hindi ko alam kung bakit tila ba malaki ang takot nila sa kanya.
"Oo, pero babalik din agad ako bukas. Tama na ang pag-iyak mo Rosalinda, nandito ako at ako ang bahala sa'yo. Hindi ka nila magagalaw, hindi ko 'yon pahihintulutan." Mahina niyang sabi, pagkatapos ay hinalikan niya ako sa ulo. Tumango na lang ako, at saka niya ako iniwanan.
Naririnig ko ang pagtatalo nila sa ibaba. Malakas ang sigaw ng tiyuhin ko at panay ang mura niya, pero kapag sumigaw na si Kuya Eric ay natitigilan na sila. Hindi ko alam kung bakit, pero takot talaga sila sa panganay nilang anak.
Umilaw ang phone ko, napangiti ako ng mabasa ko ang pangalan ng isa sa kaibigan ko na kapitbahay lang namin. Dalawa silang kaibigan ko, si Sharmae Naldoza at si Serene Vera.
"Sinisigawan ka na naman ng tiyahin mo. Mamaya na lang kami pupunta kapag umalis na ang mga impaktong 'yan." Mensahe ni Serene kaya natawa ako ng mahina. Hindi ko na sinagot, tinago ko na lang agad ang phone ko. Bigay ito sa akin ni Ate Zoe, at sabi niya ay huwag kong ipapakita kahit na kay Penelope at baka kuhanin sa akin. Kaya lagi lamang itong nakatago dito sa silid ko na dati ay silid ni Ate Zoe. Pero sabi niya, dito na lang ako, at kapag uuwi siya ay tatabi na lang siya sa pagtulog sa akin.
"Tigilan ninyo si Rosalinda. kapag nalaman ko na binastos ng club owner na 'yon si Rosalinda, lulutang ang katawan niya sa ilog." Banta ni Kuya Eric, rinig na rinig ko ang pagtatanggol niya sa akin. Natahimik lang sila, at isang malakas na pagsara ng pintuan ang huli kong narinig.