CHAPTER 2 - SYJUCO SHIPPING

1850 Words
        "Xander, behave ka sa school ha. Wag kang makipag-away." bilin ko dito habang binibihisan ko.         "Yes, Mommy."         "Okay na. Pogi na ang Xander ko." nakangiti kong sabi habang sinusuklayan siya.         "Mommy, bakit di kita kamuka?" inosenteng tanong nito.         Napatigil ako. Eto iyung mga tanong na iniiwasan ko.         "Sinong nagsabi sa iyo niyan?" tanong ko dito.         "Si Tenten, yung classmate ko."         "Magkamukha kaya tayo! Kaya lang si Mommy, girl. Ikaw naman  boy." nakangiting paliwanag ko dito.         Para namang nahulog ito sa malalim na pag-iisip habang nakatitig sa akin.         "O sige na. Male-late ka na sa school. Alis na kayo ni Ate Carla." inakay ko na ito palabas ng kuwarto.         "Carla, wag mong pabayaan itong alaga mo ha." bilin ko sa kanya.          "Opo, ate." sabi naman nito.         Si Carla ay teenager na anak ng kapitbahay namin. Panganay sa limang magkakapatid. Naawa ako sa kanya dahil huminto na ito ng high school dahil kapos sila sa pera.         Hatid-sundo niya si Xander sa Preparatory School nito, tapos ay sasamahan niya sa bahay pagka-uwi nila. Pagdating ko naman sa hapon, saka siya uuwi sa kanila. Naalala ko tuloy si Mommy noong kaming dalawa lang sa Dubai noon. Ang hirap pala magng single mother.          Bilang pagtanaw ng utang na loob kay Carla, ini-enroll ko siya sa Tesda bilang kapalit na din ng paninilbihan niya sa amin. Tuwing Linggo lang naman ang pasok niya maghapon.         Mula nung umalis ako sa amin at namuhay na mag-isa ay maraming namulat sa akin. Malayong malayo sa nakasanayan kong buhay. Naisip ko kung gaano ako kaswerte sa buhay ko. Kung gaano ako kamahal ng pamilya ko. Pero sa kabila nun, kahihiyan pa ang ibinigay ko sa kanila.         Mabuti na lang at nakilala ko si Alex Syjuco. Hindi kami mabubuhay ni Xander kung hindi sa kabutihan ng lalaki. Nagtatrabaho ako sa isang Japanese restaurant. Limang buwan na ang pinagbubuntis ko pero hindi pa naman masyadong halata. Ganun daw yata pag itinatago maliit lang magbuntis. Noong gabing yun, kapansin-pansin ang pagpasok sa restaurant ng grupo ng mga kalalakihan. Puro mga naka three-piece suit. Kaya base sa mga bihis nila, mahuhulaan mong pawang mga businessman sila. Bago ako lumabas para magserve sa kanila, sinigurado kong hindi ko sila mga kilala. Mahirap na kung may makakilala sa akin at makarating kay Daddy. Maayos ang naging takbo ng usapan nila. Naririnig ko kasi sa tuwing babalilk ako sa mesa nila para magdala ng orders nila.Tapos na silang magsikain nang mapansin kong may pinipirmahan iyong ilan sa kanila na mga dokumento. Nagpatuloy lang ako sa pagliligpit sa mesa nila. Maya maya ay nagsi-alisan na sila. Patapos na akong magligpit sa mesang inalisan nila nang may mapansin akong brown envelope sa ilalim. Binuksan ko ito at may nakita akong dokumento tungkol sa merger ng dalawang kumpanya. Isang kumpanya dito sa Pilipinas at isang kumpanya mula Japan. Nagmamadali akong lumabas kahit hirap na para sa akin, pero hindi ko naabutan ang mga sasakyan nila. Mabilis na itong nakaalis. Bumalik na ako sa loob ng restaurant at itinabi na muna sa locker ko ang envelope. Nang matapos ang shift ko at nagpalit na ako ng damit ay nagpagtuunan ko ng pansin ang brown envelope. Kinuha ko ito mula sa locker ko at saka binuksan. Hinanap ko doon sa dokumento ang maaaring pangalan ng kumpanya at address nito. Syjuco Shipping.. Bilang anak ng negosyante, alam kong importante ang dokumentong ito para sa kumpanyang nakasaad dito. Kahit papaano ay pamilyar ako sa mga ganito. Bilang panganay na anak ni Judd Madrigal, noon pa mang High School