Chapter 10
Ellen’s POV
Napapiksi ako ng makarinig nang mahinang katok sa pinto. “Ellen? Gising ka ba? Papasok na ako, ha.” Bumukas ang pinto at iniluwa roon si Manang Nuring.
“Kamusta na ang pakiramdam mo?” tanong sa akin ni Manang Nuring.
“Medyo maayos na po.”
Naglakad siya palapit sa aking kama at nilagay ang isang baso ng gatas at may cookies pa. “Heto. Kumain ka. Uminom ka na ba ng gamot mo?” Tumango ako. “Dumating na pala si Nico at Samantha. Hinahanap ka. Sinabi kong may sakit ka kaya hindi na sila nangulit pa.”
Ngumiti ako. “Salamat po,” sabi ko. Kinuha ko ang baso ng gatas saka uminom. Nanunuyo ang lalamunan ko kaya masakit magsalita. Mukhang uubuhin ako nito.
“Balita ko ay si Gio ang naghatid sa iyo.”
Nalaglag ang cookies na hawak ko dahil sa gulat. Tiningnan ko si Manang. Nakangiti siya sa akin. “M-Manang.”
“O, bakit?”
“W-Wala po.” Tumawa siya nang mahina habang nakatingin pa rin sa akin. Kumunot ang noo ko. “M-Manang, nang-a-ano po kayo,” nakasimangot kong reklamo.
Tumawa ulit siya. “Bakit? Inaano ka ba ng tawa ko, ha?”
“Bumalik pala si Gio kanina. May dalang prutas at mga gamot. Mukhang alagang-alaga ka ng inaanak ko, ‘no,” ani Manang Nuring sabay bungisngis.
“P-Po?” gulat kong tanong.
Lalo akong namula sa sobrang hiya at kaba. Baka mamaya ay marinig kami ni Ate Sam o kaya ay si Kuya Nico. Mapagalitan ako.
“Hay, naku! Kayo talagang mga bata. Hehehe! Naalala ko tuloy ang kabataan namin ni Ernesto.”
“M-Manang, ano po ba ang pinagsasabi ninyo?”
“Ay, huwag kang forgetful, Iha. Alam kong alam mo ang sinasabi ko. O, siya. Ihahanda ko lang ang mga prutas na para sa ‘yo,” sabi ni Manang sabay tayo.
Napalunok ako. “S-Sige po.” Dinala niya ang baso at platito. Hindi ako mapakali. Sumandal ako sa headboard at tumingala sa kisame. Kinusot ko ang aking mata nang mukha niya ang nakita ko.
“Nakakainis!” singhal ko sa aking sarili. Gusto kong umiyak. Hindi ko maintindihan ang bugso ng aking damdamin. Ganito ba talaga kapag umiibig? Bakit parang may mali? Bakit parang—grrr!
Hinanap ko ang aking cellphone at nagtipa. Tinitigan ko nang matagal ang contact number. Nanginginig pa ang kamay ko nang pindutin ko ang call button. Nakailang ring pa bago niya sagutin tawag.
“Love?”
“Gusto kitang makita,” bulong ko dahil ayaw kong marinig niya ang gusto ko. Narinig ko siyang tumawa.
“I’m here,” sagot niya.
Napalunok ako saka nagpalinga-linga sa paligid. “H-Huh?”
“Nandito ako sa baba.”
Nakahinga ako nang maluwag. “A-Ah. Akala ko nasa balkonahe ka na naman.” Huli na nang mapagtanto ko ang aking sinabi. “A-Ay, mali!”
“It was me, Love,” pag-amin ni Kuya Gio kaya napangiti ako. “Natakot ba kita?” tanong niya.
Umiling ako. “H-Hindi. Salamat,” sabi ko. “Nagustuhan ko ang bigay mong regalo.” Ngayong alam ko na kung sino ang nagbigay, isusuot ka na siya.
