JAYDEE Maya't maya ko tinatapunan ng tingin si Lucas kasama ang tatay ng bruhang si Celine. Gusto ko na nga lumapit dahil pakiramdam ko ay sinasadya ng babaeng iyon na ipakita sa akin na hinahampas niya sa balikat si Lucas. Iyan ba ang business meeting na sinasabi ng bruhildang babaeng iyan, may pahawak effect pa siya sa ka-meeting niya? Sumama talaga ako kay Lucas sa meeting niya dahil baka hindi ko alam ay inaakit na ng babaeng iyon si Lucas. Malamang ay lihim ng tumatawa ang babaeng iyon dahil magkasama sila ni Lucas, samantalang ako ay narito sa sulok at tinitingnan lang sila. Hindi na ako humarap sa kanila dahil alam ko naman na business talaga ang pag-uusapan nila kaya humiwalay ako ng mesa. Bago tinungo ni Lucas ang mesa ng mag-ama ay um-order muna siya ng pagkain para sa 'kin.

