CHAPTER SIX
"WHY DID Camya and Carson share the same reaction?" tanong ni Thirdy habang nakasunod pa rin siya sa likuran nito. Sa unahan ay nakita na niya si Manang Lory na namimili ng mga manok at karne sa meat section.
"Magkapatid kasi sila," pabirong sabi niya sa kabila ng pagiging kabado. "Alam niyo na, mahilig ding mang-trip ang mga 'yon, Sir."
"Do you have siblings, Noelle?" tanong pa ni Thirdy.
"Meron akong isang kapatid na babae, Sir. Bakit niyo natanong?"
"I wonder what it feels like to have one."
Ginanahan tuloy siyang magkwento. "Masaya naman, Sir! Noong mga mas bata pa kami, madalas kaming mag-away lalo na sa mga maliliit at walang kwentang bagay. Pero dahil ako ang nakakatanda, ako ang palaging nagpaparaya." Hindi niya napigilan ang mapangiti nang maalala ang mukha ng kapatid niyang si Reina. "Ganunpaman, hinding-hindi ko ipagpapalit ang kapatid kong 'yon, Sir. Nami-miss ko na nga 'yon, eh. Ang tagal na naming hindi nagkita."
"Nasaan ba ang sister mong 'yon?"
"Nasa probinsiya po namin sa Antique kasama ng Mama namin."
Huli niyang nakasama ang kapatid Pasko noong nakaraang taon. Umuwi siya sa mga ito dahil iyon lang ang pagkakataon niya. Hindi kasi sila kayang pag-aralin ng sabay ng Mama nila kaya kinuha siya ng Tita Anecita niya. Ayaw man niyang mapalayo sa mga ito, wala siyang choice. Kailangang magkaroon siya ng magandang kinabukasan para tulungan ang ina at ang kapatid niya.
"Are you sad?"
Napakurap siya nang matauhan. Nakahinto na pala silang pareho at si Thirdy ay titig na titig sa kanya. Nakaramdam tuloy siya ng pagkailang.
Sunod-sunod siyang umiling. "H-hindi naman, Sir. Nami-miss ko lang ang Mama at si Reina."
"I envy you," sabi nito bago ito nagpatuloy sa paglalakad sa direksiyon ni Manang Lory.
"Po? Bakit naman?" takang tanong niya at sumunod dito.
"I never had the chance to have a sister or a brother."
"Bakit naman, Sir?"
'Yong lahi mong 'yan, hindi dapat 'yan tinitipid, eh!, saloob niya.
"Because I'm not as lucky as anyone else," sagot nito na may kasamang pagkibit ng balikat.
Naguluhan tuloy siya. Ito, hindi swerte? Imposible!
Gusto sana niya itong tanungin pa pero hindi naman niya pwedeng kalimutang driver lang siya nito.
Alam ko na. Si Manang Lory na lang ang tatanungin ko!
Busy siya sa balak na iyon sa isip niya kaya kamuntikan na niyang makalimutan ang napkin niya. Basta na lang siyang humablot ng favorite niyang brand nang madaanan nila ang hanay niyon.
NANG matapos silang mamili ay nagpasya silang doon na lang din sa mall mananghalian.
Wala talagang gustong palampasin ang kakisigang taglay ng boss niya dahil napasunod agad ang tingin ng karamihan sa mga customers pagpasok na pagpasok pa lang nila.
Napakaraming tao nang mga oras na iyon pero mabuti na lang at nakahanap sila ng bakanteng mesa. Bago sila tumuloy doon ay nailagay na nila sa kotse ang mga pinamili nila para wala nang hassle. Para sa apat ang mesa na inokupa nila. Mula sa glass wall ng restaurant ay kitang-kita niya ang mga nakasakay sa escalator. Kaharap niya si Manang at nasa kanan naman niya si Thirdy.
"Halika, Noelle, samahan mo 'kong mag-order," yaya ni Manang Lory sa kanya.
Nauna pa siyang tumayo kay Manang at nagulat siya nang maging si Thirdy ay tumayo rin.
"Kami na lang ni Noelle, Manang," sabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya.
"Ikaw na lang ang maiwan dito. Ako na lang ang sasama kay Noelle," sabi pa nito.
Hindi naman niya nakitaan ng pagtutol si Manang Lory. Pabor din kasi sa kanya iyon sa totoo lang.
"Kayong bahala, mga bata."
"Let's go, Noelle," ani Thirdy at nagpatiuna.
"Okay, Sir."
Nang maunang humakbang si Thirdy ay panakaw silang nagkindatan ni Manang.
Dahil halos puno na ang restaurant, halos naka-order na rin lahat ng mga customers kaya naman maikli na lang ang pila.
"Ang cute n'ong guy," narinig niyang bulong ng isang babae sa kaibigan nito. Nasa katabing pila naman nila ang mga ito.
"Oo nga. Parang artista," kinikilig na sang-ayon naman ng kaibigan ng babae.
"May girlfriend na kaya siya? Hingan natin ng number."
"Ikaw na. Nahihiya ako, eh."
Dahil nasa likuran niya si Thirdy, hindi niya inasahan ang ginawa nito. Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at bumulong sa tenga niya.
"Do they serve coffee here?"
Nang tumama ang mainit na hininga nito sa balat niya ay nagsitayuan ang balahibo sa kanyang batok.
Sa isang iglap ay nanigas siya sa kinatatayuan kaya hindi agad siya nakasagot!
"Hey."
Bahagya pa nitong sinilip ang mukha niya.
"A-ah," she cleared her throat, "k-kung ngayon ang ibig mong sabihin, I-I don't think so, Sir."
"Why?"
"K-kasi ang opening hour talaga ng mga ganitong restaurant is papunta nang lunch time so obviously, um, wala silang menu for breakfast. H-hindi lang ako sure kung mamayang hapon meron silang kape sa menu."
Ganoon kasi sa restaurant na mina-manage niya. Maaga silang nagbubukas kaya meron silang menu for breakfast hanggang dinner.
Maingat siyang nagbuntong-hininga.
Pambihira. Aatakehin yata ako sa puso.
"I see," parang walang anumang sabi ni Thirdy at pasimple siyang binitiwan.
Nang sulyapan niya ang dalawang babae sa katabing linya ay halatang dismayado ang mga ito. Ginawa ba 'yon ni Thirdy on purpose?
Tuloy, hindi na normal ang sistema niya!
Sir Thirdy talaga, o.
-PSST! Nandito ka na rin lang, dumaan ka na rin ng bookstore. Bili ka ng new release ko. Royalty rin 'yon. Utang na loob.
Napailing siya sa text na iyon ni Camya habang nasa kalagitnaan sila ng pagkain. Ibang klase talaga ito dahil buo kung mag-text.
-Hnd q p sweldo, g**g!, reply naman niya.
-Kaya nga utang na loob, 'di ba?
Napailing na lang siya.
Nang magpasya na silang umuwi ay nagpaalam siyang dadaan ng bookstore. Siyempre, hindi naman niya ito pwedeng biguin. Magantihan man lang niya ang malaking pabor na ginawa nito para sa kanya.
Para naman may iba siyang paglibangan kapag hindi niya ipinagda-drive si Thirdy. Palagi na lang kasi siyang maraming bakanteng oras.
Habang nagda-drive sa tabi niya si Thirdy ay binasa niya ang teaser sa likuran ng dalawang librong nabili niya. Napangiti agad siya. Camya never fails to put humor kahit na teaser pa lamang iyon.
"That looks interesting," narinig niyang komento ni Thirdy.
Nahuli niya ang pagsulyap nito sa libro nang mapatingin siya rito.
Lalong lumapad ang ngiti niya.
"Ang galing ng illustrator, 'no? Parang manga lang ang dating. Alam mo, Sir, si Camya ang writer nito."
"Really?" manghang anito.
"She writes for a living. College pa lang kami nagsusulat na siya ng mga scripts para sa play pero tumigil na siya at nagsulat na lang ng pop novels."
"Mayaman naman ang grandfather nila ni Carson. Why did she choose to be a writer to support herself if she's already an heiress?"
Napabuntong-hininga siya. "Actually, Sir, inuna pa kasi n'on ang pride niya. Para makuha ang mana niya, kailangan niyang pakasalan ang lalaking pinili ng lolo nila para sa kanya."
"And that guy is the one she's with?"
"But Takeru is not an ordinary guy, Sir. He's huge!" Ikinumpas pa niya ang mga kamay na para bang may lalabas na confetti doon.
Natawa nang mahina si Thirdy. Lihim naman niyang napagalitan ang sarili. Napa-english na naman kasi siya.
"Then how come ayaw pa rin niyang magpakasal?"
"Kasi ayaw niyang lolo niya ang nagdedesisyon para sa kanya, Sir. Bahala na raw na mamulubi siya basta't walang makakapagdikta sa kanya ng dapat niyang gawin." Nahampas niya ang noo ng libro. "Grabe, ang daldal ko."
"It's fine, Noelle," he said smiling.
Itinapat niya sa kanyang ilong ang libro at pasimpleng nakagat ang ibabang labi. Bakit ba hindi niya mapigilan ang magkwento kapag ito ang kausap niya?
TINULUNGAN niya si Manang Lory na mag-ayos ng mga pinamili nila sa kusina. Si Thirdy naman ay nanatili sa sala habang kausap sa phone ang pinsan nitong tinawag nitong 'Cedfrey'.
"Bakit nga po ba walang mga kapatid si Sir, Manang?" tanong niya habang tinutulungan itong ilabas mula sa supot ang mga pinamili nila.
Saglit lang na napatigil si Manang Lory at saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Ang totoo niyan, hija, ang pamilya niya ang dahilan kung bakit mas pinili na lang niyang sa Amerika manirahan. Trese lang siya noong mamatay ang Mommy niya dahil sa sakit sa puso. Mahina kasi ang puso noon ni Ma'am Emerald. Minsan na ring nalagay sa peligro ang buhay niya noong ipinagbubuntis pa lang niya si Thirdy kaya hindi na nagkaroon ng kapatid ang batang 'yon." Wala sa loob na sinulyapan nito ang direksiyon ng sala sa huling sinabi.
"Mahal na mahal po siguro niya ang Mom niya, 'no?" aniya at tinupi ang plastik na wala nang laman.
"Sinabi mo pa, hija. Larawan talaga sila ng isang perpektong pamilya noon pero may nangyaring hindi inaasahan. Lumala ang kondisyon ni Ma'am Emerald sa pagtagal ng panahon. Noong inoperahan siya at kinabitan ng bagong puso, ni-reject ng katawan niya iyon matapos lang ang isang buwan kaya binawian din siya ng buhay kalaunan." Malungkot itong bumuntong-hininga. "Ang buhay talaga ng tao." Napalatak pa ito at umiling-iling.
Parang may kumurot sa puso niya sa nalaman. Ibig sabihin ay nagbinata lang si Thirdy na wala ang pag-aaruga ng isang tunay na ina pagkatapos ng nangyari. Ano kaya ang naging pakiramdam nito?
"Pagkatapos no'n, Manang, ano'ng nangyari?" tanong pa niya.
"Hayun, nakakalungkot talaga--"
"Manang, I was expecting a delivery since yesterday," sabat ni Thirdy na nasa pintuan na pala ng kusina habang nakasandal sa hamba niyon. "May dumating ba?"
Mukha itong supermodel sa ganoong posisyon nang lumingon siya.
My gosh, busog na busog na talaga ako.
Natampal naman ni Manang Lory ang noo. "Makakalimutan na talaga ako! Itinabi ko nga pala iyon sa drawer ng table mo."
Napaayos naman ito ng tayo. "Thanks, Manang."
"Ano ba ang mga iyon? Ha?"
"Just DVDs," he said with a shrug bago tumalikod.
Bahagya pang inilapit ni Manang ang mukha nito sa tenga niya at bumulong.
"Parang DVDs lang, um-order pa talaga galing sa Amerika eh marami naman diyang nabibili sa tabi-tabi. Mas mura pa!"
Napahagikhik na lang siya.
KASALUKUYAN siyang nagbabasa sa higaan nang mag-ring ang cellphone niyang ipinatong lang niya sa bedside table. Katatapos lang nilang mag-dinner. Nasa kwarto na nito si Thirdy dahil may pinag-aaralan itong report daw. Bago kasi sila maghapunan ay narinig pa niya itong kausap ang isa pa nitong pinsan na tinawag nitong 'Ziggy'. Imbes naman na samahan si Manang Lory na manood ng telenovela ay pinili na lang niyang magbasa.
She had this impression kasi na ginagawa nang exaggerated ang mga eksena para lang humaba ang mga soap opera. Idagdag pa ang mga damsel-in-distress na heroine at morbid na villain. Nabubwisit siya sa mga ganoon. Kaya nga ba, hindi man sa nagpapakalansang isda, mas gusto pa niyang manood ng mga Asianovela. At kung si Camya ang tatanungin ay sasang-ayunan agad siya nito.
And speaking of Camya, pangalan nito ang nasa screen ng phone niya.
"Hel--"
"Marami kang ipapaliwanag sa akin," sabi naman nito.
"Low, Camya."
Kung minsan talaga, may pagkalapastangan si Camya. Pero dahil magkaibigan sila nitong tunay, tanggap na niya ang ugali nitong iyon.
"Alam na ba 'to ni Kuya Carson?" tanong pa ng kaibigan niya.
Sumandal siya sa headboard ng kama. "Actually, mas nauna pa niyang malaman kaysa sa'yo."
"Talaga?" manghang anito. Nai-imagine na niya ang paghimas ni Camya sa baba nito. "Kung gano'n bakit hindi man lang niya 'ko kinompronta? Himala. Napapayag mo agad siyang pagtakpan ka sa kalokohan mo?"
Nakagat niya ang ibabang labi at napakamot sa gilid ng kanyang ilong. Talagang hindi ito susumbatan ni Carson. Ipinagkanulo niya ito, eh.
"N-nagkataon kasing maganda ang mood ni Kuya, eh. Hindi nga ako makapaniwala," pagsisinungaling niya. Itinakip niya ang nakabukas na libro sa kanyang bibig at hininaan ang boses. "Ang akala ko talaga ibubuking na niya 'ko. Ehehe. Buti na lang hindi."
"Baka naman may hininging kapalit ang lokong 'yon?"
Napaalumpihit siya. "W-wala, 'no! Ikaw naman. Ganoon na ba talaga kasama ang tingin mo sa kuya mo?"
"Mas malala pa siya sa masama, 'no!"
"Ikaw talaga, Camya," pabirong sabi niya pero sa totoo lang ay hindi na siya komportable. "Magbabago rin si Kuya Carson. Kailangan lang n'on na ma-in love nang totoo."
"Malabo 'yon."
Gusto sana niyang sumang-ayon dito pero next time na lang.
"Umaandar na naman 'yang pagka-cynical mo," sabi na lang niya.
"So totoo ngang sawa ka na sa buhay mo," sabi naman nito.
Ipinatong niya ang libro sa mesa at isinara iyon.
"Isang buwan ko lang namang gagawin 'to kung papalarin ako, eh. Pagkatapos n'on, balik na uli ako sa dati kong buhay."
Huh, parang ang dali-dali lang ng sinabi ko.
"Sigurado ka? Paano kung ma-attached ka na riyan sa boss mo? Fafable pa naman 'yan. Hero-material lang."
Nanlaki ang mga mata niya. Dumampot siya ng unan sa tabi niya at iniharang iyon sa kanyang bibig.
"Iniisip mo bang mai-in love ako sa kanya?" hindi makapaniwalang sabi niya.
"Imposible ba?"
Nahimigan niya ang ngisi nito sa kabilang linya. She rolled her eyeballs.
"Wala sa plano ko ang ma-in love kay Thirdy," mariing sabi niya.
"Wala rin sa plano mo ang maging driver. Basta mo na lang 'yong naisip."
"Ewan ko sa'yo!"
"'Wag ka namang ganyan, Radee. Nag-iisip na 'ko ng magandang plot para sa'yo."
"Oh, shut up, Camya!"
Ang lakas naman ng tawa nito.