Chapter 2: Who Are You?

1694 Words
UWIAN na’t pinagpasiyahan ko nang umuwi sa ‘min. Hay, gusto ko na lang matulog; pagod na ‘ko. Ang sagabal naman, o. Medyo traffic sa dinadaanan ko, kaya mukhang gagabihin ako ng uwi sa bahay. Imbes na naglalakad ako, mas pinili ng mga paa ko ang tumakbo. ‘Di ko malaman kung dahil sa pagtakbo ko ang nagpapabilis sa t***k ng dibdib ko, o sadyang kaba ang dahilan kung bakit nangangarera na para bang mga kabayo ang aking puso. Kailangan kong bilisan. P*ta! Nananakit ang mga sakong ko. Mukhang bibigay na ang mga binti ko sa pagkangalay. Kinakabahan ako, at baka malintikan ako pag-uwi ko kung hindi ako makauuwi nang maaga. Hay, hindi pa ba ako nasanay kay Tatay? Pero kung sakaling mangyari iyon ay ayos lang. . . . Sanay na ako. Ayan na naman ang nakabibinging boses ng mga nagkakantahan sa karaoke. Ang lupit ng mga tao ngayon, ano? Kahit sintunado, todo effort pa rin sa pagkanta. Kasabay ng mga nag-aawitan, naghalo ang mga hiyawan ng mga nagsusugal saka nag-iinuman sa gilid ng kalsada. Wari mo‘y piyesta kahit walang kuwarta ang mga taong ito. Nadadaanan ko ang mga batang naglalaro ng Patintero sa gitna ng kalye; mga amoy araw at pawis na sila. Gabi na, a? ‘Di ba dapat nagsiuwian na ‘yong mga makukulit na 'yan? ‘Na ‘ko! Panigurado, kurot sa singit ang abot ng mga ‘yan sa mga nanay nila. Kumulubot ang ilong ko dahil sa usok ng mga nag-aandarang mga tricycle; ang sakit sa ilong! Nagtakip na lang ako ng ilong upang pigilan ang sarili ko sa pag-ubo. Huminto ako sa pagtakbo. Napahawak agad ako sa kumakabog kong dibdib saka naghabol hininga. Sure ako na ang haggard na ng itsura ko. Basang-basa na ng pawis ‘yong uniform ko; ang lagkit ko na. Makaligo nga mamaya. Kadiri! Ang baho ko na yata? Hinubad ko ang sapatos ko sa harap ng sementado naming bahay. Kung ano man ang naghihintay sa ‘kin sa loob, handa na akong harapin ‘yon. ‘Di pa pinipinturahan ang mga pader. Ang bubong namin ay pinagtagpi-tagpi lamang na yero’t tarapal, at may mabigat na bato na nakadagan dito para ‘di liparin ng hangin. Papasok na sana ako sa aming bahay, ngunit nakarinig ako ng isang malakas na sigaw sa loob upang ako’y matigilan. “Ernesto, nasa’n ka na? Tatlong araw ka nang wala sa bahay. H’wag mo ‘kong bababaan ng telepono; sinasabi ko sa ‘y—Ernesto? Ernesto!” Narinig ko ang malakas na boses ni Mama na mukhang may katawag sa cellphone. Dahil do’n, nakahinga ako nang maluwag. Mabuti na lang . . . at wala ang demonyo. “‘Ma,” mahinahon kong tawag. Nabawasan ang mga linya sa noo ni Mama nang makita niya akong nakatayo sa pasukan ng bahay namin. Nilapitan ko siya saka nagmano upang magpakita ng respeto. “Mano po, ‘Ma.” “O, gabi na, a? Bakit ngayon ka lang?” Bahid ang panenermon sa tono ni Mama with matching angat ng kilay. Naiintindihan ko naman kung bakit ganyan siya magsalita dahil nag-aalala lang siya para sa ‘kin. Kahit mataray ang nanay ko, mahal ko siya kahit gano’n ‘yon. ‘Di ko kailangan ng kaibigan dahil ang nanay ko lang ang kailangan ko; wala ng iba. “Traffic po sa dinadaanan ko,” magalang kong tugon habang nakayuko. “Mahuli ka diyan ng tatay mo, aba. Malilintikan kang bata ka. ‘Na ‘ko, sinasabi ko sa ‘yo!” singhal ni Mama, at tinalikuran ako. Hay, kasalanan ko bang traffic? “Pasensya na