“MAG-IINGAT kayo sa daan.”
Iniabot na sa akin ni Inay ang dalawang baunan na naglalaman ng aming pananghalian mamaya sa palayan. Ito kasi ulit ang nag-prisintang magluto ng babaunin naming pagkain ngayong araw.
“Opo, ‘nay.”
Isinilid ko na ang mga iyon sa maliit na bag na hawak ko.
“Handa ka na ba, anak?”
Sumulpot ang aking ama at kagaya ko ay nakabihis na rin ito habang bitbit ang mga dadalhin sa bukid. Kabilang na roon ang ilang kamoteng-kahoy na ibebenta muna namin sa bayan bago umuwi.
“Opo, ‘tay,” sagot ko rito.
“S’ya, mauna na kayo at baka maabutan pa kayo ng pagtirik ng araw,” anang Inay.
“Oho. Mauna na ho kami, ‘nay.”
Matapos sabihin iyon ay magkasabay na kaming naglakad ni Itay palabas ng aming bahay. Kumaway pa akong muli sa aking ina na nakatayo sa may pintuan bago tuluyang mapatingin sa aming dinaraanan.
Napahinga ako nang malalim habang nilalanghap ang malamig na simoy ng umaga. Panibagong araw na naman ng maghapong paglalagi sa bukirin. Makikipagbuno na naman kami sa matinding sikat ng araw. Mukhang maaraw kasi ngayon dahil maaliwalas ang panahon. Paniguradong presko ang hangin sa kubo mamaya. Hindi na ako makapaghintay na makapunta ulit doon matapos ang dalawang linggo. Kahit naman kasi nakakapagod ang pagtatrabaho sa palayan ay tila gantimpala na rin ang napakasarap na hangin at katahimikan sa aming munting kubong iyon tuwing naroon kami.
Maaga pala akong nagising kanina. Wala pang alas-kwatro ay nagsimula na akong maghanda ng aming mga dadalhin. Katunayan ay nauna pa akong bumangon kesa kina Itay at Inay. Kadalasan kasi ay sila ang nauunang gumising tuwing magpupunta kami sa palayan. Maliban ngayon dahil masyado akong nasasabik sa araw na ito.
Napatingin ako sa aking amang abala rin sa paglalakad katulad ko. Napakarami nitong dala ngunit parang wala lamang iyon sa kanya. Na tila ba mga papel lamang ang mga dala-dala n’ya. Bukod kasi sa mga kamoteng-kahoy ay buhat-buhat din nito ang water jug na naglalaman ng aming inuming tubig. Palibahasa’y napaka-maskulado ng katawan kaya waring magagaan lamang ang mga iyon sa kanyang naglalakihang mga balikat at brasong namumutok sa masel.
“Anong tinitingin-tingin mo d’yan?”
Mabilis pa sa alas-kwatro akong nag-iwas dito nang bigla na lamang itong magsalita nang hindi ko inaasahan.
“W-wala ho, Itay,” sambit ko habang nakatingin nang muli sa aming dinaraanan.
“Gusto mo na naman ba akong tulungan?” ang natatawa nitong banggit.
Napangiti naman ako nang pilit sabay kamot ng aking batok.
“Gustuhin ko man ho ay alam kong hindi n’yo na rin kailangan ng tulong ko.”
Muli itong napatawa.
“Napakabait talaga nitong binata ko. Mukha lang magaan para sa akin ang mga ito pero nabibigatan pa rin ako, anak. Lalo na kapag matagal akong nagbubuhat. Maskulado ang Itay mo ngunit may limitasyon pa rin itong lakas ko. Pero hindi pa rin kita papayagang tulungan ako ngayon. ‘Di bale nang akong ang mapagod.”
Pinagmasdan ko ang maingat nitong paghakbang. Kita ko ang bahagyang pag-igting ng mga ugat sa braso nito habang mahigpit na nakahawak sa mga dala-dala.
Kahit napapagod ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi nito.
“S-sus, maniwala ako, ‘tay. Nakwento kaya sa ‘kin ni Mang Paeng na ikaw daw ang pinakamalakas na taga-buhat sa plantasyon. Kahit daw dalawang sako ng mga pananim ay kaya mong pagsabaying iangat na parang wala lang,” kwento ko rito kaya muli na naman itong natawa.
“Sabagay, tama nga naman s’ya, anak. ‘Yun ang hindi ko maipagkakaila. Minsan nga ay tatlo-tatlong sako ng mais pa ang binubuhat ko. Kaya nga mas malaki ang sahod ko minsan kesa kina Pareng Rio, eh,” pagyayabang nito.
Napailing na lamang ako habang nakangiti. Likas na may pagka-kwela din talaga ito kung minsan.
Nagpatuloy lamang kami sa paglalakad hanggang sa muli itong magsalita na ikinagulat ko nang husto.
“Nga pala, may nangyari ba sa inyo ng kapatid mo?”
Napalunok ako nang buo nang marinig ko ang mga salitang iyon. Sinubukan kong pakalmahin ang aking sarili upang hindi ako kabahan habang nagsasalita.
“W-wala naman ho, Itay. P-paano n’yo ho nasabi?” maang-maangan kong tugon dito.
“Napansin ko kasing tila nag-iiwasan kayo. Lalo na kagabi habang nag-uusap-usap tayo sa may hapag-kainan. Hindi ako sanay na nagkaka-ilangan kayong dalawa.”
Ilang saglit akong napaisip ng pwedeng isagot dito ngunit sadyang naba-blanko ang utak ko. Paano ko aamining s’ya rin mismo ang rason kung bakit kami nagkakaganoon ng kapatid kong iyon?
“A-ah, wala ho iyon, ‘tay, hehe. Siguro ay masama lamang ang timpla n’ya kahapon. B-baka ayos na rin ho iyon ngayon,” ang aking naging palusot.
Matagal bago ito muling nagsalita. Ilang hakbang din ang binilang ko habang pinipilit na huwag magtunog-kabado sa mga susunod kong sasabihin upang hindi ako nito mahalata.
“Kung may problema kayo, ‘wag kayong mahihiyang magsabi sa akin,” malumanay nitong saad. “Ayokong may dinadala kayong sama ng loob na kayo-kayo lang ang nakakaalam.”
Unti-unti akong napahinga nang maluwag sa isinagot nito.
“O-opo, ‘tay,” mahinang tugon ko na lamang.
Katulad ng aking inaasahan ay hindi na ito nag-usisa pa. Sa halip ay itinuro na lamang nito ang papasikat na araw sa may dulo ng bukirin.
Napakaganda kasi nitong pagmasdan. ‘Sunrise’ o ‘bukang-liwayway’ kung ito ay tawagin. Sandali muna kaming napahinto sa paglalakad upang pagmasdan iyon.
“Magandang senyales ‘yan,” wika ni Itay habang nakatanaw dito. “Kwento ng Lolo ko noon, kapag ganito raw ang umaga, magaan ang trabaho sa bukid.”
Tumango ako at muling napatingin sa marahang paglitaw ng araw mula sa likod ng kabundukan. Tila ba may dalang panibagong pag-asa ang bawat sinag na sumisilip mula rito. Unti-unti nang nagiging kulay ginto at bughaw ang buong kalangitan. Hudyat ng tuluyang pagsisimula ng panibagong araw na puno ng sipag at tiyaga.
Napangiti ako habang pinagmamasdan ang napakagandang tanawin. Sa ‘di kalayuan ay maririnig din ang mga ibon na tila nakikiisa sa pagsalubong sa umaga. Saglit akong napapikit upang damhin ang init ng unang sinag sa aking balat, bago muling bumaling sa aking ama.
“Ang ganda, ‘tay.”
Napatingin din ito sa akin at bahagyang ngumiti nang matamis.
“Kaya nga, anak. Magandang panahon para magtrabaho ngayon. Mukhang hindi uulan,” wika nito.
Isang matamis na ngiti rin ang iginawad ko rito at nagpatuloy na kaming muli sa aming paglalakad sa masukal na daanan patungo sa aming palayan.
Tanging tunog ng aming mga yapak at ang huni ng mga ibon ang pumupuno sa katahimikan. Paminsan-minsan ay may nakakasalubong kaming mga kakilala na papunta rin sa kani-kanilang sakahan at magaan silang bumabati sa amin. Gayundin naman kami sa kanila. Kilala kasing palakaibigan at magiliw si Itay at magaling itong makisama sa mga tao.
“Magandang umaga sa inyo, Karlos,” bati ng isang matandang lalaki na may hila-hilang kalabaw. Kung hindi ako nagkakamali ay si Mang Isagani ito na kaibigan ng namayapang lolo ni Itay.
“Magandang umaga rin ho, T’yong Isagani,” masiglang tugon ng ama ko rito. “Ang laki na ni Dedeng, ah,” baling nito sa malusog na kalabaw ng matanda.
“Oo, itong si Dedeng lang muna ang isasama ko sa sakahan dahil tinamad ‘yung mga apo kong tulungan ako ngayong araw,” sabay tawa nito.
“Ganu’n ho ba? S’ya, mag-iingat ho kayo sa daan. ‘Deng, gabayan mo ang Tatay Isagani mo, maliwanag ba?” paalam ni Itay sa mga ito.
“Salamat, anak. Mag-iingat din kayo.”
Matapos iyon ay kanya-kanya na muli naming tinahak ang daan patungo sa aming mga paroroonan. Magkabilang panig kasi ng malawak na kabukiran nakapuwesto ang sakahan nina Mang Isagani at ang amin. Nakahiwalay ang aming palayan at kubo sa iba pang mga sakahan at kabahayan dahil nasa pinaka-bandang dulo pa iyon. Halos walang bakas ng ibang tao roon at wala rin ibang dumaraan dahil may kalayuan ito sa mga pangunahing daan. Puro luntiang palayan lamang ang makikita mo roon bukod sa malalayong punongkahoy at ang kalangitan. Sa sobrang layo nga nito sa iba, madalas ay pakiramdam ko’y kami lamang ang nabubuhay sa bahaging iyon ng mundo tuwing naroon kami.
Ipinagpatuloy lamang namin ang aming paglalakad at makalipas ang halos isang oras ay sumalubong na ang pamilyar na tanawin ng aming sakahan. Malawak, tahimik, at tila ba walang katapusan ang hanay ng mga palay na marahang sumasayaw sa hangin.
“Andito na tayo, ‘tay,” wika ko sa aking ama, hindi ko na napigilang maitago ang aking saya. Sa wakas ay makakapagpahinga na rin kami.
“Ilalapag pa natin itong mga dala-dala natin sa kubo, anak. Hindi pa tapos ang laban.” Mahina itong tumawa at nagpatuloy lamang sa paglalakad.
Saka ko lamang napansing ilang metro pa pala ang aming lalakarin upang makarating sa aming munting kubo.
Medyo dismayado man ay sinundan ko na lamang ito at magkasabay na naming tinawid ang mga pilapil.
Nang makarating kami sa loob ng kubo ay kaagad naming ibinaba ang aming mga dala-dala sa lapag na yari sa kawayan.
Binuksan na rin ni Itay ang mga bintana. Nagliwanag ang paligid at pumasok na ang preskong hanging napakalamig at napakasarap sa balat.
Ipinatong ko naman ang mga baunan at ilan ko pang mga dala-dala kanina sa maliit na mesa. Saka ko tinignan si Itay na ngayo’y nakaupo na sa may bangko malapit sa bintana, pinupunasan ang pawis sa noo gamit ang likod ng kanyang kamay.
“Magpahinga ka muna rito, anak,” sabi nito habang hinuhubad ang kamisa de tsinong basa na rin ng pawis. “Ako na muna ang maghahanda ng mga gamit para sa pagtatrabaho.”
“O-opo, 'tay,” sagot ko.
Ninakawan ko ng tingin ang malalapad nitong dibdib na tumataas-baba sa bawat paghinga nito. Pati na ang mga kili-kili nitong sakto lamang ang dami ng buhok at mauugat na brasong kahit pagod ay mukhang handa pa ring magbuhat ng kahit ano.
Tumayo ito at nagtungo sa kinaroroonan ng maliit na aparador upang kumuha ng bagong damit. Agad n’ya rin iyong sinuot. Ang mga mata ko’y nakapukol pa rin dito.
“Matutunaw ako kakatitig mo n’yan,” pabiro nitong banggit nang mapansin marahil ang hindi ko pag-alis ng tingin.
Dali-dali akong umiwas at kunwaring inaayos ang pagkakalapag ng mga baunan at ilang gamit sa mesa.
“H-hindi ho,” sagot ko, pilit na pinapakalma ang sarili. “T-tinitingnan ko lang ho kung saan ko pwedeng ilagay ang iba nating mga dala-dala.”
Mahina itong natawa at umiling bago isinabit ang hinubad na kamisa sa may pako sa dingding.
“Kung pagod ka pa sa paglalakad, umupo ka muna rito at magpahinga. Marami-rami pa ang mga gagawin natin ngayong araw.”
“O-opo, ‘tay.”
Umupo ako sa bangkong kawayan at lumabas na ito ng kubo.
Nang tuluyan itong makalabas ay kaagad kong sinampal ang aking sarili. Nagpahalata na naman ako rito. Ano na lamang ang iisipin nito kapag nalamang pinagpapantasyahan s’ya ng sarili n’yang anak?
Napakagat-labi na lamang ako bago huminga nang malalim. Pinakalma kong muli ang aking sarili sa pamamagitan ng pagpikit ng aking mga mata.
Marahan akong huminga. Pinakinggan ko ang tunog ng hangin na dumaraan sa mga bintana at dingding ng kubo. Pati na ang marahang pagkaluskos ng mga dahon ng palay sa labas at ang walang humpay na huni ng mga kuliglig at ibon na nagmistulang musika ng bukirin.
Ilang minuto ang lumipas at tuluyan na nga akong kumalma. ‘Umayos ka, Kiko. Huwag mong dudungisan ang imahe mo sa iyong ama,’ mariing bulong ko sa aking sarili sa loob ng aking isipan.
Ilang saglit pa ay bumalik na rin si Itay sa loob ng kubo, bitbit ang ilang kagamitan katulad ng kalaykay, pesticide, at lubid na gagamitin namin mamaya.
“Unahin muna natin ‘yung bahagi sa may bandang silangan,” sabi nito habang inaayos ang mga iyon. “Medyo makapal na kasi ang mga ligaw na damo roon.”
Tumango ako at agad na tumayo mula sa pagkakaupo. Isinuot ko na ang aking pananggang mga damit at kinuha ang isa sa mga sumbrerong buri na nakasabit sa dingding upang kahit paano’y maprotektahan ang aking ulo at mukha sa unti-unting pag-init ng araw.
“Dalhin mo rin ‘yung maliit na pala, anak,” dagdag nito habang inaangat ang kalaykay sa kanyang balikat. “Dalawang linggo na mula nang itanim natin ang mga punla. Siguradong marami na ang mga damong sumisingit at baka may bahagi ring kailangang ayusin ang patubig.”
“Opo, ‘tay.”
Matapos kong kunin ang pala ay lumabas na kami ng kubo at agad akong sinalubong ng maliwanag na sikat ng araw.
Kumikislap ang tubig sa pagitan ng mga pilapil na sumasalamin sa asul na kalangitan. Ang mga palay naman ay marahang inuugoy ng hangin.
Naglakad na kami sa makitid na pilapil. Maingat ang aming mga galaw upang hindi madulas. Ramdam ko ang lambot ng lupa sa ilalim ng aking suot na bota at ang bahagyang amoy ng basang putik na pamilyar na sa akin simula pagkabata.
“Maganda ang tubo rito,” sabi ni Itay habang nakatanaw sa isang hanay ng mga punla. “Mukhang nakapag-ugat na nang maayos.”
Napangiti ako. “Oo nga ho. Mas luntian nga ho rito kumpara sa ibang parte.”
Pagdating namin sa bandang silangan ay agad naming napansin ang ilang bahagi na may tumubo nang mga ligaw na damo.
Lumusong si Itay sa mababaw na putikan at sumunod na rin ako rito, kaagad kong naramdaman ang malamig na putik na yumayakap sa aking bota.
“Bunutin natin ‘to isa-isa para hindi maagawan ng sustansya ang mga palay,” paliwanag nito. “Kapag napabayaan kasi ang mga ito ay tiyak na mas mabilis pang lalago ang damo kaysa sa mismong tanim.”
Yumuko ako at nagsimulang magbunot. Isa-isa kong hinugot ang mga ligaw na damong may mahahaba na ring ugat at inilagay ang mga iyon sa gilid ng pilapil. Paminsan-minsan ay sinusulyapan ko si Itay na mabilis at sanay na sanay na ang mga galaw, tila kabisado na nito nang lubusan ang bawat ritmo ng pagbubunot.
Ilang sandali pa ay itinuro nito ang isang bahagi ng mga pananim.
“Tingnan mo ‘yun. Medyo mababa ang tubig sa parteng iyan. Kailangan nating buksan nang kaunti ang daanan para makapasok ang tubig mula sa kanal.”
“Ako na ho ang gagawa, ‘tay,” pagpi-prisinta ko rito.
“Sigurado ka, anak?”
“Oho, nang ma-praktis ko na rin ho ang itinuro ninyo sa akin noon.”
Lumapit ako patungo roon at ginamit ang maliit na pala upang bahagyang hukayin ang lupa. Unti-unti rin namang pumasok ang tubig. Dahan-dahan nitong pinuno ang bahaging iyon ng taniman.
“Ganyan nga,” sabi nito na may kasiyahan sa tinig. “Importante ang tamang lalim ng tubig lalo na sa mga unang linggo.”
Nagpatuloy lamang kami sa aming trabaho—pagbubunot ng damo, pag-aayos ng pilapil, at pag-iinspeksyon sa bawat hanay. May napansin din kaming ilang dahon na may maliliit na butas.
“May mga insektong dumapo rito,” wika ni Itay habang sinusuri ang isang punla. “Mamaya ay maglalagay tayo ng kaunting pesticide. Kaunti lang at baka masira ang lupa at maapektuhan pa ang ibang pananim.”
“Opo, ‘tay,” pagsang-ayon ko rito.
Lumipas ang ilang oras nang hindi ko namamalayan. Pawis na pawis na ang aking buong katawan dahil balot na balot din ako ng mga pananggang kasuotan.
Huminto si Itay at tumingin sa malawak na taniman. “Kung magpapatuloy ang ganitong lagay, magiging maganda ang ani natin, anak.”
Napatingin din ako sa mga hanay ng luntiang palayan na kumikislap sa ilalim ng araw. Sa sandaling iyon ay tila nawala ang pagod ko nang masilayan ko kung gaano ito kaganda. Marami-rami na rin pala ang aming nagawa ngayong araw.
“Hindi na ako makapaghintay na dumating ang panahon ng anihan, ‘tay,” sabi ko.
Ngumiti siya. “Ako rin, anak. Bawat punlang narito ay bunga ng kasipagan ng ating pamilya. Kaya habang maaga pa, alagaan natin ang mga ito nang mabuti.”
Muli itong yumuko upang ipagpatuloy ang paggawa ng espantaho o panakot sa mga ibon at insektong itatayo namin banda rito mamaya. Maging ako ay nagpatuloy na rin sa pagbubunot ng mga natirang damo.
Magkasabay naming tinapos ang mga gawain kasabay ng banayad na ihip ng hangin at walang katapusang pag-awit ng bukirin.
────୨ৎ────
“AAAHHH...”
Napangiti ako habang pinagmamasdang mag-unat ng katawan ang aking ama matapos ang aming pagtatrabaho.
Saktong alas-dose kaming natapos sa pagme-mentena at pagsasa-ayos ng mga pananim. Mula sa pagbubunot ng mga sukal na damo, pagpapatibay ng mga pilapil, pagbubukas ng daluyan ng tubig, hanggang sa maingat na pag-iinspeksiyon sa bawat hanay ng mga palay, sinigurado naming maayos ang lahat bago kami magpahinga sa loob ng kubo.
“Maaga tayong natapos, anak, ah. Ginalingan mo naman masyado,” saad nito matapos hubarin ang pang-itaas at umupo sa gilid ng katre. Litaw ang pawis na pawis at nangingintab nitong katawan.
“Ikaw nga ho riyan ang tila makina sa sobrang bilis ng paggalaw, ‘tay, eh,” ang natatawa kong banggit dito sabay inom ng tubig.
Pasimple ko itong sinipat habang umiinom.
“Syempre, ayokong maarawan ang baby ko kaya binilisan ko na.” Tumawa rin ito.
Muntikan kong masamid ang aking iniinom dahil sa sinabi nito.
“Oh, oh, ayos ka lang ba, anak?” agad na banggit nito na akmang tatayo na.
“A-ayos lang po ako, ‘tay,” tugon ko rito sabay ubo.
“Tsk tsk. Dahan-dahan lang kasi sa pag-inom. Ikaw talagang bata ka.”
Tumayo ito at kumuha ng bimpo mula sa aparador. Laking-gulat ko nang lumapit ito sa akin at ito na mismo ang nagpunas ng aking bibig.
“Ayaw mo na bang tinatawag kitang ‘baby’, huh?”
Pabiro nitong pinitik ang ilong ko nang mahina.
Nagmistula akong tuod at hindi makagalaw. Gulat na gulat pa rin kasi ako sa ginagawa nito ngunit hindi ko lamang iyon pinahahalata.
“‘T-tay naman, h-hindi na ho ako bata upang tawagin n’yo pa ng ganyan,” sagot ko nang hindi tumitingin dito. Halos kumawala na mula sa loob ng aking dibdib ang puso ko.
Tumawa itong muli nang mahina.
“Hindi ka na nga bata, ngunit dahil ikaw pa rin ang pinaka-unang baby ko ay magpapatuloy iyon hanggang sa pagtanda mo, naiintindihan mo ba?”
Nanatili akong walang kibo kahit natapos na ito sa pagpunas ng aking bibig at leeg.
“Sa susunod, huwag kang nagmamadaling uminom. Hindi ka naman mauubusan ng tubig dahil marami tayong baon sa water jug. Maliwanag ba, baby?”
