❣︎ SHAZYL ❣︎ Sabado. Araw ng dalaw. Hindi na ako aasa na may dadalaw sa 'kin. Siguro si Vanessa, pero alam kong abala na 'yon sa mga araw na 'to, lalo pa at wala ako. Si Papa? Hindi na rin ako aasa na magpapakita 'yon dito. Isa pa, sa katandaan n'ya, hindi n'ya na rin kakayanin pa ang bumyahe. Pero... Hahamakin ng isang magulang ang lahat para sa anak at 'yon ang hindi nila nagawa para sa 'kin. Sa totoo lang, marami silang pagkukulang sa 'kin. Wala 'ata silang nagawang kabutihan para sa 'kin. Ah meron pala... Ang ipanganak ako sa mundong 'to at pinalaki na puno ng hinanakit at galit. Matatanggap ko siguro ang lahat balang araw. Pero sa ngayon, masakit pa rin, mabigat pa rin. Hindi naman siguro ibig sabihin na tanggap ko na ang lahat ay magbabago na rin ang nararamdaman ko.

