Dinala ni Pharavee-dia ang mga bagong Miden sa isang malawak na field na puno ng mga estatwang gawa sa kahoy. Lahat ng mga ito ay may pula sa gitna at magkakatabing nakahilera kaharap ng mga estudyante. Sa likuran nito ay puro malalaking bato na halos labing tatlong talampakan ang taas.
"Ngayon naman, kailangan niyong matutunan ang paglalagay ng enerhiya sa iisang lugar. Gamitin niyo ang enerhiyang yon para doblehin ang lakas ng inyong mga tira. Kapag nagawa niyo ito, makakaya niyo nang wasakin ang isang estatwang gawa sa kahoy, depende sa lakas pwede rin kayong makasira ng konkretong semento." Tumikhim ang Dia. "Una niyong subukan sa kamay, kapag nasanay na kayo maaari niyo ng subukan sa inyong paa."
Ito ang unang beses na gagawin ni Avanie ang paglalagay ng enerhiya sa isang lugar, kaya naman medyo kinakabahan siya. Pwede niyang gamitin ang sarili niyang enerhiya bukod pa sa Shi pero hindi niya alam ang kalalabasan. Baka nga hindi niya mapuruhan yung estatwang kahoy. Baka mapahiya siya sa harap ng mga kaklase niya.
Isa-isang nagtawag si Pharavee ng mga estudyanteng unang susubok.
"Sucinth Berrynmal, Hayder Zrin, Moriney Yamo, Lorfiet Nemorin. Puwesto sa harap ng estatwa."
Tumalima naman ang mga tinawag at nagkanya-kanya na nang pili ng estatwa na kanilang pagsasanayan. Kabado ang ilan sa kanila at meron namang tiwala sa sariling kakayahan.
"Kailangan niyo nang matinding konsentrasyon, ipunin ang enerhiya sa iisang lugar at pakawalan ito sa nakikita niyong pula na nakalagay sa estatwa. Ngayon, simulan niyo na."
Pumikit si Lorfiet at pinakiramdaman ang sarili, kasunod no'n ay sinimulan niya nang palabasin ang enerhiya sa katawan at ipunin iyon sa kanang kamay. Nang masiguro niyang tama ang ginagawa ay saka niya pinakawalan ang isang malakas na suntok at tumama iyon sa kaharap na estatwa. Sandaling walang nagyari pero makaraan ang ilang sandali ay unti-unting nagkaroon ng crack ang kahoy hanggang sa tuluyan nang mawasak ang itaas na bahagi nito.
"Magaling!" natutuwang wika ni Pharavee. "Mabilis mong natutunan ang mga sinabi ko."
Sumunod ang iba pa, at gaya ni Lorfiet, matagumpay rin nilang nasira ang estatwang kahoy sa harapan nila. Tumawag uli si Pharavee ng apat at lahat ng yon ay maayos na nagawa ang pinagagawa niya. Natapos ang ilan hanggang sa dalawa na lang ang natira.
"Eskelon Albon at Avanie Larisla."
Tiningnan ni Avanie ang tinawag na Ekelon Albon. Isang malaking lalaki na punong-puno ng muscles na namumutok na sa suot nitong manipis na sando. Maitim ang kulay ng balat nito na halatang sanhi ng sobrang pagbibilad sa araw.
Pa'no niya nalaman? Hindi kasi pantay ang kulay ng balat sa balikat at braso nito.
Sa palagay ni Avanie hindi na nito kakailanganing magpalabas ng enerhiya para lang sirain ang estatwang kahoy. Kakayanin nitong martilyo-hin ang semento gamit lang ang kamay! Unang sumubok si Eskelon.
Pumorma ito. "Aaaaaaarrrggghhh!" sabay sinuntok ng malakas ang kahoy.
Umangat sa lupa ang estatwang kahoy at nagkapira-piraso sa ere. Higit pa ito sa inaasahan ng lahat kaya naman halos karamihan sa mga Miden ay napaatras. Magkahalong takot at paghanga ang naramdaman nila. Ngayon kung may kailangan silang iwasang makaalitan, si Eskelon Albon yon.
"Avanie Larisla." Tawag kay Avanie ng Dia.
Hindi kasi agad nakagalaw si Avanie nang makita ang ginawa ni Eskelon. Baka pumalpak siya. Ayos ng masira niya ang estatwang kahoy, hindi niya kailangang gawing abo ito pero kinakabahan talaga siya.
'Kaya mo yan kamahalan!' sigaw ni Fegari at Izari sa isip niya.
'Avanie-Hana, kapag hindi niyo yan nagawa pwede niyo namang pag-praktisan si kuya Fegari,' sabi naman ni Satari.
'Oy teka! Bakit ako!?'
'Dahil sa ating tatlo ikaw ang nangangailangan ng parusa,' sagot ni Izari.
Hindi pinansin ni Avanie ang asaran ng tatlo sa isip niya. Huminga siya ng malalim, pumikit at sinimulang ipunin ang enerhiya sa kamay niya.
'Matinding konsentrasyon, ipunin ang enerhiya sa iisang lugar at pakawalan.' Sinuntok ni Avanie ang estatwang kahoy, pero wala siyang naramdamang nahagip ng kanyang kamao, pakiramdan niya sumuntok lang siya sa hangin subalit ilang sandali matapos no'n ay nakarinig siya ng malakas na pagsabog.
Dumilat siya at nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang wala na ang lahat ng mga estatwang kahoy. Hindi lang yon! Nawarak rin ang malalaking bato na ngayon ay nagkalat na sa harapan nila. Hindi makapaniwala si Avanie. At lalong hindi makapaniwala ang mga kasama niya.
Siya ba talaga ang may kagagawan o nagkataon lang na nasira ang mga batong 'yon?
Nagtatakang tiningnan niya ang sariling kamao. Malamang nga nagkataon lang ang lahat.
"Nakita niyo ba? Hindi pa sumasayad sa kamao niya yung kahoy pero nawasak na lahat."
"Pwersa lang galing sa kamao niya yon!"
"Pati yung mga bato nadamay!"
"Nakita ko yung hangin na lumabas sa kamay niya, yun yung sumira sa mga bato."
"Oo nakita ko rin!"
"Ano siya? Bakit ang lakas niya? Hindi kaya isa rin siyang Jumi na nagpapanggap lang na Miden?"
"Imposible! Nakasabay ko siya sa Sorting at nakita kong hindi umilaw ang Akorenbo kaya inilagay siya sa Miden."
"Kung gano'n totoong malakas siya?"
Walang naririnig si Avanie sa bulungan ng mga kaklase. Abala siya sa pag-iisip. Kung talaga ngang siya ang gumawa no'n.... hindi kaya nasira ang limiter na ginawa ni Draul at nakapagpalabas siya ng Shi? Kung gano'n...
HINDI SINASADYANG NAKAPANDAYA SIYA!!
'Naloko na!'
"Avanie Larisla." Tawag sa kanya ng Dia. Hindi mabasa ang ekspresyon sa mukha nito kaya kinabahan si Avanie. "Sumunod ka sa'kin."
'Sabi na! Nakapandaya ako nang di nalalaman! Masaklap nakita pa ng Dia!'
Sumunod si Avanie kay Pharavee. Alam niyang mali ang kanyang ginawa pero hindi niya naman sinasadya yon, at saka sino ba naman mag-aakala na may sira yung limiter gaya nung gumawa?
'Handa na akong matusta!'
Subalit matapos masaksihan ng mga kaklase niya ang kaya niyang gawin, lahat ng mga ito ay nagkasundo at napagdesisyunan na...
H'wag na h'wag gagalitin si Avanie at h'wag haharang sa dadaanan nito kung ayaw nilang matulad ang kanilang katawan sa sinapit ng mga kawawang kahoy at bato.
Siya na ang una sa listahan ng mga dapat iwasan at pangalawa na lang si Eskelon Albon.
✴✴✴
Arondeho
Var Arondeho
Isang pagpupulong ang nagaganap sa palasyo ng Arondeho na kung tawagin ay Var. Kasama sa mga Nindertal na dumalo sa pagpupulong ay ang Duke ng bansang Arondeho na si Lucrias Hamnigel at apat na Cleric ng simbahang Almiryad. At dahil sa Eldeter nagsimula ang usap-usapan, ipinatawag din ang Duke na si Vhan Rusgard pati na ang hari ng Eldeter na si Haring Neljin Inclair.
Tahimik ang buong paligid, walang nais magsalita hanggat hindi dumarating ang Hari ng Arondeho. Nagpapakiramdaman din ang mga Nindertal na naririto subalit alam ni Draul na may hindi makakatiis sa nakabibinging katahimikan sa loob ng silid.
At tama nga siya dahil mayamaya pa ay biglang nagsalita si Lucrias at binasag ang katahimikan.
"Hindi ko lubos maisip na paniniwalaan ng matatalinong Cleric ang isang balita na wala namang basehan."
"At gaano ka kasigurado na walang basehan ang balitang yon?" tanong ng isa sa mga Cleric.
"Sa Grisliss nagmula ang balita. Sa bar din na yon nagmumula ang ilang hakahaka at kung minsan ay may mga Nindertal na nagbabayad ng malaki para lang magpakalat ng mga maling impormasyon."
"Mukang alam na alam mo ang kalakaran sa Grisiliss," komento ni Draul. "Nakapagbayad ka na rin ba ng malaki para magpakalat ng maling balita Duke Hamnigel?"
"Inaakusahan mo ba ako?" taas ang kilay na tanong ni Lucrias.
"Isang simpleng tanong. Walang pang-aakusa."
"Heh, at nagmula ang balita sa Eldeter, hindi ba't mas malaki ang tyansa na ikaw ang nagpakalat ng maling balita?"
"Iyan ang tinatawag na pang-aakusa. Gaya nga ng sinabi mo kanikanina lang, maraming nagbabayad para magpakalat ng maling balita. Sabihin nating ako nga ang nagpakalat nito, bigyan mo ako ng isang matibay na dahilan kung bakit ko gagawin yon sa'yo?"
Naikuyom ni Hamnigel ang kamao sa ilalim ng lamesa. Kahit anong gawin niyang pag-iisip wala siyang maibigay na dahilan. Maraming nakakaalam na ang mga Nindertal na kumakalaban lang kay Vhan Rusgard ang nilalabanan nito at hindi siya isa roon.
"Tama si Vhan Rusgard. Wala siyang dahilan para magpakalat ng ganoong klase ng balita lalo na't wala naman siyang mapapala." Segunda ng matabang Hari ng Eldeter. "Nasa Eldeter ang Grisliss kaya natural na sa bansa namin magmula ang balita. Gumawa ka na ba ng sarili mong imbestigasyon kaugnay nito Hamnigel?"
"Opo Haring Inclair. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin namin nahuhuli ang nagpakalat ng balita."
"Pa'no mo huhulihin ang isang Nindertal na mas tuso pa sa'yo? Naisahan ka niya isang beses, sa palagay mo hindi niya magagawa ulit yon?"
Tumawa si Hamnigel sa sinabi ni Draul. "Kung ang isang daga nahuhulog sa patibong, maaari rin mangyari yon sa kanya."
"Talaga? Masyado kang kampante Duke Hamnigel, pa'no na lang kung ang hinuhuli mong daga ay may sarili ring bitag para hulihin ang humahabol sa kanya?"
Naningkit ang mata ni Hamnigel. "Anong gusto mong iparating Vhan Rusgard?"
Ngumiti ito ng pagkatamis tamis. "Simple lang... isa kang malaking hangal."
"Ikaw!"
"Tumahimik kayong dalawa!" saway ng Hari ng Arondeho na si Zoloren Feverentis. Mabilis na naglakad ito papunta sa lamesa at galit na tiningnan si Hamnigel. "Hindi ko alam kung anong kasalanan mo sa may kagagawan nito pero patunayan mo na talagang hindi ikaw ang nagpakalat ng balita tungkol sa Diyosa!"
"Maniwala ka kamahalan! Kahit kailan ay wala akong ginawang anomalya na maaaring makapagdawit ng pangalan ko sa Diyosa ng buwan."
"Sang ayon ako sa Duke. Nandito sa Arondeho ang isa sa pinakamalaking simbahan ng Almiryad at wala siya sa tamang pag-iisip kung babanggain niya ang simbahan," wika ng isa pang Cleric.
"Sa Asturia unang naitala ang pagpatay ng Barona at nagsimula ang lahat ng 'yon matapos mapabalitang nabuntis ng isang kawani ang Reyna," sabi naman ni Haring Inclair. "Matapos no'n sunod-sunod na ang nangyaring p*****n sa iba't-ibang kaharian maliban na lang sa Ishhguria."
"Walang nakapagtataka roon. Hindi pumapatay ang mga Barona sa Ishguria dahil doon sila nagmula. Kaya kung titingnan mabuti, mapupunta ang lahat ng hinala sa batang Hari na si Riviel Qurugenn." Humalukipkip si Draul at pinasadahan ng tingin ang mga kasama sa loob ng silid. "Si Bernon lang ang alam nating galit sa batang Hari, isa pa... mukhang ginamit din ang Barona para pagtakpan ang usapin tungkol sa Reyna ng Asturia. Maaaring pakana ito ni Bernon Zeis o di kaya nama'y pakana ng isang Nindertal na nais paglabanin ang dalawang magkagalit na Hari. Lumalabas na hindi lang isa ang nasasangkot sa usaping ito kaya iminumungkahi ko na imbestigahan nang mabuti ang usaping ito?"
"Kung gano'n hayaan niyong tumulong ako sa pag-i-imbestiga. Nais ko rin malaman kung sino ang lapastangang Nindertal na nagdawit sa pangalan ko," nakangiting turan ni Hamnigel.
Kung tutulong siya sa pag-i-imbestiga, maaari niyang manipulahin ang mga ebidensiya para hindi malaman ng mga ito na may kaugnayan siya sa Hari ng Asturia!
"Ikinalulungkot kong sabihin Duke Hamnigel, subalit hanggat hindi pa napatutunayan na wala ka ngang kinalaman sa mga nangyari, hindi ka maaaring sumali sa imbestigasyon. Isa pa, ikaw mismo ay iimbestigahan ng mga tagapagsiyasat," diretsong sabi ng isa sa Cleric.
"Pero—"
"Sundin mo na lang sila Duke Hamnigel," sabi ni Zoloren. Bakas pa rin sa mukha nito ang pagkayamot.
Bahagyang natigilan si Hamnigel pero agad din namang yumuko. "Kung 'yan ang utos niyo kamahalan."
"Kung gano'n..." binalingan ng Cleric si Draul. "Inaasahan kong ang Duke ng Eldeter ang magsasagawa nang pag-iimbestiga. Patunayan mo sa'min na inosente ang Duke at wala itong kinalaman sa kumakalat na balita. Hulihin niyo ang may pakana at dalhin niyo ito sa amin."
'Gaya ng inaasahan.' Lihim na napangiti si Draul. Umaayon ang lahat sa plano niya. Kahit kailan ay wala pang pumapalya sa mga plano niya kaya di magtatagal ay tuluyan ng mahuhulog si Hamnigel sa inihanda niyang bitag.
"Gagawin ko ang lahat para patunayan na inosente ka," turan ni Draul na abot tenga ang ngiti at kumikinang pa.
'Vhan Rusgard...' malapit nang pumutok sa galit si Hamnigel.
Alam niyang may alam si Vhan Rusgard kaya gagawin niya rin ang lahat para pigilan ang imbestigasyon kahit pa... ang ibig sabihin no'n ay patayin ang Duke ng Eldeter!
✴✴✴
"Malamang pagagalitan siya."
"Tumahimik ka Fegari. Naramdaman natin na hindi siya gumamit ng Shi."
"Anong gagawin natin sa Dia kapag pinarusahan niya si Avanie-Hana mga kuya?" naghihikab na tanong ng bunso.
"E di ano pa, pagpapahirap ng labing dalawang oras!" dueto ni Fegari at Izari.
"Inipon lang naman ng kamahalan ang kanyang enerhiya sa kamao niya pero nagawa pa rin niyang pabagsakin ang mga bato. Sa palagay mo ga'no talaga siya kalakas?"
Sa tuwing nagsasanay kasi si Avanie sa ilalimni Draul, hindi nito hinahayaang gumamit ng Maji ang dalaga. Kaya nga hindi talaga nila alam kung hanggang saan ang lakas ng kapangyarihan nito.
"Itinatanong pa ba yan Fegari? Diyos siya ng mga diyos at kaya niyang sirain ang buong mundo ng Iriantal kung gugustuhin niya."
"Kuya, gusto kong masira ang buong Iriantal."
"Satari!" gulat na sigaw ni Izari.
"Para makauwi na tayo sa langit at makatulog na ako maghapon."
"..."
"..."
"Oy Fegari, anong ginawa mo sa bunso natin? Ba't ganyan siya mag-isip?"
"Hindi ako kuya! Malamang na nasa rebelling stage si Satari kaya siya ganyan!"
"Walang maingay ah, matutulog ako."
"...."
✴✴✴
Simula nang pumasok si Avanie sa opisina ni Pharavee ay hindi na siya mapakali. Mahigpit na ipinagbabawal sa Heirengrad ang pandaraya at malinaw na lumabag siya sa batas kaya, hindi na rin siya magtataka kung mapatalsik siya sa paaralan gaya nung lalaking nagdala ng Razer sa bundok Chunan.
Dahan-dahan niyang pinakawalan ang hininga bago magsalita. "M-May nagawa po ba akong mali?"
Hindi umimik si Pharavee. Panay lang ang sulat nito sa papel.
"Pharavee-dia?"
"Hindi pangkaraniwan ang lakas na ipinamalas mo kanina at sa nakikita ko, wala na akong dapat pang ituro sa'yo."
"Po?"
"Marunong kang gumamit ng Maji sa umpisa pa lang. Ang hindi ko lang malaman ay kung bakit wala akong nararamdamang Shi mula sa'yo." Nag-angat ito ng tingin at tinitigan siya. "Class 3 rank 2--hindi--rank 1 Maji user ka ba?"
"Wala po akong titulo bilang isang Maji user at... hindi rin po ako marunong gumamit ng Maji."
"Hindi marunong o ayaw mo lang gumamit? Wala akong pakialam sa dahilan mo kung bakit narito ka sa Heirengrad Avanie Larisla, pero gaya nga ng sinabi ko, wala na akong dapat ituro sa'yo. Ang mabuti pa lumipat ka sa Jumi."
Nanlaki ang mata niya sa sinabi ni Pharavee. Kung lilipat siya sa Jumi... malamang na matulad siya sa sinapit ni Cien at Riri. Ang matusta sa kamay ni Viathel Zeis. Bukod dun, pag nagkataon na nagkasama sila sa isang lugar baka malaman pa nito na siya ang may kagagawan kung bakit ito naligo ng putik--na siyempre hindi pwedeng mangyari kaya hindi. Hindi siya lilipat sa Jumi!
Kung kinakailangang lagyan niya ng marami pang glitters ang sapatos ng Dia gagawin niya! Aba ayaw kaya niyang magbayad!
"Hindi ako lilipat sa Jumi," matigas na turan ni Avanie.
Nagtitigan sila ni Pharavee subalit makalipas ang ilang segundo... tumayo ito, lumapit sa kanya at sinunggaban ng yakap.
"Waaah! Sabi ko na hindi mo magagawang iwanan ang isang Dia na katulad ko! Unang kita mo pa lang sa'kin alam kong hindi mo na ako kayang ipagpalit sa iba! Waaah! Buti naman! Ang akala ko kapag inalok kita na lumipat sa Jumi papayag ka. Nakakalungkot kapag iniwan ka ng isang estudyanteng gusto mong turuan di ba? Di ba? Kaya dito ka na lang at protektahan mo ang iyong mga ka-klase."
"...." Teka sandali. "Protektahan?"
"Oo protektahan. Alam kong ikaw ang gumawa no'n kay Viathel at dahil nagalit siya, asahan na nating hindi magiging madali para sa lahat ng Miden ang semestre ngayong taon."
"Balak niyo akong gawing panangga laban kay Viathel Zeis!?" gulat na tanong ni Avanie.
"Pa--rang gano'n na nga." Nakangiting sagot nito habang nangingislap ang pink na mata.
"Hindi parang! Gano'n na talaga! Ayoko... hindi ako papayag."
"Kung gano'n sige. Sasabihin ko sa lahat na ikaw ang dahilan kung bakit mabu-bully sila ni Viathel."
Pinagbabantaan siya nito... PINAGBABANTAAN SIYA NITO!!
"Payag ka na ba?"
"May magagawa pa ba 'ko?"
'Magaling! Nasaan na ang "Hindi dapat makatawag ng atensiyon"?! Patay ako nito... patay na talagaaaa!'