Ginulo nito ang aking buhok matapos akong asarin.
Tipid lamang akong ngumiti. Hindi ko pa rin ito magawang tignan.
Ilang segundo pa ay narinig ko ang paghinga nito nang malalim.
“Pasensya ka na, anak. Alam mo kasi, hindi naging maganda ang kabataan ng Itay,” bigla nitong banggit. “Hindi ko naranasan ang totoong pagmamahal at aruga mula sa aking mga magulang. Maaga akong namulat sa kahirapan at nagbanat ng buto. Sumabay pa na maaga rin akong nakapag-asawa at anak.”
Napamulagat ako nang humakbang ito patungo sa aking likuran at agad akong niyakap mula roon.
“Kaya noong dumating ka sa buhay ko, mas lalo kong natutunang pahalagahan ang bawat sandali ng buhay. Nangako akong ipaparanas ko sa ‘yo ang hindi ko naranasang pagmamahal mula sa aking mga magulang. Ikaw ang nakapagpabago sa akin, anak. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin ngayon kung hindi ka lamang dumating sa buhay ko.”
Hinalikan ako nito sa pisngi na naging dahilan upang dumaloy ang tila kuryente sa aking buong katawan.
“Kaya hayaan mo na ang Itay na tawagin kang ‘baby’, hmm?”
Halo-halo ang aking naging emosyon. Pagkasabik, kaba, pagkagulo ng isipan, ngunit ang mas nangingibabaw ay ang matinding pagsisisi.
Namalayan ko na lamang ang aking sariling nagsimula nang mangilid.
Sising-sisi ako dahil sa mga nagawa ko sa aking ama. Sising-sisi ako sa mga naging kalapastanganan ko rito. Pinagsisisihan kong pinagnasaan ko ito.
Hindi ko napigilan ang aking damdamin at bigla na lamang akong napahagulgol at hinarap ito upang yakapin nang mahigpit.
Wala na akong paki kahit medyo malagkit pa ito dahil sa kanyang pawis. Ibinaon ko ang aking mukha sa dibdib nito at doon ibinuhos ang lahat ng bigat na matagal ko nang kinikimkim, ang mga salitang hindi ko masabi, at ang mga luha ng kahihiyan.
“A-anak, anong problema?” agad nitong sambit. Bakas sa malaking boses nito ang pagkagulo.
Hinawakan ako nito sa magkabilaang pisngi upang iharap sa kanya ang aking mukha.
Hindi ko alam kung paano ako magsisimulang humingi ng tawad rito. At hindi ko rin alam kung may sapat na kakayahan ba akong aminin sa kanya ang lahat-lahat. Hindi sapat ang mga salita upang ipaliwanag ang kaguluhan sa aking puso’t isipan.
“P-patawad po, Itay…” halos pabulong kong nasambit sa pagitan ng aking mga hikbi. “Patawad po sa lahat ng mga nagawa ko…”
Halos ilang segundo muna ako nitong tinignan bago muling magsalita.
“Shh, tahan na. Wala kang dapat ipagpatawad. Hindi mo na rin kailangan pang magpaliwanag. Naiintindihan kita kahit ano pa man iyang dahilan mo.”
Muli ako nitong niyakap kaya’t napasandal akong muli sa dibdib nito habang patuloy pa rin sa pag-iyak na parang batang paslit.
“Tandaan mong hindi ko kailanman magagawang magtanim ng galit sa ‘yo. Mahal na mahal ka ng Itay, anak. Sobra.”
Hinagod nito nang marahan ang aking likod.
“Kaya tumahan ka na riyan.” Hinalikan ako nito sa may bandang noo.
Maya-maya pa ay unti-unti na rin akong tumahan at kumalma.
Tinulungan ako nitong punasan ang aking mga luha gamit ang bimpong hawak nito kanina.
“Akala ko ba hindi ka na baby? May binata bang iyakin?”
Sinubukan ako nitong patawanin ngunit isang tipid na pagngiti lamang ang itinugon ko rito.
“Biro lang, anak. Walang masama sa pag-iyak at paglabas ng mga hinanakit mo. Mas maganda nga iyon kumpara sa kinikimkim at sinasarili mo lamang.”
Ginulo nitong muli ang aking buhok.
“S’ya, mananghalian na tayo at kanina pa ako nagugutom. Baka mapanis na rin ‘yung kanin at ulam natin.”
Matapos n’ya iyong sabihin ay inihanda na namin ang aming mga baunan at magkatabing umupo sa maliit na lamesa.
Medyo naiilang pa rin ako rito ngunit kahit papaano ay panatag na ang aking kalooban dahil mukhang napatawad naman na ako nito sa aking kasalanan. Kahit pa hindi talaga nito alam ang tunay na rason kung bakit ako humingi ng tawad at napahagulgol sa harapan nito kanina. Naniniwala kasi akong kahit ipagtapat ko pa iyon sa kanya ay maiintindihan pa rin ako nito nang lubusan. Ganoon ako kamahal ni Itay. Sobrang bait nito upang pandirihan o itakwil ako bilang anak nang dahil lamang sa rasong iyon. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako karapat-dapat na maging anak nito.
Habang tahimik na kumakain ay napatingin ako rito. Sarap na sarap kasi ito sa kinakain kaya’t napangiti ako nang bahagya. Mukhang kanina pa talaga ito gutom na gutom.
Agad na sumagi sa aking isipan ang pangyayaring iyon kahapon. Naabutan namin kasi ito sa may sala na mukhang kakagaling lamang sa pag-iyak. Hindi ko pa pala ito natatanong ukol doon. Isa pa sa mga napansin ko ay tila hindi na sila muling nagpansinan ni Inay kagabi sa hapag-kainan at maging kanina. May nangyari kaya ulit sa kanila?
“Masyado bang matakaw ang Itay, anak?”
Naputol ang pagmamasid ko rito dahil sa biglaan nitong pagsasalita.
“H-hindi ho.”
Ibinaling ko nang muli ang aking paningin sa pagkain at ipinagpatuloy iyon.
Narinig ko ang pagtawa nito nang bahagya.
“Sabihin mo na kung ano mang nais mong sabihin,” anito bago sumubo ng kanin.
Nakatingin pa rin ako sa aking kinakain habang pinaglalaruan ito gamit ang kutsara. Nag-iipon ako ng sapat na lakas ng loob upang muli itong kausapin.
Hanggang sa tuluyan ko na ngang nasabi ang nais kong sabihin dito.
“‘T-tay, may nangyari ho ba ulit sa inyo ni Inay?”
Sandali itong napatigil ngunit agad ring sumagot.
“W-wala naman. Paano mo nasabi?”
“Eh kasi ho, k-kahapon pagdating namin galing sa paaralan, mugto po ang mga mata ninyo. A-at saka, h-hindi rin ho kayo masyadong nagpapansinan simula pa kagabi. K-kaya naisip ko ho kung may nangyari ba ulit na hindi maganda sa pagitan ninyong dalawa.”
Rinig na rinig ko ang biglaang paglunok nito. Hindi na rin ito nakasagot pa at naghari ang matinding katahimikan sa buong paligid.
Napagtanto kong baka masyadong personal ang dahilan nito kaya muli akong nagsalita.
“K-kahit hindi n’yo na ho sagutin, ‘tay. N-napatanong lamang ho ako dahil nag-aalal-”
“Gusto mo ba talagang malaman, anak?”
Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin nang sumagot ito.
Dahan-dahan muli akong napatingin dito. Kitang-kita ko kung paano itong pilit na ngumiti. Napansin ko rin ang unti-unti nitong pangingilid.
“Tutal ay ikaw naman ang pinaka-pinagkakatiwalaan kong tao sa mundong ito, sa ‘yo ko na lamang ito sasabihin. Ang totoo n’yan ay balak ko na rin naman itong sabihin sa ‘yo, anak. Naghahanap lamang ako ng tiyempo. At mukhang ito na nga ang tamang oras para doon.”
Nakaramdam ako ng takot ngunit tila nagbabadya rin ang aking mga luha. Natatakot ako sa sasabihin nito.
“Hindi kumpleto ang detalye ng mga sinabi ko sa ‘yo tungkol sa iyong ina noong gabing iyon.”
Napasinghap ako nang marahan. Tila biglang bumigat ang aking dibdib sa pangambang dala ng mga susunod pa nitong sasabihin.
“Totoong prosti ang Inay mo. Ngunit higit pa roon ang kasalanang nagawa n’ya sa akin, anak.”
Tuluyan nang tumulo ang butil-butil nitong luha. Kitang-kita ko rin kung paano magtaas-baba ang lalagukan nito sa kanyang leeg. Tandang nagpipigil itong umiyak ngunit hindi na nakayanan ang bugso ng damdamin.
“Noong gabing iyon na hinanap ko s’ya sa bayan, may nakapagturo sa akin sa kanyang kinaroroonan. Itinuro nito ang bahay ni Pareng Raul at nakikipag-inuman daw ito roon. At... n-nang puntahan ko iyon ay nahuli ko silang dalawang naghahalikan sa labas mismo ng kanilang pintuan.”
Nanginginig akong napatakip ng aking bibig. S-si T’yong Raul?
“Gustuhin ko man silang sugurin ay hindi ko nagawa dahil natakot ako. Natakot akong masira ang pamilya natin,” hagulgol nito.
Hindi ko na napigilan ang aking sarili at mabilis ko itong niyakap at dinamayan sa pag-iyak.
“‘T-tay...” iyak ko rito.
“Buong akala ko ay maaayos ko pa ang lahat, anak. Sinubukan ko pa iyong ayusin. Binigyan ko pa s’ya ng ikalawang pagkakataon sa kabila ng matinding sakit na idinulot n’ya sa akin.”
Ramdam ko ang panginginig ng buong katawan nito kaya mas hinigpitan ko na lamang ang aking mga yakap.
“Sinadya ko talagang humingi ng kalahating-araw na pahinga kay Mang Paeng kahapon. Iyon ay upang subukin ang katapatan ng Inay mo. Umasa ako, anak. Umasa ang Itay na mali lamang ako ng iniisip at totoong nagsisisi na ang iyong ina sa kasalanang nagawa n’ya. K-kaya nang muli ko s’yang makitang papasok sa bahay ng Raul na iyon tanghali kahapon ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi ako makapaniwalang magagawa iyon ng Inay mo sa akin.”
Hinimas ko ang likod nito at hinayaan ko lamang itong humagulgol upang mailabas ang kanyang hinanakit. Damang-dama ko ang sakit na dinaranas nito ngayon matapos pigilan ang kanyang nararamdaman simula pa kahapon. Pinili nitong magpakatatag at hindi ipakita sa amin na labis s’yang nasaktan sa nangyari. Wala akong kaide-ideyang nagdurusa na pala ito dahil sa panglolokong ginawa ng aming ina.
“Masama ba akong asawa at ama, Kiko, anak? Nagkulang ba ako sa inyo? Binigay ko naman ang lahat ng makakaya ko, ah. Sinikap kong maging mabuting haligi ng tahanan para sa inyong lahat.”
“Ssshhh... tahan na po, Itay. Huwag na huwag po kayong mag-iisip ng ganyan. Wala ho kayong kasalanan. Walang-wala, naiintindihan n’yo ho ba? Kayo na ho yata ang pinakamabuting tatay sa buong mundo. Wala na akong ibang maihihiling pa kundi ang magkaroon ng amang katulad ninyo,” pagpapatahan ko rito.
“Ang sakit, anak. Sobrang sakit...”
Hinigpitan kong muli ang pagkakayakap ko rito. Gusto kong iparamdam dito na nandito lamang ako sa kanyang tabi kahit ano pang mangyari. Hinding-hindi ko ito iiwanan kailanman. Magugunaw muna ang mundo bago iyon mangyari. Ganoon ko ito kamahal.
Inilapat ko ang aking mga palad sa magkabilaan nitong pisngi. Patuloy pa rin sa pag-agos ang mga luha nito at bakas na bakas ang matinding hinagpis sa kanyang mukha.
“Wala ho kayong kasalanan, ‘tay. Hindi n’yo pagkakamali ang pagkakamali ni Inay. Kung sa tingin n’yo ho ay nagkulang kayo bilang asawa kaya n’ya nagawa ang bagay na iyon ay nagkakamali kayo. Saksi ako sa walang sawang pagmamahal na ipinaranas mo sa amin. Wala kang ibang ginawa kundi ang maging isang huwarang ama at asawa.”
Lumukot ang mukha nito at mas lalo pang napaiyak dahil sa aking mga sinabi. Niyakap ako nitong muli nang napakahigpit.
“Maraming salamat, anak. Maraming-maraming salamat dahil nariyan ka palagi sa tabi ng Itay. Kayo na lamang ng mga kapatid mo ang pinaghuhugutan ko ng lakas ngayon.”
Ginantihan ko rin ang mga yakap nito, kahit pa medyo nahihirapan na rin akong huminga. Gusto ko lamang makulong sa mga bisig at katawan nito.
“Ang totoo ay hindi ko talaga alam kung paano ako magpapatuloy sa buhay, anak. Ngunit dahil sa inyo ay kailangan kong magpakatatag. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang magpatuloy sa kabila ng matinding hamon na ito. Lahat ay para sa inyo.”
Napapikit ako habang dinadama ang mga yakap nito. Hinalikan ako nitong muli sa noo habang patuloy sa pagluha.