Part 2

1361 Words
“BUNTIS na naman si Rona, Mommy,” balita ni Rachel dito nang malaman niya ang kalagayan ng kanyang kapatid. Oras ng almusal at kompleto sila sa hapag, maliban sa mga kapatid niyang may sarili nang pamilya. “Baka naman nakakalimutan na nilang mag-asawa ang mag-family planning. Dalawang taon pa lang si Markie.” Inabot niya ang baso ng juice.       “Ayos lang naman ang dalawang taong pagitan sa mga anak,” sagot naman ng mommy niya habang inaabutan ng ulam ang daddy niya.       Nagkibit lamang siya ng mga balikat. Kung pinansiyal na aspeto ang ikokonsidera ay walang problema kung manganak man taun-taon ang kapatid niya. Maykaya ang napangasawa nito at kayang bumuhay maski malaking pamilya. Ngunit dahil nurse siya, aware siya sa mga ibubunga ng madalas na pagkakaroon ng mga anak.       “Ikaw ba, Rachel, wala pang balak na mag-asawa?” tanong ng daddy niya na ikinagulat niya.       “Dad, boyfriend nga wala pa si Ate, asawa pa kaya,” natatawang singit naman ni Aji.       Tiningnan niya ito nang masama.       “Aba! Baka naman tumandang dalaga ka na, anak,”  nag-aalalang sabi pa ng daddy niya. “Baka magaya ka sa Tiya Cynthia mo na tumandang nag-iisa.”       “Masyado kasing mapili si Ate,” singit na naman ni Aji. “Kung ako sa iyo, Ate, sasagutin ko na si Carlito.” Ang tinutukoy nito ay ang matandang binatang kapitbahay nila na matagal nang nanliligaw sa kanya.       Napasimangot siya. “Dad, hindi pa naman ako gaanong matanda. I’m only twenty-five,” katwiran niya. Karaniwan na ay nawawalan siya ng gana sa pagkain kapag ang pinag-uusapan ay ang pag-aasawa niya. Pakiramdam tuloy niya ay matandang dalaga na talaga siya at nahuhuli na sa biyahe.       “Kayo ngang dalawa ay tigilan n’yo si Rachel,” saway ng mommy niya sa mga ito, pagkuwan ay bumaling sa kanya. “Pero sa isang banda ay tama naman ang daddy mo, Rachel.”       Natawa nang malakas si Aji sa sinabi ng mommy nila.       “Si Mommy, kunwari pang nambawal, `tapos, hihirit din pala,” naiinis niyang sabi. Uminom na siya ng tubig sapagkat tuluyan na siyang nawalan ng gana. “Mauna na ako sa inyo,” paalam na niya.       Hindi na niya alam kung ano ang naging reaksiyon nang mga ito nang iwan niya.   PADABOG na ibinaba ni Rachel ang kanyang bag. Off niya nang araw na iyon subalit umalis siya ng bahay dahil naiinis siya. Dumaan siya sa ospital na pinapasukan at pinuntahan niya si Ellie. Tawa ito nang tawa nang ikuwento rito ang ikinaiinis niya.       “Ano ka ba? Pati ba naman ikaw?” inis na nangalumbaba siya.       “Sino ba naman ang hindi matatawa?” Inilapag nito ang hawak na medicine tray. “Para kang bata. Hindi ka na nasanay sa inyo. Alam mo naman na concerned lang sa iyo ang daddy at mommy mo.”       “Alam ko naman iyon. Ano’ng magagawa ko kung wala akong matipuhan sa mga nanliligaw sa akin? May gusto nga ako, no pansin naman ako,” paghihimutok niya.       “Isa lang ang maipapayo ko sa iyo, friend,” pagkuwan ay wika nito.       Napatitig naman siya rito hoping na may matino nga itong maipapayo sa kanya.       “Kidnapin at pikutin mo si Doc,” pabirong bulong nito sa kanya.       Inis na binato niya ito ng ball pen. Mabilis naman itong nakailag. Tumatawa pang iniwan siya nito sa nurses’ station upang puntahan ang mga pasyente.   PAUWI na sana si Rachel mula sa pagwi-window shopping nang maalala niyang may dapat siyang bilhin. Mas malapit  na pumunta siya sa palengke kaysa bumalik pa sa mall kaya doon na lamang siya gumawi. Puting stockings lang naman ang bibilhin niya upang gamitin sa pagdu-duty.       Patawid na siya nang magulat sa mabilis na sasakyang dumaan sa harapan niya. Sa pagkabigla ay na-off balance siya nang umatras siya. Tuloy ay napaupo siya. Nakita naman niyang huminto ang kotse at umurong pabalik sa harapan niya. Mabilis siyang tumayo bago pa makababa ang sakay niyon.       “Miss...” Tinig iyon ng isang lalaki.       Hindi niya ito pinansin. Ang buong atensiyon niya ay nasa pink na paldang narumihan dahil sa pagkakaupo. Hindi tuyo ang kalsada sa parteng iyon ng palengke. Nang pagpagin niya ang kanyang puwitan ay napangiwi siya. Masama ang naupuan niya. Sariwa at umaalingasaw. Dumi ng aso!       “Oh, my God!” diring-diring sambit niya. “Ang damit ko!”       “Okay ka lang, Miss?” tanong ng lalaki.       “Paano ako magiging okay, eh, dumi ang naupuan ko?” asik niya rito. “Nasa palengke ka, ang bilis mong magpatakbo.” Nang mag-angat siya ng tingin upang sinuhin ang salarin ay bahagya siyang naumid. Napakaguwapong lalaki ang nasa harapan niya nang mga oras na iyon.  Pero wala siyang pakialam.       “Hindi ko naman sinasadya ang nangyari,” pangangatwiran pa nito.       Numipis ang mga labi niya. Ang inaasahan niya ay manghihingi ito ng paumanhin sa halip na ipagtanggol ang sarili.       “Mister, kapag narito ka sa mataong lugar, hindi ka dapat nagpapatakbo nang mabilis dahil posibleng makadisgrasya ka,” may galit sa tinig na sermon niya rito.       “Hindi ka naman siguro masyadong nasaktan, Miss,” anito na ang mga mata ay nakatitig sa mukha niya.       “Pero nakaperwisyo ka,” wika niyang hindi ikinubli ang inis. “Tingnan mo ito.” Itinaas niya ang kanyang kamay kung saan naroroon ang duming naupuan niya.       “Miss...”       “Sa susunod, baka makadisgrasya ka na nga,” mataray niyang sabi, saka mabilis na itong tinalikuran.       Hindi niya alam kung anong puwersa ang humatak sa kanya para lumingon pa. Huling-huli niya itong nakangiti. Isang matalim na irap ang ipinukol niya rito at mabilis nang sumakay sa tricycle. Pakiramdam niya ay amoy na amoy na ang mabaho niyang naupuan dahil nagreklamo pa ang tricycle driver nang maamoy iyon.  Lalo namang naragdagan ang inis niya sa walang-modong lalaki. NAG-AAYOS si Rachel ng mga gamot na ibibigay niya sa mga pasyente nang may kumatok sa counter ng nurses’ station. Napalingon siya at napatingin sa lalaking naroroon.       Guwapo  ito. Makapal ang mga kilay na binagayan ng malamlam na mga mata. Matangos din ang ilong nitong waring nililok. Mamula-mula ang mga labi at maging ang buhok nito ay maayos ang pagkakagupit. Kahit hindi niya tiyak kung nagpapabango ito, sa tingin pa lamang niya ay napakabango na nito.       Akmang ngingiti na siya nang mapatda siya. Parang nakaengkuwentro na niya ang mukhang iyon.       “Ikaw?” gulat niyang sabi nang tuluyan na niya itong makilala. Ito ang lalaking muntik nang makabangga sa kanya noong isang araw. Ang lalaking dahilan kung bakit sa kabila ng Pleasures na iwinisik niya sa kanyang katawan ay umagaw pa rin ang amoy ng duming kumapit sa kanyang palda.       “Hi! Dito ka pala nagwo-work?” Tila nagulat din ito pagkakita sa kanya.       “Ano’ng kailangan mo rito?” mataray niyang tanong.       Ngumiti ito sa kanya. Nakatitig ito sa kanyang mukha. “I’m  really sorry for what happened the other day.”       Inirapan lang niya ito.       Akala niya ay aalis na ito ngunit nanatili pa rin itong nakatayo sa harapan niya.       “May kailangan ka ba?” iritadong tanong niya.       “Actually, I’m here to see Doctor Matthew  Hernandez.”  Hindi pa rin nito inaalis ang pagkakatitig sa kanya.       Gusto niyang ma-conscious ngunit hindi siya nagpahalata. Sa halip ay tinaasan niya ito ng kilay. “He’s busy.” Tumingin siya sa relong suot. “Pero parating na iyon para mag-rounds. May kailangan ba kayo kay Doc?” tanong niya sa pormal na tinig.  “May pasyente ba kayo rito?”       “Wala naman,” simpleng sagot nito. Maging ang ngiti sa mga labi nito ay tila napagkit na roon.       Napepreskuhan  na siya rito subalit hindi rin  naman niya maitatangging malakas ang atraksiyon nito sa  kanya kahit noong una pa lamang niya itong nakita. Tila ito modelo na lumabas sa GQ magazine. Maganda itong magdala ng  damit  at waring punung-puno ng kompiyansa sa sarili.       “Hintayin n’yo na lang siya sa lounge o kaya ay bumalik na lang kayo.” Iyon lamang at tinalikuran na niya ito. Pinigil niya ang sariling lingunin ito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD