CHAPTER 2: "TIMEX"

1626 Words
MR. PRES “A-anong nangyayari s-saakin?” Nanatili pa rin akong nakatulala habang pinagmamasdan ang katawan ko na nakahandusay sa sahig. Maya-maya lang ay may narinig akong boses na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Napalinga-linga ako sa paligid at umaasang matatagpuan ko kung sino man ang tumatawag sa’kin. Nandito pa rin ako sa loob kung saan kami nagpupulong, sinubukan kung hawakan ang ibang mga opisyal ngunit tumatagos lamang ako sa katawan nila. Sa pangalawang boses ay muli akong napalingon sa likod, hindi ako sigurado kung saan nga ba talaga ito nanggagaling. Ang alam ko lang ay unti-unti itong lumalapit ang boses sa kinaroroonan ko ngayon. Saktong pagharap ko ay bumungad sa’kin ang isang matandang lalaki. Hindi ako maaring magkamali, siya ‘yong nakita ko kanina sa labas ng palasyo. “I-ikaw, ikaw ang nakita ko kanina! Sino ka?” Hindi ko alam ngunit sa pagkakataong ito ay wala akong maramdaman na kahit na anong takot o pangamba, na para bang wala akong maramdaman na emosyon. “P-patay naba ako?” “Wei Machiavelli Voltaire, ikinagagalak kong makilala ka. Ang oras ng iyong kamatayan ay 9:56 ng umaga, lunes ng ika-dose ng Hunyo taong dalawang libo’t dalawampu't isa.” Hindi ko na maintindihan ang mga nangyayari at ang tanging gusto ko na lamang ay ang magising sa masamang panaginip na ito. “Sino o ano kaba? Kung patay na talaga ako... ano naman ang dahilan? Diyos kaba?” "T-teka isa-isa lang, mahina ang kalaban. Una sa lahat, ikinalulungkot kong sabihin na tapos na ang oras mo sa mundong ito at maniwala ka man sa hindi ngunit ikaw ay patay na. Isa ka na lamang kaluluwa ngayon at ang sanhi ng iyong kamatayan ay pagka-lason. "Pangalawa, hindi ako ang Diyos. Isa akong anghel, ako si Timex... ang Anghel ng Oras.” A-anghel ng oras? Maaring siya ang may dahilan kung bakit bigla na lamang huminto ang paligid nang makita ko siya. Kung talagang patay na ako... hindi ko inakalang ganito lang pala matatapos ang buhay ko sa mundo. “Ibig sabihin, ikaw ang taga-sundo ng mga kaluluwa na mga taong tuluyan nang lumisan sa mundo?” Hindi ko inasahan na iiling siya sa aking naging katanungan. “Hindi ako nandito upang sunduin ka papunta sa langit o sa impyerno. Ang totoo niyan nandito ako para sa isang misyon. Kailangan kong masagip ang hinaharap mula sa kasalukuyan, dahil kung hindi ay tuluyan nang masisira ang mundo. Lahat ng mga nangyari sa’yong panaginip ay magkakatotoo kung mabigo ako sa aking misyon,” paliwanag niya. “Ano naman ang kinalaman ko sa misyon mo? Kung ano man ang mangyayari sa mundo ay hindi ko na problema ‘yon total patay na rin naman ako—,” saglit akong napahinto ng may napagtanto ako. “T-teka, bakit purong Filipino ang pagsasalita at pag-iisip ko?” “Ito ay dahil nanatili ang totoong nakasanayan ng iyong puso. Nakakapagsalita ka ng ibang wika dahil sa makabagong teknolohiya ngunit ang iyong pagkapilipino ay nanatili sa iyong kaluluwa. “Ngayon ako naman ang magtatanong sa’yo, nais mo bang mabuhay muli?” May kasagutan na ako sa tanong niya, ngunit hindi ko alam kung bakit parang may pumipigil sa’kin. Muli akong tumingin sa katawan kong wala ng buhay. Kung mabibigyan ako ng pagkakataong bumalik sa mundo ay mas pipiliin ko na huwag na lamang. “May magagawa kaba kung sasabihin kong... oo?” tanong ko sa kaniya. Isang ngiti lamang ang sumilay sa kaniyang labi. Kahit anong isip ko ay hindi ko pa rin magawang makapagsalita ng Ingles at sa hindi malamang dahilan ay naging komportable ako dito. “Aba! Magtatanong ba ako kung wala akong magagawa. Sakto ang iyong pagkamatay sa misyon na kailangan kong mapagtagumpayan. Kailangan kita upang magawa ko ito.” “Eh... paano kung ayaw ko? Anong gagawin mo?” “Kung gano’n ay hindi na kita pipilitin pa. Maghahanap na lamang ako ng ibang kaluluwa na nais mabuhay muli. Sa’king palagay ay tuluyan munang tinanggap ang ‘yong kapalaran. Kaya maiiwan na kita, hintayin mo na lamang ang sundo mong si kamatayan. “Nawa’y maging mapayapa ka sa kabilang buhay. Adios!” Tumalikod na siya sa akin at dahan-dahang naglakad papalayo. May kung ano sa’kin ang nagsasabi na pigilan ko siya sa tuluyang pag-alis. “TIMEX!” Kaagad siyang huminto sa paglalakad na tila ba alam niyang tatawagin ko siya pabalik. “S- sandali, wala naman akong sinabi na hindi ko gusto. Ano bang dapat kong gawin upang mapagtagumpayan mo ang iyong misyon?” Tuluyan na siyang lumingon sa’kin at muling naglakad pabalik sa puwesto niya kanina. “Kapalit ba nang tagumpay ng ‘yong misyon ang pagbalik sa buhay ko?” Isang tango lamang ang kaniyang pinakawalan. “Tama ka, ang tagumpay ng iyong misyon ay siyang tagumpay ko na rin. Kung sakaling mabigo ka ay gano’n din ako. Kailangan mong bumalik sa nakaraan upang mapagtagumpayan ang misyon na ibibigay ko sa’yo.” “Ha? B-bakit kailangan ko bumalik sa nakaraan? “Pinagluluko mo ba ako?” Napahinga siya ng malalim bago tumingin ng diretso sa’kin. "Katulad nga ng sinabi ko kanina... ako ang Anghel ng Oras. May kakayahan akong maglakbay sa oras, sa hinaharap man o nakaraan. "Magkakaroon ka ng misyon sa bawat panahon na pupuntahan mo. Kailangan mong mapagtagumpayan ang bawat misyon sa bawat taon upang maka-usad ka hanggang sa maibalik ka nito sa tunay mong panahon. Ito ang magiging dahilan ng iyong tagumpay na siyang bubuhay sa’yong muli.” “Ang hirap naman ng misyon na ipinapagawa mo. Sa tingin ko hindi ko rin naman ‘yan kayang mapagtagumpayan.” Napailing siya ng ilang beses at bakas ang pagkadismaya sa kaniyang mukha. “Hindi mo pa nga nasusubukan... sinukuan muna kaagad. Hindi ba’t president ka ng bansang ito, hindi mo man lang ba kayang gawin ang misyon para sa bayan na pinamumunuan mo?” Sa hindi malamang dahilan ay nakumbinse ako sa sinabi niya. “Dideretsohin na kita, hindi magiging madali ang paglalakbay mo sa nakaraan. Sa oras na pumayag kana ay wala ng atrasan," seryoso niyang saad. “Sige, pumapayag na ako.” Nilahad niya ang kaniyang palad at nagulat ako nang biglang lumutang dito ang isang kuwentas na may nakasabit na orasa (hourglass). "A-anong gagawin ko diyan?" nagtataka kong tanong sa kaniya. "Kapag handa kana maglakbay tiyaka mo kunin at isuot ito." Kahit hindi ako sigurado sa naging desisyon ko ay kinuha ko pa rin ito sa kaniyang palad. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at kaagad na itong isinuot. Mga dalawang pulgada lamang ang haba nito at kulay ginto habang may mga bughaw na crystal naman sa loob na nagkikinangan sa ganda. "Humanda ka at pumikit." Muling nabaling ang atensyon ko sa kaniya at sinunod ko na rin ang sinabi niya. Bago pa man ako tuluyang pumikit ay napansin ko ang muling paggalaw ng paligid. Kasabay no’n ay ang pagdating ni Octave na siyang kakatanggal ko lang. Kaagad din nagsidatingan ang mga nakaprogram na H.A.R bilang mga doctor. Bago pa man ako tuluyang higupin ng kakaibang puwersa ay narinig ko ang sinabi ng isa sa kanila. "The president has a pulse, he's still alive." ************* May humigop na kakaibang puwersa sa’kin at may nakita akong napakaliwanag na ilaw na kaagad din namang nawala. Nang muli akong dumilat ay bumungad sa’kin ang hindi pamilyar na lugar. Katulad sa nangyari kanina ay tila huminto ang oras sa paggalaw.  Madaming naglalakihang puno sa bawat lugar, may pagkakapareho ito sa Gideons. Nakatayo kami ngayon sa tabing dagat at hindi ko maiwasang mapansin ang mga taong nandirito na may kakaibang kasuotan. “Anong gagawin ko dito? Nasaang panahon tayo ngayon?” Tumikhim muna siya bago nagsalita. "Nandito tayo ngayon sa Sugbo (Cebu) taong 1500s, ikaw ay mamumuhay kasama ang mga tao sa panahong ito at sasanib sa katauhan ni Silim na isang mandirigma na nabibilang sa Timawa." Tumingin ako sa kanya ng puno ng pagtataka. Alam kong babalik kami sa nakaraan dahil 'yon ang sinabi niya ngunit wala siyang nabanggit na babalik pala kami sa panahon na ilang siglo na ang agwat sa tunay kong panahon. “Nagbago na ang isip ko... hindi ko kayang mamuhay sa panahon na hindi ko naman nakasanayan. Ipasundo muna ako kay kamatayan, hindi ko na gagawin ang misyon.” “Pasenya, ngunit hindi ko na mapagbibigyan ang iyong kagustuhan. Hindi ba’t sinabi ko kanina na hindi kana maaring umatras.” Nagsisi na ako at bakit pa ako pumayag. Kailangan ko ng panindigan ito kahit alam kong mabibigo pa rin naman ako sa huli.” *********** "Handa kana ba?" paniniguradong tanong niya saakin. Hindi na ako tumugon pa sa kaniyang tanong. "Hangad ko ang iyong tagumpay, Wei. Huwag kang mag-alala dahil binigyan kita ng kapangyarihan upang maintindihan ang kanilang wika. Nasa palad mo ang daan sa tagumpay ng iyong misyon at susi sa pag-usad sa susunod na taon.  Ang bukang liwayway ang hudyat ng pagsisimula ng orasa, Adios!" pamamaalam niya. Matapos niya mag-iwan ng huling mga paalala ay bigla na lamang siya nawala sa tabi ko na parang bula. Nagsimula nang gumalaw ang paligid. Maririnig ang alon sa dagat at maging ang mga ingay ng iba't-ibang klase ng hayop. Sa pangalawang pagkakataon ay tila may kakaibang puwersa ang humigop sa’kin. Namalayan ko na lamang na nasa ibang katauhan na pala ako. Nakakaisang hakbang pa lamang ako ay naramdaman ko na ang panghihina ng buong katawan sa katauhang sinaniban ko.  Namalayan ko na lamang na malapit na pala akong bumagsak hanggang sa naramdaman ko ang malambot na buhangin. Bago ako mawalan ng malay ay may narinig akong boses ng isang babae. "SILIM!" rinig kung sigaw niya. Patakbo siyang humakbang patungo sa kinaroroonan ng katauhang pinaglalagyan ko ngayon. Tanging pigura na lamang ng babae ang nakita ko dahil tuluyan ng dumilim ang mga nakikita ko. ************

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD