Dear Driver
Chapter One
Inihatid nila ng kanyang madrasta at ng dalawang anak nito ang kanyang ama sa airport. Kapitan ito sa barko at magtatrabaho na muli pagkatapos ng dalawang buwan na bakasyon. Hindi niya akalain na magpapakasal ulit ang ama at lalong hindi sa tulad ng kanyang Auntie Marga. Malayong-malayo kasi ito sa kanyang namayapang ina na simple at tahimik. Mukhang mahilig ito sa parties at mas makapal pa ang kolorete nito sa mukha kaysa sa mga anak nito. Sabagay, may limang taon na ring wala ang kanyang ina at siguro ay nalulungkot din ang kanyang ama. Pero ang sabi nito ay nag-asawa ito para may makasama siya sa malaking bahay kapag wala ito. Gusto sana niyang sabihin na hindi naman siya pinababayaan ni Nanny Rose at ng iba pa nilang kasambahay kaya hindi nito kailangang mag-asawa kung siya lang ang iniisip nito.
“Auntie Marga, magpapahinga na po muna ako sa kuwarto ko,” sabi niya rito pagpasok nila sa sala.
“Sandali lang. Maupo ka muna dito sa sofa. Kailangan ko kayong makausap ng mga anak ko.”
Walang-imik na sinunod niya ito at naupo siya malapit sa anak nitong si Lucinda, ang panganay. Naupo naman si Lucille sa pang-isahang silya sa kaliwa niya. Nakaupo na si Auntie Marga sa isang couch malapit kay Lucinda.
“Alam kong iniisip mo na pinakasalan ko lang ang Papa mo dahil siya ang Duke ng Richmond—”
“Wala po akong iniisip na gan’un, Auntie—”
Itinaas nito ang kamay, pinatatahimik siya. “Hindi ko siya pinakasalan dahil isa siyang duke at dahil mayaman siya,” patuloy nito. “Pinakasalan ko siya dahil hiniling niya sa akin na samahan ka dito sa mansion n’yo at gawin ko ang lahat para hanapan ka ng mapapangasawa.”
Narinig niyang tumawa ang katabing si Lucinda at pinigil ni Ella ang tingnan ito nang masama. Wala pa siyang balak mag-asawa at hindi siya pangit at tanga para mangailangan ng tulong.
“Napakabata ko pa, Auntie Marga. Hindi pa po ako tapos mag-aral,” dahilan niya.
“Pero isang semestre na lang at magtatapos ka na, di ba? Ano nga ba ang kurso mo?” Hindi naman siya nito hinintay na makasagot. “At alam mo ba, ang gusto ng papa mo ay titulado rin ang mapangasawa mo. Sabihin nating anak din ng isang duke o ng isang marquis kaya. Ang alam ko nga ay may kasunduan na sila ng Duke ng Wellington.”
Hindi siya naniniwala sa mga pinagsasabi nito. Kaibigan niya ang anak ng Duke ng Wellington at iba ang type ni Mark. Kaibigan din niya, si Gabriel—galing ito sa mahirap na pamilya pero matalino kaya libreng nakakapag-aral sa Emerald Garden University.
“Kailangang matutunan mong mag-ayos. Masyadong mahaba ang buhok mo, magpagupit ka agad.”
Wala sa loob na nahawakan niya ang buhok na kakulay ng mga nalalaglag na dahon ng maple sa taglagas. Gustung-gusto iyong sinusuklay ng kanyang ina noong nabubuhay pa ito, at tanging ang kapatid ng mama niya na si Tita Camille ang gumugupit sa kanya.
“Isang bagay pa, huwag mo nang gagamitin ang pangalan mong Cinderella. Mula ngayon, ang pangalawang pangalan mo na Sienna ang itatawag sa ’yo ng lahat. Kung bakit kasi nagkapareho pa ang palayaw n’yo ng panganay ko.”
Gusto niyang mapailing sa hinihingi nito. Hindi niya kailanman ginamit ang buong pangalan niya na Cinderella. Hindi rin Cindy ang palayaw niya, gaya ng alam niyang tawag ng ginang kay Lucinda. Kaya ano ang nakakalito sa paggamit sa palayaw niya na Ella?
“Maliwanag ba, Sienna?” diin nito.
“Opo,” sagot niya, isinantabi ang pagtataka.
“Dito maghahapunan mamayang gabi si Prince Theron. At dahil mukhang napagod ka at malungkot sa pag-alis ng papa mo, mabuti pa ay pahahatidan na lang kita ng pagkain kay Nanny Rose sa kuwarto mo,” sabi ni Auntie Marga.
“Sige po, Auntie, aakyat na po ako,” paalam niya at tumayo na.
Pagdating sa kuwarto niya ay nagtungo siya sa banyo, naghilamos at nag-toothbrush, pagkatapos ay nagbihis at humiga.
Hindi niya pa kailanman nakita nang malapitan at personal ang prinsipe ng Kaharian ng Kyros. Kung gugustuhin niyang alamin ang hitsura nito ay madali lang. Alam niyang laman ito ng social media pages at ng mga mamahaling magazine.
Ano kaya ang okasyon at dito ito maghahapunan sa bahay nila? Ang bali-balita ay ikakasal na ito sa anak ng isang duke, pero kaliwa’t kanan pa rin ang babae na napapa-link dito. Playboy Prince nga ang dub sa lalaki. Ipinikit na lamang niya ang mga mata para matulog.
Nagising si Ella sa ring ng cell phone niya. Napakunot-noo siya nang makita na ang kusinera nilang si Manang Jocelyn ang tumatawag.
“Bakit po, Manang Jo?” tanong niya. Dati naman ay kumakatok ito sa kuwarto niya pag may kailangan o kapag may itatanong.
“Pasensya ka na Lady Ella, nabanlian kasi ako ng tubig dito sa kusina n’yo. Sobrang taranta ko kasi sa dami ng iniuutos ng Auntie Marga mo. Puwede mo ba akong tulungan?” Tila naiiyak ang boses nito.
Dali-daling bumangon si Ella. “Pababa na po ako,” sabi niya.
Pagdating sa kusina ay nakita niyang nakatayo ang matanda sa lababo at pinatutuluan ng tubig galing sa gripo ang kanang bisig nito. Nang lumapit siya ay nakita niyang namumula iyon.
“Naku, mabuti pa po ay dalhin ko kayo sa doktor,” sabi niya. “Nasaan po ba si Ate Mavis?” tukoy niya sa isa pang kasambahay.
“Isinama ng Auntie Marga mo at ng mga anak niya sa bayan para may tagabuhat ng mga pinamili nila,” sagot nito. “Magsa-shopping yata ng mga bagong damit para maisuot mamaya.”
Ibig sabihin, wala rin silang driver at walang kotse. “Mukhang nalapatan n’yo naman po ng first aid ang kamay at bisig n’yo. Nag-book na po ako ng taxi. Tayo na po sa labas ng gate at d’un natin hintayin,” mungkahi niya at sumama naman sa kanya si Manang Jo. Napatingin siya sa mukha nito at nalungkot nang makitang tila maluluha ito.
“Pero paano ang hapunan mamaya?” tanong nito nang nasa labas na sila. “Siguradong magagalit ang iyong madrasta.”
“Huwag n’yo na pong alalahanin, ako na po ang bahala,” sabi niya. Education ang course niya, pero nag-aaral din siya ng cooking at baking tuwing may libre siyang oras. Iyon kasi ang paborito nilang libangan ng kanyang ina noon kaya malapit sa puso niya ang pagluluto. “Nasaan po pala si Nanny Rose?”
“Naku, pinuntahan ang kapatid niya. Inatake raw kasi ng rayuma kaya hindi makakilos. D’un daw muna siya habang nagpapagaling si Tilde. Hindi na nga siya nagpaalam sa Auntie Marga mo at baka raw hindi siya payagan,” ani Manang Jo.
Napabuntong-hininga siya. Matagal na niyang napapansin na hindi kasundo ni Nanny Rose si Auntie Marga. Pakiramdam nga niya ay gusto ng magretiro ng una.
Napatingin siya ulit sa phone niya. Parang umaatras ang mga binu-book niyang taxi. Napabuntong-hininga siya at napaangat ang tingin nang may makitang parating na itim na kotse. Iyon na siguro ang sasakyan nila. Itinago na niya ang cell phone sa bag.
Napakunot-noo siya nang makitang mamahaling sedan iyon.
Sumilip siya nang ibaba ng driver ang bintana ng passenger seat. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung gaano kakisig ang nasa manibela. Muntik na yata siyang mapasinghap.
“Manong, pakihatid po kami sa Green Gate Hospital,” sabi ni Ella nang makabawi.
“Manong?” ulit nito, parang nainsulto.
“Tara na. Emergency lang. Nabanlian kasi ang cook namin sa bahay. Gusto kong matingnan siya ng doktor para sigurado,” pakiusap niya.
Parang napilitan na in-unlock nito ang mga pinto. Pinauna niyang sumakay si Manang Jo sa backseat bago tumabi rito.
Nang mapatingin siya sa unahan ay nakatingin sa kanya ang driver na para bang hindi ito makapaniwala.
“Ah, tayo na,” sabi niya. Muli ay parang naumid ang dila niya sa kaguwapuhan nito. Naka-T-shirt at jeans lang ito, pero mukhang mabango at yayamanin. Gusto niyang kurutin ang sarili. Ano ba itong iniisip niya? Kailan pa siya na-attract nang ganoon sa isang lalaki?
Pagdating sa ospital ay muli niyang kinuha ang cell phone, para bayaran ang lalaki online. Pero parang hindi niya na-book ang sasakyan nito.
“Naku, Manong… ano—” Binago niya ang tawag nang umarko ang kilay nito. “Kuya… bakit… hindi ba ikaw ang taxi namin?” Hindi halos mabuo ang pangungusap niya.
Tumawa ito, parang sarkastiko sa pandinig niya. “Hayaan mo na, good deed ko na lang ’yun para sa araw na ’to.”
“Ay, pasensya ka na. Pero ganito na lang, babayaran na lang kita, kahit para sa gas—”
“Hindi na, Miss. Sige na, ipagamot mo na ang cook n’yo,” sabi nito.
“Ah, salamat. Pasensya ka na talaga.” Hiyang-hiyang lumabas siya ng sasakyan kasunod ni Manang Jo.
Mag-isang bumalik sa bahay si Ella. Nang malaman ng Auntie Marga niya ang nangyari, halos magwala ito.
“Gaano ba kalala ang paso niya at tatlong linggo siyang hindi papasok?” Mataas ang boses nito.
Ang totoo, first degree burns lang ang natamo ni Manang Jo, pero masyado umano itong naririndi sa mga utos ng bagong amo kaya ayaw na nitong bumalik. Pero nakiusap si Ella sa matanda na kung puwede ay magpahinga lamang ito kahit dalawang linggo bago magtrabahong muli. Pag-iisipan daw nito.
“Sabi po ng doktor kailangan niyang magpahinga kahit ilang araw,” sabi na lang niya.
“Ilang araw lang naman pala. Sino ngayon ang magluluto ng hapunan? Darating pa naman ang prinsipe at ang matalik niyang kaibigan,” sabi ni Auntie Marga.
“Ako na lang po muna ang bahala sa hapunan ngayon,” prisinta niya.
Napakunot-noo ito at tumalim ang mga matang itinuon sa kanya. “Siguruhin mong huwag kang lalabas ng kusina. Baka mapabalita pa sa buong kaharian na inaalila kita habang wala ang iyong ama. Si Mavis ang utusan mong magsilbi sa mesa.”
“Opo, Auntie Marga.”
Naging abala si Ella sa pagluluto. Naihanda na ni Mavis ang mesa bago pa naupo roon ang mga bisita at ang mag-iina. Pinaalalahanan niya si Mavis na silbihan ng tubig at wine ang mga nasa hapag na ginawa naman nito. Sabagay, hindi na iyon bago rito.
“Ang guguwapo ng mga lalaking galing sa palasyo, Lady Ella,” kwento nito mula sa pagdadala ng appetizer.
“Hindi ba may boyfriend ka na, Mavis? Eh, ba’t parang kinikilig ka diyan?” tukso niya. “Isusumbong kita kay Roman, sige ka.” Isa sa mga security staff sa palasyo ang nobyo nito.
Lumabi ito. “Boyfriend ko nga si Roman, pero hindi rin ako bulag. Saka sinabi ko lang naman na guwapo sila. Hindi ko sinabing balak ko silang pakasalan gaya ng pinaplano yata ng Auntie Marga mo para sa mga anak niya.”
Napailing siya. “Naku, pihadong may nakatakda nang pakasalan ang mga ’yan, lalo na ang prinsipe.”
Nagkibit-balikat ito. “Eh, kung gan’un nga, sana hindi na sila nagpupunta sa bahay ng mga may anak na dalaga. Mga paasa! Anak ng Duke ng Bedford iyong kasama ni Prince Theron.”
“Gan’un ba? Baka totoo ang balita na matalik na magkaibigan ang dalawa.”
“Sa pagkakaalam ko, magpinsan din sila. Mukhang nagustuhan nila iyong appetizer na ginawa mo. Ano bang ipinalaman mo d’un sa home-baked mong puffs?”
“Chicken salad lang iyon,” balewalang sagot niya. “Talaga? Nagustuhan ni Auntie Marga? Ilan ang naubos niya?” Tig-apat ang inihanda niya per pax dahil maliit lang ang puffs.
“Kahit pa nagustuhan niya, hindi niya ipapahalata. Kunwari parang ibon siya kung kumain para hindi lumobo ang katawan niya.” At tumawa ito. “Nga pala, ang gara ng kotse ng prinsipe!”
Napangiwi siya nang marinig ang tungkol sa magarang kotse. Naalala na naman niya ang katangahan niya kanina. Pinagkamalan niyang driver iyong tumigil na Bentley sa harapan ng gate nila. Malamang ay magtatanong ng direksyon ang taong iyon nang madaliin niya ito para magpahatid sa ospital.
“Akala ko sa kabayo sila sasakay papunta rito,” sabi na lang niya.
“Kabayo? Mapagbiro ka talaga, Lady Ella. Siyempre obligadong mag-aral ng pangangabayo ang prinsipe, pero nakakotse na ang mga Kamahalan ngayon. Pero may simbolo ng kabayo sa unahan ng kotse niya.”
Ah, Ferrari pala ang sasakyan nito. “Sige na, Mavis. Bumalik ka na d’un para ihatid itong main course.” Nailagay na niya ang tatlong dinner plates sa trolley. Babalikan na lamang nito ang para kina Lucinda at Lucilla dahil hindi na kasya sa trolley.
Mabuti na lang at wala raw allergy sa anumang pagkain ang mga bisita. Mukhang ipina-research pa iyon ni Auntie Marga.
Lobster Pasta with Salad ang inihanda niya. Lobster daw ang gustong ihanda sa hapunan ni Auntie Marga kaya inutusan nito si Mavis sa wet market kanina, habang nagsa-shopping ang tatlo, para bumili ng lobsters. Pero dahil takot si Mavis sa buhay na lobster ay sa Korean restaurant ito nagpunta at lobster meat na para sa sampung tao ang binili nito. Nasa bahay na ay pinapagalitan pa ito ni Auntie Marga.
Gusto itong halikan ni Ella dahil siya man ay natatakot magluto ng buhay na seafood tulad ng crab at lobster. Hindi pa nga niya nasubukang magluto ng hipon, lalo’t nakikita niyang tumatalsik iyon pag nililinis.
Fresh mixed berries and brewed coffee ang dessert. Galing mismo sa plantacion nila ng kape ang mga coffee beans na ginamit niya. Siguro naman ay nagkakape ang prinsipe at ang kasama nito.