"Sir, alas otso na po nang umaga. Hindi po ba kayo papasok ngayon?" iyan ang unang tanong ko kay Rave.
Kalalabas lang kasi niya ng kwarto niya. Halatang borlog pa ang hitsura at tila nanlalalim ang mga mata.
Napakunot ang noo ko. Maaga naman siyang pumasok sa kwarto at iniwan akong kumakain. Ano bang ginawa ng lalaking 'to at napuyat pa?
"Am I not allowed to take a rest day?" sarkastiko naman niyang balik-tanong sa akin. Pababa siya ng hagdan at dumiretso sa kusina. Binuksan niya ang ref at kumuha ng isang pitsel ng tubig. Mabilis siyang tumungga doon nang walang pasabi.
Kakaloka! Ibang pitsel na lang ang gagamitin ko mamaya.
Napakamot na lang ako ng ulo habang nagba-vacuum. "E, kasi naman nakakapanibago kayo, Sir. Hindi ko naman kayo nakikitang nag-rest day man lang sa loob ng isang buwan na nandito ako. Halos 'di na nga kayo umuwi rito, e. Nakakapagtaka lang naman," patay-malisya kong puna sa kanya.
Napailing si Rave at ibinalik ang pitsel sa ref. "It's none of your business..."
Sungit!
Mabilis siyang sumalampak sa upuan at akmang kakamayin ang pritong chicken na nakalagay sa platito.
Mabilis pa sa alas kwatrong pinalo ko ang kamay niya.
"Hey! Bakit mo ako pinalo? What's with you?" angil niya at salubong ang kilay na tinapunan ako ng tingin.
Akma pa ulit siyang dadakot ngunit inulit ko pa ang ginawa ko kanina.
"Ano ba?!"
"Nagsipilyo ka na ba? Naghilamos ka? Naghugas ka ng kamay? Basta-basta ka na lang uupo d'yan? Sir, mahirap maglinis. Hindi por que ikaw nagpapasweldo sa akin, e magkakalat ka na at hindi didisiplinahin ang sarili mo!" sunod-sunod na bato ko ng salita sa kanya. "Tingnan mo nga 'yang sarili mo. May muta ka pa, Sir!"
Agad namang napahawak si Rave sa kanyang mukha at kinalikot ang gilid ng kanyang mata para kapain ang sinasabi kong muta. Ang totoo ay wala naman siyang muta. Lihim akong natawa sa tinuran niya. Para siyang bata na uto-uto.
"Arggh! Damn it!"
Maya-maya pa ay tumayo na si Rave. Ang akala ko ay pupunta na ulit siya sa kanyang kwarto para maghilamos. Pero ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang bigla siyang sumulpot sa harapan ko.
Walang kangiti-ngiting humarap siya sa akin. "Gusto mo ba talagang masisante ka na ngayon din?" pagbabanta niya.
"Joke lang 'yun, Sir! Ano ka ba naman? Hindi ka na po ba mabiro? Serious na serious ang mukha ninyo, oh!"
"Bakit ba dinidiktahan mo ako? My house, my rules!" asik pa niya at patuloy sa pag-abante papalapit sa akin.
"Sir naman! Ngayon pa ba kayo mananakot? Nakikita n'yo naman na ang linis-linis na sa paligid natin, 'di ba?"
"Do I look like I f*****g care about that, huh?" Lumapit siyang muli.
"Syempre bilang kayo ang may-ari, dapat nagre-reflect sa mga kilos ninyo ang kalinisan sa bahay na ito. Aba, gusto mo pang maging balahura sa lagay na 'to?"
Tila walang narinig si Rave at patuloy lang sa paglapit sa akin. Hindi ko namalayan na umaatras na pala ako hanggang sa mabangga na ang likod ko sa divider at patungan ng TV.
"Ay tipaklong na buntis!" sigaw ko at napapikit.
Hinarang ni Rave ang dalawa niyang kamay at ipinatong ang mga ito sa divider, habang walang emosyon na nakatunghay sa akin.
