"Ano yan?"
"Isang Mink?"
"Pero bakit ganyan kalaki?"
"Ang cute! Mukhang lobo! Goma kaya ang balat niyan?"
"Gusto ko rin ng ganyang alaga!"
"Saan kaya sila pupunta?"
Hindi maiwasan ng mga Nindertal na nadadaanan ni Avanie na magtaka at mag-usisa. Pa'no ba namang hindi, sa likuran niya ay tahimik na lumulutang at sumusunod si Edamame at nasa loob pa rin ng bibig nito ang mga librong nakuha nila ni Nalu sa lihim na aklatan. Balak isa-isahin ni Avanie ang mga libro at alamin ang lihim sa likod nito.
Sa kasamaang palad mukhang hindi magiging madali para sa kanya na balansehin ang oras sa Heirengrad at sa pagbabasa ng libro. Gustong ituon ni Avanie ang lahat ng libreng oras niya sa pagbabasa pero sa dami ng mga aktibidad sa loob ng paaralan mukhang mahihirapan siya.
Idagdag pang iniutos ni Mume na magkita-kita sila nang maaga sa harap ng isang malaking puno ng sa loob ng Heirengrad.
Wala siyang ideya kung anong gusto nitong gawin nang ganun kaaga. Ni hindi pa nga ata tumitilaok ang mga manok nang oras na yon.
"Di kaya may balak siyang sanayin kami?"
Kunsabagay mukhang malaki ang kaalaman ni Mume pagdating sa pakikipaglaban at halatang ayaw nito sa mga mahihinang kakampi kaya malamang na mag presinta ito na turuan sila ng basic pagdating sa pakikipaglaban. Hindi na kailangang pumunta ni Avanie pero dahil si Mume ang tumatayong pinuno wala siyang pagpipilian.
Nang makarating siya sa bahay ay agad na nagpakita ang tatlong Dal at tinulungan si Edamame na mailabas ang mga libro. Sa tagal kasi nang pagkakalagay ng mga yon sa bibig ng Mink ay hindi naiwasang dumikit ang ilan sa ngalangala nito.
"Anong gagawin natin dito Kamahalan?" tanong ni Fegari na halatang nandidiri sa hawak nitong libro. "Nabasa na ng laway ni Edamame ang iba."
Napahinga na lang si Avanie ng malalim. Alam niyang mababasa ang mga libro sa loob ng bibig ni Edamame pero wala naman siyang ibang paglalagyan.
"Punasan na lang natin, tapos patuyuin." Lumapit sa kanya si Edamame na tila ba humihingi ng paumanhin. "Ano ka ba? Wala kang kasalanan. At saka hindi masisira ang mga libro ng dahil sa laway mo." Hinimas niya ang ulo ng Mink, tila natuwa naman ito at nagsumiksik sa kilikili niya.
Bumukas ang pinto at magkasunod na pumasok si Cien at si... Riri? Sa itsura pa lang mukhang matindi na ang pinagdaanan ng dalawa. Gulagulanit na damit, gulo-gulong buhok at maruming mukha. Kung titingnan mukha silang nalaglag ba sila sa pugon!
"A-Anong nangyari sa inyo?"
"Avanieee!" sabay na atungal ng mga ito at nanghihinang yumakap sa kanya. "Pagkaaiiiiinnn!"
"Mukha ba akong kaserola ha? Sagutin niyo muna ang tanong ko, anong nangyari?"
"Initiation," sagot ni Cien.
"Initiation?"
"Lahat ng bagong miyembro ng Jumi ay kailangang dumaan sa Initiation. Kailangan naming talunin ang isa sa pinakamalakas na estudyante para kilalanin kami ng mga datihan. At alam mo ba kung sinong nakalaban namin? Si Viathel Zeis! Hindi niya kami pinagbigyan dahil mukhang masama ang timpla niya. Napahiya daw siya sa mga bagong Miden," mahabang paliwanag ni Riri.
"T-Teka? Zeis? Prinsesa ng Asturia?" gulat na tanong ni Avanie.
"Oo, siya nga. At kami ang napagbuntunan niya ng inis dahil sa Miden na nagpaligo sa kanya ng putik," dagdag pa ni Cien.
'Aaah... ako ata ang Miden na yon ah. Akalain mo, siya pala ang Prinsesa ng Asturia.'
"Nanalo ba kayo?" si Fegari ang nagtanong.
"Mukha ba kaming nanalo ng itsurang to? Natural hindi! Sinong mananalo sa isang nagwawalang bruha? Napigilan lang siya nung isang Dia kaya kami nakatakas." Unti-unting nalugmok sa kahoy na sahig si Cien. "Nagugutom na talaga ako."
"Pero, bakit nandito ka Riri?"
"E... wala akong matutuluyan. Pwede bang dito ako tumira? Sinabi rin ni Cien na masarap kang magluto!"
"......."
Sa mata ng mga kasama ni Avanie, isa siyang malaking kaserola na naglalabas ng masasarap na pagkain at sa mata ng mga walang matutuluyan, isang malaking bahay ampunan ang kanyang maliit na tahanan.
'Haaay... nadagdagan pa ng isa ang anak ko...'
✴✴✴
Kinaumagahan...
Matapos maghiwa ng sibuyas, kamatis, bawang at patatas ilagay sa kawaling may mainit na mantika at igisa. Hinaan ng kaunti ang apoy para hindi masunog ang sibuyas at bawang, hintaying magkatas ang kamatis saka palambutin ang patatas--leche hindi alam ni Avanie kung bakit niya ito ginagawa!
Tumupad siya sa usapan ng grupo nila pero siya lang ang mag-isang nagpunta at ngayon nga ay pinagsisisihan niya ang kanyang naging desisyon na sundin si Mume! Anak ng tinapay at gatas! Pinapunta lang pala sila nito nang maaga para magluto ng agahan dahil ang tingin ng impaktong Nindertal na ito sa kanila ay mga alipin.
Hanep nga, may dala pa itong maliit na lutuan at kawali.
'Buhusan ko kaya ng mantika? Ano lahat na lang sila tingin sa'kin tagapagluto? Ang unfair ng buhay!'
Heto si Avanie at nagluluto ng pagkain para sa iba samantalang siya hindi pa nag-aagahan! Dahil nga sa sobrang aga at pag-aakalang mahuhuli siya sa usapan, hindi na siya nakakain ng agahan. Nag-iwan lang siya ng pagkain para sa dalawa tapos no'n umalis na siya.
"Ano, hindi pa ba tapos yan?" naiinip na turan ni Mume.
"Malapit na pong maluto, sandali na lang."
Matapos ang ilang minuto ay inilagay niya sa maliit na mangkok ang ginisang patatas. Patatas lang, walang kahit anong sahog dahil ito lang ang kayang bilhin ni Mume. Napag-alaman niyang wala itong gaanong pera at hindi kayang bumili ng kahit ano maliban sa iilang klase ng gulay. Naawa naman siya rito. Nabubuhay sa pagnanakaw ang mga Barona kaya hindi alam ni Avanie kung anong klase ng buhay meron si Mume sa labas ng Heirengrad.
Kunsabagay mabait naman ang tangang Hari. Hindi nito hahayaang may magutom sa kaharia nito, pero syempre ibang kaso 'pag nasa labas ka ng kaharian. Bahala ka na sa buhay mo.
"O." Iniabot niya rito ang mangkok, agad namang kinuha nito yon at nagsimula nang kumain. "Tinawag mo ba talaga ako rito para lang ipagluto ka?"
"Hindi ako marunong magluto. Wala rin akong pambili ng mga lutong pagkain," amin nito.
Naisipang magtanong ni Avanie. "Kilala mo ba si Urdu?"
Napahinto sa pagkain si Mume at nagtatakang tumingin sa kanya. "Pa'no mo nakilala ang kanang kamay ng pinuno namin?"
Kanang kamay...
kanang kamay?
KANANG KAMAY!? Yung patpating lalaking yon kanang kamay ng grupo ng Barona!? Hindi nga? Seryoso to, pwera biro? Pero sa itsura ng isang yon parang isang pitik lang tutumba na.
'Hwag humusga ng nilalang base sa panlabas na anyo.'
"Hindi ko alam kung pa'no mo nakilala si Urdu pero para sa kaalaman mo, siya ang dating kanang kamay ng pinuno namin. Umalis siya dahil hindi niya na kinaya ang ginagawa ng Barona. Wala namang pakialam ang pinuno pero alam namin na nasaktan din siya dahil kapatid niya yon."
"Magkapatid si Levic at Urdu?"
Napatanga si Avanie at Mume sa isa't-isa. Nalaglag pa nga ang pagkakahawak ni Mume sa mangkok. "Paanong— "
"Wag kang mag-alala, aksidente lang ang pagkakakilala ko sa dalawa. Pero, hindi ba hinahanap ni Levic ang kapatid niya?"
"Malay." Muli nitong dinampot ang mangkok at bumalik sa pagkain. "Ang huling balita namin kay Urdu, nadakip siya ng mga kawal at nagsasanay sa loob ng Kalaja ngayon. Swerte niya, maaari siyang maging kawal."
"E, ikaw? Bakit hindi na lang kayo magsilbi bilang kawal kesa magnakaw?"
"Madaling sabihin yan dahil hindi ikaw ang pumasok sa isang kontrata."
"A-Anong ibig mong sabihin?"
"Pumirma ng kontrata ang pinuno na gagawin namin ang ipinag-uutos ng--kung sino man yon hindi ko alam--na paslangin ang mga Nindertal na nagkaka-interes sa nawawalang kaharian. Ang alam ko, hindi naman talaga payag ang pinuno. Sa palagay ko pinagbantaan siya ng Nindertal na yon kaya siya napapayag."
'Bernon Zeis!'
"Ipagluto mo pa nga ako ng isa pa," utos ni Mume.
'Hampasin ko kaya ng kawali ang isang ito nang matigil?'
✴✴✴
Arondeho Capital Den Mara
Almiryad Church
"Anong nangyayari?" usisa ng isang matandang lalaki sa mga Nindertal na nagkakagulo sa harapan ng simbahan ng Almiryad. Panay ang tanaw ng mga ito sa malaking grills na nakapalibot sa buong simbahan.
"Hindi rin po namin alam lolo. Nagmamadaling umalis ang matataas na Cleric ng simbahan. Mukhang may magaganap na pagpupulong sa palasyo," sagot ng lalaki. "Malamang dahil ito sa ginawang paglapastangan ng Duke sa pangalan ng Diyosa ng buwan."
Hinimas ng matanda ang baba nito at nag-oobserbang tiningnan ang mga Cleric na papasakay na sa kani-kanilang sasakyan. Lumulutang ang mga yon sa lupa, kahugis ng itlog at gawa ito sa matibay na metal na kulay puti. May parisukat na butas sa likuran na siyang nilalabasan ng usok. Nagliwanag ang kulay asul na ilaw sa ibabaw ng sasakyan at tuluyan nang lumipad palayo.
"Hmmm... mukhang may malaking magaganap sa Iriantal," pabulong na sabi ng matanda at walang lingon likod na umalis sa kumpulan ng mga Nindertal.