•Trayne•
'I need to leave you early in the morning kasi my boyfriend is waiting sa house ko.'
Kakabangon ko lang nang makita ko ang sulat nito sa aking side table. Pero bakit naririnig ko pa rin ang boses nito na sinasabi ang mga salitang iyon? Nababaliw na yata ako.
"Hey, good morning," bati ko nang sagutin niya ang tawag. Kinuha ko kagabi ang numero niya para pwede ko siyang matawagan kahit anong oras. "Bakit umalis ka kaagad?"
"Nalipad ba ng hangin ang paper na sinulatan ko?" Napabuntong-hininga ako sa sinabi niya. Hindi niya ba ako naiintindihan? Gusto ko siyang makita sa pag-gising ko. "Wait lang, Saffe. I'm talking—"
"Saffe? Your boyfriend?" tanong ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ako nakikipaglapit sa babaeng ito, kahit alam ko naman na may nobyo na ito. "Sa tingin ko hindi ko na maipagpapatuloy ang panliligaw—"
"Why naman ganon?!" Nailayo ko ang cell phone sa aking tainga at hinawakan ito. Nabingi yata ako sa biglaang pag-sigaw nito. "Saffe, is my friend. Tahanan ko, huwag kang mag-selos, okay?"
Hindi ako sumagot sa sinabi niya. Bata pa si Yue at inosente sa lahat ng bagay. Alam ko na kapag malaman na niya ang totoong mundo ay mawawala na ang pagkakagusto nito sa akin.
"May trabaho pa ako, Yue," simpleng saad ko at pinatay na ang tawag. Gusto kong makahanap ng babaeng marunong na mag-handle ng relasyon. Ang babaeng hindi inosente at walang kaalam-alam sa mga bagay-bagay.
Babaeng katulad ni Lilac. Hindi ko alam kung makakahanap pa ba ako ng ganoon. Napailing ako sa aking iniisip at pumasok na sa banyo. Marami pa akong gagawin sa firm.
—
Napatigil ako sa pagmamaneho nang may namataan akong babae na nakaupo sa ibabaw ng kanyang kotse at nakayuko.
"Miss, may problema ba?" tanong ko. Tumingin naman kaagad ito sa akin at kumislap ang may kalakihan niyang mata, nagkaroon yata nang kauting pag-asa.
"Nasiraan ang kotse ko at hindi ako marunong umayos. Male-late na kasi ako sa trabaho." Tiningnan ko ang aking relo dahil sa sinabi niya bago binalingan ang kanyang kotse. "Saan ka ba? Hatid na lang kita at ipapakuha na lang natin ang sasakyan mo rito."
Kinuha ko ang business card ko at ibinigay iyon sa kanya para hindi na siya mag-alala. Kilala naman ang pamilya namin, at minsan-minsan ay lumalabas naman ako sa mga news.
"Pwede ba? Babayaran na lang kita," nahihiya niyang saad. Naalala ko tuloy si Lilac sa kanya noong una kaming magkakilala.
"Huwag mo na akong bayaran. Sakay ka na at baka mahuli ka nga sa trabaho mo," saad ko at binuksan ang pintuan sa passenger seat. "Saan ba kita ihahatid?"
"Yang Empire. Salamat nga pala sa tulong. I'm Apple." Napangiti ako dahil sa pangalan nito. "Tinatawanan mo ba ang pangalan ko?"
Nilingon ko siya sabay iling. "Nagagandahan ako sa pangalan," sagot ko na tinawanan lang naman niya.
Nagsimula na akong magmaneho at habang nagbya-byahe ay nakatulog lamang ito. Naalala ko tuloy si Yue na halos hindi na matigil kaka-kwento.
Napangiti ako nang maalala ito. "Tigilan mo na kabaliwan mo, Trayne. May nobyo na iyon," kastigo ko sa aking sarili.
Napatingin ako sa labas nang makita ang matayog na building sa labas. Kilala ko ang nagmamay-ari nito, naging kliyente ko rin sila noon. Malapit lang naman dito ang firm kaya hindi ko na kailangang magmadali.
"Miss Apple, nandito na tayo," gising ko sa kanya. Nag-inat naman ito ng kamay at kinusot ang dalawang mata. "Baka ma-late ka pa. Huwag ka na rin mag-alala sa kotse, ipapahatid ko iyon dito kapag naayos na."
Ngumiti ito at dumukwang sa akin. Nagulat pa ako nang bigla ako nitong halikan sa pisngi at nagtatalon na lumabas ng kotse. Hindi ko na lamang iyon pinansin at nagmaneho na lang ulit.
"Trayne!" Nanlalaki ang mata ko nang makita si Yue. Niyakap ako nito kaagad nang makalapit siya sa akin, ngunit lumayo rin siya kaagad at tiningnan ako nang maigi. "May kasama kang babae kanina."
Nangunot ang noo ko nang bigla nitong itinaas ang kamay ko at sinimulang amuyi ang katawan ko.
"Amoy babae ka. I thought, liligawan mo ako?" Napakamot ako sa aking batok. Paano ko ba sasabihin sa kanya na hindi ko na ipagpapatuloy iyon. Nababahala akong napatingin sa kanya nang malungkot siyang ngumiti sa akin. "Ayaw mo sa akin? Do you have someone?"
"Hindi naman sa ayaw ko sa iyo, Yue. Ayaw ko lang sa mga babaeng katulad mo. Marami ka pang dapat matutunan sa buhay. Alam ko na hindi pa rin tayo magkakatuluyan," saad ko. Tumingin naman ito sa akin at marahang tumango. "May boyfriend ka na rin naman."
Hindi ko alam kung narinig niya pa ba iyon dahil umalis na ito kaagad, at pabulong ko lang na binitawan ang mga salitang iyon.
Hindi ko na hinabol pa si Yue at dumeretso na sa opisina ko. Hindi ko man natupad ang sinabi ko sa kanya kahapon, alam ko naman sasaya siya sa piling ng nobyo niya.
Napatigil ako sa pagbabasa ng mga kaso nang biglang tumunog ang cellphone ko. Tiningnan ko iyon at malakas na tumawa nang makita ang ipinasang litrato ni Yue sa akin. Nakabusangot ito at nakaturo ang daliri nito sa ibabaw ng kanyang ulo na may salitang 'Disappointed'.
"Hi!" masayang bungad nito nang sagutin nito ang tawag ko. "Why you tawag sa akin ba?" Natawa ako dahil sa tono ng pananalita nito.
"Yue, kailangan mo munang mag-mature bago mo sabihin ulit sa akin kung mahal mo ba talaga ako," deretsahang saad ko sa kanya.
"Do you really think na mananatili ang pagmamahal ko sayo, Trayne De Silva? I'm Doina Yue Fontanilla—"
"Bakit mo ako gusto, Yue?" tanong ko sa kanya.
"Ikaw iyong tumulong sa akin noong muntikan na akong mabaril sa kasal nila Persephone at Hades. Sinagip mo ako, kaya utang ko sayo ang buhay ko, Trayne—"
Napangiti ako nang marinig ang deretso niyang tagalog. "Kalimutan mo na iyon, Yue. Matagal na iyon, hindi ko na nga maalala ang pangyayari. Hindi mo ako mahal o gusto. Ayaw mo lang na magkaroon ng utang na loob sa akin."
"Do you have someone. I mean, may babae na ba na nagpapatibok sa puso mo?" Kung sasabihin ko ba na oo, titigil na siya? "Trayne?"
"Sorry, Yue. Meron na akong ibang mahal." Narinig ko ang malakas na paghikbi nito bago naputol ang linya.