Wala sa huwisyong nagpatianod ako sa paghila sa akin ni Rave.
Tinulungan niya akong makaupo sa pabalik sa sofa.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makahuma sa pagyakap niya sa akin. Mabuti na lang talaga at madilim pa rin sa buong kabahayan, kundi ay makikita niya ang pagiging kamatis ng mukha ko sa sobrang pagkabigla.
Ayaw ko nang pangalanan pa kung ano itong nararamdaman ko sa aking dibdib. Natatakot ako, sa totoo lang. Ngayon pa lang ay parang gusto ko nang umalis at bumalik sa anak ko.
Mas makakabuti ang lumayo. Kaysa ang hayaan ko ang ganitong sitwasyon.
"Are you sure you're really okay?" bigla ay tanong niya pagkaraan ng mahabang pananahimik.
Napalingon ako sa kanya. Nakita ko ang pag-aalala niya sa akin. Nakaupo siya sa kanyang sakong.
Napasinghap ako. "S-Sir, basang-basa kayo!"
Mukhang natauhan din siya sa aking sinabi at ngayon lang napagtanto ang kanyang hitsura. Nakasuot siya ng corporate attire pero heto siya at tila isang basang sisiw na pinagkaitan ng masisilungan.
"Nagmadali kasi ako pauwi. Hindi ko na napansin," katwiran niya. Halata na sa boses niya ang pangangatog.
"Saglit lang po. Ikukuha ko kayo ng pamalit." Akma akong tatayo ngunit bigla naman kaming nagkasabay.
"Ako na— aw!"
Pagkatayo ko ay sakto namang nawalan ako ng balanse at naitulak si Rave. Hanggang sa pareho kaming nabuwal sa sahig. Nauna ang likod niya na bumagsak kasabay ng pagkakadagan ko sa kanyang katawan.
Kapwa kami naghahabol ng hininga. Amoy na amoy ko ang mabango niyang hininga at ang pabango niya na hindi nagbabago.
Napaangat ako ng tingin. Napako ako sa aking pwesto nang makita sa kadiliman ang nagsusumamo niyang mga titig. Parang gusto kong magsisi na nag-angat ako ng tingin sa kanya.
Tila nanumbalik ang lahat ng alaala noong una ko siyang nakilala.
"S-Sir..." Akma akong babangon ngunit bigla niya akong pinigilan.
Hinigit niya ang braso ko. Mas lumalalim ang kanyang paghinga. Animo'y nakikipagtalo sa sarili.
"S-Sir Earl..."
"You stay here. I'll get my own things..." bulong niya.
Wala na akong nagawa kundi ang mapatango. Ayaw ko nang makipagtalo at baka ako pa ang magkamali ulit.
Mabilis akong bumangon. Sumunod na rin siya at mabilis akong iniwan. Umupo ako pabalik sa sofa at doon nakahinga nang maluwag.
Napahawak ako sa aking dibdib at napapikit nang mariin. "Bwisit ka talaga, Leen! Bakit kasi ang tanga-tanga mo?" lihim na angil ko sa aking sarili.
Nagtagal si Rave sa kwarto niya. Marahil ay naligo na rin siya. Minabuti ko na lang na magtungo sa kusina at naghanda ng kape. Nag-init ako ng tubig sa kaserola. Hinanda ko ang dalawang mug at nilagyan ng kapeng barako na naaayon sa nais kong timpla. Ginawa ko rin ang timpla ng kape ayon sa gusto ni Rave.
Maya-maya ay bumaba na siya. May hawak pa siyang towel at pinapatuyo ang kanyang buhok. Nakasuot siya ng isang maluwag na t-shirt at shorts na pambahay. Sobrang comfy ng hitsura niya at hindi ko maiwasang hindi humanga.
Kahit sa madilim na paligid ay hindi maitatago ang kagwapuhan at kakisigan ng amo ko. Mas lalo siyang naging charismatic kumpara noong huli ko siyang nakita.
Ngayon ko lang napagtanto na mas marami palang namana si Yen-yen sa kanya kaysa sa akin. Ang mga mata at ngiti ng anak ko ay kawangis ng sa kanyang ama.
Kung nasa ibang sitwasyon lang siguro kami ay naging isang masayang pamilya kami. Pero sino ba naman ako para mangarap nang gising?
Heto ang realidad. At ang realidad na ito ay walang siya at ako. Tanging ako lang at ang anak ko ang mayroon ako. Wala nang iba.
"Lena, what's wrong? Bakit ka umiiyak?" Mabilis na nakalapit si Rave sa akin habang gagap ang aking baba. Bahagya niya itong kinabig pataas upang makapag-angat ako ng tingin sa kanya.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin at nagpunas ng mga luha. "Ahh... wala po ito, Sir. Napuwing lang po ako. Okay na po ako. 'Wag po kayong mag-alala," sabi ko habang nag-iiwas ng tingin. "Heto na po ang kape ninyo, Sir. Magpainit po kayo at naulanan pa naman kayo."
Lumayo ako sa kanya at inilapag ang kape sa may pwesto niya. Sumunod naman siya at naupo.
Naging tahimik lang ako habang umiinom ng kape. Ayaw kong magbukas ng anumang topic dahil lumulubog pa rin ako sa kahihiyan na ginawa ko kanina.
Maya-maya ay napatikhim siya. "May asawa ka ba talaga, Lena?"
Napaubo ako sa kanyang tanong. Sakto pa talagang umiinom ako ng kape. "Aw! Aw!" Napuno ng daing ang kusina dahil sa pagkakapaso ko. Tumapon kasi ang iniinom ko. Kumalat ito sa mesa at natapon sa may hita ko.
"s**t! Are you okay?" Mabilis na nakarating si Rave sa tabi ko at tinulungan akong ayusin ang natapon na kape. "Don't move! I'll handle this..."
"P-pero..."
"Just stay there!" pinal na utos niya, saka mabilis na nawala sa paningin ko.
Kumuha siya ng basahan at pinunasan ang nagkalat na kape. Inutusan na lang niya akong ilawan ang daan niya. Habang nagma-mop siya ay wala akong ginawa kundi ang ilawan ang sahig.
"Iinom ka na nga lang, ang reckless mo pa. Wala ka na ba talagang balak na pumirme lang sa isang tabi?" paninermon niya bigla.
"Sorry na, Sir. Nakakabigla naman kasi ang mga tanong n'yo, e. Hindi ako sanay..." lalo at puro kasinungalingan lang ang lahat ng sinabi ko sa'yo!
"Bakit? Masama bang tanungin kita patungkol sa ganyang bagay?"
"Sir, wala pa rin po ba kayong tiwala sa akin? Isang buwan na ako sa inyo. Ngayon n'yo pa ba ako pagdududahan?"
Pagkatapos mag-mop at maghugas ng kamay ay bumalik na si Rave sa pagkakaupo. Pero hindi na siya umupo sa dati niyang pwesto. Laking gulat ko nang sa mismong katabi kong upuan siya umupo!
Mas inilapit pa niya ang upuan sa akin at mataman akong pinagkatitigan.
"Paano kung sabihin ko sa'yo na hiwalayan mo ang asawa mo? Gagawin mo ba 'yun?"
"P-po?!" Napalakas ang tanong ko sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko habang nakatunghay sa kanyang seryosong mukha. "Sir, nagbibiro po ba kayo ngayon?"
"Oo o hindi lang ang sagot, Lena. Hihiwalayan mo ba siya kapag sinabi ko sa'yo 'yun?"
Tila umurong ang dila ko sa pagkakataong ito. May ilang beses kong sinubukang ibuka ang bibig ko ngunit walang isang salita ang lumabas mula roon. Napipi na ako at hindi makahuma kung paano ko ipagtatapat sa kanya ang aking kasinungalingan.
Paano ko nga ba hihiwalayan ang isang asawa na hindi naman nage-exist? Lahat naman ng sinabi ko sa kanya ay pawang kasinungalingan.
"Ano? Answer me, Lena..." untag pa niya.
"Sir, hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga tanong mo na 'yan, pero ito lang ang masasabi ko," sa wakas ay naisambit ko sa kanya. "Hindi ko kayang pagtaksilan ang mga taong nakatanim sa puso ko. Kaya kung hinihiling mo na talikuran ko ang mahal ko sa buhay, hinding hindi po iyon mangyayari," pinal na sabi ko sa kanya.
"Damn it!" bulong niya.
"Ano po 'yun, Sir?"
"Makipaghiwalay ka sa kanya." Tila may himig na ng pagbabanta sa kanyang tinig.
"At bakit ko naman po 'yun gagawin? Okay lang po ba kayo?"
"Magiging okay lang ako kung susundin mo ako."
"At paano naman po kung ayaw ko, Sir?"
"You don't want to do it?" Nakita ko sa mga mata niya ang panlulumo.
Hala siya! Adik ba 'to si Rave?
Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Nakainom ba siya?
"Sir, nakainom po ba kayo?"
"Hindi ako lasing o tipsy, Lena. Ni hindi nga ako nakalabas ng sasakyan ko hanggang sa pagbalik ko rito."
"Kung hindi naman po pala kayo lasing, e bakit po ganyan kayo magsalita? Nalilito na po kasi ako sa inyo, Sir. Sobrang sungit n'yo sa akin araw-araw. Tinitiis ko naman po 'yan. Syempre po kailangan ko ng pera.
"Tinitiis ko po ito kasi may matindi po akong pangangailangan. Pero parang araw-araw po kayong may dalaw. Hindi naman po mapili sa trabaho, Sir, e. Mabilis po akong matuto. Maaasahan po ako. Tapos ito pa po sasabihin ninyo? Sir, hindi ko po kayo maintindihan. Parang sobra naman po yata na pati ang personal kong buhay ay pakikialaman n'yo na rin," mahaba kong litanya sa kanya.
"'Di ba sabi mo OFW siya? Ibig sabihin ay malayo siya. Then, break up with him!"
Napatampal ako ng aking noo. Nakaka-stress palang kausap ang lalaking ito. Alin ba sa mga sinabi ko ang hindi niya maintindihan?
"Sir, sige nga... kung ayaw kong makipaghiwalay sa kanya, ano pong gagawin ninyo?"
"So, you won't, huh?" Napangiti siya ngunit halata ang pag-igting ng kanyang panga.
Unti-unti akong nilukuban ng takot. Bahagya pa akong napaatras.
"Damn it! Don't blame me after this..." Walang kagatol-gatol na hinigit niya ako at mabilis na hinuli ang aking labi.
Siniil niya ako ng halik. Isang mapusok at mapaghanap na halik.
Heto na nga ang sinasabi ko...
Tila nanumbalik ang lahat ng alaala na mayroon ako noong gabi na inalay ko ang sarili ko sa kanya. Isang alaala na nagpabalik ng damdamin kong inakala kong napagtagumpayan kong patayin.
At ngayon na sinakop niya akong muli, hindi ko na marahil makakayanan pang magpanggap; na sa loob ng anim na taon ay siya pa rin ang lalaking laman ng puso at isipan ko.