"You're really something, huh? After all you did, may gana ka pang sabihin sa akin 'yan?" pabulong na tanong niya sa akin. May sinabi pa siya na hindi ko na maintindihan, na parang kinakausap pa niya ang sarili niya.
Ano raw?
"M-may sinasabi kayo, Sir?" patay-malisya kong tanong kahit halos maduling na ako sa sobrang lapit ng kanyang mukha. Ano ba kasing trip ng animal na 'to?!
"Don't test me, Lena. Wala akong tulog ngayon. Baka singilin kita nang di-oras sa pagkapuyat ko," pagbabanta niya pa. Ang bawat katagang sinabi niya ay nanuot sa kaibuturan ko. Pero ang boses niya... hindi tunog-nagbabanta. He sounded so... sexy? Seductive?
Gosh! Ano ba itong mga naiisip ko?
Focus, Leen! Focus! 'Wag kang tumingin sa lips. 'Wag doon!
Ilang beses kong ni-remind ang sarili ko pero huli na. Tila namatanda ako sa pagkakita ng kanyang labi na halos gahibla na lang ang pagitan sa akin.
May kanipisan man ang labi ay pouty pa rin ito kung tingnan. Halatang kissable. Iyong tipong nang-aakit at nang-iimbita sa akin na halikan ito. Ilang beses ko na nga bang nahalikan ang labi niya? Hindi ko na mabilang ang mga pagkakataong iyon. Kailangan pa ba? Gayong nakabuo nga kami sa isang gabi lang!
Pinigilan ko ang sarili ko na mapakagat-labi. Napailing ako at nag-iwas ng tingin. Hindi pwede 'to. Hindi ako pwedeng bumigay!
"Why are you looking away now, Lena? Naaakit ka na ba sa akin? Do you find me... attractive now?" Napalunok ako sa tanong niya.
Napaangat na ako ng tingin. Napanganga ako. Bakit ganito ang nababasa ko sa mga mata niya? Pagnanasa? Pagkasabik?
Teka lang... Totoo ba itong nakikita ko? Attracted ba siya sa akin bilang si Lena?
Unti-unting lumalapit ang mukha ni Rave sa akin.
Napapikit ako. Ni hindi ko mautusan ang mga kamay ko na itulak siya. Ano bang nangyayari sa akin? Hindi dapat ganito. Namumuhi ako sa kanya, pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit gusto ko ito?
Palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Ilang saglit akong naghintay ngunit walang labi niya ang lumapat sa akin. Wala akong naramdaman. Sa tagal ng sandaling iyon ay nainip na ako at napamulat ng mga mata.
Doon na lamang ako napanganga nang husto nang mapagtantong wala na siya sa harapan ko. Umalis siya! Iniwan niya ako habang nakapikit.
Kingina! Pinahiya ko lang naman ang sarili ko sa harap niya. Bwisit siya!
Narinig ko ang yabag ng kanyang mga paa na paakyat ng hagdan. Bakas sa mukha niya ang kapilyuhan na kay tagal ko nang hindi nakita. Enjoy na enjoy siya sa pang-aasar sa akin.
Sa nakalipas na anim na taon, ngayon ko lang ulit siya nakita na ganoon ang mga ngiti.
Pero hindi ko makuha man lang na matuwa. The fact na napahiya ako sa harapan niya ay talaga namang nakakakulo ng dugo! How dare he do this to me? Tuwang-tuwa pa ang animal na napahiya ako.
Humanda ka sa akin, Rave. Gagantihan kita!
*****
Natuto na akong kumain na mag-isa.
Sinigurado ko na busog pa ang tiyan ko bago pa man kumain si Rave. Ayoko na talaga siyang kausap. Naba-badtrip lang ako sa tuwing maaalala ang ginawa niyang pang-iinis sa akin kanina. Pagkatapos kasi niyang maligo ay bumaba na siya para kumain ng agahan. Ilang beses siyang sumulyap-sulyap sa akin. Pero hindi ko talaga siya pinapansin. Nang matapos siya ay tumambay na siya sa kanyang mini-library room.
Pagsapit naman ng tanghali, nagpaka-busy na ako sa paghuhugas ng mga inimis kong plato at mga lalagyan, pati na ang mga pinaglutuan ko. Sinadya ko talagang patagalin ang mga hugasin ko para kapag kakain na siya ay magiging busy ako sa gawaing bahay. Bahala siya sa buhay niya! Ayaw ko na siyang kasabay kumain.
"What are you doing?" bigla ay tanong niya.
Napairap ako. Heto na naman siya. Tanong nang tanong ng mga obvious!
Mabuti na lang at nakatalikod ako sa kanya habang naghuhugas ng pinggan. Binuksan ko pa ang gripo para hindi ko siya masyadong marinig.
Hindi ako sumagot sa tanong niya.
That's right, Leen. Galingan mo ang pagiging bingi-bingihan mo!
"I said, what are you doing?"
"Ha? Sir? May sinasabi kayo?" patay-malisya kong tanong. Nilakasan ko ang boses ko para mas convincing na hindi ko siya naririnig.
"Turn off the water faucet," utos niya.
"Ha? Sir? Ano po 'yun?" Bahagya pa akong lumingon sa gilid ko at painosenteng sinulyapan siya.
Nakita ko sa gilid ng mga mata ko ang naiinis na mukha ni Rave.
Butinga sa'yo! Akala mo hindi kita papatulan, ha?!
Hindi ko na siya narinig na umimik. Mukhang sumuko na siya. Ipinagpatuloy ko na lang ang paghuhugas ko.
"Ay, tipaklong na Rave!" Napasigaw ako sa gulat nang makitang may kamay na sumulpot sa gilid ko at pinihit ang faucet.
Ramdam na ramdam ko si Rave sa likuran ko. Halos nakadikit na ang likuran ko sa katawan niya. Tila ba ay niyayakap niya ako sa posisyon naming dalawa.
Ramdam ko ang mainit niyang hininga na dumadampi sa aking batok. Nagtayuan ang mga balahibo ko dahil sa kiliting hatid nito sa aking katawan. Wala sa loob na napapikit ako dahil doon.
"Are you done teasing me, Lena? Sasagot ka na ba sa mga tanong ko?"
"P-po?"
"Hindi ba't tanghalian na? Bakit ako lang ang kumakain sa hapag? Sinabi ko bang maghugas ka habang kumakain ako?" sunod-sunod na mga tanong niya sa akin.
Napalunok ako. "A-ano kasi, Sir..."
"Leave that. Sumalo ka rito..." mariing utos niya. Naramdaman ko na lumayo na siya sa akin at bumalik sa pagkakaupo sa kanyang pwesto.
Nakahinga ako nang maluwag. Muntik na ako doon. Bwisit!
Binanlawan ko na lang ang mga kamay kong puno ng sabon at napilitang sumalo sa demonyo kong amo.
Tahimik akong sumandok ng kanin at ulam. Ramdam ko naman ang malagkit na tingin sa akin ni Rave.
Habang tumatagal ay nao-awkward na ako sa mga tingin niya. Ano ba kasing problema niya?
"From now on, you'll eat with me, understood?" bigla ay sabi niya.
Gusto kong ismiran ang hinayupak na lalaking ito. Noong una ay galit na galit na sumasalo ako sa kanya. Ngayon naman na umiiwas na sa kanya, e bigla namang magbabago ng isip. Siraulong tunay!
"O-opo."
"Aalis ako mamaya. Hindi ako dito matutulog. Make sure to lock doors. Don't talk to strangers. Naiintindihan mo ba, Lena?"
"Yes, Sir..." walang gana kong sagot.
"Good." Tumayo siya pagkatapos uminom ng tubig. "Maiwan na kita..."
Kahit 'wag ka nang bumalik, Sir! 'Wag na!