Kakababa ko pa lang sa sasakyan ko, sariwang hangin ng probinsya kaagad ang sumalubong sa 'kin. Malaya nitong nililipad ang buhok kong lagpas balikat at napapikit ako sa marahang dampi nito sa mukha ko.
Nakaka-miss din pala ang ganitong pakiramdam—sariwang hangin na lalanghapin mo talaga dahil walang halong usok na galing sa mga sasakyan. Asul na kalangitan at nahahaluan ng berdeng mga puno, hindi tulad nang sa siyudad, puro matataas na building lang ang nakikita.
Ganito talaga siguro ang simoy ng hangin dito sa Baguio. Kahit alas cuatro pa lang ng hapon, 'di mo mararamdaman ang init ng sikat ng araw, dahil sa lamig ng hangin. Mabuti na lang naka-jacket at bonnet ako.
Nagkalat din ang mga bulaklak na may iba't ibang kulay—mga natural at walang halong chemical. They look like a rainbow on the field.
Nilibot ko ang tingin sa mga kabahayan—gano'n pa rin ang ayos. Pero, modernized na. Hindi ko na rin alam kung sinu-sino ang mga kapitbahay namin dito.
Hindi ko akalain na minsan na rin pala akong tumira sa ganitong lugar. Sobrang tagal na kasi, kaya hindi ko alam kung ano na ang pakiramdam. Ngayon, parang bago pa lang sa 'kin ang lahat. Parang, ngayon lang ako nakatapak sa ganitong lugar.
Dito ako pinanganak at dito rin nagkaisip. Pero, wala akong child memories dito. Or mas tamang sabihin na, sinubukan kong magkaro'n ng mga masasayang alaala, pero 'di ako nagtagumpay. May mga naging kaibigan naman ako rito, pero wala na akong balita sa kanila, simula nang umalis ako rito nang walang paalam.
After how many long years, ito ako at naglalakad papunta sa bahay na minsan ko na ring naging karamay sa 'king pag-iisa, kahit pa impyerno ang turing ko rito.
Sa tingin ko, wala pa ring nagbago. Nando'n pa rin ang swing sa kinalalagyan nito noon. Ang pinagkaiba nga lang, kinakalawang na 'yon.
Naro'n pa rin ang mga halaman at ang dalawang punong naging atip sa gazebo sa hardin. Pero, ngayon puno na 'yon ng mga tuyong dahon at ang puno ay parang wala nang buhay.
Natatanaw ko na rin ang balkonahe, naro'n pa rin ang mga bangko at mesa, pero gaya nang pagtanda ng isang tao, gano'n din ang nangyari sa kulay nito, napaglumaan na ng panahon.
Sa totoo lang, na-miss ko rin pala ang bahay na 'to, kahit puro kalungkutan lang ang mga alaala ko rito. Pero sa dalawang taong may-ari nito, wala akong pakialam.
Huminga ako nang malalim bago umakyat sa tatlong baytang na hagdanan .Lumalangitngit ang sahig sa bawat apak ko rito. Pinihit ko ang doorknob at lakas loob na pumasok sa bahay na ayaw ko na sanang balikan.
Sumalubong sa 'kin ang kabaong at nakahiga ro'n ang babaeng nagluwal sa 'kin—na minsan ko na ring hiniling na sana hindi n'ya na lang ako pinganak.
"Narito ka na pala, anak." Mula sa 'king likuran, sumulpot ang lalakeng napaglipasan na rin ng panahon.
Ilang taon na ang lumipas, pero ang sakit sa puso ko ay hindi pa rin kumukupas. Isang dekada na ang nagdaan, pero ang mga pait ng kahapon ay nananahan pa rin sa 'king alaala.
Hindi ko alam anong dapat kong maramdaman.
I forced myself to burry all the scars of my past in the deepest part of the earth. I let myself drowned in my present full of workloads and dreams to achieve. I thought, I am already healed. Pero, unti-unti na namang bumabalik ang nakaraang puno ng pagkamuhi sa dalawang taong dapat ay umaruga sa 'kin.
"Ba't niyo ako pinatawag?" tanong ko na 'di tumitingin sa kan'ya nang diretso. Alam kong obvious na masyado ang sagot sa tanong ko.
Mismo ang boss ko ang nagbalita sa 'kin. Hindi ko alam kung pa'no ako nagawang hanapin ng lalakeng nasa harapan ko.
Ilang taon na nasa kabilang bayan lang ako. Pero 'di nila ako hinanap. Kaya, tuluyan na akong lumayo sa kanila hanggang umabot ito ng lagpas dekada. Nabuhay ako ng mag-isa sa Manila—sanay naman akong mag-isa.
Tapos, bigla na lang akong pinag-leave ng boss ko. At ito ang dahilan—namatay ang babaeng dapat nasa tabi ko nang mga panahong kailangan ko ng isang ina.
"Hi-hindi mo ba nakikita? O ayaw mo lang makita?" balik n'yang tanong sa 'kin na naging dahilan nang pagtaas ng kaliwang kilay ko.
"Ikaw pa ang may lakas ng loob na itanong sa 'kin 'yan?" pang-uuyam kong tanong.
Bastos na kung bastos. But they don't deserve my respect. Kung 'di lang ako binantaan ng boss ko, hinding hindi ako pupunta rito.
"Matagal na panahon na-"
"Matagal man o kahapon lang, wala akong pakialam," diretso kong sumbat sa kan'ya.
I left him speechless and walked towards the stairs leading up to my room. Sa bawat hakbang ko, bumabalik sa 'king isipan ang mga alaala ko sa hagdan na 'to. Nakikita ko ang batang ako na nakaupo sa pinakadulong baytang ng hagdan, nag-aabang. Naghihintay sa wala. Nag-iisa sa madilim na bahay.
Sumalubong sa 'kin ang isang portrait. Isang batang nakangiti na nasa gitna ng dalawang tao. Iniwas ko ang tingin do'n at nilibot ang kabuuang anyo ng ikalawang palapag ng aming bahay. Wala pa ring nagbago. Kung pa'no ko 'yon iniwan, gano'n pa rin sa 'king pagbalik—walang kabuhay-buhay.
Binuksan ko ang pinto ng kwartong nasa kanan. Binati ako ng isang pamilyar na amoy—ang aking masalimuot na kabataan.
Walang bahid ng alikabok.
Mapait akong napangiti. Kung kailan ako nawala, saka naman sila naging maasikaso.
That's how ironic life is.
Everyone will only remember you when you're gone.
Lumapit ako sa bintana at binuksan 'yon. Inaagaw na ng dilim ang kulay kahel na kalangitan. May mga bukas na ilaw na rin sa mga kabahayan.
Dumaan sa paningin ko ang batang ako na nakatulala sa kawalan habang nakatingin sa maaliwalas na kalangitan.
"Hoy, De Vega!" tawag ng isang bata sa labas ng bahay namin, "Ba't wala ka raw sa moving up ceremony kanina?"
Mula sa langit ay bumaba ang tingin ng batang ako sa batang lalake na nasa labas.
"Batch valedictorian ka pa naman. At ang dami mo pang award! Iiwan ko na lang dito sa may gate n'yo."
Tuluyan nang kumawala sa pisngi ko ang masaganang luha na kanina ko pa pinipigilan, dahil sa bulong ng batang ako.
"Wala namang kwenta ang mga 'yan."
"Kita na lang tayo sa Lunes," sigaw pa na batang nasa labas, "Sabay tayong mag-enroll sa malapit na high school sa bayan."
At napahagulhol na ako sa muling pagbulong ng batang ako.
"Sige. Gagalingan ko pa. Baka sakaling mapansin na nila ako at maalala nilang may anak pala sila."
Napaupo ako sa sahig at niyakap ang mga binti. Pinapagalitan ang sarili, dahil ito na naman ako. Umiiyak na parang tanga. Umiiyak ng walang nakakaalam.
Akala ko, kaya ko nang mabuhay na wala ang mga alaalang ng kahapon. Akala ko, makakaya ko nang tanggapin ang nakaraan, kaya lakas loob akong bumalik dito.
Puro akala lang pala ang lahat.
Dahil, ito na naman ako. Unti-unti na naman akong nilulunod ng mga sakit na dulot ng kahapon. Unti-unti na naman akong hinihila ng pait na sanhi ng nakaraan.
Hindi ko alam anong iniiyakan ko ngayon. Ang pagkawala n'ya ba? O dahil, kahit lumayo man ako at piliting kalimutan sila, 'di pa rin maaalis n'on ang katotohanang, parte sila ng pagkatao ko? O ang nakaraang hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ako?
Marahas akong tumayo. Hindi ako dapat maapektuhan nang ganito. Hindi ako nagpakalayo para lang sa wala. Umalis ako no'n, para makalimot at magpatuloy sa buhay. Ayokong mawalan nang saysay ang mga paghihirap ko dati na kalimutan ang panahong muntik na akong sirain.
Nakalimot na ako.
Kaya umayos ka!
Pinahid ko ang magkabilang pisngi at huminga nang malalim.
Magpapalit sana ako ng damit, pero nakalimutan kong nasa kotse pa pala ang mga gamit ko.
Baka miss mo lang talaga sila, kaya nakalimutan mong may mga dala kang gamit.
Tsk!
Inilibot ko ang mga mata sa buong kwarto. Nilapitan ko ang cabinet ko at mga damit kong maayos na nakatupi ang nabungaran ko. Natulala ako ng ilang minuto.
Pagak akong napatawa nang mahina.
Grade three pa lang ko no'n, sinubukan kong maglaba at tupiin ang mga damit ko. Pero, dahil sa murang edad ay wala akong kaalam-alam sa mga gawaing bahay.
Hindi maayos ang pagkakalaba ko at parang naglalaro lang ako. Kahit ang pagtupi ay 'di rin gano'n kaayos.
Ang makitang ganito kaayos ang mga damit ko ay parang ang sarap isumbat sa kanila.
Ngayon pa?
Grade three, nagsimula akong matuto na mabuhay nang mag-isa, kahit pa may nanay at tatay ako.
Pinikit ko nang mariin ang mga mata ko. Kinakalma ang pusong kanina pa nagwawala sa sari-saring emosyon na matagal ko nang nilibing.
Sinarado ko ang cabinet, dahil wala rin namang magkakasya sa mga damit kong luma na, pinaglumaan na rin ng kahapon.
Lumabas ako sa kwarto ko at kaagad na bumaba.
"Kain ka muna, anak," salubong ng tatay ko sa 'kin—ni Papa.
'Di ko s'ya sinagot at kaagad na lumabas ng bahay. Pumunta sa kotse ko at binuksan ang compartment. Matapos kong makuha lahat ng gamit ko ay bumalik din ako sa bahay.
"Akala ko aalis ka na," sabi ni Papa na halatang masaya na narito pa ako.
Ngumiti ako ng mapakla sa kan'ya, "Sayang naman ang bakasyon ko."
Matapos makapagbihis, long-sleeved turtleneck na pinatungan ko ng blue hooded with zipper jacket, jagger pants and black boots. Inabot pa ako ng oras, inayos ko pa kasi mga gamit ko. Mukhang magtatagal pa ako rito.
Hindi na siguro ako lalamigin nito.
Bumaba na ako at nakitang maraming tao sa sala—mga nakikiramay siguro.
Nang mapansin nila ako, nginitian nila ako pero 'di ko sila pinansin.
"Oh, ang gandang dalaga na ni—"
'Di ko na narinig ang mga sinasabi nila, dahil dire-diretso kong tinungo ang pintuan, ngunit nagulat ako sa dami ng mga tao sa labas. Abala silang lahat sa pag-aayos ng tolda, mga mesa at bangko.
May nakita akong nagsasabit ng tarpaulin sa dalawang poste ng balkonahe namin.
In the loving memory of Guadalupe De Vega.
Dali-dali kong tinungo ang kotse ko at kaagad na pumasok doon. 'Di nakaligtas sa 'king mga mata ang mga mapanuri nilang tingin.
Lalabas lang ako at hahanapin ang pake ko sa inyo!
Pumunta ako sa pinkamalapit na bar. Maliit lang ang bayan ng Santa Rosa na nasa bahaging hilaga ng Baguio. Pero, maunlad naman 'to at hindi naman nalalayo sa kung anong mayro'n ang Manila.
Pinarada ko ang kotse ko sa nakalaang parking space for customers.
Isang mild na kanta ang sumalubong sa 'kin pagkapasok ko sa bar. Sa sobrang mild n'on, maririnig mo kahit ang mga bulung-bulungan.
Bar ba ang napasukan ko o library?
Wala akong nagawa kung hindi ang umupo na lang sa barstool sa harap ng bar counter. Gusto ko lang ng mapaglilipasan ng oras. Nag-stop over naman ako kanina at kumain kaya ayos lang kung uminom ako ngayon.
Hindi ko dinala ang cellphone ko, dahil panigurado akong kukulitin lang ako ni Vanessa—ang boss ko.
"Margarita," sabi ko sa bar tender na nasa loob ng counter.
Kaagad n'ya namang sinunod ang order ko at ilang minuto pa naka-tatlong shots na ako.
"Oy? De Vega, ikaw ba 'yan?"
Nilingon ko ang babaeng tumawag sa apelyidong lagi kong naririnig na tawag sa 'kin ng mga kaklase ko noon.
Pamilyar s'ya, pero 'di ko na matandaan ang pangalan n'ya. Umupo s'ya sa katabing barstool.
'Di ko s'ya pinansin at kumuha ng isang stick ng sigarilyo sa dala kong pouch. Sinindihan 'yon at saka humithit ng usok mula ro'n.
"Woah! Ang classmate naming tahimik at matalino, bad girl na ngayon!"
Eh kung gawin ko kayang ashtray bibig nito?
"Balita ko, nagta-trabaho ka sa isang publishing company."
Lilipat na sana ako ng pwesto para ipakita sa kan'yang wala s'yang kwentang kausap, pero natigilan ako sa sumunod n'yang sinabi.
"Anong klase kang anak? Nagpapakasarap dito samantalang namatay 'yong nanay mo na ikaw ang hinahanap," sabi n'ya, "Anyway, condolence pala."
Nag-init ang ulo ko, dahil sa una n'yang sinabi.
Tatalikod na sana s'ya pero napalingon ulit s'ya, dahil sa sinabi ko, "Condolence din sa 'yo."
Bago pa s'ya makapagsalita, tinapon ko na sa kan'ya ang laman ng shot glass na hawak ko.
"Sh*t!"
Susugurin n'ya sana ako pero tumama na ang kamao ko sa mukha n'ya at natumba s'ya na dumudugo ang ilong.
"Sabi sa 'yo, eh. Condolence."