Prologue
“DO you know what’s my greatest wish ever?”
Isang boses ng lalake ang narinig ko. Isang binatilyong may itsura at may ngiting abot hanggang tainga. Magkatabi silang nakaupo sa troso ng isang dalaginding na mukhang ka-edad niya. ‘Di ko masulyap ‘yong itsura ng babae dahil nakatalikod siya.
Ginala ko ang tingin ko sa aking paligid—huh? Nasaan ako? ‘Di ko mapigilang hindi ikunot ang noo ko. Nakiliti ang pandinig ko dahil sa paghugong ng hangin; ang lamig sa pakiramdam ng pag-agos nito na nagpanginig sa mga labi ko.
Tila bang sumasayaw ang mga puno sa direksyon ng hangin ng gabi. Kumurap-kurap ako. Tama ba ‘yong nakikita ko? Mga diyamante ba ‘yon? Ay, mali, mga bituin pala. Grabe kasi ‘yong pagningning ng mga tala sa kalangitan; muntik ko nang mapagkamalang mga diyamante.
Nagsitaasan ang mga balahibo ko. Bumagsak nang malumanay ang mga kahel na dahon sa aking balat. Nakatatapak ako ng mga dahon ng taglagas, kaya may nabubuong malulutong na ingay.
Ang familiar ng autumn scenery; ang nostalgic.
“Ano naman ‘yon?” masiglang tugon ng dalaginding.
Nahulog ang panga ko nang luminaw ang mga mukha nilang dalawa sa ‘king paningin. ‘Yong babaeng ‘yon . . . kilala ko siya.
Siya ‘yong younger version ko.
Payat, maputi, at singkit. Ako ‘yan. Hindi ako puwedeng magkamali dahil maikli ang buhok ko no’ng twelve years old pa ako. Mukhang Dora pa nga ‘yong itsura ko niyan; kinulangan lang ng bangs. Ang liit pa nga ng height ko no’ng twelve pa ‘ko, kaya madalas akong nilalait na duwende.
Huminga nang malalim ang binatilyo. “I’d love to wake up next to you, Franz.”
Bakit . . . bakit pamilyar ang mga salitang ‘yan?
Tumili ako nang biglang dumilim ang lahat. Naglaho ang autumn scenery na nakikita ko, pati na rin ang binatilyo’t younger self ko. Binalutan ng karimlan ang paligid. Wala akong maaninag na kahit anong liwanag.
Kasabay ng malakas na pagkabog ng aking dibdib, nanginig din ang mga tuhod ko. Napalunok ako ng laway. Tumindig ang mga balahibo ko pagkat ayaw ko sa dilim.
Pabigat lang nang pabigat ang bawat paghinga ko. Paano ba kumalma? Ang hirap kumalma! Pakiramdam ko’y may kukuha sa ‘kin mula sa dilim.
‘Di ko na namalayan, tumatakbo na pala ako. Nakaririnig ako ng mga yabag. Pakiramdam ko’y may humahabol sa ‘kin; sigurado ako ro’n! Bakit parang . . . hindi na ako nakararaos sa puwesto ko?
Isang pasigaw na daing ang kumawala sa bibig ko nang makaramdam ako ng isang malakas na hampas sa ulo ko ng isang malamig at matigas na bagay na parang yari sa bakal. Sumalpak ang ilong ko sa sahig dahil sa pagkadapa ko. Ang sakit!
Agad akong napahawak sa ulo kong tumitibok. Napakagat ako ng ibabang labi, nagbabaka-sakaling mabawasan ang hapdi’t kirot. Mariin akong napapikit saka ngumiwi.
Ilang segundo na ang nakalipas, tiningnan ko ang kamay ko. May nararamdaman akong malagkit. Nanlaki ang mga mata ko nang makakita ako ng dugong tumutulo mula sa kamay ko.
Sino ang . . . gumawa nito?
Unti-unti kong inangat ang tingin ko. Naestatwa ako nang makita ko ang dalawang lalakeng nakaitim; nakatago ang kanilang mga pagmumukha sa ilalim ng itim nilang mga maskara. Tila bang mga nagkakarerang mga kabayo ang sunud-sunurang pagtibok ng aking puso.
“M-magnanakaw,” wala sa sarili kong sambit.
“Patayin niyo na ‘yan. Baka mahuli pa tayo!” sigaw ng isa nilang kasamahan mula sa likod, kaya agad akong tinutukan ng baril sa noo ng magnanakaw na nasa kanang harap ko.
“H-huwag po,” garagal kong pakiusap.
Mas lalong nilapit sa noo ko ang baril ng magnanakaw. Itinikom ko ang bibig ko sa pagkasindak. Mariin akong napapikit pagkahila niya ng gatilyo ng baril.
Bang! Isang nakabibinging pagputok ang umalingawngaw sa karimlan.
Ilang segundo na ang nakalipas; wala man lang akong naramdaman. Akala ko’y matutuluyan na ako, ngunit biglang may humila sa ‘kin patayo. A-ano ‘yon? Hindi pa ba ‘ko patay? Agad akong namulat at hinanap ang mga magnanakaw. Naglaho sila na tila bang isang bula.
Paanong . . . nangyari iyon?
Lilingon na sana ako, ngunit nagitla ako nang bigla akong nakaramdam ng isang mainit at malambing na yakap mula sa likod ko. Normally, dapat bayolente ‘yong reaction ko, pero parang may mali; ang pamilyar sa pakiramdam ng yakap na ‘to.
Isang pamilyar na yakap na galing sa isang taong mukhang kilala ko . . . pero sino?
Dinapo ng mga daliri ko ang makakapal na braso na nagkulong sa ‘kin. “S-sino ‘to?”
“F-Franz.”
Natigilan ako nang marinig ko ang kanyang malalim at malumanay na boses. Lalakeng-lalake. Parang boses ng binatilyo na kausap ng younger self ko kanina, ngunit mas lumalim ‘yong boses niya. Ramdam ko ang init ng kanyang paghinga sa aking batok na nagpakiliti sa ‘kin.
Dahan-dahan akong lumingon para makita ang kanyang mukha. Nagsalubong ang kilay ko. Tumagilid ang ulo ko nang makita ko siya. Siya ‘yong older version ng binatilyo kanina.
Hindi ba . . . bata lang siya kanina? Ba’t bigla siyang tumanda?
Grabe, ang guwapo’t macho! Mahahaba ang kanyang binti na nag-aambag sa katangkaran niya; bilog ang hugis ng kanyang kapeng mga mata; matangos ang kanyang ilong; panga na wari mo’y isang kutsilyo; maputi ang kanyang balat, ngunit mas maputi ako; at magulo ang kanyang tsokolate na buhok.
Nakaiinggit . . . mas makapal ang kilay niya kaysa sa ‘kin.
“I missed you.” Muli niya akong niyakap na mas lalong nagpakunot sa noo ko.
“Errr . . . sino ka?” naguguluhan kong tanong.
Hindi niya pinansin ang tanong ko at mas lalong hinigpitan ang kanyang yapos sa ‘kin na ikinataka ko. Bakit ganito umasta ang lalakeng ‘to? Hindi ko naman siya kaano-ano para yakapin niya nang ganito.
Abnormal.
“Bitiwan mo ‘ko—”
“Franz,” tawag muli ng kanyang baritonong boses.
Ang pamilyar talaga ng pagbigkas niya sa pangalan ko; nakapanlalambot ng tuhod. Siya lang ang liwanag sa madilim na lugar na ito.
“S-sino ka ba, ha?”
Agad lumungkot ang maamo niyang mukha. Hindi ko alam, pero naninikip ang dibdib ko kapag nakikita ko siyang nalulumbay. Marahas ko siyang tinulak palayo, ngunit hindi niya pa rin binibitiwan ang kamay ko.
“Franz.”
Paano niya nalaman ‘yong pangalan ko?
Namamawis ang mga kamay ko, unti-unting bumibitiw sa kanyang kapit. Namanhid ang mga paa ko. Hindi ako makagalaw!
Ramdam ko ang paghigop sa ‘kin pababa ng lupa na para bang kumunoy sa ‘di malamang dahilan. Mas lalong hinigpitan ng lalake ang kanyang hawak sa kamay ko.
“H-hindi . . . hindi!” Taranta akong umiling-iling at sumigaw, “Tulungan mo ‘ko!”
Hindi pa rin nawawala ang kanyang malungkot na mukha. Mahigpit pa rin ang hawak niya sa kamay ko, ngunit malakas talaga ang puwersa nitong paghigop ng lupa sa ‘kin. Unti-unting dumudulas ang kamay ko. ‘Wag mo ‘kong bibitiwan!
“P-please . . . don’t leave me alone again,” bulong niya, halos nagmamakaawa.
Pakiramdam ko ay nalulunod ako. Kahit kaunting hangin lang, please. Malapit na akong mawalan ng hininga hanggang sa . . . tuluyan na akong nabaon sa lupa.
“Franz, gising na. Tanghali na!” hiyaw ni Mama na may dala-dalang sandok.
Napasingap ako nang imulat ko ang mga mata ko. Ang lakas pa rin ng kabog ng puso ko. Sa wakas, nakahinga ako nang maluwag. Pinunas ko gamit ang daliri ko ang aking pawis sa noo.
Anong klaseng panaginip ‘yon?
Bangungot.
Napahilamos ako ng mukha dahil sa panaginip kong ‘yon. Katakot! Pumasok bigla sa isip ko ang maamong mukha ng lalake kanina. Umiling na lang ako, at binalewala na lang ‘yon.
“Weird.” Bumangon ako mula sa kama; may pasok pa ‘ko.