“You’re welcome, Love.”
Tahimik ang paligid. Mukhang lumayo pa muna siya bago niya sagutin ang tawag ko. Kumunot ang noo ko at lalo akong sumimangot. Hindi ko na talaga naiintindihan itong nararamdaman ko. Bakit parang sobrang lakas?
“Love? Nandiyan ka pa ba?”
“Gusto nga kitang makita,” naiinis kong sabi.
Narinig ko siyang tumawa. “Aakyat ba ako ulit?”
Mabilis akong umiling kahit hindi niya ako nakikita. “H-Hindi. Pero—hay, naku! Bakit ganito?”
Humalakhak siya. “Mukhang in love na in love ka na sa akin,” nanunukso niyang sabi.
Natigilan ako. “H-Huh? Ganito ba talaga?”
“You’re young, Dainty. Talagang mararamdaman mo ang mga bagay na ’yan. At suwerte ko dahil sa akin ka nagkagusto.”
“Ang yabang mo naman,” sabi ko na tinawanan niya lang. “At huwag mo akong lolokohin dahil magsisisi ka kapag nabaling ’to sa iba. Hmp!”
“Geez! You’re scary. Anyway, sasabay ko sa inyo mag-dinner. Gusto rin kitang makita kaya pumunta ulit ako.”
“Akala ko ba may sakit ka rin?” tanong ko. Ang sabi kasi ni Kuya Mateo ay magpapa-check up din siya pero nabaling sa akin ang kanyang atensyon.
“I was love sicked. Okay na ako,” aniya. “Ikaw lang naman kasi ang gamot nitong nararamdaman ko,” dagdag niya pa.
Kinikilig kong kinagat ang aking labi. “Hmp! Mukhang malakas ang tama mo, ‘no? Magpapasalamat ako kay Kupido,” natatawang sabi ko.
Tumawa siya. “You’re brother is calling me. May pag-uusapan lang kami.”
Nalungkot ako sa narinig. “S-Sige.” Bumuntonghininga ako.
“Are you sad?”
“Gusto ko nga kasi kitang makita, eh,” naiinis kong sabi. “Naiinis na ako sa sarili ko. Bakit ganito?”
Tumawa na naman siya. “Sige. Pupunta ako. Later.”
“Huwag na. Sige na at baka magtaka na sila sa ’yo.”
“Bye, Love.”
“Bye.” Binaba niya ang tawag.
“Hindi na ’to tama. Hindi dapat ganito. Bakit?” naguguluhan kong tanong sa aking sarili. Hindi dapat ito ang nararamdaman ko. Bakit hinahanap ko siya?
Nagpaikot-ikot ako sa aking kama dahil sa inis. “Baka crush ko lang siya kaya ganito ang nararamdaman ko?” tanong ko sa aking sarili. Lumipas ang ilang minuto. Hindi pa rin ako mapakali. Nanatili akong nakatitig sa kisame.
“Love?”
Napasigaw ako nang bigla na lang dumungaw sa akin si Kuya Gio. Mabilis kong natakpan ang aking bibig. “Kuya Gio?” gulat kong tanong.
Unayos siya ng tayo. “Don’t call me that, Dainty. I don’t like it,” masungit niyang sabi.
Sumimangot ako. “Eh, ano ba ang gusto mo? Ang weird kasi. Ang layo ng agwat ng edad natin,” rason ko. Napaupo ako. “Saan ka ba nanggaling?” tanong ko sabay lingon sa balkonahe.
“I climb.”
“Huwag mong uulitin,” utos ko.
“Akala ko ba gusto mo akong makita?” taas-kilay niyang tanong.
Tumango ako. “O-Oo pero… baka makita ka?”
“So what?”
“Ay, yabang! Hindi ka natatakot? Baka isipin nila—stalker ka,” sabi ko.
Nalukot ang kanyang mukha dahil sa sinabi ko. “Puwede ko namang sabihing boyfriend mo ako?”
Ako naman ang napamaang dahil sa kanyang sinabi. “Tss.”
Ngumiti siya. “Come on. Kakain na,” sabi niya. “Inutusan ako ni Manang Nuring na tawagin ka.”
Nanlaki sa gulat ang mga mata ko. “H-Huh?” Nilingon ko ang pinto. Hindi ko talaga napansing pumasok siya kaya hindi ko alam kung saan siya dumaan.
“Hindi pa ako nakapaghilamos,” sabi ko.
“Kakain lang tayo, Dainty.”
Sinimangutan ko siya. Dahan-dahan akong bumangon. Medyo maayos na ang pakiramdam ko dahil sa tulong ng gamot na ininom ko. Kumain din ako nang marami kahit wala akong panlasa.
“I’ll wait for you,” sabi niya.
Hindi ko na siya pinansin at pumasok na sa banyo. Nagulat pa ako nang makita kung gaano ka-oily ang mukha ko. Naghilamos ako at nag-ayos ng sarili.
Paglabas ko sa banyo at nakatayo na siya sa labas ng aking kuwarto. Sabay kaming bumaba ng tahimik. Wala akong masabi sa kanya. Hindi ko rin alam kung paano haharapin ang mga tao sa hapag. Kinakabahan ako. Malalim ang paghinga ko ng papasok na kami sa dining hall.
“Ellen, ayos ka na ba?” nag-aalalang tanong sa akin ni Ate Samantha. Tumango lang ako saka tipid na ngumiti. Namayuko ako habang palapit sa aking upuan. May sarili kaming upuan sa dining area. Nahigit ko ang aking hininga nang ipaghila ako ni Kuya Gio ng upuan.
“Here,” aniya sabay upo sa katabi kong upuan.
Napalunok ako bago umupo. “Salamat po,” sabi ko kahit na pakiramdam ko ay sasabog na ang dibdib ko sa sobrang kaba.
“How are you feeling, Ellen?”
Nag-angat ako ng paningin nang marinig ang boses ni Kuya Nico. “Maayos na po ang pakiramdam ko, Kuya. May sinat pa naman ako pero iinom naman ako ng gamot mamaya.”
“Good. Mateo told me.”
“P-Po? Ano po ang sinabi?” nahihintakutan kong tanong. Baka kasi sabihin ni Kuya Mateo ang nangyari sa office niya. Mapagalitan talaga ako.
“Hmm. You should stop pressuring yourself. Hindi nakakatulong. Magkakasakit ka lang niyan,” aniya. “Just relax.”
Tumango ako. “S-Sige po,” sabi ko. Tumikhim pa ako dahil parang lahat sila ay nakatingin sa akin.
Tahimik lamang akong kumakain at panaka-nakang nakikinig sa mga pinag-uusapan nila. Matapos akong kumain ay nagpaalam na ako. Kanina ko pa napapansin ang isang titig. Alam ko naman kung sino ang nagmamay-ari nito pero hindi ko siya matingnan.
Pasimple akong sumulyap at napansin kong nakatingin sa aking leeg. Wala sa sarili kong hinawakan ang kuwentas na suot ko.
“That suits you,” pabulong niyang sabi.
Tipid akong ngumiti. “Salamat.”
“Hmm?” Nagugulat kong nilingon si Ate Samantha nang magsalita siya. “Bakit ka nagpapasalamat, Ellen?” nagtataka niyang tanong.
“P-Po?”
“May kausap ka bang engkanto?”
“P-Po? Wala po!” mabilis kong sagot.
“Ay, talaga? Narinig kasi kitang nagpasalamat. Wala ka namang kausap, ah.”
“Hmp! Imahinasyon mo lang ’yon, Ate,” rason ko pagkatapos ay nagpunas ako ng bibig.
“Ay, ganoon ba? Mukhang kulang yata ako sa tulog. Kailangan ko na rin sigurong magpahinga,” aniya. Nakasimangot niyang nilingon si Kuya Nico. “Ikaw naman kasi,” paninisi niya pa kaya natawa kaming lahat lalo na at nakakunot na si Kuya Nico.
“What did I do?”
“Pinupuyat mo ako,” nakasimangot na reklamo ni Ate Samantha. Natawa ang lahat dahil sa reaksyon ni Kuya Nico. Humahaba ang nguso dahil sa sinabi ni Ate Sam.
Habang kumakain sila ng desserts ay nawalan na ako ng gana. Tumayo ako at nagpaalam na. “Kailangan ko na pong magpahinga. Mauuna na po ako sa inyo.” Yumuko muna ako bago naglakad paakyat sa aking kuwarto.
“Hmm. It’s past eight. I need to go,” rinig kong sabi ni Kuya Gio kaya napahinto ako sa pag-akyat sa hagdan.
“Talaga? Naku! Hindi mo kinain ang dessert mo,” ani Ate Sam.
“It’s fine. Busog naman ako. Masarap pa rin talaga ang luto ni Manang Nuring.”
“Mambobola ka pa rin, Iho.”
“Salamat sa hapunan, Manang.”
“Walang anuman. Aalagaan mong mabuti ang inaanak ko,” makahulugang sabi ni Manang Nuring. Nagmadali ako sa pag-akyat sa aking kuwarto.
Baka mamaya ay mahalata nilang lahat ang nangyayari sa buhay ko. Kailangan kong mag-ingat. Kaagad kong isinara ang pinto ng aking kuwarto pero hinayaan kong nakabukas ang lock ng pinto sa balkonahe. Nagbabakasakali ako na aakyat siya.
Nagpalit ulit ako ng pantulog at nahiga sa kama. Walang pasok bukas dahil araw ng sabado. Kanina pa nagte-text sina Stella at Mika pero wala akong sinasagot sa kanilang dalawa.
Alam ko kasing kukulitin nila ako.
Mabilis kong nasagot ang tawag nang tumunog ang aking cellphone. “Love?”
“Ha? Anong love, ha?”
Gulat kong tiningnan ang pangalan sa screen. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko. “S-Stella?”
“Oo, shunga! Umayos ka riyan! Bakit may pa-love-love ka na, ha?”
Natawa ako nang mahina. “Ito naman. Wrong send lang ako, okay?”
“Whatever! So, what happened ba? Gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa inyo ni Mr. Pogi but before that, how are you na pala?”
“Ang dami mong sinabi,” reklamo ko. “Ayos na ang pakiramdam ko salamat sa pag-aalala. Saka, walang nangyari sa amin. Hinatid niya lang ako sa bahay,” dagdag ko.
“Talaga? Tsk! Ang hina mo naman, Ellen!”
“Bakit?”
“Dapat kasi nag-first move ka na.”
Napahagikhik ako. “Kami na,” bulong ko sabay palinga-linga sa paligid.
Kaagad kong nailayo ang cellphone sa aking tainga dahil sa malakas na tili ni Stella. “Really?”
“Oo.”
“Congrats! What? Totoo ba talaga? Baka naman mamaya, assuming ka lang.”
“Hmp! Totoo ang sinasabi ko,” usal ko.
“Edi, tuwang-tuwa ka naman?”
“Sino ba naman ang hindi matutuwa?” tanong ko. “Ang guwapo niya tapos makisig pa.”
“But he’s too old for you, Ellen. Pero, bagay kayo.”
Natigilan ako pero kaagad ding napangiti. “Ayos lang. Ang importante ay mahal ako,” sabi ko.
“Mahal agad? It’s too early for that, Ellen. Be careful about what you feel, ha. I don’t want you to get hurt.”
Tumango ako. “Salamat, Stella. Hindi ko makakalimutan ang payo mo.”