ako ay unti-unti na akong sinasanay ni Daddy sa negosyo. Kailangan kong maibalik ang envelope na ito sa may ari. Sabado pa naman bukas. Maaaring sarado ang opisinang ito. Ayokong magbakasakali. Limitado na lang ang allowance na hawak ko. Ilang araw pa ang hihintayin ko bago ang susunod na sahod. Isa pa, hindi ko pwedeng bawasan ang perang para sa panganganak ko. Mas lalo namang walang pasok tiyak ang opisina pag Linggo. Tutal day off ko naman sa Lunes, dun ko na lang ibabalik ito. Magastusan man ako ay sahod ko na din naman sa araw na iyon. KINALUNESAN, maaga akong umalis ng bahay para puntahan yung address ng naturang opisina. Mabilis ko naman itong nakita. Ilang buwan pa lang ako dito sa Cebu pero halos galugad ko na ang mga lugar dito noong naghahanap ako ng pwede kong mapapasukan. Alas-siyete y medya pa lang ng umaga ay narito na ko sa Syjuco Shipping. Wala pa daw tao sa loob sabi ng naka-duty na guard. Binigyan naman niya ako ng pansamantalang upuan habang naghihintay. "Salamat, Kuya," sabi ko. Mga alas-otso na nang mag -umpisang magdatingan ang mga empleyado kaya kinausap ko na ang guard. "Kuya, mga anong oras dumarating si Mr. Syjuco?" "Si Mr. Syjuco? Yung may ari nito?" Tumango lang ako. Siguro. Iyon ang nakita kong nakapirma dito sa dokumentong hawak ko eh. Alex Syjuco. "Ano bang kailangan mo kay boss? May appointment ka ba sa kanya?" tanong pa ni Kuyang Guard. Umiling ako. "Naku, hindi basta-basta nakakausap iyun. Kailangan may appointment ka." "Ganun po ba? Importante po kasi iyung ibibigay ko sa kanya." Pinagmasdan ako nung guard at sa huli ay dumako ang tingin nito sa maumbok kong tiyan. At saka may malisyang tiningnan uli ako sa mukha. "Dumaan ka muna sa secretary niya. Si Ms. Carina. Ituturo ko sa iyo mamaya pag dumating na." Naiiinis man ako sa nakita kong uri ng tingin niya sa akin ay nagpasalamat pa din ako. "Upo ka muna sa may lobby. Malamig dun kumpara dito." pambawi niya sa akin. "Okay na po ako dito. Para makita ko agad yung Ms. Carina." sagot ko sa kanya. "Bahala ka." MAY fifteen minutes na din akong naghihintay at medyo nangangalay na ako sa pagkakaupo nang sabihan ako nung guard. "Andyan na si Ms. Carina." Lumingon ako sa mga dumadating na empleyado at pilit sinino kung sino sa mga iyun si Ms. Carina. "Mam, may naghahanap po kay Mr. Syjuco..." sabi ng guard sa babaeng siguro ay nasa mid 40s ang edad at saka ako inginuso nito. "Ako ang secretary ni Mr. Syjuco, anong kailangan mo sa kanya?" nakita kong tumingin ito sa tiyan ko, at saka kumunot ang noo. Tumayo ako. "Uhm...mam, si Xandra po ako. May ibibigay lang po ako sa kanya." kiming sabi ko.  Parang nahuhulaan ko kasi kung ano ang nasa isip niya base sa pagkakahagod niya ng tingin sa tiyan ko. "Asan? Pwedeng ako na lang ang magbigay." sabi nito. "Ano po. Kung pwede po sana personal kong ibigay..." Mahirap na. Baka mamaya, hindi pa makarating doon sa may-ari itong mga dokumento niya. "Puno ang schedule ng boss ko ngayon. Kabi-kabila ang meeting niya. Baka hindi kita maisingit sa schedule niya." "Sandaling sandali lang ito, Mam...may iaabot lang po ako sa kanyang importante." pagmamakaawa ko. "Ako na nga lang ang magbibigay sa kanya." Umiling ako. Mahirap na. Napaka-importanteng dokumento nito. Baka hindi niya maibigay. O ma-misplace. "Pasensiya na, Mam pero gusto ko po sanang ako mismo ang mag-abot kay Mr. Syjuco. Pagka-abot ko aalis na din ako," sabi ko pa. "Bahala ka. Maupo ka muna sa reception area. Mga ten pa siguro yun dadating." masungit na sabi nito, at saka ito pumasok na sa loob ng building. Pumunta ako sa reception area at saka naupo doon. Nagbasa-basa muna ako ng mga magasin na nakapatong sa center