po, ‘Ma. Traffic lang po kasi talaga.” Pumasok ako ng bahay upang ihanda ang hapag-kainan namin. Plastik na mga kutsara, tinidor, baso, at plato lang ang aming gamit. ‘La kaming perang pambili ng mamahaling mga kagamitan sa mesa gaya ng ibang mga mayayaman. Pinanuod kong magprito ng itlog si Mama para sa aming dalawa. Hay, walang sawang itlog na naman ang aming ulam. Ayos lang. . . . Sanay na ako. “Nasaan po pala si Papa?” Pagbasag ko ng katahimikan. Huminto si Mama nang ilang segundo at napabuntong-hininga. Nanatiling neutral lang ang kanyang reaksyon saka walang emosyong tumugon, “Mata ang gamitin; huwag ang bibig. Nakikita mong wala dine ang tatay mo. Nagtanong ka pa kung alam mo naman kung nasaan ang g*gong ‘yon.” Nando’n na naman ‘yong demonyo . . . sa kabit niya. Lagi namang ganito, pero maayos lang sa ‘kin. . . . Sanay na ako. Hindi na namin hinintay si Papa, at nauna na kaming kumain ni Mama ng hapunan. Naligo na ‘ko saka pumanhik sa masikip naming kuwarto ni Mama. Inilatag ko ang banig sa lapag; ayon lang ang gamit naming sapin kapag matutulog. Binuksan ko ang itim na laptop kong secondhand na pinag-ipunan namin ni Mama. Isang ngiwi ang lumitaw sa mga labi ko nang bumungad sa ‘kin and file ni Clarissa. Binuksan ko ang file para ituloy ‘yong mock business proposal niya. Anak ng—bakit walang laman?! Napadaing ako habang sinasabunutan ang buhok ko sa anit. Huminga muna ako nang malalim para pakalmahin ang sarili ko. Napahilamos ako ng mukha sa inis. Sa totoo lang, minsan . . . gusto ko na lang pumatay. Ito lamang ang mga salitang na nabigkas ko, “Sanay na ako.” Ilang oras na ang nakalipas, inabutan na ako ng alas-singko ng umaga dahil sa dami ng assignments ko, at isama mo pa ang mock business proposal ni Clarissa; iyon talaga ang pinaglaanan ko ng oras. Halos araw-araw na yata akong hindi nakakatulog nang maayos. Kaunti na lang, at iisipin kong kasalanan na talaga ang magpahinga. Humikab ako dahil sa antok. Unti-unting nanlalabo ang aking paningin. Ramdam kong bibigay na ang mga mata ko. Pipikit lang ako saglit. Masakit na talaga ang mga mata ko dahil ilang oras na akong nakatutok sa screen ng laptop ko. Saglit lang ako pipikit . . . mga five seconds lang. Limang segundo lang . . . promise. “Franz.” “Franz.” “‘Ma, five minutes,” paungot kong sambit. “Franz.” “Pagbigyan mo na ‘ko, ‘Ma.” “Franz.” “Franz.” “‘Ma!” singhal ko sa inis. Pati ba naman ang tulog, ipagdadamot na rin sa ‘kin ni Mama? Agad akong namulat dahil sa sunud-sunurang bulong ni Mama. Himala’t hindi niya ako sinisigawan ngayon. “H-huh?” Ang dilim na naman. As in sobrang dilim. Nagka-goosebumps tuloy ako dahil sa lamig. ‘Di ba, sinabi ko noon na ayaw ko sa dilim? Hindi, hate na hate ko ang dilim. May trauma ako sa dilim no’ng nasangkot ako sa isang aksidente noong bata-bata pa ako. Sa totoo lang, wala ako masyadong memorya ng aksidenteng iyon no’ng mga panahon na ‘yon. Isang realisasyon ang pumasok sa ‘kin upang maibalik ako sa realidad . . . hindi si Mama ang tumatawag sa ‘kin. “Franz.” Napalingon ako. ‘Di ko mapigilang ‘di ikunot ang noo ko dahil wala naman kasing tao. Tanging ang dilim lang ang kasama ko; wala ng iba. Ang . . . weird? Parang panaginip ko lang kahapon. Rinig na rinig ko ang malakas na pagkabog ng puso ko. Kahit