IBINAGSAK ko naman ang katawan ko sa malambot na kama. Kakatapos ko lang ihatid lahat ng mga order at hindi talaga maiiwasan ang mga bogus buyer.
Kaya ayon si Tigra sa ibaba, halos mag rap na.
Inilabas ko naman ang calling card ni Miss Hart sa bulsa at ilang segundo ko muna tinitigan ‘yon. Inihagis ko naman ito sa sahig dahil parang hindi talaga ako interesado at ewan ko kung papayagan ako ni Tigra dahil tiyak aasarin ako no’n.
“Maging katulong ka April? Eh hindi mo nga alam ang gawaing bahay.” Saulo ko na agad ang sasabihin niya.
“Ano na Tigra? ‘Yong utang mo, sabi mo sa makalawa mo babayaran!”
“Kakabayad ko lang ah!”
Napa-angat ang mukha ko mula sa pagka-subsub sa unan ng marinig ang parang kidlat na boses ni Tigra. May bisita pala siya? Kaya tumayo naman ako at lumabas sa kwarto. Baka maging referee pa ako.
“Sinasabi ko sa ‘yo na huwag kang manghihiram kung hindi mo agad babayaran!” napahilot naman sa noo ang kapatid ni Tigra na may maraming nakalambitin na alahas sa katawan.
“Sana hindi ka na lang nagpahiram kung ayaw mong may nangungutang!” hindi magpapatalong pabalik ni Tigra.
Para naman silang batang nag-aaway dahil sa kanilang height. Magkapantay lang silang dalawa kahit nakakatandang kapatid ni Tigra si Lenora.
“Bibigyan pa kita ng buwan. Tao rin ako at nangangailangan ng pera. Kapag hindi mo binayaran ay pasensyahan na lang tayo, Tigra.”
Pagka-alis ni Lenora ay bumaba naman ako upang itanong tungkol sa utang niya. Lakas pa naman nagyabang ‘to noon na nabubuhay s’yang hindi nangungutang. “Tigra, ano ‘yong narinig ko?”
“Mukhang may tenga ka naman,” sarkastikong sabi niya at napa-upo. “Huwag mo na pansinin. Gagalingan ko na lang humanap ng kano.”
“Magkano ba ang utang mo Tigra?” curious kong tanong. Sa mukha niya pa lang ay parang malaki.
“Isang milyon lang naman,” napatingin siya sa ‘kin habang ako ay nakanganga, isang milyon?!
“Kunting kayod lang, mababayaran ko rin ‘yon, huwag mo na alalahanin at huwag kana magbalak maki-alam.”
Bumuga naman ako ng hangin. Paano ako hindi mangingialam? Ang tanda niya na, sixty years old, paano niya mahahanap ang halaga na ‘yon? Bukod sapat lang ang kinikita niya dahil sa paging masungit niya sa customer.
“Bakit ka ba kasi nangungutang na gano’ng halaga?” tanong ko at napatigil. “Dahil ba sa ‘kin?”
Ilang araw din akong nanatili sa hospital ng magising ako at do’n ko lang nalaman na inoperahan pala ako dahil may tubig sa baga ko na ilang oras akong palutang-lutang sa dagat. Mabuti na lang at hindi ako kinain sa mga pating dahil marami rito sa isla ng Leonis.
“Hindi ko naman pinagsisihan na iniligtas kita dahil iniligtas mo rin naman ako. Ngayon ko lang napagtanto na napakaganda pa pala mabuhay at makipag-away sa mga tsismosa.”
Napatahimik ako. Iniwan kasi si Tigra sa kan’yang asawa dahil sa kapabayaan n’yang bantayan ang kanilang anak naliligo sa dagat. Nalunod ito at namatay. Ilang taon rin siya nag-iisa hanggang tumanda, hindi na rin nagpakita ang kan’yang asawa. Sa araw na nakita niya ako sa baybayin ay ‘yon din ang araw na gusto n’yang tapusin ang kan’yang buhay.
“Oh siya, magtra-trabaho pa ako at umakyat kana sa itaas upang makapahinga.”
“Gusto kong magtrabaho, Tigra.”
Nang sabihin ko ‘yon ay patigil siya at napaharap sa ‘kin. “Ano?”
Nilalaruan ko naman ang daliri ko. “Nakakahiya kasi sa ‘yo, hindi naman tayo magkadugo, itinuring mo akong higit pa ro’n. Gusto kong tumulong sa ‘yo Tigra. Mahirap hanapin ang halaga na ‘yon, at may nag-alok sa ‘kin na maging katulong sa syudad.” Sumagi sa isip ko si Miss Hart.
“Hay naku, April! Magagawan ko naman ng paraan at maging katulong? Ikaw?!” ‘Yan na ang panunuya n’yang tinig.
“Hindi rin kasi ‘yan, Tigra. Gusto ko ring gawing oportunidad. Baka…mahanap ko rin ang pamilya ko do’n at maka-alala.”
Baka isa pala akong anak ng isang mayaman edi bahala na kung mangarap akong gising, upang mababayaran ko na ang utang ni Tigra kung sakali.
Napatahimik naman siya. “Ang sa ‘kin lang ay pag-isipan mo muna ‘yan, huwag kang padalos-dalos, ‘tsaka baka hindi mo kayanin.”
Hindi nga ba?
INILAGAY ko naman ang isang kamay sa pisngi habang tinitingnan si Tigra sa ibaba na nakikipag-away sa kapitbahay.
Nalaman kasi nito ang ibinigay na pritong manok ni Tigra ay manok pala nila na nawawala. Ewan ko kung bakit nalaman, basta-basta na lang sumugod ito.
“Hindi nga masarap manok niyo! Paano ko naman lulutuin ‘yon?!”
Napasinghap ang kaedad lang ni Tigra habang nasa likuran nito ang asawa na si Manuel. “So niluto mo nga Tigra?!”
“Aba pasalamat ka na lang diyan dahil binigyan ko pa kayo!”
Marami nanonoud sa kanila ngayon lalo na ang mga tsismosa na nakadaster habang may hawak na walis tambo.
Inilabas ko naman ang lumang cellphone na ibinigay sa ‘kin ni Tigra at pinulot ang calling card ni Miss Hart. Bahala na! Ilang beses kong pinag-isipan ‘to pero gusto ko talagang makatulong kay Tigra!
“Kulang na lang ng isa nga! Ang kulit! Tawag ng tawag!”
“H-Hello, Miss Hart?” sabi ko sa kabilang linya dahil parang may iba itong inaasahan.
“Napatawag ka? So its means gusto mong magtrabaho?”
Bumuntong-hininga ako. “Oo, at dederitsuhin na kita na hindi ko alam gumawa ng gawaing bahay kaya...”
Napatawa ito kaya napatigil ako.
“Don’t worry, gaya ng sabi ko, magbabantay ka lang ng aso. Hindi naman katakataka sa kagandahan mo, mukhang senyorita ka lang sa bahay.”
Hindi ko na lang pinansin ang huling sinabi niya. “At puwede ko bang malaman kung magkano ‘yong sweldo?”
“100 thousand buwan-buwan.”
“Ha?” hindi makapaniwalang sabi ko. Ang laki naman pero ba’t nagrereklamo pa ako? Mabuti na nga malaki upang maka-ipon ako at makabalik agad ako sa isla.
“Dear, maraming aso ang babantayan mo. Gulat ka ba?”
Akala ko isa lang. Paano kung makagat ako? Hindi pa naman ako animal lover…pero kapag naiisip ko ang utang ni Tigra ay bahala na!
“Payag na ako.”
“Good! Good! Magkikita na lang tayo sa port. Alas siyete ang alis sa bangka upang maabutan pa natin ang barko sa kabilang isla. Sagot ko na pamasahe mo pati pagkain!”
Mabuti na lang upang hindi na magbigay pa sa ‘kin si Tigra.
“Uhm…hindi na ba kailangan ng papeles? Wala kasi akong birth certificate o ano man lang.”
“Ano ka ba! Hindi ka naman mag-apply sa company! Understanding naman ang maging amo basta mabait ka lang at masipag!”
Napatango ako. “Salamat nga pala, kailangan ko kasi ng pera.”
“Don’t worry, nasa tamang tao ka. Hihintayin kita bukas!” ibinaba niya naman pagkatapos.
Bukas na ang alis ko. Ang bilis naman. Lumapit naman ako sa closet at inilabas ang bagahe.
“KAILANGAN mo bang gawin ‘to?”
Napatingin ako kay Tigra habang inalagay ko ang mga dadalhin kong damit. Ilang ulit niya ring tinanong ‘yan. Ipinaliwanag ko na sa kan’ya tungkol sa pag-alis ko bukas at mukhang wala na s’yang magagawa.
“Uuwi rin naman agad ako kapag naka-ipon na o…baka maalala ko na wala na pala akong pamilya.”
Napatingin naman sa kawalan si Tigra. “Ang bilis mo namang umalis. Basta mag-iingat ka ro’n April at kapag nakaalala kana, balitaan mo agad ako.”
“Oo naman!”
“Asikasuhin ko muna ang kusina at bumaba kana pagkatapos.”
Tumango lang ako kay Tigra at isinilid ang iba kong damit sa pangalawang bagahe.
Pagkatapos ko ay bumaba na ko at nadatnan ko si Tigra na kakapasok lang habang may hawak na bond paper sa kamay.
“May mga adik na namimigay nito sa labas, mga mukhang dayuhan. May hinahanap silang tao rito pero wala namang maipakitang mukha.”
Kinuha ko maman nasa kamay niya. “Missing to ah.”
Nakalagay kasi sa poster na missing tas wala namang mukha nakalagay, pati pangalan wala, pero malaki ang rewards kung sino makakahanap.
“Marami silang naglilibot kaya huwag kang lalabas, delikado baka mga adik.”
Nanatiling napatitig ako sa poster. Bakit parang kinakabahan ako?
HIMALA at hindi na nanghaharana si Nikolas sa umaga kaya inayos ko naman ako sa sarili dahil ilang oras na lang ay maiiwan ko na si Tigra.
Bawat kilos ko ay bumibigat ang pakiramdam ko at nalulungkot para kay Tigra dahil mag isa na lamang siya dito sa bahay.
“Kumain kana…” walang ganang sabi ni Tigra pagkadating ko sa kusina.
“Ihahatid mo ako Tigra?” pilit kong pinaligaya ang boses.
“Malamang sa dala mo ba naman ay kulang na lang dalhin mo rin itong bahay.”
Napangiti ako at umupo. “Nakakamiss naman ang paging masungit, Tigra.”
“Kumain kana! Akala mo naman mawawala.”
Napatawa na lang ako ulit at nilantakan ang pagkain. Nauna namang natapos si Tigra dahil mukhang magbibihis pa siya.
Inilagay ko naman ang dalawang bagahe sa likuran ng kotse. Kotse ‘to sa dating asawa niya pero nakatambak lang sa garahe dahil hindi marunong magmaneho si Tigra.
Nagtataka rin ako sa sarili dahil alam ko ba naman kung paano magmaneho ng kotse.
“Wala kana bang nakalimutan?”
Umiling ako nang nakapasok sa driver seat. “Wala na.”
Tahimik naman akong nagmaneho at napasulyap kay Tigra na sobrang taas ng nguso ngayon. Hanggang nakarating kami sa port kung saan na may maraming bangka.
“Teka, sino magdra-drive nitong kotse pauuwi?” napasapo ako sa noo. Biglang nawala sa isip ko ‘yon.
“Huwag kana mag-alala. May mahahanap naman akong lalaki diyan na magmamaneho.”
Lumabas na ako sa kotse at pumunta sa likuran upang ibaba ang bagahe. Nakita ko naman si Miss Hart na naninigarilyo na nakatingin sa dagat.
“Ikaw ba ang recruiter?!”
“Nakakagulat naman!” napalingon sa ‘min Miss Hart dahil sa mabagsik na boses ni Tigra.
“Alagaan mo ‘to ah! Hawak ko pamilya mo!”
“Ehh…” hindi naman makapagsalita si Miss Hart dahil sa kamao na nasa harapan niya.
“Tigra!” saway ko nito.
“Tawagan mo ako agad kapag may problema April. Handa kitang singhalan.”
Napangiti ako. “Oo naman Tigra. Sana maging mabait kana sa kapitbahay natin.”
Ngumiwi lang ito.
“Halikana, aalis na ang bangka.”
Napatingin muli ako kay Tigra bago sumunod kay Miss Hart na umakyat sa bangka.
“Tigra, babalik ako!” sigaw ko habang papalayo ang bangka ay unti-unti namang naging maliit si Tigra sa paningin ko.
Tatlong oras rin bago kami nakarating sa malaking port. Sumakay naman kami agad baka mapag-iwanan pa.
“First time mo lang ba?”
Nahihiyang tumango ako kay Miss Hart kasi panay tingin-tingin ako kung saan-saan.
Ilang oras din at lumubog na ang araw, padunggo na rin ‘yong barko na sinakyan namin. Nakikita ko naman ang mga matatayog na gusali.
“Mabait ba ang maging amo ko?” tanong ko kay Miss Hart palabas kami sa barko.
“Oo naman mabait.”
Naglakad naman kami patungo sa itim na van na ikinatataka ko dahil may dalawang lalaki na may malalaki ang katawan na nakasandal sa van.
“Ahh Miss Hart?”
Ngumiti siya sa ‘kin kaya kinalibutan naman ako. “Pasok kana April, sila magdadala sayo sa maging amo mo.”
“Ha? Hindi ka ba sasama?”
Hindi naman ako pinansin ni Miss Hart at napatingin sa dalawang lalaki. “Kunin niyo na.”
Nabitawan ko naman ang dala ko nang magsimulang lumapit ang dalawa. Teka, naguguluhan ako!
“Teka! Miss Hart! Ano ‘to?!” hinawakan naman ako sa magkabilang braso.
“Sorry, trabaho lang. Dalhin niyo na sa black market upang mabenta.”
May inilagay namang panyo sa ilong ko na sapat unti-unting dumilim ang paningin ko. Hindi ko na-isip na isa pala itong scammer!