table. Maya-maya ay nakaramdam ako ng pagkalam ng sikmura. Buti na lang at naisipan kong magbaon ng biscuit at mineral water. Pasimple ko itong dinukot sa bulsa ng bag ko at pasimple ding sumubo. Sinilip ko ang wrist watch ko at nakita kong Ten o' five na. Tumayo ako at saka lumapit sa receptionist para magtanong. "Miss, pakitanong naman po kay Miss Carina kung dumating na si Mr. Syjuco." "Sandali tawagan ko ha," saka ito ngumiti sa akin. Nag-dial ito at saka may kinausap. Maya-maya ay ibinababa na nito ang telepono niya. "Miss nasa meeting na daw po si Mr. Syjuco." sabi nito. "Ganun ba?" dismayado kong sabi. Bumalik uli ako sa kinauupuan ko kanina. Magtatanghalian na kaya kumakalam na ang tiyan ko. Wala sa loob ko na nahimas-himas ko pa ang tiyan ko. Kumuha uli ako ng biscuit sa bag ko. Pwede nang pagtiyagaan muna to. 11:45 nang lumapit uli ako sa receptionist. "Miss, pasensiya na. Bakasakali lang na pwede ko na maiabot itong envelope kay Mr. Syjuco." sabi ko, at saka ko inilabas ang brown envelope mula sa bag ko. Bumuka ang bibig nito na parang may sasabihin. Pero nang namasdan ako ay parang biglang nagbago ang isip niya. "Sandali. Tawagan ko uli si Mam Carina." sabi nito, sabay ngiti. Pinagmasdan ko uli to habang nagda-dial sa telepono sa harap niyia. Mayamaya ay tumingin ito sa akin na para bang nahihiya sa akin. "Miss...nagla-lunch daw ang President eh. Ayaw paabala ni Mam Carina..." "G-Ganun ba...s-sige. Patapusin ko na lang mag lunch." Halos naiiyak na ako nang bumalik na ako sa sofa doon sa reception area. Dumukot uli ako ng biscuit para pangtawid sa gutom na nararandaman ko. Parang hindi na kakayanin ng biscuit iyong gutom ko! Ala-una na nang maisipan kong pumunta uli sa receptionist. Medyo hindi na maganda ang pakiramdam ko. Nanlalamig na ako at panay-panay na ang kalam ng tiyan ko. "Miss..." Tila naman naaawa na iyong babae sa akin, kaya hindi pa ako tapos magsalita ay ngumiti ito at saka nag-dial. Nakita ko pa itong napangiwi. "Miss... ano ba kasing iaabot ko kay Sir? Baka pwedeng ako na lang? Natarayan na kasi ako ni Mam Carina..." malungkot nitong sabi. "Naku, Miss! Pasensiya na. Pero gusto ko lang talaga makasigurong personal kong maiaabot ito kay Mr. Syjuco. Yun lang tapos aalis na ko." Biglang bumukas ang elevator at may lumabas na aristokratang babae na nasa 50s na ang edad. Dere- derecho itong naglakad papunta sa akin. Saka ko lang napansin si Ms. Carina sa likuran nito. "Ikaw ba ang babae ng asawa ko?!" malakas ang boses na tanong nito sa akin. Namilog ang mga mata ko. "Po?" yun lang ang nasabi ko. Napatingin pa ito sa tiyan ko. "Sa kanya ba ang batang iyan?" pulang pula na ang mukha nito sa galit. "Nagkakamali po kayo. May gusto lang po akong ibigay kay Mr. Syjuco.." at saka ko inilabas ang brown envelope mula sa bag ko. Napansin kong nakakaagaw na kami ng atensiyon mula sa mga tao dun sa lobby. At nakadagdag pa iyun sa masamang pakiramdam ko. Bigla niyang hinablot sa kin ang envelope. "Ano to? DNA test ba ito ng batang yan? Magkano ang kailangan mo para layuan mo ang asawa ko?" mataray na sabi nito sa akin. Napansin ko ang mga nagbubulungang mga tao sa paligid namin. Pati si Ms. Carina ay nakaismid sa akin. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong pagkapahiya sa buong buhay ko. "Ko-kontrata po yan ng merging ng company nio sa Japan Shipping. N-naiwan po sa restaurant nung nagpirmahan sila dun. Ibabalik ko lang po..." nanginginig kong sabi. Hindi ko alam kung dahil sa pagkapahiya o dahil sa gutom na nararamdaman ko, bigla na lang nag-black out ang paningin ko. Ang huli kong narinig ay sigaw ng mga tao. ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD