Magkakasama sa quarters sina Joaquin, Kevin, Cain, at Simon. Ang maliit na espasyo ay puno agad ng tawanan at biruan habang inaayos nila ang kani-kanilang mga gamit.
"Kasama ka na naman namin?" kunot-noong biro ni Joaquin habang inaayos ang mga damit sa maliit na cabinet sa tabi ng kama niya.
"Never tayo maghihiwalay, love," natatawang sabi ni Cain, pasimpleng yumakap mula sa likod ng pinsan.
"Kung hindi ko lang alam na magpinsan kayo, mapagkakamalan ko talagang magsing-irog," natatawang singit ni Simon, na pamilyar sa pagiging malapit ng dalawang Montecarlo.
"Ito kasing kaibigan mo, may sa linta," reklamo ni Joaquin, ngunit may ngiti sa labi.
Tawang-tawa si Cain habang naglalatag ng kumot sa kama niya, pero maya-maya'y nahiga na ito sa kama ni Joaquin.
"Makatagal ka kaya, Joaqs? Ang liit ng kamang tutulugan mo."
"Kama lang 'yan, Cain. Baka ikaw ang hindi makatulog."
"Ako pa? Sanay nga kami ni Simon na sa upuan lang nakakatulog, 'di ba?"
"Oo nga. Basta may sandalan, tulog agad 'yan," sagot ni Simon, nagbibiro rin habang nag-aayos ng gamit.
Maya-maya, kumatok si Angge.
"Doc…" maingat na tawag ni Angge.
"Pasok!" halos tumalon si Cain mula sa kama, agad na nakangiti habang nakatingin sa pinto.
Pumasok sina Angge at Nora. Napansin ni Angge si Joaquin na abala pa rin sa pag-aayos ng mga gamit. Bahagya siyang nagulat at napatigil, ngunit agad ding nagbalik sa ulirat.
"Yes, Gimeno?" tanong ni Cain, nakaupo na ngayon sa kama.
"Doc, may binigay po sa amin na chart para sa schedule n’yo this week. Kami na po ang mag-e-explain sa inyo."
"Halika, dito ka," anyaya ni Cain, tinapik ang tabi niya sa kama ni Joaquin. Samantala, si Simon ay tinabihan si Nora upang i-explain din ang schedule nito.
Habang pinapaliwanag ni Angge ang schedule kay Cain, napansin nitong tila marami silang barangay na pupuntahan.
"Mukhang malalayo ang mga ito, ah," puna ni Cain. "May motion sickness ka ba?"
"Meron, doc," sagot ni Angge, bahagyang nagtataka. "Bakit po?"
"Yung barangay na naka-assign sa atin ngayong linggo, tawid-dagat. Baka mahilo ka."
Tumayo si Cain, kinuha ang bag sa kama, at naghanap ng gamot. Noon lang napansin ni Angge na hindi pala kay Cain ang kama—kay Joaquin pala.
Agad siyang tumayo, namula ang mukha. "S-sorry, akala ko kay doc Cain," humingi siya ng paumanhin kay Joaquin, ngunit nanatili itong tahimik, ang maamong mukha ay napalitan ng malamig na ekspresyon.
Hindi siya pinansin nito, nagpatuloy lang sa pag-aayos ng mga gamit. Parang may kung anong bigat sa dibdib ni Angge, kaya’t mabilis na bumalik ang atensyon niya kay Cain.
"Ito, Gimeno. Inumin mo ito 30 minutes bago tayo pumalaot para hindi ka mahilo," sabi ni Cain, iniaabot ang isang banig ng gamot kay Angge.
"Salamat, doc." Kinuha ni Angge ang gamot, pilit na iniiwasan ang tumingin kay Joaquin.
Nagpaalam na ang dalawa bago lumabas ng tent.
Sa labas, napabuntong-hininga si Angge. "Ano ba ‘yun? Bakit parang ang bigat ng tingin ni Joaquin?" bulong niya sa sarili, na hindi napansin ni Nora na naglalakad sa unahan.
Sa loob ng tent, naiwan si Joaquin na tahimik, ang malamig na ekspresyon ay unti-unting napalitan ng lungkot habang tinititigan ang kama niyang saglit na inupuan ni Angge.
"Joaqs, okay ka lang?" tanong ni Cain, nakatingin sa pinsan.
"Okay lang," tipid na sagot ni Joaquin, ngunit hindi mapigilang mapahinga ng malalim.
"Sana ikaw na lang piniling tabihan," bulong ni Joaquin sa sarili, na bahagyang narinig ni Cain pero hindi na kumibo.
Hindi mapakali si Angge matapos nilang bumalik sa quarters. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang malamig na tingin ni Joaquin kanina. Alam niyang maliit na bagay lang—ang maupo sa kama ng iba—pero bakit parang ang bigat ng pakiramdam niya?
"Bakit parang balisa ka jan?" tanong ni Nora na ngayon ay nakahiga na at nagpapahinga.
"Sa tingin mo kaya... galit sa akin si Joaquin?" maingat na tanong ni Angge.
"Ha? Bakit naman?" takang tanong ni Nora, bumangon ng bahagya para tingnan siya.
"Dahil sa pag-upo ko sa kama niya nang walang paalam. Akala ko kasi kay doc Cain 'yun."
"Hindi naman siguro. Ang babaw naman na dahilan 'yun para magalit siya."
"Sa tingin mo?"
"Oo. Huwag mo masyadong isipin. Magpahinga ka na kasi bukas loaded tayo."
"Alas kuwatro pa lang ng hapon, Nora. Ang aga mo para bukas," biro ni Angge, pilit na pinapatawa ang sarili.
"Haha! Napagod kasi ako sa biyahe."
"Sige, pahinga ka lang diyan," sabi ni Angge. Pero imbes na mahiga, lumabas siya ng quarters at nagtungo sa stockroom.
Kumuha siya ng instant coffee, tubig, at yelo—nagdesisyon siyang gumawa ng iced coffee para maibsan ang kaba sa dibdib. Habang isinasalin niya ang malamig na kape sa tumbler, biglang bumukas ang pinto.
Pumasok si Joaquin, abalang naghahalungkat sa ilalim ng cabinet. Parang sasabog ang dibdib ni Angge, ngunit nagkunwari siyang kalmado.
Nang makita nitong may hinahanap si Joaquin at mukhang paalis na, hindi niya napigilang tawagin ito.
"Ah, Joaquin... sandali."
Huminto ang binata at nilingon siya, malamig pa rin ang ekspresyon.
"C-coffee?" kinakabahan na tanong ni Angge.
"Hindi ako nagkakape, lalo kung mainit na," maikli nitong sagot, pero hindi siya tiningnan ng diretso.
"Ah, oo... alam ko. Kaya iginawa kita ng iced coffee." Iniabot niya ang tumbler sa kanya.
Saglit na tumigil si Joaquin. Tinignan ang tumbler, tapos si Angge. "Salamat," sabi niya, tinanggap ang iced coffee bago lumabas ng stockroom.
Naiwan si Angge, napasandal sa pader. Parang naubos ang lakas niya sa simpleng pag-aalok ng kape. Pero higit sa lahat, mas masakit ang nararamdaman niyang lungkot. Hindi siya sanay sa malamig na Joaquin—hindi tulad ng nakilala niyang masayahin at palabiro sa kanilang unang linggo.
"Bakit ganito? Bakit parang ang bigat sa'kin?" mahina niyang bulong sa sarili, hindi alam kung galit ba si Joaquin o siya lang ang nag-iisip nang sobra. Pero alam niyang isang bagay ang sigurado—ayaw niyang mawalan ng koneksyon sa binata.
"Hoy!" tawag ni Nora, may pilyong ngiti sa labi habang tinitingnan si Angge na nakatanaw sa malayo. "Sino bang tinatanaw-tanaw mo diyan?"
"Wala no," sagot ni Angge, sabay balik sa ginagawa niyang pag-aayos ng mga gamit sa tackle box.
"Hmm, talaga lang ha?"
"Oo nga." Pakunwaring sagot ni Angge, sabay tawa at mas inorganisa pa ang gamit sa bag.
"Oo nalang," natatawang sabi ni Nora, saka isinukbit ang OB bag nito sa balikat. "Alam mo dzai, mas mabuti pa na lapitan mo na yung tinatanaw mo at sabihin mo yung tumatakbo d'yan sa isip mo. Kasi kung lobo lang itong quarters natin, malamang kanina pa tayo pumutok kakabuntong hininga mo."
Napatingin si Angge kay Nora, nag-aalangan. "Hindi naman na siguro mahalagang malaman niya."
"Mahalaga yun, kasi involved siya."
"Hindi naman niya alam."
"Kaya nga ipapaalam mo." seryosong sagot ni Nora, sabay tawa nang bahagya. "Teka nga… Umamin ka, may gusto ka ba kay Doc Cain?"
"Ano?!" gulat na sagot ni Angge, hindi makapaniwala sa tanong. "Bakit siya nasama sa usapan?"
"Aha! Si Joaquin!" excited na sabi ni Nora, saka tiningnan ang kaibigan na halos hindi na makagalaw sa kahihiyan. "Sabi ko na nga ba, may gusto ka sa kanya!"
"Hinahangaan lang. Wag mo bigyan ng ibang meaning," pabirong sagot ni Angge, pero hindi maikaila ang pag-iwas ng mata kay Nora.
"Doon naman nag-uumpisa ang lahat..." masayang sabi ng kaibigan, hinahagod ang buhok ni Angge.
"Tara na nga... Kung ano-ano pa yang sinasabi mo." Natatawang sabi ni Angge, kahit na nagsisimula nang mag-init ang kanyang mga pisngi.
Masaya namang sumunod si Nora sa kaibigan, ang tawa ay patuloy na umaabot sa paligid ng quarters. Sa kabila ng mga biruan, ramdam ni Angge na may isang malaking tanong na naglalaro sa kanyang isipan. Paano nga ba niya papanghawakan ang mga nararamdaman niya kay Joaquin?
"Okay na," sabi ni Joaquin, sabay tinulungan ni Kevin ang ibang mga kasamahan nila sa mga gamit bago nila tinahak ang daan patungo sa pangpang kung saan naroroon ang bangka na sasakyan nila.
"Hoy," sabi ni Kevin, lumingon kay Joaquin. "Bakit parang iniiwasan mo si Angge?"
"Hindi ko siya iniiwasan," sagot ni Joaquin.
"Ahh, talaga?" tanong ni Kevin, duda sa sagot ng kaibigan.
"Binibigyan ko lang siya ng space."
"Space?" tanong ni Kevin. "Para mapalapit siya kay Cain? Tignan mo, parang nagkakalapit na sila."
"Ano naman kung magkagustuhan sila?" sabi ni Joaquin, medyo walang pakialam. "Pareho naman silang nasa medical field, kaya baka magkaintindihan sila."
Tahimik lang si Joaquin habang tinitingnan sila Cain at Angge na magkasabay naglalakad.
"Alam mo pare," sabi ni Kevin, "wala naman masama na bigyan mo siya ng space, pero baka naman sa iba mapunta ang atensyon niya."
"Bigla din naman niya akong iniiwasan," sabi ni Joaquin, hindi pa rin tumitingin kay Kevin. "Okay naman kami the last time na pinakilala ko siya sa inyo."
"Baka naman dahil sa girlfriend issue?" tanong ni Kevin.
"Nalinaw ko naman na sa kanya yun?" tanong ni Joaquin.
" Linawin mo pa sa kanya ang totoo."
"Kaylangan ba?" tanong ni Joaquin. "Baka hindi niya lang talaga ako gustong makilala."
"Hindi mo malalaman kung hindi mo tatanungin," sabi ni Kevin. "Pare, kung gusto mo talaga siya, hindi ka na dapat magduda. Sabihin mo na sa kanya ang nararamdaman mo."
"Kung hindi niya naman ako pansinin?" tanong ni Joaquin, nagsisimula nang mag-alala.
"Pare," sagot ni Kevin, "kung gusto mo siya, hindi ka na dapat magdadalawang isip. Siya lang ang makakasagot niyan, saka ka na mag-overthink kapag negative ang nangyari."
Natawa si Joaquin, pero hindi pa rin sigurado sa mga sinasabi ng kaibigan. Nung makarating sila sa bangka, naunang sumampa si Joaquin at inalalayan si Angge upang makasampa.
"T-thank you," sabi ni Angge, nag-aalangan habang nag-aayos ng upo. Bahagyang tumingala siya kay Joaquin at naramdaman ang init ng kamay nito nang mahawakan siya.
"Hindi no!" sagot ni Angge sa sarili, ngunit hindi maiwasang magsimula ng malalim na pag-iisip. Tinalikuran niya si Joaquin upang hindi na magdagdag ng kaba.
Habang naglalayag, nakakaramdam siya ng takot, hindi lang dahil sa alon kundi dahil sa kung anong nararamdaman niya kay Joaquin. Tinitingnan ni Angge ang mga kasamahan na masaya sa biyahe, pero siya'y hindi makapag-enjoy dahil sa kaba.
Napansin ito ni Joaquin at lumapit sa kanya. Umupo siya sa tabi ni Angge at kinuha ang kamay ng dalaga.
"Mas makakapagbalanse ka kung nasa gitna ka," sabi ni Joaquin. Hindi iniwasan ni Angge ang kanyang kamay at nagpasalamat.
"S-salamat. Wala kasi akong kakapitan kung nasa gitna ako," sagot ni Angge, masaya na hindi binitiwan ni Joaquin ang kamay niya. Tinutok ni Joaquin ang bangka sa gitna, at hindi na namalayan ni Angge na nakarating na sila sa kabilang isla.
Pagdating sa pangpang, inalalayan siya ni Joaquin pababa ng bangka. "Joaquin!" tawag ni Cain mula sa may dalampasigan.
"Para, Joaqs," natatawang sabi ni Cain, sumenyas sa pinsan na tulungan din siya. "Tignan mo tong taong ito."
Nagpatawa si Joaquin bago iniwan si Cain para tulungan siya.
"Nakita kita ha, nananching ka," sabi ni Cain, na may kasamang ngiti, tinutukso si Joaquin.
"Nagmagandang-loob lang ako, hindi ako gaya mo," sagot ni Joaquin, medyo mahinahon pero halata ang iritasyon.
"Wow, ang bait mo pala," sabi ni Cain, nagkunwaring nag-beautiful eyes. "Samantalang hindi mo nga matulungan ang pinsan mong bababa."
"Naglalambing lang naman ang pinaka-gwapo mong pinsan," pakunwari pang tumaas ang kilay si Cain.
"Can you not?" sabi ni Joaquin, hindi na napigilan ang pagtaas ng tono, nagiging authoritative.
"Para ka nanamang señor," tawa pa ni Cain, pero nang makita ang seryosong ekspresyon ni Joaquin, medyo napalunok siya. "Joaqs, nililigawan mo ba si Gimeno?"
"Masama ba kung ligawan ko siya?" tanong ni Joaquin, ngayon ay seryoso na talaga ang anyo.
Napabuntong-hininga si Cain, pinagmamasdan ang pinsan. "Joaqs, ayoko lang mangyari ulit ang nangyari sa'yo noon."
"Tapos na 'yun, Cain," sagot ni Joaquin, pero hindi niya kayang tingnan si Cain sa mata. "Hindi na ako 'yung dating gago na nadadala ng emosyon."
"Sigurado ka bang tapos na?" hamon ni Cain. "Kasi sa nakikita ko, takot ka pa rin."
"Takot? Ako?" tumawa si Joaquin, pero halatang pilit. "Ano bang dapat kong katakutan? Kung may gusto ako kay Angge, wala namang masama."
"Ang problema, Joaqs, hindi lang ‘gusto’ ang usapan dito." Lumapit si Cain, tinapik ang balikat ni Joaquin. "Hindi mo ba napapansin? Lahat ng kilos mo sa kanya, parang laging may preno."
"Binibigyan ko lang siya ng space," sagot ni Joaquin, pilit iniwas ang tingin.
"Space? O tinatakasan mo ang sarili mong takot?" tanong ni Cain. "Kasi sa totoo lang, hindi ko alam kung takot ka bang masaktan o takot kang makasakit."
Hindi agad nakasagot si Joaquin. Napako ang tingin niya sa mga yapak nila sa buhangin. "Hindi mo maiintindihan."
"Try me," seryosong sabi ni Cain.
"Alam mo naman ang nangyari kay Lea," mahina pero puno ng bigat ang boses ni Joaquin. "Hindi niya alam... kung ano ang ginawa ni Papa sa kanya noon. Pinaniwala siyang mahal siya, pero iniwan siya sa ere nung nalaman ng pamilya natin na mahirap lang siya."
"Joaquin, hindi ikaw si Tito," sabi ni Cain. "At hindi si Lea si Angge."
"Pero pareho silang katayuan sa buhay, Cain," madiing sabi ni Joaquin. "Paano kung... paano kung hindi ko maprotektahan si Angge? Paano kung hindi ko siya kayang ipaglaban kapag dumating ang panahon na kailangan? Paano kung masaktan ko siya, tulad ng ginawa ni Papa kay Lea?"
"That's a lot of 'paano,' Joaqs," sagot ni Cain, malumanay pero diretso. "Pero ang tanong: plano mo bang ulitin ang ginawa ni Tito? Nakikita ko ba ang pinsan kong mahina at sunud-sunuran sa pamilya niya?"
"Alam mo namang hindi." Halos pabulong ang sagot ni Joaquin.
"Then prove it," sabi ni Cain. "Hindi mo kailangan gawing komplikado ang lahat. Kung mahalaga sa'yo si Angge, pakita mo. Kung may takot ka, harapin mo. Pero huwag mong gawing excuse 'yang takot para layuan siya."
"Paano kung dumating ang punto na kailangan kong mamili? Pamilya o siya?" tanong ni Joaquin, puno ng alinlangan.
"That's the thing about love, Joaqs," ngumiti si Cain, pero seryoso pa rin ang tingin. "It will test you. But if you can't even start because you're afraid of the end, then you’re already losing."
Hindi nakasagot si Joaquin. Tumalikod si Cain, pero bago lumayo, nagsalita siya ulit. "Angge deserves someone who will choose her, Joaquin. Someone brave enough to stand by her side, kahit pa mahirap."
Naiwang nakatayo si Joaquin, tinitingnan ang mga alon na humahampas sa dalampasigan. Alam niyang tama si Cain. Ang problema, kaya ba niyang maging ganung klase ng tao para kay Angge?
Sa isang sitio, isang malaking tent ang itinayo, na sapat para magkasya ang lahat ng mga pasyente. Pagdating nila, nadatnan nila ang mahabang pila ng mga tao—mga bata, matatanda, at ilang kabataang may bitbit na kanilang mga magulang. Maaninag sa kanilang mga mukha ang saya at pag-asa nang makita ang medical team.
"Let's go, Gimeno!" sigaw ni Cain, tinapik pa siya sa balikat, isang paalala na kailangan nilang kumilos nang mabilis.
"Yes, doc!" sagot ni Angge na mabilis na inayos ang mga gamit. Nakasabit na sa leeg niya ang stethoscope, nakahanda na ang blood pressure monitor at thermometer. Isa siya sa mga pumuwesto sa assessment area, kung saan siya ang unang haharap sa mga pasyente—mag-aasikaso sa kanila bago kuhanan ng vital signs.
"Next po, dito po tayo," masiglang sabi ni Angge, nginingitian ang isang matandang lalaki na hirap sa paglakad. Maingat niyang inalalayan ito, kasabay ng kanyang malumanay na tanong, "Lolo, ano po bang nararamdaman ninyo?"
"Matagal nang masakit ang dibdib ko, hija. Pero mas mahalaga pa kasi ang makakain sa araw-araw kaysa magpatingin," sagot ng matanda, bahagyang napayuko, halatang nahihiya.
"Libre po ang konsulta ngayon, Lolo. Kaya huwag na kayong mag-alala, aalagaan namin kayo," malambing na sagot ni Angge bago sinimulang kuhanan ng vital signs ng matanda.
Sa kabila ng dami ng tao at init sa loob ng tent, hindi nawawala ang sigla ni Angge. Sa bawat pasyente, hindi lang basta mga numero ng blood pressure o temperatura ang ibinibigay niya—kundi kaunting ngiti, ilang tanong, at palaging may kasamang assurance na maaayos ang pakiramdam ng mga ito.
"Hija, salamat, ha? Sana marami pa kayong matulungan," sabi ng isang nanay na may kargang batang ubuhin.
"Masarap po sa pakiramdam na makita kayong gumagaling, Nanay," sagot ni Angge, bago itinuro ang susunod na pupuntahan ng pasyente.
Samantala, abala si Cain sa pangunguna sa diagnostic area. Mabilis niyang na-assess ang bawat pasyente, habang si Joaquin naman ay nakatutok sa pag-aayos ng mga gamot at supplies.
"Joaquin, pa-check mo yung oxygen tank, baka kailangan na ng refill," utos ni Cain.
"Got it," sagot ni Joaquin, agad na kumilos, pero hindi maiwasang mapatingin kay Angge na abala pa rin sa mga pasyente. Napansin iyon ni Kevin, na nag-aasikaso ng x-ray machine.
"Hindi ko alam kung trabaho ang inaatupag mo o pagtingin kay Angge," biro ni Kevin, bahagyang tumatawa.
"Cut it out," mahinang sabi ni Joaquin, pilit na iniwas ang tingin.
"Aba, defensive. Eh bakit hindi mo na lang lapitan?"
"Busy siya. Ayokong istorbohin."
"O baka natatakot ka?" tukso pa ni Kevin. "Baka si doc Cain na ang mauna, oh," sabay turo kay Cain na kasalukuyang nakikipag-usap kay Angge habang tinuturuan itong magbasa ng mga resulta ng test.
Nakita ni Joaquin na tumawa si Angge sa sinabi ni Cain. Bahagyang napakuyom ng kamao si Joaquin, pero pilit na binalewala iyon.
"Hindi ako natatakot, Kevin," sagot ni Joaquin, ngunit kahit siya ay parang hindi kumbinsido sa sarili.
"O sige. Sabihin na nating hindi ka takot. Eh ano yung expression mo ngayon? Parang gusto mong sulatan si Cain ng ‘Stay Away’ sa noo niya."
"Shut up, Kevin."
Nang mag-alas tres na, nagbigay na ng cut-off ang organizer ng medical mission. Agad nilang inasikaso ang mga natira at sinabihan na may priority sila bukas. Nag-ayos na si Angge ng kanyang mga gamit, pero hindi pa rin maalis sa isip niya ang mga sandaling kasama si Cain. Masaya itong nagtuturo sa kanya, pero hindi niya maiwasang mapansinang panakaw na tingin ni Joaquin sa kanila.
"Bakit parang tahimik ka ngayon?" tanong ni Cain nang mapansing hindi na ganoon ka-animated si Angge.
"Ha? Wala po, doc," sagot niya, pilit na ngumiti.
"Kung hindi ka okay, you can take a break. Ayoko ng assistant na na-o-overwork," biro ni Cain, pero may halong pag-aalala ang tono.
"Okay lang po, doc. Promise."
Nang matapos ang mission, naglakad-lakad muna si Angge sa tabi ng tent para makalanghap ng sariwang hangin. Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay may bigat sa dibdib. Natutuwa siya sa pagtuturo ni Cain, pero bakit parang may bumabagabag sa kanya?
"Hinihintay mo ba si doc Cain?" boses ni Joaquin na nagpagulat sa kanya.
"Ha? J-Joaquin, hindi naman. Lumanghap lang ng hangin," sagot ni Angge, pilit na ngumiti.
"Okay. Akala ko kasi..." Hindi na itinuloy ni Joaquin, pero hindi niya maitago ang kaba sa dibdib.
"Akala mo ano?"
"Wala. Masyado yata akong assuming," pilit na tawa ni Joaquin.
Natahimik si Angge. Nais niyang tanungin si Joaquin kung galit ba ito sa kanya, pero parang hindi niya alam kung paano uumpisahan. Sa halip, siya na ang unang nagtanong. "Galit ka ba sa akin?"
"Ha? Bakit naman ako magagalit sa’yo?"
"Hindi kasi kita maintindihan. Parang iniiwasan mo ako minsan, tapos ngayon bigla kang lalapit."
Napakamot ng ulo si Joaquin. "Sorry. Ayokong maging problema sa’yo."
"Problema? Paano ka magiging problema?"
"Tingin ko kasi... naistorbo kita."
"Bakit mo naman naisip 'yan?"
"Dahil kay Cain," diretsong sabi ni Joaquin, na ikinagulat ni Angge. "Alam ko naman na nagkakasundo kayo, at bagay kayong dalawa."
"Joaquin..." Hindi alam ni Angge kung matatawa o maaawa sa pagkakamali ni Joaquin. "Doc Cain is just teaching me things. Wala namang... Wala namang something sa amin."
Tahimik si Joaquin, pero bumilis ang t***k ng puso niya. "So... wala?"
"Wala," ulit ni Angge. "Bakit? Gusto mo bang magkaroon?" biro niya, sinusubukang gawing magaan ang usapan.
"Hindi," mabilis na sagot ni Joaquin, pero agad ding napayuko. "I mean... depende."
"Depende?" Ngumiti si Angge, at doon nawala ang bigat sa dibdib niya.
"Basta... hindi ko gusto na parang nawawalan ako ng pagkakataon... na makilala ka pa."
Hindi na nagsalita si Angge, pero ramdam ni Joaquin na naiintindihan siya nito. At sa ilalim ng nag-aagaw na liwanag ng hapon, nandoon sila—dalawang pusong hindi pa tiyak, pero nagsisimula nang maglapit.
Pasado alas singko nang matapos sila, kaya naman nagligpit na sila ng mga gamit. Matapos iakyat ni Angge ang kanyang mga gamit sa itaas ng papag na magiging tulugan nila, bumaba siya para maglakad-lakad. Naupo siya sa balkonahe ng bahay kubo, iniisip ang buong araw habang hinihimas ang sariling braso, dinadama ang malamig na simoy ng hangin.
Sa di kalayuan, nakita niya sina Cain at Joaquin na papalapit. Nakangiti si Cain at kumakaway, habang si Joaquin ay nakatitig sa kanya nang may seryosong ekspresyon. Naupo si Joaquin sa upuang kawayan na malapit sa kanya, samantalang si Cain naman ay dumiretso sa duyan, agad na napapikit.
"Hay! Kapagod," sabi ni Cain, iniunat pa ang mga braso. "Ikaw, Gimeno? Hindi ka ba napagod?"
"Medyo lang, doc. Pero masaya," sagot ni Angge, pilit na ngumiti.
"Sabagay, nakakawala ng pagod kapag naririnig mong nagpapasalamat sila."
"Oo nga po, doc," sagot niya, pero sa gilid ng kanyang paningin, napansin niya si Joaquin na parang may gustong sabihin pero nag-aalangan.
Ilang sandali pa ay unti-unting pumikit si Cain, at maya-maya ay maririnig na ang mahina niyang paghilik. Natawa si Angge.
"Maari ba kitang maaya maglakad-lakad?" biglang tanong ni Joaquin.
Nagulat si Angge, pero agad ding tumango. "S-sige."
Tinahak nila ang maliit na trail na paakyat sa burol, tahimik sa una. Paminsan-minsan ay sinusulyapan siya ni Joaquin, pero tahimik lang si Angge, sinusubukang itago ang kaba sa dibdib.
"Ang ganda," mahina niyang sabi, nakangiti habang pinagmamasdan ang mga kulay ng kalangitan.
Habang naglalakad sina Joaquin at Angge sa trail patungo sa burol, tahimik muna silang dalawa, tanging mga yabag lang nila ang naririnig sa lupa.
"Sabihin mo sa akin kung napapagod ka na. Pwede naman tayo magpahinga," sabi ni Joaquin, nag-aalalang tinatanaw si Angge.
"Ayos lang, maganda naman ang tanawin. Nakakawala ng pagod," sagot ni Angge, pilit na itinatago ang kaba sa kanyang dibdib.
Nang makarating sila sa tuktok ng burol, naupo sila sa isang mahabang bangkong kawayan. Angge, kahit nakangiti at nagmamasid sa paglubog ng araw, ay ramdam ang mga mata ni Joaquin na nakatuon sa kanya.
"B-bakit?" tanong ni Angge, pilit na pinapanatili ang tinig na normal.
"You're pretty," diretsong sabi ni Joaquin, hindi inaalis ang tingin sa kanya.
Namula ang pisngi ni Angge at agad na umiwas ng tingin. "Bolero."
"Nagsasabi lang ako ng totoo," sagot ni Joaquin, ngunit ngayon ay tila may kabang nahahalo sa boses niya.
"May gusto ka bang sabihin sa akin?" tanong ni Angge, pilit na iniiwas ang mga mata.
"Actually, oo." Lumalim ang boses ni Joaquin, seryoso ngunit may bahid ng pag-aalinlangan. "Gusto ko lang malaman… bakit bigla mo akong iniwasan? May nagawa ba ako na hindi mo nagustuhan?"
Sandaling natahimik si Angge. Tinitigan niya ang mapulang langit, nag-ipon ng lakas ng loob bago nagsalita. "Nabalitaan ko kasi… na may girlfriend ka na. At… at nagkakasira daw kayo dahil sa isang babae."
Natawa si Joaquin, ngunit halata ang lungkot sa kanyang mga mata. "Gaya nga ng sabi ko sayo wala akong girlfriend."
Nagulat si Angge. "Pero yun kasi kumalat na balita."
"Balita nga lang. At kung nagdududa ka, pwede mo akong tanungin direkta. Bakit mo ako iniwasan? Dahil sa balitang yun?"
"S-Sa totoo lang, ayoko na kasing masangkot ulit sa komplikasyon… gaya noong dati. Halos mawala ako sa scholarship ko dahil sa isang lalaki," inamin ni Angge, halos pabulong.
Nagbago ang ekspresyon ni Joaquin—mula sa lungkot, naging pagkabahala. "Gusto kong linawin sa'yo na wala akong girlfriend. Hindi rin ako naglalaro. Iiwasan mo pa rin ba ako?"
"Gusto ko nga din itanong sa'yo yan," sagot ni Angge, ngayon ay naglakas ng loob na tumingin sa kanya. "Hindi ba't iniiwasan mo din ako?"
Nagulat si Joaquin. "Imposibleng iwasan kita. Nahihiya lang akong lumapit… baka kasi naabala kita. Saka…"
"Tsaka ano?" pilit na tanong ni Angge.
"Tsaka… hindi ako sanay sa ganito. Ayokong magmukhang nang-iistorbo," inamin ni Joaquin, binaba ang tingin sa mga kamay niya. "Saka, hindi ako sumasama sa mga ganitong trip. Ikaw ang dahilan kaya sumama ako dito."
Nag-init ang pisngi ni Angge. "Grabe ka namang magbiro."
"Hindi ako nagbibiro." Diretso ang tingin ni Joaquin sa kanya. "Gusto kita, Angge."
Napatitig si Angge kay Joaquin, pilit inuunawang seryoso ba ito o naglalaro lang.
"Bakit ako?" tanong ni Angge, pinipilit ang sariling maging kalmado. "Hindi ba parang ang dami namang mas bagay sa'yo—"
"Sa tingin mo ba, may ibang dahilan pa?" putol ni Joaquin. "Nagustuhan kita dahil… ikaw 'yan. Hindi dahil sa kung ano ka o kung ano ako. Ikaw lang."
Hindi alam ni Angge ang isasagot. Gusto niyang maniwala, pero may takot pa rin.
"Pero paano kung hindi tayo magkaintindihan? Paano kung magbago ka? Paano kung…"
"Angge, hindi mo malalaman 'yun kung hindi natin susubukan," sabi ni Joaquin, ang boses niya ay puno ng katiyakan. "Ayokong itapon 'to dahil lang sa takot."
Napaawang ang labi ni Angge, pero hindi siya agad nakapagsalita. Napatingin siya sa tanawin—sa araw na papalubog, sa kalmadong dagat sa ibaba.
"Pwede bang… isipin ko muna?" mahina niyang tanong.
Tumango si Joaquin, ngunit ngumiti. "Walang problema. Ang importante, alam mong totoo ako sa'yo."
Tahimik silang naglakad pabalik sa kampo, ngunit sa puso ni Angge, ramdam niya ang init na iniwan ng sinabi ni Joaquin.
Sa mga sumunod na araw ng medical mission, napansin ni Angge na halos lagi nang sumasama si Joaquin sa kanya pagkatapos ng trabaho. Sa tuwing natatapos ang mahabang pila ng mga pasyente, habang siya at ang ibang medical volunteers ay nagliligpit ng gamit, nandiyan si Joaquin na nag-aalok ng tulong—mula sa pagdadala ng equipment hanggang sa pag-aayos ng tent.
"Ang sipag mo naman," biro ni Angge habang pinupunasan ang mga blood pressure cuffs. "Dapat yata nurse ka na lang kesa engineer."
"Volunteer ako ng engineering department, hindi nurse," natatawang sagot ni Joaquin. "Pero masaya naman akong tumulong kahit sa simpleng paraan."
Minsan ay sabay silang naglalakad pauwi sa kubo na tinutuluyan nila. Minsan din ay umaakyat sila sa burol para manood ng paglubog ng araw. Si Joaquin ay laging may baon na kwento, mula sa mga simple niyang karanasan sa trabaho bilang mekaniko sa Maynila hanggang sa mga alaala niya sa probinsya. Hindi maiwasang humanga si Angge sa pagiging simple nito—isang taong kontento sa simpleng buhay, marunong makipagkaibigan, at walang bahid ng pagiging "sosyal" na kinamumuhian niya sa mga mayayamang kakilala niya noon.
"Ang saya ng mga kwento mo," natatawang sabi ni Angge habang nakaupo sila sa damuhan ng burol. "Hindi ko akalain na ganito ka kasimple."
"Ano bang tingin mo sa akin? Mukha bang komplikado?" biro ni Joaquin.
"Well, sa una kasi... naisip ko na baka mayabang ka," pag-amin ni Angge. "Pero ngayon, alam ko nang mali ako."
"At least mali ang akala mo," nakangiting sabi ni Joaquin. "Ikaw naman, siguro akala mo napakasimpleng tao ko, pero baka may mga sikreto din akong tinatago."
"Naku, 'wag mong sabihing sikretong mayaman ka," pabirong sabi ni Angge, sabay tawa. "Hindi mo bagay."
Napahagalpak ng tawa si Joaquin, pilit itinatago ang konting kaba. Kung alam lang ni Angge ang totoo—na siya ay isang Montecarlo—isang apelyidong kilala sa yaman atkapangyarihan. Ngunit sa mga sandaling iyon, gusto niyang manatili sa katauhang simpleng mekaniko—isang lalaking walang pribilehiyo, walang marangyang pamumuhay, walang pamilyang nakikialam.
"Eh ikaw naman, siguro nagulat ka na sinamahan kita sa mission na 'to?" tanong ni Joaquin, bahagyang seryoso ang tono.
"Oo, medyo," sagot ni Angge. "Akala ko kasi sa engineering department ka lang talaga magfo-focus. Pero ngayon, lagi kang nandito."
"Simpleng rason lang naman. Mas masaya dito," sagot ni Joaquin, titig na titig kay Angge. "Mas masaya kapag kasama kita."
Bahagyang namula si Angge, pero pilit niyang iniba ang usapan. "Eh... baka naman napipilitan ka lang. Baka naisip mo kasing kawawa ako dito."
"Angge," malumanay na sabi ni Joaquin. "Kung napipilitan ako, matagal na akong bumitaw. Pero hindi eh."
Tahimik silang dalawa, tanging ihip ng hangin ang maririnig. Sa mga sandaling iyon, ramdam ni Angge ang t***k ng kanyang puso. Ayaw niyang umasa, pero parang nagiging espesyal na ang presensya ni Joaquin sa buhay niya.
"Eh ikaw? Hindi ka ba naiilang sa akin?" tanong ni Joaquin, bakas ang konting kaba sa boses.
"Bakit naman ako maiilang?" sagot ni Angge.
"Eh kasi... baka iniisip mo, sobra akong clingy," pabirong sabi ni Joaquin, pero may seryosong intensyon.
"Hindi ah. Natutuwa nga ako na may kasama ako dito," tugon ni Angge, nakangiti.
Sa simpleng sagot na iyon, parang gumaan ang pakiramdam ni Joaquin. Pero sa kabila ng mga tawanan nila, alam niyang may lihim siyang dapat itago. At sa bawat araw na lumilipas, mas nagiging mahirap para sa kanya ang itago ito.