walang salamin, matitiyak kong nauubusan na ng kulay ang mukha ko. Napalunok ako ng laway. Hanggang ngayon, paulit-ulit pa rin ang pag-usal ng boses na iyon sa pangalan ko. Kahit ang mga laman loob ko’y kinikilabutan na rin. Hindi kaya . . . may multo? Napatakip ako ng tainga dahil sa sunud-sunurang pagtawag ng mahinang boses na ‘yon sa pangalan ko. Bakit gano’n? Palakas lang ito nang palakas; ang sakit sa tainga! ‘Di ko matukoy kung boses ba ito ng isang lalake o babae. Masisiraan na ako ng bait! Madilim talaga ang buong paligid ko, at wala talaga akong maaninag na kahit anong liwanag. Napapikit ako nang mariin, nagbabaka-sakaling baka magising na lang ako sa bangungot na ‘to. Sa wakas; huminto ang pananalita ng boses na ‘yon. “Open your eyes, Franz,” mahinang utos ng baritonong boses ng isang lalake. Nakakakalma ‘yong . . . boses niya. Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko dahil do’n. Biglang bumungad sa ‘kin ang isang lalake. Siya ‘yong . . . lalake sa panaginip ko! “S-sino ka?” Tanging ang lalaking ito ang nagbibigay liwanag sa dilim na pumapalibot sa ‘min. Ang amo ng kanyang mukha, at ang lumanay rin ng kanyang kapeng mga mata. Nanlalambot ang puso ko habang tinitingnan ko siya. Nakamamangha talaga ang kanyang itsura pagkat walang katulad ang kaguwapuhan niya. Nanigas ako nang haplusin ng kanyang malalaking mga kamay ang mga pisngi ko, at ang . . . lambot saka mainit sa pakiramdam ng kanyang mahinang paghawak. Bakit . . . bakit pamilyar ang pakiramdam na ito? “Do you remember me, Franz?” Nakiliti ang pandinig ko dahil sa malalim niyang boses. Ang . . . guwapo. “H-hindi kita kilala. S-sino ka?” Dumantay ang kanyang mga daliri sa aking pisngi, at inusod ang mga hibla ng buhok ko. Nagtanim siya ng isang malambing na halik sa aking noo. Maingat niya akong hinawakan na para bang may hawak siyang babasaging porselana na naghahalagang bilyun-bilyon. Hindi ko maintindihan, ngunit bigla akong nakaramdam ng pangungulila dahil sa ginawa niya. Nanghihina ang mga tuhod ko sa ‘di malamang dahilan. H-hindi ako . . . sanay. “A-anong ginagawa mo? Bakit ba ayaw mo sagutin ang tanong ko?” Basag ang boses ko nang tanungin ko siya. Unti-unti niyang inilapit ang kanyang mukha sa ‘kin na ikinagitla ko. Hindi ako makahinga. Ramdam ko ang init ng kanyang paghinga sa mukha ko. Bakit . . . bakit ganyan ka makatingin sa ‘kin? “I’m—” “Aba, Franz, gising na!” Nagulantang ako nang marinig ko ang pasigaw na tawag ni Mama sa ‘kin. Inikot ko ang aking tingin sa paligid, at nandito na naman ako sa kuwarto ko. Nakahinga ako nang maluwag dahil do’n. Mabuti na lang, at nakawala rin ako sa madilim na lugar na iyon. “Kanina pa ako tawag nang tawag sa ‘yo. Bakit hindi ka nagigising? Tanghali ka na, o!” Tila bang baril ang bibig ni Mama sa binibitiwan niyang mga salita. Akmang hahampasin niya ako ng sandok, ngunit agad akong tumayo mula sa ‘king kama. “B-babangon na po,” namamaos kong sambit. Agad pumasok sa aking isipan ang lalakeng napanaginipan ko. Napahawak ako sa noo ko kung saan niya ako hinalikan. Naitagilid ko ang ulo ko sa pagkalito. Klarong-klaro sa isipan ko ang pagmumukha ng misteryosong estranghero na ‘yon. Totoo ba ‘yong . . . lalakeng ‘yon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD