Part 3

1723 Words
ABALA si Rachel sa pagbibigay ng gamot nang mapatingin siya sa gawi ng pintuan. Naroon ang lalaking naghahanap kay Matthew at nakatingin na naman sa kanya. Nakaka-conscious ang ginagawa  nito  at naiinis  siya kaya inirapan niya ito, saka itinuloy ang kanyang ginagawa.       Nang matapos siya ay tila walang anumang dinaanan lamang niya ito.  Pakiramdam naman niya ay sinusundan talaga siya nito dahil nang bumalik  siya  sa nurses’ station ay sumunod din ito sa kanya.       “Miss,” pagkuwan ay tawag nito sa kanya.       “May kailangan ho ba kayo?” pormal ang tinig na tanong niya. Naiilang siya sa ginagawa nitong pagtingin-tingin sa kanya.       “Puwede bang malaman ang name mo?” anito.       “Bakit?” hindi na niya napigilang hindi magtaray.       “Wala lang.” Matamis itong ngumiti sa kanya na lalo pang nagpatindi sa atraksiyon niya rito. “Wala kang suot na nameplate. Di sana, hindi na ako magtatanong ng name mo.”       Aba at presko talaga! Inalis nga niya kanina ang kanyang nameplate dahil natanggal ang perdible niyon.       “Mister, kung kailangan n’yo si Doctor Hernandez ay maghintay na lang kayo riyan. Marami akong ginagawa at wala akong panahong makipag-usap,” mataray na sagot niya.       Tinalikuran niya ito at inabala ang sarili sa pagsusulat sa chart ng mga pasyente. Subalit hindi naman siya mapalagay dahil wari ay may mga matang nag-oobserba sa kanya. Nang muli siyang sumulyap sa preskong lalaki ay hindi nga siya nagkamali.       Nakatitig ito sa kanya at  tila wala namang pakialam na ngumiti pa ito kahit na nahuli niya. Inirapan at sinimangutan niya ito bago itinuloy ang kanyang ginagawa.       “James!”       Napaangat ang ulo niya nang marinig ang tinig na iyon ni Matthew.       “Akala ko ay hindi ka na matatapos,” nakangiting sabi ng preskong lalaki na humakbang palapit dito.       “Kanina ka pa ba?” tila nahihiyang tanong naman ni Matthew rito.       “Yeah. Okay lang, maganda naman ang  tanawin  dito, eh.” Alam niyang siya ang pinariringgan nito. “Magaganda pala ang mga nurses ninyo rito.”       “Rachel, for discharge na si Mr. Cardona ngayon,”  mayamaya ay baling  sa kanya ni Matthew at iniabot sa kanya ang chart ng pasyente.       “Yes, Doc,” nakangiting sagot naman niya. Tiniyak niyang hindi gagawi ang tingin niya sa lalaking katabi nito kahit katiting man.       “Siyanga pala, Rachel. Younger brother ko, si James,” pakilala nito sa preskong lalaki.       Tumingin naman siya kay James, ngunit sadyang maramot ang ngiti sa kanyang mga labi.       “Hi, Rachel.” Buong-tamis na ngumiti si James sa kanya at naglahad pa ng kamay.       Isang pilit na ngiti naman ang isinagot niya rito. Tawag ng kagandahang-asal ay tinanggap niya ang pakikipagkamay nito.       Mabilis na binawi naman niya ang kanyang kamay nang maramdaman ang bahagyang pagpisil nito sa kanyang palad. Lihim na inirapan niya ito at kunwa ay inabala ang sarili sa pagkuha ng mga chart ng pasyente ni Doctor Matthew.       Mayamaya ay nag-rounds na naman si Matthew. Kasunod siya nito at nakasunod din sa kanila si James. Ilang na ilang siya lalo na kapag hindi sinasadyang napapatingin siya rito at nginingitian siya. Anhin na lamang ay hampasin niya ito ng chart dahil sa nadaramang inis.   “MAS GUWAPO ang kapatid ni Doc Matthew kaysa sa kanya, `di  ba, Rachel?” kinikilig na sabi ni Ellie sa kanya nang palitan niya ito.       “Nakita  mo na rin pala,” walang ganang tugon niya. Maisip pa lamang ang naturang lalaki ay kumukulo na ang dugo niya.       “Kagabi, narito sila ni Doc Matthew. My goodness, kay ganda ng mga mata, malamlam at kapag tumitig ay tila ba nang-aakit,” waring nangangarap pang kuwento nito.       Lihim siyang napaingos. Kung sana ay nabanggit niya rito ang kahiya-hiyang nangyari sa kanya sa palengke ay masasabi sana niya ritong ang mismong lalaking iyon ang may kasalanan. Ngunit nagdesisyon siyang sarilinin na lamang iyon. Lalo at uso pa naman ang bansagan sa kanilang mga nurses sa ospital. Kapag nagkataon, malamang na “mabantot” pa ang maging bansag sa kanya!       “Hoy! Bakit hindi ka yata interesado?” tila nakahalatang untag nito sa kanya. “Guwapo namang talaga siya, hindi ba? Living proof na si Doc. At siyempre, kapag magkapatid ay hindi na nakakapagtaka.”       “Oo na,” naiiling na lamang na sabi niya. “Ang dami mo pang sinabi.”       “Bakit? Talaga  naman, ah?  Don’t tell me, hindi  ka  naguwapuhan kay James?”       “Guwapo nga, mukha namang playboy.” Mahihimigan ang disgusto sa tinig niya. Inabala niya ang sarili sa mga chart na naroroon upang maski papaano ay makaiwas na lamang sa usapang iyon.       “Kunsabagay,” ayon naman nito. “Balita nga, kaya iyan narito sa probinsiya kasi ay may tinatakasang babae sa Manila.”       Napataas ang kilay niya. “Paano mo namang nalaman?”       “Sinabi sa akin ni Bambi, `yong mahaderang sekretarya ni Doc Matthew,” mahina ngunit nakatawang bulong nito sa kanya. “Pero come to think of it, may karapatan naman siyang  maging habulin, `di ba?”       “Excuse me, hindi ko yata magugustuhan ang mga ganyang klase ng lalaki,” mataray na komento niya.       “Natural! Si Doctor Matthew kasi ang gusto mo,” tukso naman nito.       Hindi siya kumibo.       “Pero kung ako ang pamimiliin, mas gusto ko si James kaysa kay Doc.”       “Tumigil ka na nga riyan,” naiiling na saway na lamang niya rito. “Kung isumbong kaya kita kay Francis?” kunwa ay pananakot niya rito. Ang Francis na tinutukoy niya ay ang nobyo nito.       “Ito naman, kahit ganoon si Francis ko, mahal ko  `yon.”       “Oo na. Masyado ka nang nang-aabala. Palibhasa, pauwi ka na. Sige na, alis na,” pabirong taboy niya rito.       “Okay, sinabi mo, eh. Bye-bye!” LINGGO. Walang gaanong gawain sa ospital dahil karamihan ng pasyente ay puro for discharge na kaya madalas na nasa nurses’ station lamang si Rachel. Panaka-naka ay binabasa niya ang chart ng mga pasyente upang matiyak niyang wala siyang nakakaligtaan sa mga dapat niyang gawin.       Iyon ang pinakamagaang na araw sa kanilang mga nurses. Kapag ganoong araw ay madalang din ang nagra-rounds na doktor lalo at wala namang delikadong case.       Napaangat ang ulo niya nang marinig niyang may tumawag sa pangalan niya.       “Hello!” bati ni James habang nakangiting lumalapit sa kanya. Ipinatong nito sa counter ang dala nitong fruit basket. “Para sa iyo.”       Mapapataas sana ang kilay niya kung hindi lamang niya agad na napigil. Naisip niyang isang grasya ang dumating at hindi dapat na pagsungitan. Kahit na nga ba ang may dala niyon ay ang lalaking nagpapakulo sa dugo niya.       Hindi rin naman niya maintindihan ang sarili. Naiinis siya rito subalit tila naman sumisikdo ang dibdib niya kapag napapatingin sa nakangiting anyo nito.       “Hindi yata daraan si Doc Matthew rito,” sabi niya sa pormal na tinig. “Wala siyang schedule.”       Nagkibit lamang ito ng mga balikat. “Iniwan ko nga siya sa bahay.  Actually, kaya ako narito ay para ibigay sa iyo ito at makita ka.”       Hindi na niya kinontrol ang pagkunot ng kanyang noo. “Bakit?” nagtatakang tanong niya.       “For obvious reason, I like you,” direktang sagot nito, saka pangahas na pumasok sa loob ng nurses’ station. Muli nitong binitbit ang dalang basket at iniabot sa kanya.       “Okay ka lang?” Magkahalo ang pagkabaghan at sarkasmo sa tono niya.       “Of course, I’m okay,” tila sigurado namang sagot nito. “At seryoso rin ako. I’ve never been so serious in  my life until now.”       Tumayo siya at sinimulang ayusin ang mga gamot sa tray. “Mr. Hernandez, wala akong panahon na makipaglokohan sa iyo. Naka-duty ako at inaabala mo ako.” Tiniyak niyang mababakas sa tinig niya ang disgusto at pagtataboy rito.       Inabala niya ang sarili sa pag-aayos ng mga vials upang magkunwang mas nakatuon doon ang atensiyon niya kaysa makipag-usap dito. Subalit ang totoo ay hindi lamang siya mapakali. Hindi niya alam kung anong klaseng atraksiyon ang taglay nito para maramdaman niyang tila siya napapailalim sa karisma nito.       She did not like what was happening to her. Kilala niya ang sarili. Kahit kailan ay kaya niya iyong dalhin. Pero bakit ngayon ay nai-intimidate siya sa angking karisma nito?       “Hindi ako nakikipaglokohan sa iyo.” Mahihinuha ang katiyakan sa bawat salitang tinuran nito. Maging ang pagkakatayo ay kakikitaan ng determinasyon. Gayundin ang kamay na may hawak pa ring basket ng prutas. Waring wala itong balak na bitiwan iyon hangga’t hindi niya inaabot. “What I am saying is, I really like you since the first time I laid my eyes on you. I want you to be my girlfriend,” saad pa nito.       Eksaherado ang panlalaki ng kanyang mga mata nang bumaling siya rito. “Oh, please stop!” aniya sa pagitan ng desperasyon at iritasyon. “I’m on duty. Kapag hindi ka tumigil ay isusumbong kita kay Doc  Matthew,” wika pa niya sa kawalan ng maidadahilan upang maitaboy na ito.       Ngunit hindi man lamang ito natigatig bagkus ay ngumiti pa. “But why? May masama ba sa ginagawa ko? Maayos naman akong nanliligaw sa iyo.”       Ganoon na lamang ang naging pag-arko ng kilay niya. “Nanliligaw?” shocked na bulalas niya. “At saka maayos ba ang tawag mo sa ganito? Nasa duty ako at ginugulo mo ako.”       “Okay, dadalawin kita sa bahay n’yo.”           “Bahala  ka na nga sa buhay mo!” suko nang sambit niya. “But for now, please leave. Bigyan mo muna ako ng kapayapaan, kahit ngayon lang!” gigil pang dugtong niya.       Isang kataga man ay wala siyang narinig mula rito nang pumihit ito. Ngunit bago ito tuluyang humakbang palayo ay ibinaba nito ang prutas na dala.       “Hay, salamat!” sarkastikong sambit niya na sadyang ipinarinig dito.       Bigla naman ang ginawa nitong pagpihit ulit sa kanya. There was a glint of amusement in his eyes when they caught each other’s stare.       “Para saan ang pasasalamat, sa prutas o sa pag-alis ko?”       Pakiramdam niya ay sumulak ang lahat ng dugo niya papunta sa kanyang ulo. Kumibut-kibot pa ang mga labi at butas ng ilong niya subalit wala siyang makuhang sabihin gaputok man hanggang sa muli itong makatalikod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD